ITINAYO NI CRISTO SA JERUSALEM
KAYA MALAKAS ang loob ng mga pare na sabihing ang Iglesia Katolika ang tunay na iglesiang itinayo ni Cristo sa Jerusalem noong unang siglo, ay sa dahilang paniwalang-paniwala sila at pinapaniwala rin nila ang marami na si Pedrong apostol ni Cristo ang kanilang unang papa. Kung mapapatunayan nga naman nila na si Pedro nga ang unang papa, lalabas na sila’y may kaugnayan kay Cristo at sa mga Apostol. Ito nga ba ang kanilang itinuturo? Sa Commentary on the Official Catechism of the Philippines pahina 134, ay ganito ang nasusulat:
“Where Peter is, there is the Church. Jesus appointed St. Peter as head of His Church… The successor of St. Peter is the bishop ofRome , and is usually called the Pope.”
Sa Pilipino:
“Kung saan naroon si Pedro, naroon ang Iglesia. Hinirang ni Jesus si Pedro na ulo ng Kaniyang Iglesia… Ang kahalili ni San Pedro ay ang Obispo ng Roma, at karaniwang tinatawag na Papa.”
Ginawa ba ni Jesus na Papa si Apostol Pedro? Sa aklat ng mga“Caballeros de Colon,” (aklat Katoliko) na pinamagatang Why Millions Call Him Holy Father, pahina 1, ay sinasabi ang ganito:
“Christ Never Called Peter Pope.”
Sa Pilipino:
“Hindi Kailanman Tinawag Ni Cristo Si Pedro Na Papa.”
Bakit kailanma’y hindi maaring tawagin at lalong hindi maaring gawin ni Cristo na Papa si Pedro? Ano ba ang kahulugan ng salitang Papa? Sa aklat ng pareng si Juan Trinidad na pinamagatang Ang Iglesia ni Kristo at iba’t ibang Sektang Protestante, pahina 26, ay ganito ang nasusulat:
“At ang Santo Papa (Ama) ay ang pinakamataas na ama ng ating kaluluwa dito sa lupa, dahil sa siya ang kahalili n gating Panginoon.”
Ama ang kahulugan ng salitang Papa. Ito raw ang pinakamataas na ama ng kaluluwa dito sa lupa. Sang-ayon ba ito sa aral ni Cristo? Sa Mat. 23:9, ay sinabi ni Cristo:
“At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinomang tao sa lupa: sapagka't iisa ang inyong ama, sa makatuwid baga'y siya na nasa langit.”
Nasasaklaw kaya ng pagbabawal na ito ang ating ama na asawa ng ating ina o ang ating ama sa laman? Hindi, sapagka’t sinabi rin Niya:
“Sapagka't sinabi ng Dios, Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina:…” (Mat. 15:4)
Kung gayo’y anong uring ama ang ipinagbabawal ni Cristo na itawag sa kaninomang tao sa lupa? Ang katulad ng pagiging Ama ng ating Ama sa langit, na ito ang Diyos. Anong uring Ama ang Diyos? Ang Diyos ay Ama ng kaluluwa (Ezek. 18:4). Sa makatuwid, nagkakasala ang mga papa sa pagpapatawag nila ng “Banal na Ama”, sa kanilang sarili sapagka’t iisa lamang ang Ama ng kaluluwa, ang Diyos. Kaya ito ang dahilan kung bakit hindi maaaring gawin ni Cristo na Papa si Pedro, sapagka’t ito’y labag sa aral na Kaniyang itinuro.
Bakit naman sa talaan ng mga papa ng Iglesia Katolika ay nangunguna si Pedro? Inilagay nga nilang una si Pedro sa talaan ng mga naging papa sa Iglesia Katolika, subali’t ang mga nagtala ay may alinlangan, kaya sa dulo ng pangalan ni Pedro ay naglagay sila ng tandang pananong (?-question mark). (Catholic Encyclopedia, vol. 12, p. 272). Ang sagot nila ukol dito ay hindi raw ang pagiging papa ni Pedro ang pinag-aalinlanganan kundi ang petsa. Ito’y pangangatwiran lamang! Ang totoo’y hindi hindi lamang ang pagiging papa ni Pedro ang pinag-aalinlanganan kundi ang sa marami pa, gaya ng mababasa saCatholic Dictionary, pahina 389:
“The number of popes since St. Peter is not certain; there are 262 commonly enumerated…Some of these are uncertain, and dozen aredefinitely unknown.”
Sa Pilipino:
“Ang bilang ng mga papa mula kay San Pedro ay hindi tiyak; may 262 na karaniwang binabanggit…Ang ilan sa mga ito ay hindi tiyak, at may isang dosena ang tiyak na hindi kilala.”
Bakit nag-alinlangan ang mga nagsisulat ng Catholic Encyclopedia sa pagiging papa ni Pedro? Kailan ba nagsimula ang tungkuling papa? Sa “Catholic Encyclopedia,” vol. 12, pahina 270, sinasabing noongikaapat na siglo o ikaapat na raang taon, ito ay pinasimulang maging katangi-tanging katawagan ng Pontipise Romano. Kailan naman namatay si Apostol Pedro? Ayon din sa “Catholic Encyclopedia,” vol. 11, pahina 750, si Pedro ay namatay noong taong 67-68, unang siglo. Paano magiging papa si Pedro na namatay noong 67, unang isang daang taon, samantalang ang tungkuling papa ay nagsimula noong ikaapat na raang taon? Mahigit nang tatlong daang taong patay si Pedro nang magkaroon ng tungkuling papa, kaya may katuwiran ang mga nagsisulat ng “Catholic Encyclopedia” na magalinlangan sa pagiging papa ni Pedro.
Maging ang kasaysayan ay nagsasabing napakalabo at walang katiyakan ang umano’y pagiging papa ni Pedro. Ganito ang sinasabi ng“World’s Great Events,” vol. 2, pahina 163:
“Our knowledge of the Papacy in its earliest days is very dim and uncertain. Peter, the fishermen of Galilee , who as tradition relates, was crucified with his head downward about 66, is claimed by the advocates of the Papal system, but without a shadow of historical proof, as first Bishop of Rome.”
Sa Pilipino:
“Ang ating kaalaman tungkol sa kapapahan sa mga unang araw nito ay napakalabo at walang katiyakan. Si Pedro, ang mangingisda ng Galilea, na ayon sa isinasaysay ng sali’t-saling sabi na ipinako sa krus nang patiwarik humigit-kumulang noong ika-66, ay ipinahahayag ng mga tagapagtanggol ng pamahalaan ng Kapapahan, ngunit walang anino ng patunay ng kasaysayan, bilang unang Obispo ng Roma.”
Maging sa Biblia at maging sa kasaysayan ay napatunayan natin na si Pedro kailanman ay hindi naging papa sa Iglesia Katolika at lalong hindi naging papa sa Iglesiang itinayo ni Cristo saJerusalem . Kaya walang kaugnayan sa karapatan kay Cristo at sa mga apostol ang mga papa at mga pare ng Iglesia Katolika.*****
Pasugo God’s Message, Mayo 1978, pahina 28, 33.