Ang
Katunayan Ng Mga Salita Ng Diyos Na Nasa Biblia
ANG Iglesia Ni Cristo ay
sumasampalataya na ang mga salita ng Diyos ay nasusulat sa Biblia. Ayon naman sa iba’y wala raw salita ang Diyos
sa Biblia. Ang Biblia raw ay gawa lamang
ng tao at mga salita ng tao. Bakit kami
sumasampalatayang nasa Biblia ang mga salita ng Diyos? Ano ang katunayang ang mga salita ng Diyos ay
nasusulat nga sa Biblia? Upang malaman
natin kung salita ng Diyos o salita ng tao ang nasusulat sa Biblia, ang
kailangan munang matiyak natin ay ang pagkakaiba ng mga salita ng Diyos at ng
mga salita ng tao. Kung hindi natin ito
matitiyak, hindi natin malalaman kung salita ng Diyos o salita ng tao ang mga
salitang nasusulat sa Biblia.
Ano ang pagkakaiba ng mga salita ng
Diyos
Na nasa Biblia at ng mga salita ng tao?
Sa Blg. 23:19, ay ganito
ang sinasabi:
“Ang Dios ay hindi tao na magsisinungaling, Ni anak ng tao na magsisisi; Sinabi ba niya, at hindi niya gagawin? O sinalita ba niya, at hindi niya isasagawa?”
Sa talatang ito’y sinasabi ang pagkakaiba
ng Diyos at ng tao sa pagsasalita. Ang
Diyos ay hindi magsisinungaling. Ang tao’y nakapagsisinungaling sa kanyang mga
salita, kahit ayaw nitong magsinungaling.
Bakit hindi nasisinungalingan ang Diyos sa
Kanyang mga salita? Ganito ang
sabi ng Diyos: “… Oo, aking sinalita,
akin namang papangyayarihin; aking pinanukala, akin namang gagawin” (Isa.
46:11). Ito ang dahilan kung bakit hindi
nasisinungalingan ang Diyos sa Kanyang mga salita—kapag sinabi Niya’y
papangyayarihin Niya, at kapag pinanukala Niya’y gagawin Niya. Bakit naman ang bawat
salitain ng Diyos ay mapangyayari Niya? Sapagkat
ang Diyos ay Makapangyarihan sa lahat, gaya ng sinabi Niya: “Ako ang Dios na Makapangyarihan sa lahat”
(Gen. 35:11), at “walang salitang mula sa Diyos na di may kapangyarihan” (Luc.
1:37). Ayon naman sa ating Panginoong
Jesucristo: “Lahat ng mga bagay ay may
pangyayari sa Dios” (Mar. 10:27).
Ano naman ang
katangian ng Diyos sa pagsasalita na wala sa tao? Sa Isa. 46:9-10, ay ganito ang sinasabi:
“Inyong alalahanin ang mga dating bagay ng una: sapagka't ako'y Dios, at walang iba liban sa akin; ako'y Dios, at walang gaya ko;
“Na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula nang mga unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari; na nagsasabi, Ang payo ko ay mananayo, at gagawin ko ang aking buong kaligayahan."
Ang sabi ng Diyos, Siya ay walang
kagaya. Sa ano Siya walang kagaya? Naipahahayag ng Diyos ang wakas mula sa
pasimula, at ang mga bagay na hindi pa nangyayari ay nasasabi na Niya sa una pa
lamang. Ito ay hindi magagawa ng
tao. Ni hindi alam ng tao ang mangyayari
bukas (Sant. 4:14). Nguni’t ang mga
bagay na mangyayari sa libu-libo pang taong darating ay naipahahayag ng Diyos
sa pasimula pa lamang. Ito ang maliwanag
na katunayan na magkaiba nga ang mga salita at ang mga salita ng tao. Wala sa tao ang katangiang maipahayag ang
wakas mula sa pasimula at masabi ang mga bagay na darating. Diyos lamang ang may katangian nito. Ang Biblia ba’y nagpapahayag ng wakas mula sa
pasimula? Nagsasalita ba ang Biblia ng
mga bagay na mangyayari sa darating? Kapag napatunayan nating ang Biblia ay
nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula at nasasabi ang mga bagay na mangyayari
sa libu-libo pang taong darating, kung gayon, ito ay hindi salita ng tao kundi
salita ng Diyos.
Alin ang ipinahayag ng Diyos sa pasimula
na
Tandang malapit na ang wakas?
Sa Isa. 34:1-2, ay ganito
ang ipinahayag ng Diyos:
“Kayo'y magsilapit, kayong mga bansa, upang mangakinig; at dinggin ninyo, ninyong mga bayan: dinggin ng lupa at ng buong narito; ng sanglibutan, at ng lahat na bagay na nagsisilitaw rito.
“Sapagka't ang Panginoon ay may galit laban sa lahat na bansa, at pusok ng loob laban sa lahat nilang hukbo: kaniyang lubos na nilipol sila, kaniyang ibinigay sila sa patayan.”
Ang mga pangungusap na ito ay mula sa
Diyos na ipinahayag sa panahon pa ng propetang si Isaias—daan-daang taon pa
bago ipinanganak ang ating Panginoong Jesucristo. Ano ang ipinahayag ng Diyos noon? Siya’y may galit laban sa lahat ng mga bansa
sa boong sanlibutan, at pusok ng loob laban sa lahat nilang hukbo. Ang mga ito ay Kanyang ibibigay sa patayan —
o sa digmaan. Samakatuwid, hinulaan ng
Diyos na magkakaroon ng digmaan ng mga bansa sa boong sanlibutan — Digmaang
Pandaigdig. Ano
ang ibig ipakilala sa atin ng digmaang ito? Ito ang tanda na malapit na ang wakas, gaya
ng mababasa natin sa Mat. 24:3, 6, naganito:
“At samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olivo, ay nagsilapit sa kaniya ng bukod ang mga alagad, na nagsisipagsabi, Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanglibutan?
“At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan: sapagka't kinakailangang ito'y mangyari datapuwa't hindi pa ang wakas."
Ipinahayag din ba
ng Diyos sa pasimula pa lamang kung anu-ano ang gagamiting kasangkapan sa
digmaang ito at anu-ano ang gagamiting kasangkapan sa digmaang ito at kung ano
ang ibubunga nito sa mga tao? Ipinahayag, gaya ng mababasa natin sa Jer.
4:13, 19, na ganito:
“Narito, siya'y sasagupang parang mga ulap, at ang kaniyang mga karo ay magiging parang ipoipo ang kaniyang mga kabayo ay lalong matulin kay sa mga aguila. Sa aba natin! sapagka't tayo'y nangapahamak.
“Ang hirap ko, ang hirap ko! Ako'y nagdaramdam sa aking puso; ang dibdib ko ay kakabakaba, hindi ako matahimik; sapagka't iyong narinig, Oh kaluluwa ko, ang tunog ng pakakak, ang hudyat ng pakikipagdigma.”
Anong uring pandigma ang gagamitin sa
digmaang ito ng mga bansa sa boong sanlibutan ayon sa hula ng Diyos? Mga karong parang ipo-ipo at mga kabayong
matulin pa sa mga agila, at ito’y magdudulot ng kapahamakan sa mga tao. Kapag ang mga ito’y dumarating ay may hudyat,
at kapag narinig ng mga tao’y kumakaba ang kanilang mga dibdib. Alin itong mga karo na parang ipo-ipo? Ito ang mga tangke. Alin naman ang mga kabayong matulin pa sa mga
agila? Ito ang mga eroplano na tinawag
ng kasaysayan na “aerial cavalry” o
kabayuhang panghimpapawid. Alin ang
hudyat na inihuhudyat kapag ang mga eroplano’y sumasalakay? Ito ang tinatawag nating “sirena.” Kailan ito mangyayari
at ano ang ibubunga sa mga tao kung ito’y mangyari na? Ganito ang pahayag ng mga salita ng Diyos:
“At nakita ko nang buksan niya ang ikaanim
na tatak …”
“At ang mga hari sa lupa, at ang mga prinsipe, at ang mga pangulong kapitan, at ang mayayaman, at ang mga makapangyarihan, at ang bawa't alipin at ang bawa't laya, ay nagsipagtago sa mga yungib at sa mga bato sa mga bundok.” (Apoc. 6:12, 15)
Itinakda ng hula na mangyari ang digmaang
ito sa katapusan ng ikaanim na tatak o ikaanim na buko ng panahon ni Cristo, at
ang ibubunga sa mga tao’y magtatago sa mga yungib ang mga hari, prinsipe,
pangulong kapitan, mayayaman, makapangyarihan, mga alipin at mga laya. Alin itong mga
yungib? Ito
ang tinatawag sa makabagong tawag na “air
raid shelter.” Bakit ang lahat ng uri ng tao’y magtatago sa mga yungib o “air raid shelter?” Sapagkat ang
gagamitin nilang pandigma’y mga eroplano at mga tangke. Alin ang kauna-unahang
digmaan na ginamitan ng mga tangke at eroplano? Ang Digmaang Pandaigdig na nagsimula noong 1914. Ito ay maliwanag na katunayan na salita nga
ng Diyos ang mga nasusulat sa Biblia.
Naipahahayag nga ng Diyos ang wakas mula sa pasimula, at sa una pa
lamang ay nasasabi na Niya ang mga bagay na mangyayari sa darating. Libu-libong taon pa bago ipinanganak si
Cristo ay ipinahayag ng Diyos na magkakaroon ng digmaan ang mga bansa sa boong
sanlibutan, at ito’y natupad. Ipinahayag
ng Diyos ang mga pandigmang gagamitin sa digmaang ito, at natupad din. Sinabi rin ng Diyos ang ibubunga ng digmaang
ito sa lahat ng uri ng tao — magtatago sa mga yungib, — at ito’y nangyari. Samakatuwid, ay hindi mga salita ng tao ang
nasusulat sa Biblia kundi mga salita ng Diyos, sapagkat hindi kaya ng taong
ipahayag ang wakas mula sa pasimula.
Hindi masasabi ng tao ang mga bagay na mangyayari sa darating. Ni ang mangyayari bukas ay hindi alam ng tao
(Sant. 4:14).
Hindi pa ito ang
lalong kahanga-hanga. Ano ang ipinahayag
ng Diyos na nasusulat sa Biblia na mangyayari pagkatapos ng pagtatago sa
yungib? Sa Apoc. 7:1, ay ganito
ang sinasabi:
“At pagkatapos nito ay nakita ko ang apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, na pinipigil ang apat na hangin ng lupa, upang huwag humihip ang hangin sa lupa, o sa dagat man, o sa anomang punong kahoy.”
Ang natapos na tinutukoy sa talatang ito’y
ang pagtatago sa yungib ng lahat ng uri ng tao, na ito’y nangyari sa katapusan
ng ikaanim na tatak na panahon ni Cristo (Apoc. 6:12, 15). Pagkatapos nito’y may nakitang apat na anghel
na nakatayo sa apat na sulok ng lupa na pinipigil ang apat na hangin ng
lupa. Bago natin liwanagin kung ano
itong hangin na pinipigil, liwanagin muna natin itong apat na anghel na siyang
pumigil sa hangin. Ano ba ang kahulugan ng salitang anghel? Ang kahulugan ng salitang anghel ay sugo o utusan
ng Diyos. Maging ang
Diksiyonaryo at maging sa Biblia ay ito (sugo) ang ibinibigay na kahulugan (Webster’s International Dictionary, p.
83; Heb. 1:13-14). Ang salitang anghel ay hindi pangalan ng kalagayan sa
pagkalalang kundi ito ay tungkulin. May ilang uring nilalang ang pinagkakapitan
ng salitang anghel? Dalawa. Ang salitang anghel ay ikinakapit sa mga
nilalang na espiritu na ang tahanan ay sa paligid ng luklukan ng Diyos (Heb.
1:13, 14; Apoc. 5:11). Ikinakapit din
ang salitang anghel o sugo sa mga nilalang na laman na nasa uring tao, gaya ng
mga pinuno ng bansa bansa. Mababasa
natin ito sa I Ped. 2:13-14, na ganito ang sinasabi:
“Kayo'y pasakop sa bawa't palatuntunan ng tao alangalang sa Panginoon: maging sa hari, na kataastaasan;
“O sa mga gobernador, na sinugo niya sa panghihiganti sa nagsisigawa ng masama at sa kapurihan ng nagsisigawa ng mabuti.”
Ang mga hari o gobernador—mga pinuno ng
bansa—ay tinatawag ding anghel o sugo.
Tangi sa mga pinuno ng bansa, ang mga ministrong halal ng Diyos sa
pangangaral ng ebanghelyo ay tinatawag ding anghel o sugo, gaya ng mababasa
natin sa Apoc. 1:16:
“At sa kaniyang kanang kamay ay may pitong
bituin…”
Dito’y may sinasabing pitong bituin. Ano itong pitong
bituin? Ito ba’y ang mga planeta? Sa Apoc. 1:20, ay nililiwanag sa atin kung
ano ito:
“Ang hiwaga ng pitong bituin na iyong nakita sa aking kanang kamay, at ng pitong kandelerong ginto. Ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong iglesia: at ang pitong kandelero ay ang pitong iglesia.”
Samakatuwid, ang pitong bituin ay hindi
pitong planeta kundi ito ay mga anghel ng Iglesia. Ang mga anghel ng Iglesia ay itinutulad sa
bituin. Bakit
natin tiniyak na ito’y mga ministrong halal ng Diyos sa pangangaral ng
ebanghelyo o salita ng Diyos? Sa
Dan. 12:3, ay ganito ang sinasabi:
“At silang pantas ay sisilang na parang ningning ng langit; at silang mangagbabalik ng marami sa katuwiran ay parang mga bituin magpakailan man.”
Ang mga pantas sa salita ng Diyos na ang
gawain ay magpabalikloob ng mga tao sa katuwiran ay parang mga bituin
magpakailanman. Ang gawain ng mga
ministrong halal o sugo ng Diyos ay ibalik ang mga tao sa Diyos. Sila’y tinatawag na anghel ng Iglesia at
itinutulad sa bituin. Ayon sa Apoc. 7:1,
ang apat na anghel ay pinipigil ang apat na hangin ng lupa. Ano itong hanging
pinipigil? Sa Jer. 4:11-13, 19,
ay ganito ang sinasabi:
“Sa panahong yaon ay sasabihin sa bayang ito at sa Jerusalem, Isang mainit na hangin na mula sa mga luwal na kaitaasan sa ilang ay dumating sa anak ng aking bayan, hindi upang sumimoy, o maglinis man:
“Isang malakas na hangin na mula sa mga ito ay darating sa akin: ngayo'y magsasalita naman ako ng mga kahatulan laban sa kanila.
“Narito, siya'y sasagupang parang mga ulap, at ang kaniyang mga karo ay magiging parang ipoipo ang kaniyang mga kabayo ay lalong matulin kay sa mga aguila. Sa aba natin! sapagka't tayo'y nangapahamak.
“Ang hirap ko, ang hirap ko! Ako'y nagdaramdam sa aking puso; ang dibdib ko ay kakabakaba, hindi ako matahimik; sapagka't iyong narinig, Oh kaluluwa ko, ang tunog ng pakakak, ang hudyat ng pakikipagdigma.”
Sinasabi rito na ang
hangin ay sumasagisag sa digma. Kung
gayon, ang hanging pinipigil ng apat na anghel o apat na sugo ng bansa ay
digmaan. Alin
itong digmaang pinigil ng apat na sugo ng bansa? Ito ang digmaang ginamitan ng mga makabagong
pandigma, gaya ng mga karo na parang ipu-ipo at mga kabayong matulin pa kay sa
mga agila. Ang mga karong parang ipu-ipo
ay mga tangke, at ang mga kabayong matulin pa sa agila ay mga eroplano. Tinatawag sa kasaysayan na “aeral cavalry” (World History, p. 478).
Aling digmaan ang unang ginamitan ng mga tangke at mga eroplano? Ang digmaang nagsimula noong 1914. Ito ang tinatawag na Unang Digmaang Pandaigdig. Ayon sa kasaysayan,
ilan nga ang pumigil sa digmaang ito? Apat. Sinu-sino ang napatala sa kasaysayan na apat na pinuno ng
bansa na pumigil sa Unang Digmaang Pandaigdig? Ito ay sina Lloyd George, Unang Ministro ng
Bretanya; Clemenceau, Unang Ministro
ng Pransiya; Orlando, Unang Ministro
ng Italya; at Wilson, Pangulo ng
Estados Unidos. Ang mga ito ang
tinatawag na “Big Four” (World
History, p. 494). Tamang-tama ang pahayag ng Diyos! Kung ano ang sinabi ng hula ay siyang
natupad. Sinabing ang digmaang
pansanlibutan ay pipigilin, at napigil nga.
Sinabing apat ang pipigil, at ito’y natupad. Kahanga-hangang talaga ang mga salita ng
Diyos! Iba nga ang Diyos kay sa
tao. Naipahahayag nga ng Diyos ang wakas
mula sa pasimula. Ito ang matibay na
katunayang ang mga salita ng Diyos ay nasusulat sa Biblia.
At ang lalong kahanga-hanga’y ipinahayag
ng Diyos at nasusulat sa Biblia kung
gaano katagal mapipigil ang Digmaang Pansanlibutan na nagsimula noong 1914. Sa Apoc. 8:1,
ay ganito ang mababasa natin:
“At nang buksan niya ang ikapitong tatak, ay nagkaroon ng katahimikan sa langit na may kalahating oras.”
Gaano katagal
mapipigil ang digmaan? Ang sabi’y
nagkaroon ng katahimikan sa langit ng may kalahating oras. Bago natin liwanagin ang may kalahating oras
na katahimikan — dapat muna nating matiyak kung alin itong langit na nagkaroon
ng katahimikan. Ito
ba ang langit ng Diyos? Sa Lev.
26:19, ay ganito ang sinasabi:
“At sisirain ko ang kahambugan ng inyong kapangyarihan; at gagawin kong parang bakal ang inyong langit at parang tanso ang inyong lupa.”
Ang langit na tinutukoy dito’y ang langit
ng mga tao. Sino
ang mga taong may langit o nasa kaluwalhatian? Sa Isa. 14:18, ay ganito ang sinasabi:
“ Lahat ng mga hari ng mga bansa, silang lahat, nangatutulog sa kaluwalhatian, bawa't isa'y sa kaniyang sariling bahay.”
Ang mga hari ng mga bansa ang nasa
kaluwalhatian o nasa langit. Nahawi ang
langit na ito nang magkaroon ng digmaan.
Datapuwa’t hinulaan ng Diyos na mapipigil ang digmaan kaya magkakaroon
ng katahimikan sa langit ng mga hari. Gaano katagal? May kalahating
oras! Gaano katagal sa tao
ang may kalahating oras sa Diyos? Ito
ba’y katulad ng ating kalahating oras na binubuo ng tatlumpong minuto? Sa Ped. 3:8, ay ganito ang sinasabi:
“Datapuwa’t
huwag ninyong kalimutan, mga minamahal, ang isang bagay na ito, na ang isang araw sa Panginoon ay katulad
ng isang libong taon…”
Samakatuwid, ang isang araw sa Diyos ay
katumbas ng isang libong taon sa
tao. Ilang taon naman ang katumbas sa
tao ng isang oras sa Diyos? Ang hustong
kalahating oras? At ang may kalahating
oras? Ang isang araw ay binubuo ng
dalawampu’t apat na oras. Kung babahaginin natin ang isanlibong taon sa
dalawampu’t apat, lalabas na ang isang oras sa Diyos ay apatnapu’t isang taon
at walong buwan sa tao. Ang hustong
kalahating oras sa Diyos ay dalawampung taon at sampung buwan sa tao. Ayon sa hula ng Diyos, hindi hustong kalahating oras
kundi may kalahating oras ang itatagal ng pagkapigil ng
digmaan. Ayon sa kasaysayan, ang Unang
Digmaang pandaigdig ay tumigil noong Nobyembre 11, 1918. At ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay
nagsimula naman noong Setyembre 1, 1939.
Ang pagitan nitong dalawang digmaan ay
dalawampung taon, siyam na buwan at
dalawampung araw. Kaya’t naganap
ang ipinahayag ng hula ng Diyos na magkakaroon ng katahimikan na may kalahating
oras. Ang katumbas ng may
kalahating oras ng Diyos ay dalawampung taon, siyam na buwan at dalawampung
araw. Natupad ang itinakda ng hula na magkakaroon
ng katahimikan na may kalahating oras—o dalawampung taon, siyam na buwan at
dalawampung araw. Ito ang
malinaw na katunayan na may isang Diyos na makapangyarihan sa lahat, at ang mga
salita ng Diyos ang nasusulat sa Biblia.
Ang Biblia’y nagsasalita ng wakas mula sa pasimula. Sinasabi ng Biblia ang mga bagay na
darating. Ito’y hindi magagawa ng
tao. Ang Diyos lamang ang makagagawa
nito. Kaya walang alinlangang mga salita ng Diyos
ang nasusulat sa Biblia.
Hango sa
aklat na Isang Pagbubunyag Sa iglesia Ni Cristo/Kabanata II/Pahina 8-15