Nilalang
Ng Diyos Ang Tao Na Itinalaga
Sa
Pagkukupkop Ni Cristo
NALIWANAGAN na natin na
ang Diyos ang lumalang at may-ari sa tao [Kabanata III] . Naunawaan din natin na tungkulin at
pananagutan ng tao ang kumilala at umibig sa Diyos na lumalang at may-ari sa
kanya. Ngunit alin ang hindi lubos na
nababatid ng marami? Marami ang hindi
ganap na nakakatalastas ng dahilan kung bakit nilalang ng Diyos ang mga tao at
kung ano ang layunin ng Diyos at sila’y itinalaga pa sa pagkukupkop ng ating
Panginoong Jesucristo. Kaya ito’y
kailangan nating talakayin at pag-aralan.
Ano ang layon ng Diyos
Sa paglalang sa tao na siyang
pinag-uukulan?
Sa Gen. 1:26-27, ay ganito
ang sinasabi:
“At sinabi ng Dios, Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis: at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop, at sa buong lupa, at sa bawa't umuusad, na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa.
“At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae.”
Ano ang layon ng
Diyos? Sila’y nilalang upang maging
larawan ng Diyos. Nilalang ba ng Diyos
ang mga tao na larawan Niya sa wangis o anyo?
Hindi. Bakit? Sapagkat ang Diyos ay walang anyo. Bakit walang anyo ang
Diyos? Ano ba ang Kanyang kalagayan? Sa Juan 4:24, ay sinasabi ang ganito:
“Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.”
Ang Diyos ay nasa kalagayang Espiritu,
kaya Siya’y walang anyo. Ang lahat ng
sumasamba sa Kanya ay dapat na sambahin
Siya sa Espiritu at sa katotohanan.
Ito ang tunay na pagsamba na hinahanap ng Diyos na ginagawa ng mga tunay
na mananamba. Ang Diyos ay hindi dapat
sambahin sa larawan at sa mga rebulto.
Kung ang Diyos ay walang anyo sapagkat
Siya’y Espiritu, sa ano larawan ng Diyos ang mga tao na Kanyang nilalang? Sa uri
ng Diyos. Ano
ba ang uri ng Diyos? Sa I Ped.
1:15-16, ay ganito ang tinitiyak:
“Nguni't yamang banal ang sa inyo'y tumawag, ay mangagpakabanal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay;
“Sapagka't nasusulat, Kayo'y mangagpakabanal; sapagka't ako'y banal.”
Ang uri ng Diyos ay banal. Kung gayon, ang mga tao’y larawan ng Diyos sa
kabanalan. Kaya sila’y dapat
magpakabanal upang maging kauri sila ng Diyos na banal. Kailan pa pinanukala
ng Diyos na ang mga tao’y lalangin Niya sa layuning sila’y maging banal sa
harap Niya sa pag-ibig? Sa Efe.
1:4, ay ipinakikilala ang ganito:
“Ayon sa pagkapili niya sa atin sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo'y maging mga banal at mga walang dungis sa harapan niya sa pagibig.”
Bago pa itinatag ang sanlibutan, ay pinili
na ng Diyos ang tao sa iba’t ibang mga bagay na Kanyang nilikha upang italagang
maging mga banal sa harapan Niya sa pag-ibig.
Ngunit paano sila mababanal? Alin ang magpapabanal sa kanila? Sa Juan 17:17, ay sinabi ang ganito: “Pakabanalin mo
sila sa katotohanan: ang salita mo’y
katotohanan.” Ang katotohanan o
ang mga salita ng Diyos ang ikababanal
ng mga tao. Paano
sila mababanal ng mga salita ng Diyos?
Sa I Ped. 1:22, ay ganito ang itinuturo:
“Yamang nilinis ninyo ang mga kaluluwa sa inyong pagtalima sa katotohanan, sa pagibig na hindi pakunwari sa mga kapatid, ay mangagibigan kayo ng buong ningas ng inyong puso sa isa't isa.” Ang mga tao’y
mababanal sa pamamagitan ng pagtalima sa mga salita ng Diyos. Malilinis ang kanilang mga kaluluwa sa
pagtalima sa mga salita ng Diyos. Bakit
tiyak na malilinis ang kaluluwa sa pagtalima sa mga salita ng Diyos? Sapagkat ang mga salita ng Diyos ay sadyang
panlinis sa lahat ng karumihan at pagkakasala (Juan 15:3). Kaya tungkulin at pananagutan ng mga tao ang
sumunod sa mga salita ng Diyos, upang sila’y makarating sa uri na maging banal
na kauri ng Diyos na banal, at makatugon sa layon ng Diyos sa pagkalalang at
pinag-uukulan sa kanila. Ngunit magagawa
ba ng tao sa kanyang sarili ang pagpapakabanal sa pagtupad ng mga utos ng
Diyos? Hindi. Kailangan ng mga tao ang isang tagakupkop.
Sino ang tagakupkop sa tao at ano
Ang inihanda ng Diyos na lalakaran?
Sa Efe. 1:5, ay ganito ang
sinasabi
“Na tayo'y itinalaga niya nang una pa sa pagkukupkop na tulad sa mga anak sa pamamagitan ni Jesucristo sa ganang kaniya, ayon sa minagaling ng kaniyang kalooban.”
Sino ang itinalaga ng Diyos na tagakupkop
sa mga tao upang sila’y maging banal?
Minagaling ng kalooban ng Diyos na ang mga tao’y italaga nang una pa sa
pagkukupkop ng ating Panginoong Jesucristo.
Bakit si Cristo ang itinalagang kumupkop sa tao? Sa Efe. 1:7, ay sinasabi ang ganito: “Na sa kaniya'y mayroon tayo ng ating katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang biyaya.”
Bakit na kay Cristo ang katubusan at kapatawaran
ng mga kasalanan ng mga tao?
Sapagkat sa Col. 1:15 ay sinasabing:
“Na siya ang larawan ng Dios na di nakikita, ang panganay ng lahat ng mga nilalang.” Si Cristo ang
larawan ng Diyos na di nasira, sapagkat Siya lamang ang tanging tao na
nakatugon sa layon ng Diyos sa paglalang sa mga tao na maging banal na kauri ng
Diyos, sapagkat hindi nagkasala (Juan 8:46; Heb. 4:15). Kaya si Cristo ang itinalaga ng Diyos na
tagakupkop sa mga tao at sa pamamagitan Niya ay papagkasunduin sa Kanya rin ang
lahat ng mga bagay upang magkaroon ng kapayapaan sa pamamagitan ng Kanyang dugo
(talatang 20). Dahil
dito, ano ang ginawa ng Diyos sa mga taong Kanyang nilalang upang makupkop ng
ating Panginoong Jesucristo at ano ang inihanda ng Diyos na dapat nilang lakaran? Sa Efe. 2:10, ay ganito ang tinitiyak:
“Sapagka't tayo'y kaniyang gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na mga inihanda ng Dios nang una upang siya nating lakaran.”
Upang makupkop ni Cristo ang mga tao ay
nilalang sila ng Diyos na iniukol na maging kay Cristo at inihanda rin ang
mabuti nang una pa upang ito ang kanilang lakaran. Alin ba ang mabuting
inihanda ng Diyos na dapat lakaran ng mga tao? Sa Rom. 7:12, ay sinasabi ang ganito: “Kaya nga ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti.”
Ang mga utos ng Diyos ang mabuting inihanda ng Diyos na dapat lakaran ng
mga tao. Ano ang
naihahayag kung nilalakaran o tinutupad ng mga tao ang utos ng Diyos? Sa I Juan 2:3, ay ipinakikilala ang
ganito: “At sa ganito'y nalalaman natin na siya'y ating nakikilala, kung tinutupad natin ang kaniyang mga utos.” Naihahayag ng tao na siya’y tunay na
kumikilala sa Diyos sa pamamagitan ng pagtupad ng mga utos ng Diyos. Tangi rito, naihahayag din ng tao ang kanyang
pag-ibig sa Diyos sa pamamagitan din ng pagtupad ng mga utos ng Diyos (I Juan
5:3), sapagkat ang pag-ibig sa Diyos ay ang pagtupad ng mga utos ng Diyos. Anong uring pagkilala
sa Diyos ang hindi tumutupad ng Kanyang mga utos? “Sila’y
nangagpapanggap na nakikilala nila ang Dios, ngunit ikinakaila sa pamamagitan
ng kanilang mga gawa…” (Tito 1:16).
Ano ang tawag ng Diyos sa mga nagpapanggap
lamang na nagsasabing kumikilala sa Diyos, datapuwat hindi naman tumutupad ng
Kanyang mga utos? “Ang nagsasabing, Nakikilala ko siya, at hindi tumutupad ng kaniyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kaniya.”
(I Juan 2:4). Sino ang itinuturo ni
Cristo na ama ng mga sinungaling? Ang
diablo (Juan 8:44). Ano ang parusang
itinataan ng Diyos sa mga sinungaling na mga anak ng diablo? Sila’y itinataan ng Diyos na parusahan sa
dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre na siyang ikalawang kamatayan, na
kasama ng mga duwag, ng mga hindi mananampalataya, ng mga mamamatay tao, ng mga
kasuklam-suklam, ng mga mapakiapid at ng mga sumasamba sa diyusdiyusan (Apoc.
21:8).
Dahil dito, ang lahat ng tao ay dapat
pumayag na maging kay Cristo upang sila’y Kanyang makupkop at matupad ang mga
utos ng Diyos na dapat nilang lakaran.
Ngunit paano magiging kay Cristo ang mga tao upang sila’y makupkop ni
Cristo?
Kanino dapat matipon ang lahat ng mga
Tao ayon sa kalooban ng Diyos?
Sa Efe. 1:10, ay
ipinakikilala ang ganito:
“ Sa pagiging katiwala sa kaganapan ng mga panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa; sa kaniya, sinasabi ko.”
Kanino ipinasiya ng Diyos ayon sa Kanyang
kalooban na matipon ang lahat ng mga bagay?
Ipinasya ng Diyos na ang lahat ng mga bagay ay dapat matipon kay Cristo. Ano ang ginawa ng
Diyos kay Cristo upang matipon sa Kanya ang lahat ng mga bagay? Sa talatang 20-23, ay ganito ang sinasabi:
“Na kaniyang ginawa kay Cristo, nang ito'y kaniyang buhaying maguli sa mga patay, at pinaupo sa kaniyang kanan sa sangkalangitan,
“Sa kaibaibabawan ng lahat na pamunuan, at kapamahalaan, at kapangyarihan, at pagkasakop, at sa bawa't pangalan na ipinangungusap, hindi lamang sa sanglibutang ito, kundi naman sa darating:
“At ang lahat ng mga bagay ay pinasuko niya sa ilalim ng kaniyang mga paa, at siyang pinagkaloobang maging pangulo ng lahat ng mga bagay sa iglesia,
“Na siyang katawan niya, na kapuspusan niyaong pumupuspos ng lahat sa lahat.”
Ano ang ginawa ng Diyos
kay Cristo upang matipon sa Kanya ang lahat ng mga bagay? Pagkatapos na si Cristo’y buhaying mag-uli ng
Diyos ay pinaupo sa Kanyang kanan.
Inilagay sa kaiba-ibabawan ng lahat ng mga pamunuan, ng kapamahalaan,
kapangyarihan, at pagkasakop na pinasuko ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa ilalim
ng mga paa ni Cristo at pinagkaloobang maging pangulo ng lahat ng mga bagay sa
Iglesia na katawan Niya. Ngunit ano naman ang ipinag-uutos ng ating Panginoong
Jesucristo na dapat gawin ng lahat ng tao upang matipon sa Kanya? Sa Juan 10:9, ay tiniyak Niya ang
ganito: “Ako
ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya’y maliligtas.” Dapat pumasok kay Cristo ang lahat ng
tao. Ang pumapasok kay Cristo ang
natitipon sa Kanya at sila ang maliligtas.
Paano ang marapat na pagpasok kay Cristo? Sa Juan 1:12, ay ganito ang tinitiyak sa atin:
“Datapuwa't ang lahat ng sa kaniya'y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan.”
Ang marapat na pagpasok kay Cristo ay
tinatanggap si Cristo sa pagsampalataya sa Kanyang pangalan, at sila ang
nagkakaroon ng karapatang maging mga anak ng Diyos. Maaaring sabihin ng maraming iba’t ibang
iglesia na sila’y tumanggap din kay Cristo sa pagsampalataya sa Kanyang
pangalan. Sila raw ay tumatawag at
sumasampalataya rin sa pangalan ni Cristo.
Sapat na ba ito na maging katunayan na sila’y tunay na tumanggap kay
Cristo sa pagsampalataya sa Kanyang pangalan?
Hindi. Ayon
sa pagtuturo ng mga Apostol, ano ang ginagawa ng mga tumanggap kay Cristo sa
pagsampalataya sa Kanyang pangalan?
Sa Gaw. 2:38-39, ay ipinakikilala ang ganito:
“At sinabi sa kanila ni Pedro, Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa't isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo.
“Sapagka't sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya.”
Ano ang ginagawa? Sila’y nagsisisi at nagbabautismo sa pangalan
ni Cristo sa ikapagpapatawad ng kanilang mga kasalanan at tumatanggap sila ng
pangakong Espiritu Santo. Saan iniuukol ang lahat ng mga tumatanggap ng bautismo sa
pangalan ni Cristo? Sa I Cor.
12:13, ay itinuturo ang ganito: “Sapagka’t sa isang Espiritu ay binabautismuhan tayong
lahat sa isang katawan…” Ang mga
tumanggap kay Cristo sa pagsampalataya sa Kanyang pangalan na binautismuhan sa
pangalan ni Cristo ay iniukol silang lahat sa isang katawan. Aling katawan iyon? “At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia; na siya ang pasimula, ang panganay sa mga patay; upang sa lahat ng mga bagay, ay magkaroon siya ng kadakilaan.” (Col. 1:18). Silang lahat ay iniukol sa isang katawan o
iglesia. Kaninong katawan? Sa katawan ni Cristo. Kaya ang mga tumanggap kay Cristo sa
pagsampalataya sa Kanyang pangalan ay hindi lamang tumatawag sa pangalan ni
Cristo, kundi
sila’y na kay Cristo at tinatawag sa pangalan ni Cristo. Totoo ba at pinatutunayan ng mga Apostol, na ang mga
nagbabalikloob sa Diyos na katulad ng mga Gentil ay tinatawag sa pangalan ni
Cristo? Sa Gaw. 15:17, ay ganito
ang tinitiyak sa atin:
“Upang hanapin ng nalabi sa mga tao ang Panginoon, At ng lahat ng mga Gentil, na tinatawag sa aking pangalan.”
Ang mga Gentil na nagbalikloob sa Diyos ay
tinatawag sa pangalan ng Panginoon. Ano
ang pangalan ng Panginoon? CRISTO,
ang pangalan ng Panginoon na ginawa ng Diyos (Gaw. 2:36). Kung gayon, ang mga Gentil na nagbabalikloob
sa Diyos na tumanggap Kay Cristo sa pagsampalataya sa Kanyang pangalan ay
tinatawag sa pangalan ni Cristo. Paano kung itawag sa kanila ang pangalang Cristo? Sa Rom. 16:4, 16, ay ganito ang sinasabi:
“ Na ipinain ang kanilang mga leeg dahil sa aking buhay; na sa kanila'y hindi lamang ako ang nagpapasalamat, kundi naman ang lahat ng mga iglesia ng mga Gentil:
“Mangagbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesia ni Cristo.”
Paano kung itawag? Tinatawag sila sa pangalang Iglesia ni Cristo. Ang banggit na mga iglesia ng mga Gentil ay
hindi pangalan ng iglesia ang ibig sabihin, kundi ipinakikilala lamang na
lahing Gentil ang mga ito na tinatawag sa pangalan ng Panginoon. Ngunit ang mga Gentil na ito’y nakikilala at
tinatawag sa pangalang Iglesia ni Cristo. Bakit sa pangalang Iglesia ni Cristo tinatawag ang mga nagbabalikloob sa Diyos? Ano ba ang kahulugan ng pangalang Iglesia ni Cristo? Ang kahulugan nito ay katawan ni Cristo (Col.
1:18). Ilan ba
ang katawan ni Cristo o Iglesia ni Cristo? Sa Rom. 12:4-5, ay ganito ang sinasabi:
“Sapagka't kung paanong sa isang katawan ay mayroong tayong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ay hindi pareho ang gawain:
“Ay gayon din tayo, na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga sangkap na samasama sa isa't isa.”
Ilan ang katawan ni Cristo o ang Iglesia ni Cristo? Iisa lamang ang katawan o Iglesia ni Cristo. Alin ang marami na bumubuo sa isang
katawan? Ang mga sangkap na na sama-sama
sa isa’t isa ang MARAMI na siyang siyang bumubuo sa katawan o sa Iglesia ni Cristo. Ang mga sangkap o ang mga kaanib ang marami,
ngunit ang katawan o ang Iglesia ni
Cristo na kanilang kinasasangkapan ay IISA lamang. Sa Iglesia
ni Cristo dapat matipon ang lahat ng tao ayon sa kalooban ng Diyos upang
sila’y makupkop ni Cristo at makalakad sa mga salita ng Diyos sa ikababanal
nila sa pag-ibig.
Hango sa
aklat na Isang Pagbubunyag Sa Iglesia Ni Cristo/Kabanata IV/Pahina 26-32