Ang Tamang
Pagpapalit Ng Relihiyon
Sinulat ni REMUEL V. CASIPIT
MAITUTURING NA ISANG mabigat na pagpapasiya ang
pagpapalit ng relihiyon, lalo na kung isasaalang-alang ng isang tao ang
magiging damdamin ng mga kapamilya at mga dating kasamahan niya sa iiwang
relihiyon. Maraming dapat isaalang-alang
ang isang tao sa gagawing paglipat o pagpapalit ng relihiyon, at hindi niya ito
dapat gawin nang batay sa sariling pakiramdam, kuru-kuro, o palagay.
Tunay ba ang relihiyon na inaniban?
Sapagkat marami ang relihiyon sa kasalukuyan, marapat
lamang na tiyakin muna ng tao kung tunay ang relihiyong kaniyang inaniban. Higit ang pinsalang maidudulot ng pagkakamali
sa pagpili ng relihiyon kaysa pagkakamali sa pagpili ng mga materyal na
bagay. Ang pagkakamali sa relihiyon ay
ikapapahamak ng kaluluwa. Ganito ang
babala ng Banal na Kasulatan:
“May daan na tila matuwid sa isang tao, nguni't ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan.” (Kawikaan
14:12)
Ito ang
panganib kung sariling pakiramdam at panuntunan lamang ng tao ang gagamiting
batayan o gabay sa pagpili ng relihiyon.
May mga daan na sa tingin ng tao ay tila matuwid ngunit ang mga ito pala
ang maghahatid sa kaniya sa kamatayan—sa kaparusahan sa dagat-dagatang apoy
(Apoc. 20:14). Ang paglitaw ng mga
relihiyong hindi tunay na sa Diyos ang isa sa mga dahilan kung kaya’t dapat
maging maingat ang tao sa pagpili ng aaniban o lilipatang relihiyon. Ang tawag ng Biblia sa mga maling daan o
relihiyon ay mga likong landas. Ganito
ang ating mababasa sa Isaias 59:8-9:
“Ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nalalaman: at walang kahatulan sa kanilang mga lakad: sila'y nagsigawa para sa kanila ng mga likong landas; sinomang lumalakad doon ay hindi nakakaalam ng kapayapaan. Kaya't ang kahatulan ay malayo sa amin, o umaabot man sa amin ang katuwiran: kami'y nagsisihanap ng liwanag, nguni't narito, kadiliman; ng kaliwanagan, nguni't nagsisilakad kami sa kadiliman.”
Ang mga maling
relihiyon o likong landas ay ginawa o itinatag lamang ng tao at hindi ayon sa
kalooban ng Diyos. Kaya, kahit
magpalipat-lipat sa mga ito ang mga tao o magpapalit-palit man ng pangalan ang
mga relihiyong ito ay mananatili pa ring mali sapagkat hindi naman ayon ang mga
ito sa kalooban ng Diyos na nasa Biblia.
Alin ang tunay na relihiyon?
Sa pagpapasya sa mga bagay na may kinalaman sa
paglilingkod sa Diyos, ang dapat gumabay sa tao upang hindi siya magkamali ay
ang mga kalooban ng Diyos na nakasulat sa Biblia. Pinatutunayan ng Biblia na ang mga apostol ay
may relihiyon. Sabi ni Apostol Pablo:
“Napakahiwaga ng mga katotohanan ng ating relihiyon. …” (I Tim. 3:16, Magandang Balita Biblia)
Ang relihiyong
pinaglagyan sa mga apostol ay ang tunay na Iglesia. Ganito ang ating mababasa sa I Corinto 12:28:
“Naglagay ang Diyos sa
iglesya, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga
guro. …” (Ibid.)
Ang mga
apostol at ang mga unang Cristiano ay inilagay ng Diyos sa Iglesia. Bagaman si Apostol Pablo ay mayroon nang
relihiyong kinabibilangan noon (ang Judaismo)
gayunman ay tinawag pa rin siya sa Iglesia
ni Cristo (Gal. 1:13-14, New Pilipino
Version). Kaya, mahalaga at
kailangan ng tao na umanib sa tunay na Iglesia.
Ang pangalan ng tunay na Iglesia sa Biblia ay Iglesia ni Cristo:
“Mangagbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesia ni Cristo.” (Roma 16:16)
Samakatuwid,
kung ang tunay na Iglesia ni Cristo
ang relihiyong aaniban, tulad ng ginawa ng mga apostol, makatitiyak ang tao na
siya ay nasa katotohanan.
Ang paglipat na sang-ayon sa kalooban ng Diyos
Sa paglipat ng tao sa Iglesia
ni Cristo mula sa ibang relihiyon ay hindi sarili lamang niyang kagustuhan
ang kaniyang sinunod kundi higit sa lahat ay ang kalooban ng Diyos. Kalooban ng Diyos na ilipat ang tao na nasa
kadiliman o likong landas patungo sa kaharian ng Anak:
“Na nagpapasalamat sa Ama, na nagpaging dapat sa atin upang makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan; Na siyang nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng kadiliman, at naglipat sa atin sa kaharian ng Anak ng kaniyang pagibig; Na siyang kinaroroonan ng ating katubusan, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan.” (Col.
1:12-14)
Sa pahayag na
ito ni Apostol Pablo ay maliwanag na may pinaglipatan sa mga naging tagapagmana
ng mga pangako ng Diyos. Inilipat sila
sa kaharian ng Anak na kinaroroonan ng katubusan na siyang kapatawaran ng mga
kasalanan. Ang pinatutunayan ng Biblia
na tinubos o binili ng dugo ng Panginoon ay ang Iglesia ni Cristo:
“Take heed therefore to yourselves and to all the flock over which the Holy Spirit has appointed you overseers, to feed the church of Christ which he has purchased with his blood.” [Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.] (Acts 20:28, Lamsa Translation)
Samakatuwid,
mapalad ang tao na mula sa dating relihiyon ay lumipat sa Iglesia ni Cristo sapagkat napabilang siya sa mga taong tinubos at
tiyak na maliligtas.
‘Nakaiwas na, muli pang naakit sa dati’
Subalit sa unang Iglesia, sa panahon ng Panginoong Jesus
at ng mga apostol, ay may mga hindi nakapanatili sa banal na tawag. Ang iba ay muling naakit sa dati nilang
masamang gawain kaya lalong sumama ang kanilang kalagayan kaysa noong hindi pa
sila Iglesia ni Cristo. Dito angkop na angkop ang sinabi ni Apostol
Pedro:
“Nakaiwas na
sa kasamaan ng daigdig ang mga taong kumilala kay Jesu-Cristo na Panginoon at
Tagapagligtas. Ngunit kung muli silang maakit sa dating masamang gawain at tuluyang
malupig nito, ang magiging kalagayan nila ay masahol pa sa dati. Mabuti pang hindi nila natutuhan ang daang
matuwid kaysa talikdan, matapos matutuhan ang banal na utos na ibinigay sa
kanila. Kung magkagayon, angkop na
angkop sa kanila ang kasabihang ‘Ang aso
ay hayop, likas ang damdamin Na sa isinuka ay nagbabalik din.’ Ito namang baboy, paliguan mo man, Babalik
muli sa dating lubluban.” (II Ped. 2:20-22, MB)
Ang tinutukoy
ni Apostol Pedro sa mga talatang ito ay yaong nakakilala na sa daang matuwid,
samakatuwid ay kaanib na sa tunay na Iglesia, subalit muling naakit na magbalik
sa dati niyang kalagayan sa labas ng Iglesia
ni Cristo. Ayon kay Apostol Pedro ay
lalong pinasasama ng gayong tao ang kaniyang kalagayan. Mabuti pang hindi niya nakilala ang tamang
daan kaysa pagkatapos ay talikdan ito.
Ang mga kaanib na nagbabalik sa masamang gawa o hindi nagbabagong-buhay
ay itinitiwalag sa Iglesia (I Cor. 5:13, NPV)
Dahil ang
tunay na relihiyon ay ang Iglesia ni
Cristo, malaking kasawiang-palad ang sasapitin ng sinumang napaanib na rito
subalit naalis pa, kusa man o hindi. At
kung sila’y umanib sa ibang samahang panrelihiyon, hiwalay na sila sa daang
matuwid, kaya wala na silang pag-asa sa kaligtasan.
Sa kabilang
dako, kapag ang sinuman ay nagpasiyang iwan ang kaniyang dating relihiyon upang
umanib sa Iglesia ni Cristo, magdanas
man siya ng pag-uusig at pagsubok, ay mapalad siya, sapagkat pinatutunayan ng
Biblia na ang Iglesia ni Cristo ang
tunay na relihiyong dapat na aniban ng tao.
Pasugo God’s Message/December
2004/Pahina 22-24/Volume 56/Number 12/ISSN 0116-1636