Published in God's Message (Pasugo) Sept 2007
(Ikaanim na Bahagi)
AYON SA PARING Jesuita na si Pedro Sevilla tinanggap daw ng mga unang Cristiano na si Cristo ay Diyos nang Siya ay mabuhay na mag-uli. Ganito ang mababasa natin sa sinulat niyang aklat:
“Batay na rin sa kanilang karanasan ng muling nabuhay na si Jesus, tinanggap na ng mga unang Cristiano ang pagiging Diyos ni Cristo kahit wala pang mga tiyak na konsepto sa Bagong Tipan gaya halimbawa, ng substansiya (substance), kalikasan o natura (nature), at iba pa.” (Ang Kabanalbanalang Isangtatlo, p. 29)
Nabuhay na mag-uli ngunit hindi Diyos
Totoo kayang tinaggap na ng mga unang Cristiano na si Cristo ay Diyos noong Siya ay mabuhay na mag-uli? Ano ang karanasan ng mga unang Cristiano nang si Cristo ay mabuhay na mag-uli? Sipiin natin ang pahayag ni Apostol Juan sa sinulat niyang Ebanghelyo:
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang iyong hinahanap? Siya, sa pagaakalang yao’y maghahalaman, ay nagsabi sa kaniya, Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kaniya, ay sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at akin siyang kukunin, Sinabi sa kaniya ni Jesus, Maria, Lumingon siya, at nagsabi sa kaniya sa wikang Hebreo, Raboni; na ang ibig sabihin ay, Guro. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t hindi pa ako nakakaakyat sa Ama, ngunit pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at inyong Dios.” (Juan 20:15-17)
Doon pa lamang sa libingan, nang pumaroon si Maria Magdalena, ay natiyak na niyang si Jesus, nang mabuhay na maguli, ay hindi Diyos. Maliwanag ang sinabi sa kaniya ni Jesus, “Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, aking Dios at inyong Dios.” Hindi sinabi ni Cristo na Siya ang Diyos.
Si Lucas ay nagbigay rin ng salaysay tungkol sa karanasan ng mga alagad ni Cristo noong Siya ay mabuhay na mag-uli:
“At samantalang kanilang pinaguusapan ang mga bagay na ito, siya rin ay tumayo sa gitna nila, at sa kanila’y nagsabi, Kapayapaa’y suma inyo. Datapuwa’t sila’y kinilabutan, at nangahintakutan, at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu. At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo’y nangagugulumihanan? At bakit nangyayari ang pagtatalo sa inyong puso? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka’t ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.” (Lucas 24:36-39)
Mababakas din natin sa ebanghelyo ayon kay Lucas na si Cristo ay hindi Diyos noong mabuhay na mag-uli. Itinala ni Lucas ang pagtutuwid na ginawa ni Cristo sa mga alagad nang akalain nilang Siya ay isang espiritu nang mabuhay na mag-uli. Sa kalagayan pa lamang ay magkaiba na si Cristo at ang Diyos. Si Cristo ay may laman at buto, samantalang ang Diyos ay espiritu (Juan 4:24). Hindi pinayagan ni Cristo na ang mga alagad ay manatili sa kanilang maling akala, bagkus sila ay Kaniyang itinuwid. Sinabi sa kanila ni Cristo, “Ang isang espiritu ay walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.” Maliwanag, kung gayon, na kahit na noong mabuhay na mag-uli si Cristo ay namalaging Siya’y tao at hindi Diyos. Pinatutunayan ito maging ng pahayag ni Apostol Pedro:
“Saksi kami sa lahat ng ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Gayunman, siya’y ipinako nila sa krus. Ngunit muli siyang binuhay ng Diyos sa ikatlong araw. Napakita siya, hindi sa lahat ng tao kundi sa amin lamang na noon pang una’y pinili na ng Diyos bilang mga saksi. Kami ang nakasama niyang kumain at uminom pagkatapos na siya’y muling mabuhay.” (Gawa 10:39-41, Magandang Balita Biblia)
Malinaw sa pahayag ni Apostol Pedro na si Cristo na nabuhay na mag-uli ay hindi Diyos. Ang bumuhay kay Cristo ay ang Diyos. Mapapansin din na nang mabuhay na mag-uli, si Cristo ay nakasalo ng mga apostol sa pagkain at pag-inom, na normal na ginagawa ng isang tao. Pinatunayan ni Apostol Pedro na tao ang likas na kalagayan ni Cristo na binuhay ng Diyos na mag-uli sa mga patay:
“Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatutunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga tandang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat lahat ay naganap sa gitna ninyo. Ngunit ang taong ito na ibinigay sa inyo ayon sa pasiya at pagkaalam ng Diyos sa mula’t mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga makasalanan.” (Gawa 2:22-23, Ibid.)
Maliwanag ang pahayag ni Apostol Pedro na si Cristo ay taong sinugo ng Diyos. Pinatunayan ito ng Diyos sa pamamagitan ng mga himala at kababalaghan at mga tanda na Kaniyang ginawa sa pamamagitan ni Cristo. Bakas na bakas natin sa pahayag ni Apostol Pedro na si Cristo ay tao at ang kinikilala niyang Diyos ay ang nagsugo at bumuhay na mag-uli kay Cristo.
Umakyat sa langit ngunit hindi Diyos
Makaraan ang 40 araw mula nang Siya’y mabuhay na maguli, si Cristo ay umakyat sa langit. Ngunit sa mga nasulat na pahayag sa Bagong Tipan ay walang mababasang patotoo na ang Cristo ay naging Diyos nang umakyat na Siya sa langit. Nang ipahayag ni Cristo kay Maria Magdalena na Siya ay aakyat sa langit, hindi Niya sinabi na Siya ay Diyos. Sa halip, ang terminong “Diyos” ay inilaan ni Cristo para sa Ama:
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang iyong hinahanap? Siya, sa pagaakalang yao’y maghahalaman, ay nagsabi sa kaniya, Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kaniya, ay sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at akin siyang kukunin. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Maria. Lumingon siya, at nagsabi sa kaniya sa wikang Hebreo, Raboni; na ang ibig sabihin ay, Guro. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t hindi pa ako nakakaakyat sa Ama, nguni’t pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at inyong Dios.” (Juan 20:15-17)
Sa panahon pa ng Matandang Tipan ay hinulaan na ang pag-akyat ni Cristo sa langit. Ngunit kahit sa mga hulang iyon ay malinaw na iba si Cristo sa Diyos:
“THE LORD (God) says to my Lord (the Messiah), Sit at My right hand, until I make Your adversaries Your footstool.” [ANG PANGINOON (Diyos) ay nagsabi sa aking Panginoon (ang Mesias), Umupo Ka sa Aking kanang kamay hanggang ang Iyong mga kaaway ay gawin Kong tuntungan ng Iyong mga paa.] (Ps. 110:1, Amplified Bible)
Makikita sa hulang ito ang pagkakaiba ng tinatawag na Diyos at ng tinatawag na Cristo. Ang Panginoon na tinatawag na Diyos ang nagsabi sa Panginoon na tinatawag na Mesias, “Umupo ka sa aking kanan.” Hindi si Cristo ang Diyos, kundi Siya ang Mesias.
Pinatutunayan ito sa Bagong Tipan ng maraming ulit.
“Kung kayo nga’y muling binuhay na kalakip ni Cristo, ay hanapin ninyo ang mga bagay na nangasa itaas, na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Dios.” (Col. 3:1)
“Na nasa kanan ng Dios, pagkaakyat niya sa langit; na ipinasakop sa kaniya ang mga anghel at ang mga kapamahalaan ang mga kapangyarihan.” (I Ped. 3:22)
“Ang muling bumuhay kay Cristo at nagluklok sa kanya sa kalangitan, sa kanan ng Diyos.” (Efe. 1:20, MB)
Mapapansin sa mga talatang ito na walang sinasabi na sa langit ay naging Diyos si Cristo. Malinaw na ipinakikita sa mga talatang sinipi ang pagkakaiba ng Diyos at ni Cristo. Hindi si Cristo ang Diyos, kundi Siya ang nakaupo sa kanan ng Diyos. Maging si Esteban na diakono ay nagpatotoo na si Cristo ang Anak ng tao na nakatindig sa kanan ng Diyos:
“Datapuwa’t siya, palibhasa’y puspos ng Espiritu Santo ay tumitig na maigi sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Dios, at si Jesus na nakatindig sa kanan ng Dios, At nagsabi, Narito, nakikita kong bukas ang mga langit, at ang Anak ng tao ay nakatindig sa kanan ng Dios.” (Gawa 7:55-56)
Una pa rito, ipinahayag na sa Matandang Tipan na tao ang nasa kanan ng Panginoong Diyos:
“Mapatong nawa ang iyong kamay sa tao na iyong kinakanan. Sa anak ng tao na iyong pinalakas sa iyong sarili.” (Awit 80:17)
Walang pag-aalinlangan na ang tinutukoy na tao na nasa kanan ng Diyos ay walang iba kundi ang Panginoong Jesucristo, gaya ng sinasabi sa mga talatang ating sinipi. Kaya’t kahit noong si Cristo ay nasa langit na, Siya’y malimit na tinawag na tao ng mga manunulat ng Bagong Tipan.
Tinawag ni Pablo na tao si Cristo
“Sapagka’t may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus.” (I Tim. 2:5)
Tinawag ni Pedro na tao si Cristo
“Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatutunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga tandang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat lahat ay naganap sa gitna ninyo. Ngunit ang taong ito na ibinigay sa inyo ayon sa pasiya at pagkaalam ng Diyos sa mula’t mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga makasalanan.” (Gawa 2:22-23, MB)
Tinawag ni Santiago na tao si Cristo
“Hinatulan ninyo at pinatay ang Taong Banal, at hindi Siya lumaban sa inyo.” (Sant. 5:6, Salin ni Trinidad)
Muling paririto ngunit hindi Diyos
Nang si Jesus ay umakyat sa langit, ipinangako Niya sa Kaniyang mga alagad na Siya ay muling paririto. Ano ang Kaniyang likas na kalagayan sa Kaniyang pagbabalik? Siya ba ay babalik bilang isang Diyos?
“At pagkasabi niya ng mga bagay na ito, nang siya’y tinitingnan nila, ay dinala siya sa itaas; at siya’y tinanggap ng isang alapaap at ikinubli sa kanilang mga paningin. At samantalang tintititigan nila ang langit habang siya’y lumalayo, narito may dalawang lalaking nangakatayo sa tabi nila na may puting damit; Na nangagsabi naman, Kayong mga lalaking taga Galilea, bakit kayo’y nangakatayong tumitingin sa langit? itong si Jesus, na tinanggap sa langit mula sa inyo, ay paparitong gaya rin ng inyong nakitang pagparoon niya sa langit.” (Gawa 1:9-11)
Isinalaysay ni Lucas na samantalang tinititigan ng mga alagad ang pagdadala kay Cristo sa langit, dalawang lalaki ang nagsabi na, “Itong si Jesus … ay pariritong gaya rin ng inyong nakitang pagparoon sa langit.” Samakatuwid ay walang pagbabago sa kalikasan ni Cristo – tao Siyang umakyat sa langit, tao rin Siyang magbabalik.
Maging si Apostol Pablo ay naturo na si Cristo ay muling paririto. Mababakas sa kaniyang sulat na paririto si Cristo hindi bilang isang Diyos, sapagkat ang Ama ang tinatawag Niyang Diyos:
Upang patibayin niya ang inyong mga puso, na walang maipipintas sa kabanalan sa harapan ng ating Dios at Ama, sa pagparito ng ating Panginoong Jesus na kasama ang kaniyang lahat na mga banal.” (I Tes. 3:13)
Maliwanag na ang terminong “Diyos” ay ikinapit ni Apostol Pedro sa Ama. Hindi kailanman ginamit ni Apostol Pablo ang terminong ito kay Cristo. (May Karugtong)