Huwebes, Enero 29, 2015

At Papasok At Lalabas, At Makasusumpong Ng Pastulan


‘AT PAPASOK AT LALABAS, AT MAKASUSUMPONG NG PASTULAN’
Isang pagtalakay sa nilalaman ng ikalawang bahagi ng Juan 10:9

Sinulat ni MARLEX C. CANTOR

ANG ISA SA MGA TALATA ng Biblia na nagpapatotoo na mahalaga at kailangan ang pagpasok sa Iglesia upang matamo ng tao ang pagliligtas ng Panginoong Jesucristo ay ang nasusulat sa Juan 10:9.  Sa unang bahagi ng talata—kung saan sinabi ng Panginoon na, “Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya’y maliligtas …”—ay isinasaad ang pangako ni Cristo na ang maliligtas ay yaong mga nagsipasok sa Kaniya, samakatuwid baga’y, ang mga napaloob sa kawan, na walang iba kundi ang Iglesia ni Cristo (Juan 10:7; 10:9, Revised English Bible; Gawa 20:28, Lamsa Translation).

Gayunman, hindi malinaw sa iba ang kahulugan ng karugtong na bahagi ng talatang Juan 10:9—“… at papasok at lalabas, at makasusumpong ng pastulan.”  Mayroong iba na ang pakahulugan ay may halong pamimilosopo:  kaya raw sinabing “papasok at lalabas at makasusumpong ng pastulan” ay dahil nasa loob ng kulungan ang mga nagsipasok kay Cristo at kinakailangang ilabas upang mapastulan, kagaya raw ng ginagawa sa mga literal na kawan ng tupa.  Sinasabi naman ng ibang mga manunuligsa sa Iglesia ni Cristo:  kung ang pagpasok daw na tinutukoy sa bahaging iyon ng talata ay ang pagpasok sa Iglesia ni Cristo, kung gayon, ang paglabas daw na tinutukoy ay ang paglabas din ng Iglesia ni Cristo para makasumpong ng pastulan.  Ang konklusyon nila:  ang mga pumasok sa Iglesia ni Cristo ay dapat daw lumabas para maligtas.

Ano ang kamalian ng ganitong pakahulugan?  Lilitaw na sinasalungat ng Panginoong Jesucristo ang mismong ipinahayag Niya.  Sa isang banda’y sinasabi Niyang ang pumasok sa Kaniya’y maliligtas; at sa kabilang dako naman, ay pinalilitaw na sinasabi Niyang ang kailangan ay pumasok at pagkatapos ay lumabas?  Imposible!  Si Cristo ay hindi kailanman magsasalita ng daya o ng kasinungalingan (I Ped. 2:21).  Wala rin Siyang itinuro na dapat lumabas sa Iglesia upang maligtas.  Bagkus sinabi pa nga Niya na ang mahiwalay sa Kaniya ay gaya ng sanga na nahiwalay sa puno—matutuyo, titipunin at ihahagis sa apoy o sa kaparusahang walang hanggan (Juan 15:5-6; Apoc. 21:8).

Ano, kung gayon, ang kahulugan ng sinabing iyon ng Panginoong Jesucristo sa Juan 10:9?  Ayon sa Panginoong Jesucristo, ang mga taong nagsipasok sa Kaniya na pinangakuan Niyang maliligtas ay mayroong papasukan at paglabas nila roon ay makasusumpong sila ng pastulan.

Saan ba nakatakdang pumasok hindi lamang ang mga umanib sa Iglesia ni Cristo kundi maging ang lahat ng tao?  Sa Isaias 38:10 ay ganito ang sinasabi:

“Aking sinabi:  Sa kasibulan ng aking mga kaarawan ay papasok ako sa pintuan ng libingan:  Ako’y nabawahan sa nalalabi ng aking mga taon.” (Ang Biblia, 1909 edition)

Lahat ng tao ay nakatakdang pumasok sa libingan o mamatay bilang kabayaran ng kasalanan (Roma 5:12; 6:23).  At kung paanong itinakda ng Diyos sa mga tao ang kamatayan, “pagkatapos nito ay ang paghuhukom” (Heb. 9:27).  Gayunman, ang kahigitan ng mga nagsipasok kay Cristo o umanib sa Kaniyang Iglesia ay tiyak na lalabas sila sa libingan at makasusumpong ng pastulan sapagkat tiniyak ni Cristo na ang Kaniyang Iglesia ay hindi pananaigan ng kapangyarihan ng kamatayan.  Sa Mateo 16:18 ay sinasabi Niya:

“At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan.” (Magandang Balita Biblia)

Ito ang kahulugan ng sinabi ng Panginoong Jesucristo sa Juan 10:9:  Sapagkat ang mga nagsipasok sa Kaniya o ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ang pinangakuan Niya ng kaligtasan, “papasok” man sila sa libingan ay “lalabas” din sila roon o muling mabubuhay.  Magaganap ito sa Kaniyang ikalawang pagparito:

“Sapagka’t ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios:  at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli.” (I Tes. 4:16)

Bakit naman sinabi na ang mga nasa kawan o Iglesia ni Cristo na papasok at lalabas sa libingan ay “makasusumpong ng pastulan”?

Dalawa ang uri ng pagkabuhay na muli—ang una’y sa buhay na walang hanggan at ang isa pa ay sa paghatol o walang hanggang kaparusan:   “… sapagka’t dumarating ang oras na ang lahat ng nangasa libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig, At magsisilabas; ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na maguli sa buhay; at ang mga nagsigawa ng masama, ay sa pagkabuhay na maguli sa paghatol” (Juan 5:28-29).  Ang mga kay Cristo ay kasama sa unang pagkabuhay na muli at sila ang dadalhin Niya upang manirahan sa Bayang Banal, sa bagong langit at lupa (I Tes. 4:16-17; Apoc. 21:1-4).  Kaya, sa muling pagkabuhay ay hindi na sila magugutom o mauuhaw o mamamatay man sapagkat si Cristo, na magiging pastor nila, ay papatnugutan o papastulan sila sa mga bukal ng tubig ng buhay (Apoc. 7:16-17).  Ito ang pastulang masusumpungan nila sa Bayang Banal na ipinangako ng Diyos sa Kaniyang mga hinirang.

Samakatuwid, malinaw na sa Juan 10:9 ay nakasaad ang pangakong kaligtasan ni Cristo sa mga nagsipasok sa Kaniya o umanib sa Kaniyang Iglesia at kung ano ang nakatakda nilang pagdaraanan upang  makamit ito.  Papasok sila at lalabas sa libingan—mamamatay ngunit muling mabubuhay—at maninirahan sa Bayang Banal na pinapatnugutan ng tubig ng buhay—ang “sariwang pastulan” (Awit 23:2) na kanilang pinakaaasam. *

Kinopya mula sa PASUGO GOD’S MESSAGE/JANUARY 2009/PAGES 24-25/VOLUME 61/NUMBER 1/ISSN 0116-1636