Miyerkules, Enero 21, 2015

UKOL KAY MARIA: PINAHAHALAGAHAN ANG ISANG NILALANG LAMANG NANG HIGIT PA SA DIYOS AT KAY CRISTO

UKOL KAY MARIA:  PINAHAHALAGAHAN
ANG ISANG NILALANG LAMANG NANG
HIGIT PA SA DIYOS AT KAY CRISTO

Sinulat ni BENJAMIN SANTIAGO SR.

NAPAKARAMI ang mga katangiang ipinatutungkol ng Iglesia Katolika kay Mariang Ina ni Jesus.  Iba’t iba ang mga katawagang ikinapit sa kaniya bilang pagpaparangal, pagpuri at pagsamba.  Pati na ang mga katangiang nauukol lamang sa Diyos at sa ating Panginoong Jesucristo ay ikinapit na rin kay Maria.  Marahil ay upang pagpapaalalahanan ang mga Katoliko na pag-ibayuhin ang pamimitagan at pamimintakasi sa kaniya.

Ano ang pagkakilala ng Iglesia Katolika kay Mariang ina ni Jesus?  Sa isang aklat na pinamagatang Glories and Virtues of Mary, sinulat ng isang pareng Katoliko na ang pangala’y J. Alberione, may Nihil Obstat ng pareng si Joseph Villena, may Imprimatur ni Richard J.  Cushing, arsobispo ng Boston, at may Reimprimatur ni Rufino J. Cardinal Santos, ganito ang sinasabi sa pahina 150:

“Mary had a fullness of grace for all men; she was destined to be the universal mediatrix between the Son of God and us.”

Sa Pilipino:

“Si Maria ay nagkaroon ng kaganapan ng mga biyaya para sa lahat ng tao; siya ay itinalaga upang maging pambuong daigdig na tagapamagitang babae sa Anak ng Diyos sa atin.”

Tinatanggap ba ng mga apostol ang aral na ito ng Iglesia Katolika?  Itinuro ba nila na si Maria ay tagapamagitan sa Anak ng Diyos at sa atin?  Ganito ang pahayag ni Apostol Juan:

“Mumunti kong mga anak, ang mga bagay na ito ay isinusulat ko sa inyo upang kayo'y huwag mangagkasala. At kung ang sinoman ay magkasala, ay may Tagapamagitan tayo sa Ama, si Jesucristo ang matuwid. (I Juan 2:1)

Ang itinuro ni Apostol Juan na Tagapamagitan kung tayo’y magkasala ay ang ating Panginoong Jesucristo—hindi si Maria.

Sino naman at ilan ang Tagapamagitan sa Diyos at sa  mga tao na itinuro ni Apostol Pablo?  Sa I Tim. 2:5, ay ganito ang sinasabi:

“Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus.

IIsa lamang—hindi marami—ang itinuro ni Apostol Pablo na Tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus—hindi si Maria.  Isa itong katunayan na ang katangiang tanging kay Cristo nauukol ay ikinapit kay Maria.  Hindi ito kasalanan ni Maria.  Walang kamalay-malay si Maria sa ginawa sa kaniya ng mga pare!

Ano ang isang katawagan na ikinapit ng Iglesia Katolika kay Mariang ina ni Jesus?  Sa aklat ding Glories and Virtues of Mary, pahina 32, ay ganito ang sinasabi:

“We avow that Mary Most Holy is the true Mother of God …”

Sa Pilipino:

“Tahasang ipinahahayag namin na ang Kabanal-banalang si Maria ay ang tunay na Ina ng Diyos …”

Totoo bang ang Diyos ay may ina?  Ang tunay na Diyos ba’y ipinanganganak?  Ang Diyos ba’y anak ng Tao?  Ganito ang pahayag ng Biblia:

“Ang Dios ay hindi tao na magsisinungaling, Ni anak ng tao na magsisisi; Sinabi ba niya, at hindi niya gagawin? O sinalita ba niya, at hindi niya isasagawa? (Blg. 23:19)

Labag sa aral ng Biblia ang turo na si Maria’y ina ng Diyos.

Ano pa ang napakamaling pagkakilala ng Iglesia katolika kay Mariang ina ni Jesus?  Sa isang munting aklat na pinamagatang Ang Aking Birhen Mariang Tagapamagitan, inihanda nina S. Flores at R. Alejandro, may Nihil Obstat ng pareng Artemio G. Casas, censor, at may Imprimatur ni J. Jovellanos, Arzobispado de Manila, ay ganito ang sinasabi sa pahina 57-59:

“Palakasin mo Birhen ko ang aking katawan at kaluluwa sa ikakikilala sa kapangyarihan mong walang-hanggan, paglingkuran ka ng tapat at sundin ang iyong mga utos, luwalhatiin ang iyong pangalan at biyaya, ibigin ka ng boong ningas sa aking puso, sambahin ka at tuwina’y alalahanin, SAPAGKA’T IKAW ANG DIYOS NG AWA, ang aking pag-asa, ang aking tungkod, ang aking lakas at ang buhay.  Maawa ka Panginoon, lawitan ako ng biyayang kalusugan at katahimikan, lingapin itong kahabag-habag na magulang ng iyong mga nilalang.”

Kagulat-gulat ang pagkakilalang ito ng Iglesia Katolika kay Maria!  Walang hanggan daw ang kapangyarihan nito, kaya dapat paglingkuran nang tapat at sundin ang kaniyang (Maria) mga utos.  Luwalhatiin daw ang pangalan, ibigin nang boong ningas sa puso, sambahin at tuwina’y alalahanin, sapagka’t si Maria raw ang Diyos ng awa, ang kanilang pag-asa, ang kanilang tungkod, ang kanilang lakas at buhay.  At lumalabas pa sa panalanging ito kay Maria na siya ang lumalang sa tao.  Napakalaking pagkakamali!  Hindi na kaya ito inisip ng mga pare?  Hindi na kaya sila kinilabutang ituro na si Maria ay siyang Diyos ng awa at siyang lumalang sa tao?  Matatanggap kaya ito ng mga matitinong kaanib sa Iglesia Katolika?  At anong uring Diyos daw si Maria?  Sa munting aklat din na pinalabas ng mga pareng katolikong sina Artemio Casas at Jose Jovellanos, sa pahina 63, ay ganito ang sinasabi:

“… ang aking mga kapatid at ang kapuwa ko tao na iyong mga nilikha.  Mahabag ka, Ina ko, dito sa iyo, na nagnanasang ikaw ay sambahin, igalang, at purihin ng boong pag-ibig sa lahat ng bagay, sapagka’t Diyos kang maawain at makapangyarihan sa lahat…  Igawad mo Diyos ko, ang iyong pag-iingat at pagpapala sa puso at kaluluwa kong nagnanasang umibig sa iyo sa kabuhayan at sa kamatayan magpasa walang hanggan. Siya nawa.”

Anong uring Diyos si Maria ayon sa mga pare?  Diyos daw na maawain at makapangyarihan sa lahat at siya raw lumikha sa tao.  Diyos na makapangyarihan sa lahat si Maria?  Nakakikilabot!  Matatanggap ba ninyo ang kamaliang ito, mga kababayang Katoliko?  Susundin ba ninyo ang itinuturong ito ng mga pare?  Mag-isip-isip kayo, mga kababayan!  Ang karapatan at ang katangiang tanging sa Diyos lamang nauukol ay ibinigay ng mga pare kay Maria.  Walang kasalanan si Maria sa bagay na ito!  Hindi niya nalalaman ang ginawa sa kaniya ng mga pare, sapagka’t siya ay patay na.  Kung siya’y buhay ay hindi niya papayagan ang malaking kalapastanganang ito sa Diyos.

Dahil sa ang kinikilalang Diyos na makapangyaarihan sa lahat ng Iglesia Katolika ay si Maria, ano ang malaking bagay na nawala sa kanila ayon sa turo ng ating Panginoong Jesucristo?  Sa Juan 17:3, 1¸ay ganito ang sinasabi:

“At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo.  Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak.

Dahil sa maling pagkakilalang itinuro ng mga pare ay nawalan ng buhay na walang hanggan ang mga Katoliko.  Ang pananalig na may buhay na walang hanggan ay ang makilala ang iisang Diyos na tunay.  Sino ang iisang Diyos na tunay na itinuro ng ating panginoong Jesucristo?  Ang Amang nasa langit na Kaniyang dinadalanginan.  Ni hindi Niya itinurong Siya ang iisang Diyos na tunay.  Kailanman ay hindi inangkin ni Jesus ang karapatang hindi Kaniya.  Kaya sapagka’t si Maria ang kinikilala ng mga pare na Diyos ng awa at makapangyarihan sa lahat, wala silang buhay na walang hanggan.  Kung ibig ninyong magtamo ng buhay na walang hanggan, mga kababayang Katoliko, itakwil ninyo ang maling turo ng mga pare at tanggapin ninyo ang itinuro ng ating Panginoong Jesucristo.

Mayroon pa bang hidwa o maling pananampalataya ang Iglesia Katolika tungkol kay Mariang ina ni Jesus?  Sa aklat na Glories and Virtues of Mary na atin nang ginamit sa unahan nito, mga pahina 53-54, ay ganito ang nasusulat:

Co-Redemtrix — Even though it was in a secondary manner, Mary did co-operate with Jesus Christ, Our Redeemer, in saving us from eternal damnation.” 

Sa Pilipino:

Katulong na Manunubos — Bagama’t hindi sa pangunahing paraan si Maria ay gumawang kasama ni Jesucristo, ang ating Manunubos, sa pagliligtas sa atin mula sa walang hanggang kaparusahan.”

Totoo kaya ang sinasabing ito ng mga pare?  Mayroon nga kayang naitulong si Maria sa ating Panginoong Jesucristo sa pagliligtas sa atin sa kaparusahan?  Si Maria nga kaya’y katulong na Manunubos ng ating Panginoong Jesucristo?  Sinasang-ayunan ba ito ng mga apostol?  Sa Efe. 1:7, ay ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:

“Na sa kaniya'y mayroon tayo ng ating katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang biyaya.

Kanino naroon ang katubusan ng tao at kapatawaran ng mga kasalanan?  Na kay Cristo—wala kay Maria. Hindi sinabi ni Apostol Pablo na na kay Cristo at na kay Maria ang ating katubusan at kapatawaran ng mga kasalanan—hindi sila magkatulong na gaya ng itinuturo ng mga pare.  Isa pang katunayang walang katulong si Cristo sa pagtubos, ay ganito pa ang sinasabi sa Roma 3:24-25:

“Palibhasa'y inaring-ganap na walang bayad ng kaniyang biyaya sa pamamagitan ng pagtubos na nasa kay Cristo Jesus:  Na siyang inilagay ng Dios na maging pangpalubagloob, sa pamamagitan ng pananampalataya, sa kaniyang dugo, upang maipakilala ang kaniyang katuwiran dahil sa hindi pagpansin sa mga kasalanan na nagawa nang nagdaang panahon sa pagpapahinuhod ng Dios.

Ang pagtubos ay na kay Cristo—wala kay Maria, at ang ipinantubos ni Cristo ay ang Kaniyang dugo—hindi ang dugo ni Maria.  At ang tinubos ni Cristo o binili ng Kaniyang dugo ay ang Iglesia ni Cristo (Gawa 20:28, LAMSA)

Hidwa o maling pananampalataya ang itinuturo ng mga pare na si Maria ay katulong ni Cristo sa pagtubos sa tao para iligtas sila sa walang hanggang kaparusahan.  At sapagka’t ito’y hidwang pananampalataya, ano ang kasamaan nito?  Sa Gal. 5:20-21, ay ganito ang nasusulat:

“Pagsamba sa diosdiosan, pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga hidwang pananampalataya, Mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay na ito ay aking ipinagpapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala nang una sa inyo, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios.

Marahil ay iisipin ng mga makababasa nito, lalo na ng mga kababayan naming mga Katoliko, na hindi kinikilala ng Iglesia ni Cristo si Maria.  Marahil ay pinagwiwikaan nila kami ng lapastangan at walang galang sa Ina ni Jesus.  Hindi po totoo iyan!  Kinikilala namin si Maria.  Siya’y aming iginagalang at pinagpipitaganan.  Subali’t ang aming pagkilala kay Maria ay hindi hihigit sa pagpapakilala ng Biblia.  Kung ano lamang ang sinasabi ng Biblia tungkol kay Maria ay yaon lamang ang aming tinatanggap at sinasampalatayanan.

Ano ang pagpapakilala ng Biblia tungkol kay Maria?  Sa Gawa 1:14 ay sinasabi ang ganito:

“Ang lahat ng mga ito'y nagsisipanatiling matibay na nangagkakaisa sa pananalangin na kasama ang mga babae, at si Maria na ina ni Jesus, at pati ng mga kapatid niya.

Si Maria ay ina ni Jesus.  Iyan ang pagpapakilala ng Biblia.  Ayaw na naming humigit pa sa riyan.  Higit pa riyan ay kasalanan na.  Sinabi ni Apostol Pablo:

“… upang sa amin ay mangatuto kayo na huwag magsihigit sa mga bagay na nangasusulat …” (I Cor. 4:6)

Sinusunod namin ang turong ito ni Apostol Pablo.  Hindi dapat humigit sa nasusulat.

Ano naman ang pagkakilala ni Maria sa sarili?  Naniniwala ba si Maria na siya’y Diyos na makapangyarihan sa lahat?  O kaya’y tagapamagitan sa Anak ng Diyos at sa atin, gaya ng itinuturo ng Iglesia Katolika?  Pabayaan nating si Maria mismo ang magpakilala sa kaniyang sarili.  Ganito ang sabi niya: 

“At sinabi ni Maria, Narito, ang alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita. At iniwan siya ng anghel. (Luk. 1:38)

Maliwanag ang sabi ni Maria.  Siya’y alipin lamang ng Panginoon.  Hindi siya tagapamagitan, lalong hindi siya Diyos na makapangyarihan sa lahat.  Napakaganda ng pagkakilala ni Maria sa kanyang sarili.  Siya’y mababang loob.  Siya’y masunurin sa Diyos.  Kung ano ang kalooban ng Diyos ay siyang sinusunod niya, kahit na siya’y maging kahiyahiya sa harapan ng mga tao.

Naniniwala ba naman si Maria na siya’y Tagapagligtas?  Tunghayan natin ang pahayag ni Maria:

“At sinabi ni Maria, Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon, At nagalak ang aking espiritu sa Dios na aking Tagapagligtas. (Luk. 1:46-47)

Si Maria’y hindi tagapagligtas.  Siya’y napaliligtas lamang sa Diyos na kaniyang Tagapagligtas.  Sawimpalad  ang mga taong napaliligtas kay Maria sa pag-asang siya’y tagapagligtas.  Mabibigo ang mga ito, sapagka’t si Maria’y hindi tagapagligtas kundi nangangailangan din siya ng kaligtasan tulad natin.  Marahil ay itatanong natin;  “Bakit sinabi ni Maria na ang Diyos ang kaniyang Tagapagligtas?  Hindi ba si Cristo ang Tagapagligtas?”  Ang Diyos nga ang ating Tagapagligtas, subali’t ang Diyos ay nagliligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo (Jud. 1:25).

Napakarami pang mga titulo o pamagat ang ikinapit ng Iglesia Katolika kay Maria, na kung iisa-isahin ko rito ay hahabang totoo ang lathalaing ito.  Sapat na ang mga inihayag dito upang makilala ng lahat na labis na sa talagang nararapat ang pagpapahalaga ng Iglesia Katolika kay Maria.  Pinahahalagahan nila si Maria, dinadakila at sinasamba nang higit pa sa Diyos at kay Cristo.  Hindi na ito pagpaparangal at pagdakila kay Maria kundi paglapastangan at pag-alipusta sa marangal na babaing ina ni Jesus.--*

Kinopya mula sa PASUGO/May 1978/Pahina 34-36/Volume XXX/Number 5