ANG PAGTATATAG NI CRISTO NG IGLESIA NI
CRISTO SA PILIPINAS
Ang pinakamalaking suliranin ngayon ay kung alin ang
tunay na Iglesiang kay Cristo. Sa
panahon ni Cristo noong unang siglo ay hindi ito suliranin, sapagkat noon ay
walang ibang Iglesia kundi ang Iglesiang itinatag ni Cristo at kinaaaniban ng
mga Apostol. Subalit sa panahon natin ay
totoong napakaraming Iglesia at ang bawat isa’y nagsasabing sila ang tunay na
kay Cristo. Dahil dito’y naguguluhan ang
mga tao. Hindi nila matiyak kung alin sa
dinami-rami ng mga Iglesia ngayon ang tunay na Iglesia ng ating Panginoong
Jesucristo.
Makikilala kaya natin sa panahong ito ang tunay na
Iglesiang itinatag ni Cristo? Opo,
makikilala natin. Papaano? Si Cristo rin ang magpapakilala sa atin kung
alin ang tunay Niyang Iglesia sa pamamagitan ng mga aral na Kanyang itinuro na
nakasulat sa Banal na Kasulatan.
ALIN ANG TUNAY NA
IGLESIANG ITINATAG NI CRISTO?
Sa Mat. 16:18, ay ganito ang sinabi ni Cristo:
“At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.”
Ang sabi ni Cristo:
“Itatayo ko ang aking Iglesia.”
Ito ang tunay na Iglesia. Alin?
Ang itinatag ni Cristo!
Kailanma’t hindi si Cristo ang nagtatag, hindi ito tunay na Iglesia
kundi huwad na Iglesia. Ano ang tawag ni
Cristo sa Iglesia na Kanyang itinayo?
Ang tawag ni Cristo’y “Aking
Iglesia.” Ano naman ang itinawag ng
mga Apostol sa Iglesiang itinayo ni Cristo na tinawag ni Cristong “Aking Iglesia?” IGLESIA NI CRISTO ayon kay Apostol
Pablo (Roma 16:16). Bakit Iglesia ni Cristo ang itinawag ni Pablo
sa Iglesiang itinayo ni Cristo? Sapagkat
sinabi ni Cristo: “Aking Iglesia”—kaya matuwid ang pagkatawag ni Pablo: “IGLESIA NI CRISTO.” Samakatuwid, ang tunay na Iglesiang itinatag
ni Cristo ay ang Iglesia ni Cristo.
Pinatutunayan ba ng mga paring
Katoliko at ng mga pastor Protestante na Iglesia ni Cristo nga ang itinatag ni
Cristo? Unahin muna natin ang patotoo ng paring Katoliko. Sa aklat na sinulat ng paring Katolikong si
Francis B. Cassilly, na pinamagatang Religion: Doctrine and Practice, pahina 442, 443,
ay ganito ang sinasabi:
“Did Jesus Christ establish a
Church?
“Yes, from all history, both
secular and profane, as well as from the Bible considered as a human document,
we learn that Jesus Christ established a Church, which from the earliest times
has been called after him the Christian Church or the Church of Christ.”
Sa wikang Pilipino:
“Si Jesucrito ba’y nagtatag
ng Iglesia?
“Oo, mula sa lahat ng
kasaysayan, maging pansalibutan at di-ukol sa kabanalan, laluna sa mula sa
Biblia na kinikilalang makataong kasulatan, nalaman natin na si Jesucristo’y
nagtatag ng Iglesia, na mula pa sa kaunaunahang panahon ay tinawag ng sunod sa
Kanya ang Iglesia Cristiana o ang Iglesia
ni Cristo.”
Maliwanag ang patotoong ito ni Pari Cassilly. Si Cristo ay nagtatag ng Iglesia at ang
pangalang itinawag ay Iglesia ni Cristo. Ano pa ang patotoo ng
paring ito tungkol sa Iglesiang itinatag ni Cristo? Sa pahina 444 ng aklat ding ito ni Pari
Cassilly, ay ganito pa ang sinasabi:
“This Church, founded and
organized by Christ and preached by the Apostles, is the Church of Christ … It is the only true Church, and the one
which God orders all men to join.”
Sa wikang Pilipino:
“Ang Iglesiang ito, itinayo
at binalangkas ni Cristo at ipinangaral ng mga Apostol, ay ang Iglesia ni Cristo … Ito
lamang ang tunay na Iglesia, at siyang ipinag-utos ng Diyos na aniban ng lahat
ng tao.”
Pinatutunayan pa rin dito ng paring si Cassilly na ang
Iglesiang itinatag ni Cristo at ipinangaral ng mga Apostol ay ang Iglesia ni Cristo. Ito lamang daw ang tunay na Iglesia at siyang
ipinag-utos ng Diyos na aniban ng lahat ng tao.
Narito naman ang patotoo ng mga pastor Protestante. Sa isang munting aklat na sinulat ni A. G.
Hobbs na pinamagatang The Right Church,
pahina 5, ay ganito ang nasusulat:
“The Church of Christ is the only Church that Jesus
built.”
Sa wikang Pilipino:
“Ang Iglesia ni Cristo ay siya lamang tanging Iglesia na
tinayo ni Jesus.”
Sa isa pang munting aklat ng isang pastor Protestante na
si Don H. Morris na pinamagatang What Is
The Church Of Christ?, pahina 1,
ay ganito ang nasusulat:
“The Church of Christ, therefore, is the Church of the
New Teatament.”
Sa wikang Pilipino:
“Ang Iglesia ni Cristo, kung gayon, ang Iglesia ng Bagong
Tipan.”
Nagkakaisa ang mga katoliko at protestante sa pagsasabing
ang tunay na Iglesiang itinatag ni Cristo ay ang Iglesia ni Cristo.
Bakit? Talaga namang walang
mababasa sa Biblia na maiiba pa roon.
PAPAANO ITINATAG NI
CRISTO ANG KANYANG IGLESIA?
Sa Mat. 16:18, ay ganito ang ating mababasa:
“At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.”
Papaano? Itinayo
Niya sa ibabaw ng bato. Sino ang bato na pinagtayuan? Sa Gawa 4:10, 11, ay ganito ang sinabi ni
Apostol Pedro:
“Talastasin ninyong lahat, at ng buong bayan ng Israel, na sa pangalan ni Jesucristo ng taga Nazaret, na inyong ipinako sa krus, na binuhay ng Dios na maguli sa mga patay, dahil sa kaniya ay nakatindig ang taong ito sa inyong harap na walang sakit.
“Siya ang bato na itinakuwil ninyong mga nagtayo ng bahay, na naging pangulo sa panulok.”
Sino ang bato?
Ayon kay Apostol Pedro, si Cristo ang bato. Samakatuwid, kay Cristo nakatayo ang Iglesia ni Cristo. Kung gayon, upang maging Iglesia ni Cristo ang tao, kailangang siya’y matayo kay
Cristo. Papaano
matatayo ang tao kay Cristo? Sa
Mat. 7:24-25, ay ganito ang sinasabi:
“Kaya't ang bawa't dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kaniyang bahay sa ibabaw ng bato: At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at hindi nabagsak: sapagka't natatayo sa ibabaw ng bato.”
Paano matatayo ang tao kay Cristo? Sa pamamagitan ng pakikinig at pagtupad sa mga
salita ni Cristo. Sinabi ni Cristo na
ang bawat dumirinig ng Kanyang mga salita at ginaganap, ay matutulad sa isang
taong matalino na itinayo ang kanyang bahay sa ibabaw ng bato. Alam na nating ang bato ay si Cristo. Alin naman itong bahay? Iglesia ang bahay, ayon sa I Tim. 3:15. Kung gayon, upang matayo sa bato o kay
Cristo—upang maging Iglesia ni Cristo,—kailangang
makinig ng mga salita ni Cristo at ganapin ito.
Kanino makikinig? Sa lahat ba ng nagsisipangaral? Sa Roma 10:14-15, ay ganito ang sinasabi:
“Paano nga silang magsisitawag doon sa hindi nila sinampalatayanan? at paano silang magsisisampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? at paano silang mangakikinig na walang tagapangaral?
“At paano silang magsisipangaral, kung hindi sila mga
sinugo. …”
Kanino dapat makinig ng mga salita ni Cristo? Sa mga tagapangaral na sinugo. Mga sinugo lamang ng Diyos ang may karapatang
mangaral. Kailanma’t may sugong
tagapangaral at may pakikinig at pagtupad ng mga salita ni Cristo, ay may
pagtatatag ng Iglesia ni Cristo. Ngayong nasa langit
na si Cristo, papaano ang paraan ng pagtatatag ng Iglesia ni Cristo? Sa
Luc. 10:16, ay sinabi ni Cristo:
“Ang nakikinig sa inyo (sa mga sinugo), ay sa akin
nakikinig. …”
Ang paraan ni Jesus sa pagtatatag ng Iglesia ni Cristo kung wala na Siya sa lupa ay makinig sa mga sugo
Niya. Ang nakikinig sa mga sugo ay kay
Cristo rin nakikinig. Talaga bang may sasampalataya sa pakikinig sa mga sinugo? Ganito ang patotoo ni Jesus:
“Kung paanong ako'y iyong sinugo sa sanglibutan, sila'y gayon ding sinusugo ko sa sanglibutan.
“Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga nagsisisampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita.” (Juan 17:18, 20).
Pinatutunayan ni Jesus na may magsisisampalataya sa
pamamagitan ng pakikinig sa Kanyang mga sinugo.
Ang mga ito man ay kinikilala ni Cristo na Kanya—Iglesia ni Cristo. Kahit
wala na Siya sa lupa, makinig lamang sa Kanyang mga sinugo’y sa Kanya rin
nakikinig. Itong mga nakinig na ito at
tumupad ay natatayo kay Cristo—nagiging Iglesia
ni Cristo. Kung gayon, upang maging
tunay na Iglesia ni Cristo,
kailangang si Cristo ang nagtayo, sa kanya ang itinayo at nakinig sa
Kanya. Ganito ba
ang pagkakatatag ng Iglesia ni Cristo
sa Pilipinas?
PAPAANO BA NAGKAROON NG
IGLESIA NI
CRISTO SA PILIPINAS?
Sa Juan 10:16, ay ganito ang sabi ni Cristo:
“At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila'y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila'y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor.”
Ang sabi ni Cristo, mayroon pa Siyang ibang mga tupa na
wala pa sa kulungan noong Siya’y narito pa sa lupa. Ang mga ito ay dadalhin Niya at kanilang
diringgin ang Kanyang tinig, at sila’y gagawin Niyang isang kawan at
magkakaroon ng isang pastor. Ano itong kawan?
Sa Gawa 20:28, tinitiyak na ang
kawan ay ang Iglesia ng
Panginoon. Ang Panginoon ay si Cristo
(Gawa 2:36). Samakatuwid, ang kawan ay ang Iglesia
ni Cristo. Kung gayon, gagawin
ni Cristong Iglesia ni Cristo itong
Kanyang ibang mga tupa na noong Siya’y narito pa sa lupa ay wala pa sa
kulungan. Sinu-sino
naman itong mga tupa ni Cristo na nasa kulungan na noon at sinu-sino naman
itong wala pa sa kulungan? Sa
Gawa 2:39, ay ganito ang sinasabi:
“Sapagka't sa inyo ang pangako, at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Panginoon nating Dios sa kaniya.”
Ang tanong natin ay kung sinu-sino ang mga tupa ni Jesus
na nasa kulungan na at ang mga wala pa sa kulungan. Ang isinagot sa atin ng talata ay tatlong
pulutong ng mga taong tatanggap ng Espiritu Santo. Ang una’y “sa inyo;” ikalawa’y “sa
inyong mga anak;” at ikatlo’y “sa
lahat ng nangasa malayo, maging ilan man ang tawagin ng Diyos.” Ang dalawang naunang pulutong ay natawag na,
kaya ang mga ito’y nasa kulungan na noon;
ngunit itong huli o ang ikatlong pulutong ay hindi pa natatawag noon
kundi tatawagin pa lamang sila, kaya wala pa sila sa kulungan noong si Cristo’y
narito pa sa lupa. Sinu-sino ba itong mga natawag na o nasa kulungan na noong si
Cristo ay narito pa sa lupa at nang panahon ng mga Apostol? Sa Roma 9:24, ay ganito ang patotoo ni
Apostol Pablo:
“Maging sa atin na kaniya namang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi naman mula sa mga Gentil?”
Ang mga natawag na nang panahon ni Cristo at ng mga
Apostol dito sa lupa ay ang mga Judio at ang mga Gentil. Ito ang mga tupa ni Cristo na nasa kulungan
na noon. Sino
naman itong mga tupa ni Cristo na wala pa sa kulungan noon? Ito
ang mga nasa malayo, na noon ay hindi pa sila tinatawag kundi tatawagin pa
lamang, kaya wala pa sila sa kulungan.
Alin itong malayo na kinaroroonan ng mga tupa ni
Cristo na wala pa sa kulungan o hindi pa natatawag noong si Cristo ay narito pa
sa lupa? Sa Isa. 43:6, ay ganito
ang nasusulat:
“Aking sasabihin sa hilagaan, Bayaan mo, at sa timugan, Huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula sa wakas ng lupa.”
Kinikilala rin ng Diyos na Kanyang mga anak itong mga
tupa ni Cristo na nasa malayo, na noong panahon Niya rito sa lupa ay mga wala
pa sa kulungan. Ngunit
aling malayo? Sa Isa. 43:5, ay
ganito ang nasusulat:
“Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silanganan, at pipisanin kita mula sa kalunuran.”
Aling malayo? Malayong
Silangan! Ang sabi ng iba, wala raw
kaming mababasang Malayong Silangan sa Biblia.
May mababasa raw na salitang malayo na ito’y nasa talatang 6, at may
mababasa raw na salitang silangan na ito nama’y nasa talatang 5, ngunit iyong
salitang malayong silangan na magkasama o magkakabit ay wala raw mababasa. Kung may mabasa kaming Malayong Silangan na
sa Ingles ay Far East, aaminin kaya
ng mga tumutuligsa sa amin na sila’y nagkamali at naninirang-puri lamang? Ipababasa namin sa inyo sa Biblia ang
salitang Malayong Silangan at nang kayo’y maniwala. Sa Isa. 43:5, ng Bibliang Ingles na salin ni
James Moffatt, ay ganito ang nasusulat:
“From the far east will I bring your offspring ….”
Sa wikang Pilipino:
“Mula sa malayong silangan ay Aking dadalhin ang iyong
lahi ….”
Hindi ba maliwanag na Malayong Silangan ang nabasa
ninyo? Maliwanag! Marahil ay maitatanong ninyo: Bakit sa Bibliang Tagalog ay wala iyong
malayong silangan? Kung wala man ay
hindi kami ang dapat sisihin kundi ang mga nagsalin sa Tagalog ng Biblia—ang
mga Protestante at maging ang mga Katoliko.
Alin naman ang Malayong Silangan? Sa World
History nina Boak, Slosson at Anderson, pahina 445, ay ganito ang sinasabi:
“The Philippines were Spain’s share of the first
colonizing movement in the Far East.”
Sa wikang Pilipino:
“Ang Pilipinas ay naging bahagi ng Espanya sa unang
kilusan sa pananakop sa Malayong Silangan.”
Maliwanag na pinatutunayan ng kasaysayan na ang Malayong
Silangan ay ang Pilipinas. Lahing
Pilipino, kung gayon, itong mga tupa ni Cristo na wala pa sa kulungan noong
Siya ay narito pa sa lupa. Ngunit ano
ang sabi Niya? Ang mga ito’y dadalhin
Niya at diringgin ang Kanyang tinig at sila’y gagawin Niyang isang kawan o
Iglesia. Ang dapat pansinin dito’y si
Cristo ang gagawang kawan o Iglesia sa mga tupang ito na wala pa sa kulungan
noon. Siya ang magtatayo nito, ito’y mga
tupa Niya at makikinig sa Kanyang tinig—kaya ito’y matatayo sa Kanya o magiging
Iglesia ni Cristo.
Iglesia ni Cristo nga kaya
itong mga kinikilala ng Diyos na Kanyang mga anak na lalake at babae na lilitaw
rito sa Pilipinas? Ano ba ang pangalang
itatawag dito sa mga tupa ni Cristo at kinikilala ng Diyos na Kanyang mga anak
na lalake at babae?
PAPAANO PINATUNAYAN NG HULA NG DIYOS
NA IGLESIA NI
CRISTO ANG LILITAW SA PILIPINAS?
Sa Isa. 43:5-7, ay ganito ang nasusulat:
“Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silanganan, at pipisanin kita mula sa kalunuran;
“Aking sasabihin sa hilagaan, Bayaan mo, at sa timugan, Huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula sa wakas ng lupa;
“Bawa't tinatawag sa aking pangalan, at yaong aking nilikha ay sa aking kaluwalhatian, yaong aking inanyuan oo, yaong aking ginawa.”
Ano ang pangalang itatawag ayon sa hula rito sa mga anak
na lalake at babae na mula sa malayong silangan o Pilipinas? Ang sabi ng Diyos, sila’y tatawagin sa
Kanyang pangalan. Aling pangalan ng
Diyos? Iyon bang pangalang pansarili ng
Diyos? Hindi! Aling pangalan? Yaong pangalan na Kanyang nilikha o ginawa
para sa Kanyang kaluwalhatian. Alin ba ang pangalang ginawa ng Diyos sa Kanyang
ikaluluwalhati? Sa Gawa 2:36, ay
ganito ang sinasabi:
“Pakatalastasin nga ng buong angkan ni Israel, na ginawa ng Dios na Panginoon at Cristo itong si Jesus na inyong ipinako sa krus.”
Alin ang pangalang ginawa ng Diyos? Ang pangalang Cristo. Ito nga ba’y sa ikaluluwalhati ng Diyos? Opo, gaya ng pinatutunayan sa Filip. 2:9-11. Papaano ba kung itawag ang pangalang Cristo
sa mga kinikilala Niyang mga tupa Niya? Iglesia ni Cristo kung ito’y itawag,
ayon sa Roma 16:16. Ano ang kahalagahan ng pangalang ito? Wala bang kabuluhan ang pangalang ito? Dapat ba itong palitan o baguhin? Sa Gawa 4:10, 12, ay ganito ang nasusulat:
“Talastasin ninyong lahat, at ng buong bayan ng Israel, na sa pangalan ni Jesucristo ng taga Nazaret, na inyong ipinako sa krus, na binuhay ng Dios na maguli sa mga patay, dahil sa kaniya ay nakatindig ang taong ito sa inyong harap na walang sakit.
“At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka't walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.”
Napakahalaga ng pangalan ni Cristo o ng pangalang Iglesia ni Cristo! Sa kaninumang iba’y walang kaligtasan,
sapagkat walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao na
sukat ikaligtas, maliban sa pangalan ni Cristo.
Kaya hindi kami sang-ayon sa pangalang Katoliko, Metodista,
Presbiteriana, Baptista, Aglipayano.
Walang kaligtasan sa mga pangalang iyan.
Hindi kami ang maysabi kundi ang Banal na Kasulatan! Sa pangalang Iglesia ni Cristo lamang may kaligtasan. Kaya ano ang
ipinag-utos ni Cristo sa lahat ng ibig maligtas sa hatol ng Diyos? Sa Juan 10:9, ay sinabi ni Jesus:
“Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay
siya’y maliligtas ….”
Ano ang dapat gawin upang maligtas? Dapat pumasok kay Cristo. Papasok na ano? Papasok na sangkap ng Kanyang katawan (I Cor.
12:27), na ito ang Iglesia (Col. 1:18)—Iglesia
ni Cristo (Roma 16:16). Samakatuwid, upang maligtas sa hatol ng
Diyos, kailangang maging Iglesia ni
Cristo. Ang Iglesia ni Cristo na lumitaw sa Pilipinas noong 1914 ay siyang
tunay na Iglesiang kay Cristo sa kasalukuyan.
Si Cristo ang nagtayo nito at kinikilala ni Cristo na Kanyang mga tupa,
na noong Siya’y narito pa sa lupa ay wala pa sa kulungan, ngunit sinabi ni
Cristong gagawin Niyang isang kawan o Iglesia—Iglesia ni Cristo.
Hango mula sa aklat na ISANG PAGBUBUNYAG SA IGLESIA NI
CRISTO/1964/PAHINA 139-147
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.
IGLESIA NI CRISTO SITE
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.
IGLESIA NI CRISTO SITE