SI CRISTO ANG NAGTAYO NG IGLESIA NI CRISTO
SA PILIPINAS
HINDI kapani-paniwala ang paksang ito para sa mga
kumakaaway sa Iglesia ni Cristo na
lumitaw saPilipinas noong 1914. Sa
ganang kanila ay si Kapatid na Felix Manalo ang nagtayo ng Iglesia ni Cristo sa Pilipinas.
Dahil sa maling paniniwalang ito, patudyo nilang tinatawag ang Iglesia ni Cristo ng Iglesia ni
Manalo. Patawarin nawa sila ng Diyos
sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang sinasabi!
Ayon sa mga nakaraang kabanata ang Iglesiang itinayo ni
Cristo noong unang siglo sa Jerusalem ay natalikod. Iniligaw ng mga bulaang propeta o ng mga
paring katoliko. Ang mga unang alagad ni
Cristo’y pinasunod nila sa kanilang hulihan o tinuruan nila ng mga aral ng
demonio, at ang mga hindi sumunod o sumalansang ay kanilang pinagpapatay. Kaya walang natirang tupa si Cristo noong
unang siglo. Nalipol na lahat. Datapuwa’t wala na kayang ibang mga tupa si
Jesus? Bakit sinasabi naming si Cristo
ang nagtayo ng Iglesia ni Cristo sa
Pilipinas?
ANG KATUNAYAN NA SI CRISTO ANG
NAGTAYO NG IGLESIA
NI CRISTO SA PILIPINAS
Ano ang katunayang si Cristo ang
nagtayo ng Iglesia ni Cristo sa
Pilipinas?
Sa Juan 10:16, ay ganito ang sinasabi ng ating Panginoong
Jesucristo:
“At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila'y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila'y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor.”
Tiniyak ni Cristo na Siya’y mayroon pang ibang mga tupa
na wala sa kulungan noong panahong Siya’y narito pa sa lupa. Ano ba itong mga tupa
na sinasabi ni Jesus? Ito ba ay mga
tupang hayop? Sa Ezek. 34:31, ay
sinasabi ang ganito:
“At kayong mga tupa ko, na mga tupa sa aking pastulan ay mga tao, at ako'y inyong Dios, sabi ng Panginoong Dios.”
Samakatuwid, mga tao ang mga tupa ng Diyos at ng ating
Panginoong Jesucristo. Ayon kay Cristo,
mayroon pa Siyang ibang mga tupa o mga tao na wala pa sa kulungan noong
panahong Siya’y narito pa sa lupa. Ano
ang gagawin Niya sa mga tupang ito?
Gagawin Niyang isang kawan, ayon din sa talatang sinipi natin sa itaas
nito (Juan 10:16). Ano ang kahulugan ng kawan?
Sa Gawa 20:28, ay ganito ang sinasabi:
“Ingatan ninyo ang inyong sarili, at ang buong kawan, na sa kanila'y ginawa kayo ng Espiritu Santo na mga obispo, upang pakanin ninyo ang iglesia ng Panginoon na binili niya ng kaniyang sariling dugo.”
Sinasabi ritong ang kawan ay ang Iglesia ng
Panginoon. Sino ang Panginoon na
tinutukoy? Si Cristo na ginawa ng Diyos
na Panginoon (Gawa 2:36). Kung gayon, Iglesia ni Cristo ang kawan. Sinabi ni Jesus na gagawin Niyang isang kawan
o Iglesia yaong mga tupa Niya o mga tao na wala pa sa kulungan noong panahong
narito pa Siya sa lupa. Tandaan nating mabuti: Hindi si Kapatid na Felix Manalo kundi si
Cristo ang gagawang kawan o Iglesia ni
Cristo sa mga kinikilala Niyang mga Tupa Niya na noon ay wala pa sa
kulungan. Ang dapat nating malaman
ngayo’y bakit itong mga kinikilala ni Jesus na mga tupa Niya ay wala pa sa
kulungan noong panahong Siya’y narito pa sa lupa. Saan naroon ang mga
tupang ito ni Jesus? Sa Gawa
2:39, ay ganito ang nasusulat:
“Sapagka't sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya.”
Sa talatang ito’y ipinakikilala sa atin ang tatlong
pulutong ng mga tao na pinangakuang tatanggap ng pangakong Espiritu Santo. Ang sabi ni Apostol Pedro na siyang
nagsasalita sa pagkakataong ito ay, “sa
inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging
ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya.” Sinu-sino itong
kausap ni Apostol Pedro na pinagsabihan niyang “sa inyo ang pangako,” at sinu-sino naman ang “mga anak” nito; at sinu-sino itong mga “nasa malayo” na
tatawagin ng Diyos? Sa ikauunawa
natin niyan ay basahin natin ang mga nasa unahang talata, mula sa talatang 36
hanggang 39:
“Pakatalastasin nga ng buong angkan ni Israel, na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus.
“Nang marinig nga nila ito, ay nangasaktan ang kanilang puso, at sinabi kay Pedro at sa ibang mga apostol, Mga kapatid, anong gagawin namin?
“At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa't isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.
“Sapagka't sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya.”
Sinu-sino itong tinutukoy ni Apostol Pedro ng salitang
“sa inyo?” Ito ang angkan ni Israel o
ang mga Judio na nagsisi at nagpabautismo sa pangalan ni Cristo. Ito ang mga tupa ni Jesus na nasa kulungan na
noong panahong yaon. Sinu-sino naman itong “mga anak?” Ito ba’y mga anak sa laman ng mga Judio? Sa I Cor. 4:15, ay ganito ang
sinasabi:
“Sapagka't bagaman mangagkaroon kayo ng sampung libong mga guro kay Cristo, ay wala nga kayong maraming mga ama; sapagka't kay Cristo Jesus ipinanganak ko kayo sa pamamagitan ng evangelio.”
Si Apostol Pablo ang nagsasalita sa talatang ito at ang
kausap niya’y ang mga Gentil. Si Pablo’y
lahing Judio. Sinabi niya sa mga Gentil
na sila’y “ipinanganak niya sa pamamagitan ng ebanghelyo.” Kung gayon, ang mga anak na kasama rin sa
tatanggap ng pangakong Espiritu Santo ay ang mga Gentil. Nasa kulungan na rin ang mga ito noong
panahong yaon. Sinu-sino naman itong
“mga nasa malayo” na kasama rin sa pangako?
Ito ang mga tupa ni Jesus na wala pa sa kulungan noong panahong si
Cristo’y narito pa sa lupa at ang mga Apostol, at kaya sila’y wala pa sa
kulungan noon ay sapagkat sila’y hindi pa tinatawag noon kundi tatawagin pa lamang. Saan sila naroon? Nasa malayo!
Alin itong malayong tinutukoy? Sa Isa. 43:5-6, ay ganito ang pahayag ng
hula:
“Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silanganan, at pipisanin kita mula sa kalunuran;
“Aking sasabihin sa hilagaan, Bayaan mo, at sa timugan, Huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula sa wakas ng lupa.”
Aling malayo ang kinaroroonan ng mga tupa ni Jesus na
hindi pa tinatawag noong panahong narito pa Siya sa lupa kaya sila’y wala pa
noon sa kulungan? Ito ang malayong
silangan. Ayon sa mga kumakaaway sa Iglesia ni Cristo, wala raw mababasang
“Malayong Silangan” sa Biblia. Mayroon
daw mababasang “silangan” na ito ay nasa talatang 5, at “malayo” na nasa
talatang 6; subalit iyong magkasamang salitang “Malayong Silangan” ay hindi raw
mababasa sa Biblia. Hindi nga kaya
mababasa sa Biblia ang salitang Malayong Silangan? Kung mabasa namin, tatanggapin kaya ng mga
umuusig sa Iglesia ni Cristo na sila’y nagkamali at sila’y walang malay sa
Biblia? Patutunayan naming mababasa sa
Biblia ang salitang Far East o
Malayong Silangan. Sa Bibliang Ingles na
salin ni James Moffatt ay ganito ang maliwanag na nakasulat:
“From the far east will I bring your offspring …”
Sa Wikang Pilipino:
“Mula sa malayong silangan ay aking dadalhin ang iyong
lahi …”
Hindi ba maliwanag na nabasa ninyo ang salitang Malayong
Silangan? Maliwanag!
Bakit sa Bibliang Tagalog ay wala ito? Hindi na kami ang may kasalanan nito kundi
ang mga nagsalin sa Tagalog ng Biblia mula sa Ingles—mga Katoliko at
Protestante.
Alin ang bansang nasa Malayong
Silangan? Sa World History nina Boak, Slosson at Anderson, pahina 445, ay ganito
ang nasusulat:
“The Philippines were Spain’s share of the first
colonizing movement in the Far East;”
Sa Wikang Pilipino:
“Ang Pilipinas ay naging bahagi ng Espanya sa unang
kilusan sa pananakop sa Malayong Silangan;”
Kung gayon, taga Pilipinas (mga Pilipino) ang mga tupa ni
Jesus na wala pa sa kulungan noong panahong narito pa si Cristo sa lupa. Ano ang sinabi ni Jesus na Kanyang gagawin sa
mga tupa Niyang ito? Gagawin Niyang
isang kawan o itatayo Niyang isang Iglesia.
Si Cristo ang magtatayo at hindi
si Kapatid na Manalo. Ito ang dapat
malaman ng mga kumakaaway sa Iglesia ni Cristo.
Ngunit kaya hindi ito matanggap ng mga umuusig sa Iglesia ni Cristo ay sa dahilang si Kapatid na Manalo ang nakitang
nangaral ng Iglesia ni Cristo sa
Pilipinas. Hindi nila nakita si Cristo
at hindi naman naparito sa Pilipinas si Cristo upang ipangaral ang Iglesia ni Cristo. Ni ang mga Apostol ay hindi rin nakarating sa
Pilipinas. Papaano nga naman mangyayari
ang sinasabi naming si Cristo ang nagtayo ng Iglesia ni Cristo sa Pilipinas? Kung gayon, ang dapat nating
liwanagin ay kung papaano nagkakaroon ng mga taong nagiging kaanib sa Iglesia ni Cristo. Ito ang malabo sa mga tao kaya ito ang ating
pag-aaralan.
PAPAANO NAGKAKAROON NG MGA TAONG
NAGIGING KAANIB SA IGLESIA
NI CRISTO?
Sa I Cor. 1:9, ay ganito ang sinasabi:
“Ang Dios ay tapat, na sa pamamagitan niya ay tinawag kayo sa pakikisama ng kaniyang anak na si Jesucristo na Panginoon natin.”
Maliwanag dito na ang Diyos ang tumatawag ng mga taong
ipakikisama Niya sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Bakit naman kailangan
pang tawagin ng Diyos ang mga taong ipakikisama Niya sa Kanyang Anak na si
Cristo o ang mga taong nagiging Iglesia
ni Cristo? Sa Juan 6:44, ay
ganito ang sabi ni Jesus:
“Walang taong makalalapit sa akin, maliban nang ang Amang nagsugo sa akin ang sa kaniya'y magdala sa akin; at siya'y aking ibabangon sa huling araw.”
Bakit kailangan pang tawagin ng Diyos ang mga nagiging Iglesia ni Cristo? Sapagkat ayon kay Cristo, walang taong
makalalapit sa Kanya maliban nang dalhin sa Kanya ng Ama. Papaano naman dinadala ng Ama ang mga tao kay
Cristo? Tinatawag upang ipakisama sa
Kanyang Anak na si Jesucristo, gaya ng naliwanagan na natin sa unahan
nito. Papaano
naman ang paraan ng pagtawag ng Diyos sa mga taong ipinakikisama Niya kay
Cristo? Sa II Tes. 2:14, ay
ganito ang sinasabi sa atin:
“Sa kalagayang ito'y tinawag niya kayo sa pamamagitan ng aming evangelio, upang magkamit ng kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesucristo.”
Samakatuwid, ang paraan ng Diyos sa pagtawag sa mga taong
nagiging Iglesia ni Cristo ay sa
pamamagitan ng pangangaral ng Ebanghelyo.
Ngunit sino ang mangangaral ng Ebanghelyo? Ang Diyos ba mismo ang haharap sa tao upang
mangaral ng Ebanghelyo? Sa II
Cor. 6:1, ay ganito ang sinasabi:
“At yamang kalakip niyang gumagawa ay ipinamamanhik din namin sa inyo na huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Dios na walang kabuluhan.”
Ang Diyos ay may kalakip na gumagawa. Ang mga ito ang kinakasangkapan ng Diyos sa
pangangaral ng Ebanghelyo upang matawag ang mga taong magiging Iglesia ni Cristo. Sinu-sino itong mga
kalakip ng Diyos na gumagawa? Sa
II Cor. 5:18-20, ay ganito ang sinasabi:
“Datapuwa't ang lahat ng mga bagay ay pawang sa Dios, na pinakipagkasundo tayo sa kaniya rin sa pamamagitan ni Cristo, at ibinigay sa amin ang ministerio sa pagkakasundo;
“Sa makatuwid baga'y, na ang Dios kay Cristo ay pinakipagkasundo ang sanglibutan sa kaniya rin, na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga kasalanan, at ipinagkatiwala sa amin ang salita ng pagkakasundo.
“Kami nga'y mga sugo sa pangalan ni Cristo, na waring namamanhik ang Dios sa pamamagitan namin: kayo'y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Cristo, na kayo'y makipagkasundo sa Dios.”
Sinu-sino ang mga kalakip ng Diyos na gumagawa na siyang
inutusang mangaral ng Ebanghelyo upang matawag ang mga taong magiging Iglesia ni Cristo? Ang mga sugo sa pangalan ni Cristo—hindi mga
sugo sa pangalang Katoliko o sa pangalang Protestante, kundi mga sugo sa
pangalan ni Cristo o Iglesia ni Cristo.
Bakit ang mga sugo sa pangalan ni Cristo ang ginagamit ng Diyos sa
pagtawag sa mga taong magiging Iglesia ni
Cristo? Sapagkat sa kanila ibinigay
ang ministerio o pangangasiwa sa pagkakasundo, at sa kanila rin ipinagkatiwala
ang salita ng pagkakasundo na ito ang Ebanghelyo. Kaya kapag nangangaral ng Ebanghelyo ang mga
sugo sa pangalan ni Cristo, ang Diyos ay tumatawag ng mga taong ipakikisama
Niya sa Kanyang Anak na si Jesucristo.
SINO ANG MAGDADALA KAY CRISTO NITONG MGA
TUPA NI JESUS NA NASA PILIPINAS?
Sa Isa. 43:5-6, ay ganito ang sinasabi:
“Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silanganan, at pipisanin kita mula sa kalunuran;
“Aking sasabihin sa hilagaan, Bayaan mo, at sa timugan, Huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula sa wakas ng lupa.”
Sinabi ng Diyos na Siya ang magdadala sa lahi ng Kanyang
sugo na mula sa malayong silangan o Pilipinas.
Kanino dadalhin ng Diyos?
Dadalhin kay Cristo. Bakit naman
kailangan pang dalhin kay Cristo?
Sapagkat sinabi ni Cristo na walang taong makalalapit sa Kanya maliban
nang dalhin sa Kanya ng Ama (Juan 6:44).
Alam na natin kung papaano dinadala ng Diyos ang mga tao kay
Cristo. Tinatawag ng Diyos sa
pamamagitan ng pangangaral ng ng Ebanghelyo ng mga gumagawang kalakip ng Diyos,
na ito ang sugo sa pangalan ni Cristo.
Papaano dinala ng Diyos kay Cristo ang mga tupa ni Jesus
na nasa Pilipinas? Mayroon din bang
kinasangkapan ang Diyos na kalakip Niyang gumagawa upang matawag at madala kay
Cristo ang mga tupa nito na nasa Pilipinas?
Mayroon! Gaya ng sinasabi sa
talatang ating kasisipi pa lamang: “Huwag kang matakot, sapagka’t ako’y
sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi
mula sa silanganan.” “Ako’y sumasaiyo,” ang sabi ng Diyos sa
Kanyang sugo. Samakatuwid, kalakip ng
Diyos sa paggawa itong Kanyang sugo.
Hindi nag-iisa ang sugong ito.
Ang Diyos ay sumasakanya. Kasama
niya ang Diyos. Ang sugong ito ang
kalakip ng Diyos na gumagawa at siyang nangangaral ng Ebanghelyo upang madala
ng Diyos kay Cristo ang mga tupa ni Jesus na nasa Pilipinas. Samakatuwid, wala pa kay Cristo itong mga
kinikilala na ni Jesus na Kanyang mga tupa at kinikilala rin ng Diyos na
Kanyang mga anak na lalake at babae.
Saan at kanino sila naroroon?
Sila’y nakukulong at pinipigil ng Timugan at Hilagaan. Ang kumakatawan sa Timugan ay ang Iglesia
Katolika, sapagkat ito ay mula sa Roma na nasa Timugan ng Europa. Ang kumakatawan naman sa Hilagaan ay ang
Protestantismo, sapagkat ito’y mula sa Hilagaang Amerika. Kung gayon, ang mga kinikilala ng Diyos na
Kanyang mga anak at kinikilala ni Jesus na Kanyang mga tupa ay nasa Katoliko at
Protestante. Sila’y kukunin ng Diyos
doon at dadalhin kay Cristo o gagawin Niyang Iglesia ni Cristo, sa pamamagitan ng pagtawag sa mga ito sa
pagkasangkapan Niya sa Kanyang sugong magmumula sa Pilipinas.
Sa ano itinulad ang uri ng gawain
nitong sugong mula sa Malayong Silangan o Pilipinas? Sa Isa. 46:11, ay ganito ang sinasabi:
“Na tumatawag ng ibong mangdadagit mula sa silanganan, ng taong gumagawa ng aking payo mula sa malayong lupain; oo, aking sinalita, akin namang papangyayarihin; aking, pinanukala, akin namang gagawin.”
Itinulad sa ibong mandaragit ang uri ng gawain ng sugo ng
Diyos na gagamitin Niya sa pagdadala kay Cristo ng mga tupa ni Jesus sa
Pilipinas. Ang ibong mandaragit na
tinutukoy rito’y hindi tunay na ibon sa kalagayan, kundi ito’y tao na gumagawa
ng mga payo ng Diyos. Saan mula ang
ibon? Sa Silanganan. Saan naman mula ang tao na ito rin ang
ibon? Sa malayo. Samakatuwid, ang taong sinugo ng Diyos na
itinulad sa ibong mandaragit ay mula sa Malayong Silangan o Pilipinas. Sino ang sugong ito? Ito
ang sugo ng Diyos sa huling araw, na ito’y walang iba kundi si Kapatid na Felix
Manalo. Siya ang kinasangkapan ng Diyos
upang mangaral ng Ebanghelyo at nang madala kay Cristo ang mga tupa ni Jesus na
nasa Pilipinas. Kaya’t ang tunay na
nagtayo ng Iglesia ni Cristo rito sa
Pilipinas ay hindi si Kapatid na Felix Manalo, kundi ang Diyos at si Cristo.
ANO ANG PANGALANG ITATAWAG SA MGA TUPA NI
JESUS NA LILITAW SA PILIPINAS NA ISANG IGLESIA?
Sa Isa. 43:7, ay ganito ang pahayag ng hula:
“Bawa't tinatawag sa aking pangalan, at yaong aking nilikha ay sa aking kaluwalhatian, yaong aking inanyuan oo, yaong aking ginawa.”
Ayon sa pahayag ng hula, ang mga tupa ni Jesus na lilitaw
sa Pilipinas na isang Iglesia ay tatawagin sa pangalang nilikha o ginawa ng
Diyos. Alin ang pangalang nilikha o
ginawa ng Diyos? Ang pangalang Cristo,
ito ang pangalang ginawa ng Diyos (Gawa 2:36).
Papaano kung itawag ang pangalang Cristo sa mga tupa ni Cristo? Iglesia
ni Cristo kung itawag (Roma 16:16).
Kung gayon, ang pangalang Iglesia
ni Cristo na itinawag sa mga tupa
ni Jesus na lilitaw sa Pilipinas, ay hindi kinatha ni Kapatid na Manalo. Ang Diyos ang gumawa ng pangalang ito, kaya
ito’y mahalagang pangalan. Ano ang kahalagahan ng pangalang Cristo o Iglesia ni Cristo? Sa Gawa 4:10, 12, ay ganito ang sinasabi:
“Talastasin ninyong lahat, at ng buong bayan ng Israel, na sa pangalan ni Jesucristo ng taga Nazaret, na inyong ipinako sa krus, na binuhay ng Dios na maguli sa mga patay, dahil sa kaniya ay nakatindig ang taong ito sa inyong harap na walang sakit.
“At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka't walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.”
Dito’y tinitiyak sa atin ang kahalagahan ng pangalang
Cristo na siyang itinawag sa iglesiang lilitaw sa Pilipinas ayon sa itinakda ng
hula. Nasa pangalang ito ang
kaligtasan. Sa ibang pangalan ay walang
kaligtasan. Sa pangalang Katoliko,
Protestante, Aglipay, at iba pa, ay walang kaligtasan. Ang ibinigay ng Diyos na pangalang
ikaliligtas ng mga tao sa silong ng langit ay ang pangalang Cristo. Kaya’t sa pangalang ito dapat tawagin ang
taong nagnanais magtamo ng kaligtasan. Bakit maliligtas ang taong sasampalataya sa pangalan ni
Cristo, at bakit hindi maliligtas ang hindi sasampalataya sa pangalang ito? Sa Juan 3:18, ay ganito ang sinasabi:
“Ang sumasampalataya sa kaniya ay hindi hinahatulan; ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, sapagka't hindi siya sumampalataya sa pangalan ng bugtong na Anak ng Dios.”
Bakit maliligtas ang sumasampalataya sa pangalan ni
Cristo? Sapagkat ang sumasampalataya sa
pangalan ni Cristo ay hindi hinahatulan.
Bakit naman hindi maliligtas ang hindi sumasampalataya? Sapagkat hinatulan na ang hindi
sumasampalataya sa pangalan ni Cristo.
Bakit naman hindi na hinahatulan ang sumasampalataya sa pangalan ni
Cristo? Sapagkat ang kanilang mga
kasalanan ay ipinatawad na dahil sa pangalan ni Cristo (I Juan 2:12). Ang hindi sumampalataya sa pangalan ni Cristo
ay hindi magtatamo ng kapatawaran, kaya sila’y hinatulan na.
KAILAN ITINAKDA NG HULA ANG PAGLITAW SA
PILIPINAS NG IGLESIA
NI CRISTO NA MGA TUPA NI JESUS?
Ayon sa hulang
sinipi na natin sa unahan nito (Isa. 43:5-6), ang panahong itinakda ng Diyos sa
paglitaw ng Iglesia ni Cristo sa
Pilipinas ay sa mga wakas ng lupa.
Kailan itong mga wakas ng lupa?
Upang matiyak natin ito, kailangan nating pag-aralan ang pagkakahati ng
panahon ni Cristo. Sa ilang hati nababahagi ang panahon ni Cristo? Sa Apoc. 5:1, ay ganito ang sinasabi:
“At nakita ko sa kanang kamay niyaong nakaupo sa luklukan ang isang aklat na may sulat sa loob at sa labas, na tinatakang mahigpit ng pitong tatak.”
Mapapansin natin sa pagbasa ng talatang ito na tila
malayo ang sagot sa ating tanong. Ang
itinatanong natin ay kung ilang bahagi nahahati ang pahanon ni Cristo, ang
isinagot sa ati’y isang aklat na may pitong tatak. Tunay na aklat kaya
itong natatatakan ng pitong tatak? Sa
Isa. 29:11, ay ganito naman ang nakasulat:
“At ang lahat ng pangitain ay naging sa inyo'y gaya ng mga salita ng aklat na natatatakan, na ibinibigay ng mga tao sa isang marunong bumasa, na sinasabi, Iyong basahin ito, isinasamo ko sa iyo: at kaniyang sinasabi, Hindi ko mababasa, sapagka't natatatakan.”
Samakatuwid, hindi tunay na aklat sa kalagayan itong
aklat na natatatakan ng pitong tatak kundi ito’y pangitain. Ang panahon ba ni
Cristo’y ipinakita nga sa pangitain?
Sa Apoc. 1:10, 17-19, ay ganito ang sinasabi:
“Ako'y nasa Espiritu nang araw ng Panginoon, at narinig ko sa aking likuran ang dakilang tinig, na tulad sa isang pakakak.
“At nang siya'y aking makita, ay nasubasob akong waring patay sa kaniyang paanan. At ipinatong niya sa akin ang kaniyang kanang kamay, na sinasabi, Huwag kang matakot; ako'y ang una at ang huli,
“At ang Nabubuhay; at ako'y namatay, at narito, ako'y nabubuhay magpakailan man, at nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng Hades.
“Isulat mo nga ang mga bagay na nakita mo, at ang mga bagay ngayon, at ang mga bagay na mangyayari sa darating.”
Ipinakita ba sa pangitain ang panahon ni Cristo? Ipinakita kay Apostol Juan upang maisulat
niya ang mga pangyayaring magaganap sa boong panahon ni Cristo. Sa ilang bahagi nahahati ang buong panahon ni
Cristo? Nahahati sa pitong tatak o
pitong buko ng panahon. Alin sa pitong
bukong ito ng panahon o pitong tatak ang tinatawag na mga wakas ng lupa? Sa dulo ng ikaanim na tatak at sa simula ng
ikapitong tatak. Ito ang tinatawag na
mga wakas ng lupa. Bakit ang sabi’y mga
wakas? Sapagkat ang dulo ng ikaanim na
tatak ay isang wakas at ang simula ng ikapito’y wakas din, sapagkat ito ang
wakas na hati ng panahon ni Cristo, at sa dulo ng ikapitong tatak ay wakas
naman ng sanlibutan, kaya kung tawagin ang dulo ng ikaanim at simula ng
ikapitong tatak ay mga wakas ng lupa. Anong petsa ito sa ating kalendaryo? Upang ito’y matiyak natin, alamin muna natin
ang pangyayaring naganap sa dulo ng ikaanim na tatak. Ano ba ang
pangyayaring naganap sa dulo ng ikaanim na tatak? Sa Apoc. 6:12, ay ganito ang sinasabi:
“At nakita ko nang buksan niya ang ikaanim na tatak …”
Sinasabi ritong binuksan ang ikaanim na tatak. Ano ang pangyayaring
naganap sa dulo nito? Sa talatang
15, ay ganito ang sinasabi:
“At ang mga hari sa lupa, at ang mga prinsipe, at ang mga pangulong kapitan, at ang mayayaman, at ang mga makapangyarihan, at ang bawa't alipin at ang bawa't laya, ay nagsipagtago sa mga yungib at sa mga bato sa mga bundok.”
Ano ang pangyayaring naganap sa dulo ng ikaanim na
tatak? Nagsipagtago sa yungib ang lahat
ng uri ng mga tao mula sa hari hanggang sa mga alipin. Ano ang dahilan ng
pagtatago sa yungib ng mga tao?
Sa Jer. 4:13, 19, ay ganito ang sinasabi:
“Narito, siya'y sasagupang parang mga ulap, at ang kaniyang mga karo ay magiging parang ipoipo ang kaniyang mga kabayo ay lalong matulin kay sa mga aguila. Sa aba natin! sapagka't tayo'y nangapahamak.
“Ang hirap ko, ang hirap ko! Ako'y nagdaramdam sa aking puso; ang dibdib ko ay kakabakaba, hindi ako matahimik; sapagka't iyong narinig, Oh kaluluwa ko, ang tunog ng pakakak, ang hudyat ng pakikipagdigma.”
Bakit nagtago sa mga yungib ang mga hari, prinsipe, mga
pangulong kapitan, mga mayayaman, mga makapangyarihan, mga alipin at mga laya
sa dulo ng ikaanim na tatak? Sapagkat
may naganap na digmaan nang panahong yaon. E, ano kung may digmaan, bakit
nagsipagtago ang mga tao? Ang digmaang
ito’y ginamitan ng mga makabagong kasangkapang pandigma, gaya ng mga karo na
parang ipu-ipo (mga tangke) at mga kabayong matulin pa sa mga agila (mga
tangke) at mga kabayong matulin pa sa mga agila (mga eroplano)—tinatawag itong
‘aerial cavalry’ o kabayuhang
panghimpapawid (World History, pahina
478). Kapag sumasalakay ang mga
eroplano’y may hudyat na tumutunog—ito ang tunog ng mga sirena—na nagbabala sa
mga tao na may pagsalakay mula sa himpapawid.
Kapag narinig ito ng mga tao’y kumakaba ang kanilang mga dibdib, at
sila’y nagsisipagtago sa mga yungib na sa makabagong tawag ay ‘air raid shelter.’ Anong uring digmaan itong magaganap sa dulo
ng ikaanim na tatak ayon sa hula ng Diyos?
Ito’y digmaan ng lahat ng mga bansa sa boong sanlibutan (Isa. 34:1-2), samakatuwid ay Digmaang Pandaigdig. Kailan ito naganap
ayon sa ating kalendaryo? Noong 1914. Ang panahong ito ang tinatawag ng Biblia na
mga wakas ng lupa. Sa panahong ito
itinakda ng hula ang paglitaw sa Pilipinas ng Iglesia ni Cristo na mga tupa ni Jesus. Natupad ba ang hula? Natupad!
Ang Iglesia ni Cristo ay
napatala sa Pamahalaan noong Hulyo 27, 1914.
Sino ang tunay na nagtayo ng Iglesia ni Cristo
na lumitaw sa Pilipinas noong 1914?
Hindi si Kapatid na Manalo kundi
ang Diyos at si Cristo. *
Hango mula sa aklat na ISANG PAGBUBUNYAG SA IGLESIA NI CRISTO/1964/KABANATANG
XVI/PAHINA 128-138