Lunes, Disyembre 1, 2014

TUNGKOL SA PRUSISYON NG MGA KATOLIKO

TUNGKOL SA PRUSISYON NG MGA  KATOLIKO



Ang prusisyon ay isa sa mahalagang bahagi ng pagsamba ng mga katoliko.  Hindi lamang kung kaarawan ng pista ng kanilang mga santo at santa sila nagdaraos ng prusisyon, kundi sa mga tanging pagkakataon, gaya na kung humihingi sila sa kanilang patron ng ulan, o ng mabuting ani, o kaya’y ng kaligtasan sa mga salot o mga sakit na lumalaganap.

     Sa prusisyon ay inililibot ang mga inukit na larawan ng kanilang mga santo at santa, na nagagayakang mabuti ng magagarang kasuotan, at napapalamutian ng ginto, pilak at mahahalagang bato.  Kung minsa’y pasan-pasan ito ng mga tao sa kanilang balikat at kung minsan nama’y nakalulan ito sa karo at hilahila o kaya’y itinutulak ng mga sa kanila’y nagpapanata.  Sa magkaabilang gilid ng mga diyus-diyusang ito ay nakahanay naman ang mga kasama sa prusisyon, lalaki at babae, matanda at bata, dalaga at binata na may mga hawak na kandilang may ningas.  Karaniwan na sa ganitong prusisyon ay may kasamang banda ng musika, na tumutugtog ng mga piling tugtuging naaangkop sa gayong pagkakataon.  Kasama rin sa prusisyon ang pari ng parokya.  Ang mga saradong katoliko’y buong pag-asang nagtitiwala na sa kanilang pagsama o pag-ilaw sa prusisyon ay nakagagawa sila ng malaking kabanalan sa harap ng Diyos.  Sumasama sila sa prusisyon sa pag-asa nilang ito’y utos ng Diyos at kabanalan kung ito’y gawin.  Hindi sila nag-abalang ito’y suriin upang alamin kung saan ito nagmula, kung ano ang layon nito, kung ano ang pinagsasaligan ng kanilang relihiyon sa pagsasagawa nito, at higit sa lahat, kung ito’y may halaga sa harap ng Diyos.  Ito ngayon ang aming ipinag-aanyaya sa aming mga kababayang katoliko.  Panahon na upang tayo’y magsuri.  Walang mawawala sa atin kung ito’y ating gawin, bagkus tayo’y makikinabang at makararating sa katotohanan.

Ang batayan na pinagsasaligan ng mga katoliko
sa kanilang pagpuprusisyon ng mga santo at santa nila
     Ano ang pinagsasaligan ng mga katoliko sa pagdaraos ng prusisyon ng kanilang mga santo at santa?  Tunghayan natin ang paliwanag ng The Catholic Encyclopedia, Vol. 12, p. 446.  Ganito ang salin sa wikang Pilipino:

     “Mga Prusisyon, isang bahagi sa lahat ng seremonya, ay masusumpungan, na dapat nating asahan, sa halos lahat ng anyo ng pagsambang relihiyoso.  Ang halimbawa ng mga prusisyong kasama ang Kaban ng Tipan sa Matandang Tipan  (pagparisin, lalo na ang II Hari VI, at III Hari, VII) at ang matagumpay na pagpasok ng ating Mananakop sa Jerusalem sa Bago, marahil ay hindi walang bisa sa ritual ng mga huling panahon.”

     Maliwanag na ang pinagbabatayan ng mga katoliko sa kanilang pagpuprusisyon ay ang sinasabi sa II Har, kabanatang ikaanim (Duoay Version), na ito’y nauukol, sa paglilipat sa Kaban ng Tipan.  Upang matiyak natin kung ito’y sapat na batayan ng pagpuprusisyon, tunghayan natin ang sinasabi sa II Hari 6:1-5 (Douay Version), o sa II Samuel 6:1-5 ng karaniwang Biblia:

     “At pinisan uli ni David ang lahat na piling lalake sa Israel, na tatlong pung libo.

     “At bumangon si David at yumaon na kasama ng buong bayan na nasa kaniya, mula sa Baale Juda, upang iahon mula roon ang kaban ng Dios, na tinatawag sa Pangalan, sa makatuwid baga'y sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo, na tumatahan sa gitna ng mga querubin.

     “At kanilang inilagay ang kaban ng Dios sa isang bagong karo, at kanilang inilabas sa bahay ni Abinadab na nasa burol: at si Uzza at si Ahio, na mga anak ni Abinadab, ay siyang nagpatakbo ng bagong karo.

     “At kanilang inilabas sa bahay ni Abinadab, na nasa burol, pati ng kaban ng Dios: at si Ahio ay nagpauna sa kaban

     “At si David at ang buong sangbahayan ni Israel ay nagsitugtog sa harap ng Panginoon ng sarisaring panugtog na kahoy na abeto, at ng mga alpa, at ng mga salterio, at ng mga pandereta, at ng mga kastaneta at ng mga simbalo.”

     Ang mga talatang ito ang pinagbabatayan ng prusisyon ng Iglesia Katolika.  Nguni’t ito kaya’y prusisyon?  Ang ginawa ni David at ng mga piling lalaki ng Israel ay hindi prusisyon ng mga diyus-diyusan o ng mga larawang inanyuan, na mula sa simbahan ay ilalabas at doon din sa simbahang iyon ang tuloy pagkatapos; hindi prusisyon ng mga may hawak na kandilang may sindi, gaya ng ating nakikita sa mga prusisyon ng mga katoliko.  Hindi nga ganito, kundi ito ay paglilipat sa kaban ng Diyos, mula sa isang dako patungo sa isang tanging dako, na ito ay karaniwang ginagawa ng mga panahong yaon.  Ano ang tanging pangyayaring naganap sa paglilipat na ito ng kaban ng Diyos na siyang pinagbatayan ng pagpuprusisyon ng mga katoliko?  Tunghayan natin ang sumusunod na talatang 6 at 7:

     “At nang sila'y magsidating sa giikan ni Nachon, iniunat ni Uzza ang kaniyang kamay sa kaban ng Dios, at hinawakan; sapagka't ang mga baka ay nangatisod.

     “At ang galit ng Panginoon ay nagalab laban kay Uzza; at sinaktan siya ng Dios doon dahil sa kaniyang kamalian; at doo'y namatay siya sa siping ng kaban ng Dios.”

     Narito ang kahambal-hambal na nangyari kay Uzza sa paglilipat ng kaban ng tipan, na siyang pinagbatayan ng prusisyon ng mga katoliko.  Nagalit sa kanya ang Diyos at siya’y pinatay.  Bakit?  Sapagka’t hinipo niya ang kaban upang alalayan dahil sa pagkatisod ng mga baka na humihila  sa karo na kinalululanan ng kaban ng Diyos.  Maaaring sabihin na ang ginawa ni Uzza ay pagmamalasakit sa kaban ng Diyos.  Nguni’t bakit nagalit sa kanya ang Diyos at siya ay pinatay?  Sapagka’t ang ginawa ni Uzza ay labag sa utos ng Diyos na mababasa sa Blg. 4:15:

     “At pagka si Aaron at ang kaniyang mga anak ay nakatapos na makapagtakip sa santuario at sa buong kasangkapan ng santuario, kailan ma't isusulong ang kampamento: ay magsisilapit pagkatapos ang mga anak ni Koath upang kanilang buhatin yaon: datapuwa't huwag silang hihipo sa santuario, baka sila'y mamatay. Ang mga bagay na ito ay siyang pasanin ng mga anak ni Coath sa tabernakulo ng kapisanan.”

     May katwirang magalit ang Diyos kay Uzza at siya’y mamatay.  Ang ginawa niyang paghipo sa kaban ay bawal ng Diyos.  May babalang kamatayan sa bawa’t hihipo.  Bawal din ang kanilang pagpapahila sa karo sa pamamagitan ng mga baka.  Dapat lamang nilang buhatin iyon o pasanin sa pamamagitan ng mga pingga.  Hindi nila sinunod ang utos ng Diyos kundi pinahila sa mga baka.  Nang matisod ang mga baka ay tumagilid ang karo at ang kaban ng Diyos ay mabubuwal.  Hinawakan ni Uzza ang kaban upang alalayan at siya’y namatay.  Dito sa labag na ginawa ng bayang Israel sa paglilipat ng kaban ng Tipan, ibinatay ng mga katoliko ang kanilang pagpuprusisyon.  Kaawaawang mga katoliko!  Napaaakay sa mga pari na walang kamalay-malay sa katwiran ng Diyos!  Sumasama sila sa prusisyon at pagpuprusisyon sa pag-asang ito’y utos ng Diyos at kabanalan, ngunit hindi pala ito utos ng Diyos kundi utos lamang ng pari; hindi pala kabanalan kundi kasalanan.

 Ang kandila sa prusisyon
      Ang mga sumasama sa prusisyon ay nakikita natin na may mga dalang kandilang may ningas sa kanilang mga kamay.  Ano ang kahulugan nito?  Bakit gumagamit ng kandila sa prusisyon?  Utos ba ito ng Diyos o kaya’y ng ating Panginoong Jesucristo?  Tunghayan natin ang paliwanag ng  The Catholic Encyclopedia, Vol. 3, pahina 246.  Ganito ang salin sa Pilipino:

     “Pagbabasbas sa mga kandila at Prusisyon—Ayon sa Missal Romano ang nagsasagawa pagkatapos ng Tierce (9:00) may kasuotang ‘stola’ at ‘capa’ na may kulay na matingkad na pula, nakatayo sa dako ng altar na kinalalagyan ng kasulatan, ay binasbasan ang mga kandila (na ito’y pagkit ng pukyutan).  Pagkatapos awitin o sabihin ang limang dasal na itinakda, wiwisikan at pinauusukan ng insenso ang mga kandila.  Pagkatapos ay ipinamumudmod niya sa pari at sa mga tao, samantalang ang koro ay inaawit ang Awit ni Simeon, ‘nune dimittis.’  Ang ‘Antiphon (awit na pansagot) ‘lumen ad revelationem gentium et gloriam plebis tuae Israel’ ay inuulit pagkatapos ng bawa’t bersikulo, ayon sa matandang kaugalian ng pag-awit ng ‘antiphon’ (awit na pansagot), na doo’y lahat ng mga kasama ay hawak ang mga kandilang may sindi, aawitin ng koro ang awit na pansagot ‘ Adorna Thalamum tuum, Sion,’ nilikha ni San Juan ng Damasko, isa sa mga ilang tugtugin, na testo at musika, ay hiniram ng Iglesia Romana sa mga Griego.  Ang mataimtim na prusisyon ay kinakatawan ang pagpasok ni Cristo, na Siyang Ilaw ng sanlibutan, sa templo ng Jerusalem.”

     Narito ang katwiran ng mga katoliko sa paggamit ng kandila sa prusisyon. Para daw ipakilalang si Cristo ang Ilaw ng sanlibutan, at ang mataimtim na prusisyon daw ay kumakatawan sa pagpasok ni Cristo sa Jerusalem.  Napakahusay magpakahulugan ng mga tagapagturong katoliko!  Si Cristo’y Ilaw ng sanlibutan, kaya dapat gumamit ng kandila.  Totoo bang si Cristo’y Ilaw ng sanlibutan?  Ang Kanya bang pagiging Ilaw ng sanlibutan ay tumutukoy sa kandila?  Basahin natin ang sinabi ni Jesus, na nasa Juan 8:12:
   " Muli ngang nagsalita sa kanila si Jesus, na sinasabi, Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan.”

     Walang kandilang binabanggit si Jesus sa talatang ito.  Siya’y Ilaw ng sanlibutan — hindi kandila ng sanlibutan.  Anong uri ng Ilaw si Jesus? — Ilaw ng Kabuhayan.  Ang sumusunod sa Kanya’y hindi lalakad sa kadiliman kundi magkakaroon ng Ilaw ng kabuhayan.  Sa Juan 11:25, ay sinabi pa ni Jesus:  “Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, gayon ma'y mabubuhay siya.”  Samakatuwid, sa anumang paraa’y hindi kandila ang tinutukoy ni Jesus sa pagsasabing Siya’y ilaw ng sanlibutan.  Ipinakikilala Niyang Siya ang pagkabuhay na mag-uli at ang kabuhayan.  Ang sinumang sasampalataya sa Kanya, bagama’t mamatay ay mabubuhay—magkakaroon ng buhay na walang hanggan.

     Si Cristo ba lamang ang Ilaw ng sanlibutan?  Sino pa ang kanyang itinuturo na ilaw rin ng sanlibutan?  Sa Mat. 5:14  ay ganito ang sabi ni Jesus:  “Kayo ang ilaw ng sanlibutan…”  Ang kausap ni Jesus sa talatang ito’y ang mga kaanib sa Kanyang Iglesia—mga Iglesia ni Cristo.  Ang mga ito’y ilaw ng sanlibutan.  Ano ang dapat nilang gawin sa ilaw na ito?  “Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit." (Mat. 5:16).  Samakatuwid, dapat magliwanag ang bawa’t Iglesia ni Cristo sapagka’t sila’y ilaw, at ang ilaw na ito’y hindi ang kandila kundi ang mabubuting gawa — ito ang dapat lumiwanag.  Talaga bang ang liwanag na hinihingi ay hindi liwanag ng kandila kundi ang mabuting gawa o pamumuhay?  Sa Filipos 2:15, ay ganito ang sinasabi: “ Upang kayo'y maging walang sala at walang malay, mga anak ng Dios na walang dungis sa gitna ng isang lahing liko at masama, na sa gitna nila'y lumiliwanag kayong tulad sa mga ilaw sa sanglibutan.”  At sa I Ped. 2:12, ay sinabi pa:  “Na kayo'y mangagkaroon ng timtimang ugali sa gitna ng mga Gentil; upang, sa mga bagay na ipinagsasalita nila laban sa inyong tulad sa nagsisigawa ng masama, dahil sa inyong mabubuting gawa na kanilang nakikita, ay purihin nila ang Dios sa araw ng pagdalaw.”  Maliwanag na sa pagiging ilaw ng sanlibutan ng mga kristiyano, hindi kandila ang tinutukoy kundi ang kanilang mabubuting gawa na salig sa kagustuhan ng Diyos.

Kung ang liwanag na ibig ng Diyos ay hindi kandila
kundi ang mabubuting gawa na salig sa kagustuhan
ng Diyos, saan nagmula itong kandila?
      Sa ating ginawang pagsusuri sa pagpuprusisyon ng mga katoliko, natiyak natin na ito’y hindi utos ng Diyos, at kung mayroon man silang pinagbatayan sa Biblia, ito ang labag na ginawa ng Israel sa paglilipat sa kaban ng Diyos.  Gayundin, natiyak natin na ang paggamit ng kandila sa prusisyon ay hindi rin utos ng Diyos.  Dahil dito, dapat nating matiyak at hanapin kung saan nagmula itong kandila.  Saan namana ng mga katoliko ang paggamit ng kandila sa prusisyon?  Tunghayan natin ang paliwanag ng aklat ng mga katoliko, ang The Catholic Encyclopedia. Vol. 3, p. 246:

     “Mga Kandila”. — Ang salitang kandila (candela, mula sa Candeo, sunugin) ay ipinasok sa wikang Ingles na isang salita na ukol sa Iglesia, kaipala mula pa noong ikawalong  siglo.  Nakilala sa panahon ng pagbabago ng aral ng Iglesia at ipinakikilala ang alin mang uri ng maliit na kandilang pagkit na ang mitsa, hindi karaniwang binubuo ng bulay na papyrus, ay nakabalot ng pagkit o taba ng hayop.  Hindi natin dapat ipanliit na tanggapin na ang mga kandila, gaya ng insenso at panlinis na tubig, ay karaniwang ginagamit sa pagsambang pagano at sa mga ritong ipinatutungkol sa patay.  Nguni’t ang Iglesia (Katolika) mula ng unang panahon ay isinama ang mga ito sa kanyang paglilingkod.”

     Inaamin ng mga manunulat katoliko na ang kandila ay mula sa mga pagano.  Mga pagano ang gumagamit ng kandila sa kanilang mga pagsamba.  Ito ang ginaya ng Iglesia Katolika at isinama sa kanyang paglilingkod.  Samakatuwid, hindi mula sa utos ng Diyos itong kandila kundi mula sa utos ng mga tao.  Pati ang pagpuprusisyon ay hindi rin mula sa mga salita ng Diyos kundi mula sa aral ng tao.  Dahil dito, ang pagsunod sa utos ng tao ay walang kabuluhan sa harap ng Diyos, kung ito ay gagamiting batayan sa pagsamba (Mat. 15:9, Col. 2:23, 22).

Hango mula sa aklat na Isang Pagbubunyag Sa Iglesia Ni Cristo/Copyright 1964 by Iglesia Ni Cristo Church Of Christ/Kabanata XI/Pahina 94-99