Huwebes, Enero 1, 2015

Ang Tagapamagitan Ng Mga Tunay Na Cristiano

Ang Tagapamagitan Ng Mga Tunay Na Cristiano

Sinulat ni ALBERTO P. GONZALES

MALIMIT NA NAITATANONG ng maraming nagsusuri ng relihiyon, lalo na sa Iglesia ni Cristo, kung ano raw ba ang ikinaiiba nito kung ihahambing sa ibang mga relihiyon, gaya ng Iglesia Katolika?  Sa artikulong ito ay bibigyang-linaw at sasagutin ang isyung ito sa paraang ganito:  ilalahad at paghahambingin natin ang magkaibang aral ng Iglesia ni Cristo at ng Iglesia Katolika tungkol sa kung ilan at sinu-sino ang Tagapamagitan ng tao sa Diyos.  Sa ganitong paraan, maging bukas ang isipan ng maraming tao upang lubos nilang maunawaan, masampalatayanan ang totoong aral at higit sa lahat, upang maisakatuparan ang wastong paglilingkod sa Diyos sa ikapagtatamo ng minimithing kaligtasan.
     May iisang Tagapamagitan ang mga unang Cristiano na gaya rin naman ng Iglesia ni Cristo sa kasalukuyan na di tulad ng Iglesia Katolika na maraming kinikilalang Tagapamagitan.  Sino ang iisang Tagapamagitan ng Iglesia ni Cristo at sinu-sino naman ang mga tagapamagitan o pintakasi ng Iglesia Katolika?

Ang Tagapamagitan ng mga unang Cristiano
Itinuro ni Apostol Pablo ang tungkol sa Tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao:
     “Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus.” (I Tim. 2:5)
     Sa pahayag na ito ni Apostol Pablo ay maliwanag na iisa ang kinikilala ng mga unang Cristiano na Tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao—ang taong si Cristo Jesus.
     Ito ay natutuhan ng mga apostol mula sa Panginoong Jesus mismo.  Ipinakilala ni Cristo mismo na wala nang ibang Tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao kundi Siya lamang (Juan 15:16).  Sinuman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan Niya (Juan 14:6).  Itinuro rin ng mga apostol ang katangian ni Cristo bilang Tagapamagitan—lagi Siyang nabubuhay upang mamagitan (Heb. 7:25).  Ang mga unang Cristiano ay walang ibang kinilala at ipinakilalang Tagapamagitan kundi si Jesus lamang.

Ang mga tagapamagitan ng Iglesia Katolika
Sa Catesismo ng Iglesia Katolika ay sinasabi ang ganito:  “Ako’y makasalanan, ako’y magkukumpisal sa ating Panginoong Dios na makapangyayari sa lahat, kay Sta. Mariang Virgen, kay San Miguel Arcangel, kay San Juan Bautista at sa mga Santos Apostoles, kay San Pedro, kay San Pablo at kay San Agustin Ama natin, sa lahat ng Santos at sa iyo, Padre, nagkasala ako sa panimdim, sa pagwika at sa paggawa, ako ngani’y sala, ako’y makasalanan, sala nga akong lubha.  Kaya nga yata nananalangin ako kay Santa Mariang Virgen, kay San Miguel Arcangel, kay San Juan Bautista at sa mga Santos Apostoles, kay San Pedro, kay San Pablo, kay San Agustin Ama natin, at sa lahat ng Santos na ako’y ipanalangin nila at ikaw naman Padre, ako’y ipanalangin mo sa ating Panginoong Dios, yamang kahalili ka ng Dios dito sa lupa, ako’y kalagan mo sa kasalanan ko at parusahan mo ako. Amen Jesus.” (Catesismong Tagalog, p. 16)

     Sa isa pang aklat-Katoliko ay sinasabi ang ganito: 
“ANG PAGGALANG AT PAGDALANGIN NATIN SA MGA SANTO SA LANGIT
     “Itinuturo ng Santa Iglesia Katolika na ang paggalang at pagdalangin sa mga santo sa langit ay lubhang magaling at pinakikinabangan ng ating kaluluwa …  Tayo’y dumadalangin sa mga santo upang sila’y mamanhik at mamagitan sa Dios ng mga grasia at biyaya para sa atin.
     “Dinadalangin natin ang mahal na virgen at ang ibang santo sa langit, upang siya’y papurihan natin at ilagay na tagapamagitan natin sa harapan ng Dios.”  (Siya ang Inyong Pakinggan:  Ang Aral Na Katoliko,” pp. 115, 237)
     Ilan ang kinikilalang mga tagapamagitan sa Iglesia Katolika?  Kung gaano karami ang kinikilala nilang mga santo at santa ay iyon din ang bilang ng kanilang tagapamagitan.  Kaya, sa Iglesia Katolika, ang iba’t ibang pangangailangan at kahilingan ay sa iba’t ibang patron nila idinudulog sa paniniwala nila na ang mga ito ang makapamagitan para sa kanila.  Samantala, sa Biblia ay malinaw na nakasulat na iisa lamang ang Tagapamagitan na dapat nating lapitan at dalanginan—walang iba kundi ang Panginoong Jesucristo.
     Tahasang pagsalungat sa aral ng Biblia ang ginawang pagkilala ng Iglesia Katolika sa ibang tagapamagitan.  Ayon sa kanila, ang pinakamabisa raw sa mga ginawa o itinuro nilang tagapamagitan ay si Maria na ina ni Jesus:
     “Si San Anselmo ay gumawa ng isang pahayag na sa pasimula ay nakapagtataka: ‘Malimit na lalong madaling tamuhin natin ang ating hinihingi sa pamamagitan ng pagtawag sa pangalan ni Maria kaysa manawagan sa pangalan ni Jesus.’” (Glories and Virtues of Mary, p. 201).
     Malimit daw na lalong madaling tamuhin ang kanilang hinihingi sa pamamagitan ng pagtawag sa pangalan ni Maria kaysa manawagan sa pangalan ni Jesus.  Labis-labis na karangalan ang ibinibigay ng Iglesia katolika kay Maria anupa’t pati raw ang Diyos ay sumusunod sa kaniyang utos.  Hindi raw mabibigo ang dumadalangin kay Maria dahil ipagkakaloob daw ng Diyos ang dalangin ni Maria na waring ito ay mga utos na dapat sundin ng Diyos.
     Ganito ang sabi sa kanilang aklat:
    “Ipinahahayag ni San Bernardino ng Siena na ang lahat ay sumusunod sa mga utos ni Maria, maging ang Diyos;  ang ibig niyang ipakahulugan dito ay ipinagkakaloob ng Diyos ang kaniyang dalangin na waring ang mga yaon ay mga utos.” (Ibid, p. 177)
Ang ganitong pagkilala kay Maria ay hindi iniukol sa kaniya ng mga unang Cristiano.  At mismong mga mananalaysay-Katoliko ang nagpapatunay nito:
     “Isang katotohanan ang kinilala at ito ay inaamin ng bawat mananalaysay ng Unang Iglesia:  sa unang pagsambang Kristiano, ang katayuang inilaan kay Maria ay lubhang maliit.
     “… sa anumang kahulugan, hindi siya lumagay sa katayuang hawak niya ngayon.  Hanggang noong may ikaapat na siglo, waring wala nang tiyak na ritual patungkol kay Maria, at lubhang totoo kung sabihing ang kaniyang alaala ay pinahalagahan ng hindi hihigit sa isa o dalawang kapistahan.” (The Book of Mary, p. 69)
     Hanggang noong ikaapat na siglo, sinasabing maliit ang katayuang inilaan kay Maria ng “unang Iglesia.”  Pagkatapos ng ikalimang siglo, ang dating katayuan ni Maria na iniukol ng “unang Iglesia” ay hindi na katulad ng dati.  Sumulong nang napakalaki ang pagpaparangal at pamimintakasi ng mga katoliko kay Maria (Ibid., p. 78).
     Tiyak na hindi aral o utos ng Diyos ang mga nabanggit na ginawang parangal, pagdakila, at pagsamba kay Maria sa loob ng Iglesia katolika.  Wala at salungat pa nga sa itinuturo ng Biblia ang aral na ito.  Si Maria mismo na ina ni Jesus ay walang kinalaman sa lahat ng ito—na pawang mga aral at utos lamang ng tao.

Ang pasiya ng Diyos
Sa mga aral at utos ng tao
May pasiya na ang Diyos sa mga pagsambang iniuukol sa Kaniya na salig sa mga utos lamang ng tao:
     “Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.” (Mat. 15:9)
     Ang akala ng marami ay ikababanal nila ang kanilang pamimintakasi sa mga tinatawag nilang santo at santa, kasama na si Maria.  Ang paniniwala nila ay mabisa ang mga pananalangin sa Diyos sa pangalan ng mga ito.  Ngunit tiniyak ng Diyos na ang lahat ng iyon ay walang kabuluhan.
     Dahil dito, may itinatagubilin ang mga apostol tungkol sa ating ginagawang mga pagsamba at paglilingkod sa Diyos upang hindi masinsay sa katotohanan:

     “Na huwag mangakinig sa mga katha ng mga Judio, at sa mga utos ng mga tao na nangagsisisinsay sa katotohanan. (Tito 1:14)

     Kaya, ang ating tanggapin at pagbatayan ay kung ano lamang ang sinasabi ng Biblia upang hindi tayo malihis sa mga tunay na aral ng Diyos.  Hindi tayo dapat maakit na manambahan sa mga sinasabing santo at santa ng Iglesia Katolika dahil sa ang mga ito diumano’y milagroso o milagrosa.  Sa halip, manghawak tayo sa katotohanan ng Diyos na nakasulat sa Biblia.  Tandaan natin na parurusahan ang sinumang pumili sa kasinungalingan sa halip na sa katotohanan:

     “Lilitaw ang Suwail na taglay ang kapangyarihan ni Satanas.  Gagawa siya ng lahat ng uri ng himala at nakalilinlang na tanda at kababalaghan.  At gagamit siya ng lahat ng uri ng pandaraya sa mga mapapahamak—mga taong maliligtas sana kung kanilang tinanggap at inibig ang katotohanan.  Sapagkat hindi nila tinanggap ang katotohanan, ipinaubaya ng Diyos na sila’y malinlang ng espiritu ng kamalian at papaniwalain sa kasinungalingan upang maparusahan ang lahat ng pumili sa kasamaan sa halip na tumanggap sa katotohanan.”  (II Tes. 2:9-12, Magandang Balita Biblia)

     Kapag dahil sa mga diumano’y pagpapakita ng mga himala, pagpapagaling, at iba pang mga milagro ng mga diumano’y santo ay naaakit ang tao na gawin at paniwalaan ang labag sa mga aral ng Diyos na nakasulat sa Biblia, tulad ng pagtatakuwil sa Panginoong Jesucristo bilang iisang Tagapamagitan, tinitiyak ng mga apostol na ang gayon ay mapapahamak.  Ang mga ito’y hindi himala na mula sa Diyos, kundi mula sa Diablo.  Ang aral na nakasulat sa Biblia ang dapat na maging batayan ng paniniwala at pananampalataya.
     Kaya, sa paglilingkod sa Diyos, huwag tayong manghahawak sa sarili nating palagay, pakiramdam, o kuru-kuro.  Ang tanggapin natin ay ang katotohanan ng Diyos na nakasulat sa Biblia upang hindi tayo madaya ng kasinungalingan at hindi mapabilang sa mga parurusahan ng Diyos.

Pasugo God’s Message/January 2005/Pages 24-26/Volume 57/Number 1/ISSN 0116-1636