TAHANAN
NG DIYOS
“Panginoon,
aking iniibig
ang tahanan
ng iyong bahay,
At ang dako
na tinatahanan
ng
iyong
kaluwalhatian.”
Ni DOMINGO C. JORGE
MAY MGA TUMUTULIGSA sa Iglesia ni Cristo dahil sa pagpapatayo nito ng mga gusaling
sambahan. Sayang lamang daw ang
milyun-milyong salaping ginugugol para sa mga ito dahil hindi naman daw
kailangan ang mga bahay-sambahan. Hindi
raw ipinag-utos ng Panginoong Jesucristo ang pagpapatayo ng bahay-sambahan. Katunayan raw nito’y hindi nagtayo ng
bahay-sambahan ang mga apostol. Ang
pagsamba sa Diyos ay maaari naman daw gawin ng tao kahit saang lugar.
Tinutuligsa rin ang Iglesia
ni Cristo dahil sa pagtuturing nito
sa mga bahay-sambahan bilang tahanan ng Diyos.
Mali raw ito dahil mababasa sa Biblia na ang Diyos ay hindi tumatahan sa
mga bahay na ginawa ng tao.
Pinagbabatayan nila ang nilalaman ng Gawa 7:48 sa pagsasabing hindi raw
kailangan ang pagtatayo ng mga gusaling sambahan. Ganito ang sinasabi ng talata:
“Gayunman, ang Kataas-taasang Diyos ay hindi naninirahan
sa mga bahay na ginawa ng tao, ayon sa sinabi ng propeta.” (Magandang Balita Biblia)
Hindi raw naninirahan ang Diyos sa mga bahay na ginawa ng
tao. Gayundin daw ang sinasabi sa Gawa 17:24:
“Ang Diyos na gumawa ng
sanlibutan at ng lahat ng naroroon ang siyang Panginoon ng langit at lupa, kaya’t hindi siya tumatahan sa mga templong ginawa ng tao.” (Ibid.)
TAHANAN NG DIYOS
Wasto kaya ang pagkaunawa ng mga
manunuligsa sa mga talata ng Biblia na pinagbabatayan ng kanilang paniniwalang
hindi iniutos magtayo ng bahay-sambahan?
Ang pagsasabing ang gusaling sambaha’y
tahanan ng Diyos ay hindi sa pakahulugang sa isang gusali lumalagi ang
Panginoon. Kahit sa langit at maging
sa langit ng mga langit ay hindi magkasiya ang Diyos, lalong hindi sa isang
bahay:
“Nguni't katotohanan bang tatahan ang Dios sa lupa? Narito, sa langit at sa langit ng mga langit ay hindi ka magkasiya; gaano pa sa bahay na ito na aking itinayo!” (I Hari 8:27)
Totoong ang
Diyos ay hindi tumatahan sa bahay na ginawa ng tao gaya ng sinasabi sa Gawa
7:48 at 17:24. Subalit, ang pagiging
tahanan ng Diyos ng bahay-sambahan ay hindi sa paraang dito Siya tumitira o
lumalagi, gaya ng isang tao sa kaniyang bahay.
Ganito ang paliwanag ng Biblia:
“Ito ang
salita ni Yahweh: ‘Ang aking trono ay
ang kalangitan, At itong daigdig ang aking tuntungan; Saan ka gagawa, paano mo gagawin ang aking
Templo, Na aking tiraha’t pahingahang dako?’” (Isa. 66:1, MB)
Ayon mismo sa
Panginoong Diyos, hindi ang Kaniyang kasiyangaan ang tatahan sa templo o
bahay-sambahan dahil hindi ito ang Kaniyang dakong tirahan. Ngunit alin ang
tatahan sa templo kung kaya’t ipinagtayo ni Haring Solomon ng templo ang Diyos
na siyang Kaniyang tahanan?
Ganito ang pagtuturo ng Biblia:
“ Nguni't katotohanan bang tatahan ang Dios sa lupa? Narito, sa langit at sa langit ng mga langit ay hindi ka magkasiya; gaano pa sa bahay na ito na aking itinayo!
“ Gayon ma'y iyong pakundanganan ang dalangin ng iyong lingkod at ang kaniyang pamanhik, Oh Panginoon kong Dios, na dinggin ang daing at dalangin na idinadalangin ng iyong lingkod sa harap mo sa araw na ito:
“Na anopa't ang iyong mga mata ay idilat sa dako ng bahay na ito gabi at araw, sa dakong iyong sinabi, Ang aking pangalan ay doroon; upang dinggin ang panalangin na idadalangin ng iyong lingkod sa dakong ito.” (I Hari
8:27-29)
Ang pangalan ng Diyos ang tumatahan sa
Kaniyang templo—hindi ang Diyos mismo.
Sa bahay-sambahan o sa templo itinalaga ng Diyos na manahan ang Kaniyang
pangalan dahil ang pangalan Niya ang sinasamba, gaya ng itinuro ng Panginoong
Jesucristo (Mat. 6:9).
Bukod sa
pangalan ng Diyos, tatahan din sa
bahay-sambahan ang Kaniyang kaluwalhatian:
“Panginoon, aking iniibig ang tahanan ng iyong bahay, at ang dako na tinatahanan ng iyong kaluwalhatian.” (Awit 26:8)
Kaya naman sa
tuwing ang mga lingkod ng Diyos ay sumasamba, ibinibigay nila sa Panginoon ang
kaluwalhatiang marapat sa Kaniyang pangalan (Awit 29:2). Sa banal na templo isinasagawa ng mga lingkod
ng Diyos ang kanilang pagsamba upang maibigay sa Panginoong Diyos ang kaluwalhatiang
marapat sa Kaniyang pangalan (Awit 5:7).
Tangi sa Kaniyang pangalan at kaluwalhatian, alin pa ang
doroon sa bahay-sambahan? Ang
Diyos mismo ang nagpahayag:
“ Ngayo'y ang aking mga mata ay didilat, at ang aking pakinig ay makikinig, sa dalangin na gagawin sa dakong ito.
“Sapagka't ngayon ay aking pinili at itinalaga ang bahay na ito, upang ang aking pangalan ay dumoon magpakailan man; at ang aking mga mata at ang aking puso ay doroong palagi.” (II Cron.
7:15-16)
Doroon sa bahay-sambahan ang mata at puso
ng Diyos. Ngunit hindi literal na
mata at puso ang doroon. Ang Diyos ay espiritu sa kalagayan (Juan
4:24)—nangangahulugang wala Siyang laman at mga buto, wala Siyang materya (Lu.
24:39). Kung bakit sinabing doroon ang
kaniyang mata at puso ay sapagkat doon Niya diringgin ang mga dalanging isasagawa
sa Kaniya: “… at ang aking pakinig ay makikinig, sa
dalangin na gagawin sa dakong ito.”
Itinalaga ng
Diyos na tumahan sa bahay-sambahan ang Kaniyang pakinig sapagkat nangako Siyang
diringgin ang lahat ng dalanging gagawin dito.
Ang mga panalangin ng Kaniyang mga lingkod na ginagawa sa loob ng
Kaniyang banal na templo o bahay-sambahan ay Kaniyang pakikinggan. Kaya, napakahalaga ng bahay-sambahan sa
pakikipag-ugnayan ng tao sa Diyos.
Kung gayon, paano sasabihing hindi
kailangan ang gusaling sambahan at paano nagiging sayang ang salaping ginugugol
para sa pagtatayo nito? Ang may
ganitong isipan ay kalaban ng mga pahayag ng Diyos na nakasulat sa Biblia.
Bukod pa rito, kung ang kahulugan ng
sinasabi sa Gawa 17:24 ay hindi na kailangan ang gusaling sambahan o templo, na
gaya ng pagkaunawa ng mga tumutuligsa sa Iglesia ni Cristo, bakit pa ipinagtayo ni Haring Solomon ang
Diyos ng templong Kaniyang bahay? Bakit
ipinaghanda ni Haring David nang buong kaya ang ukol sa pagpapatayo ng bahay ng
Diyos (I Cron. 29:1-9)?
DAKONG SAMBAHAN
Ang sabi ng
Diyos ukol sa Kaniyang templo: “…
pangangalagaan ko at pakamamahalin ang pook na ito magpakailanman”
(II Cron. 7:16, MB). Bakit ganito na
lamang ang pagmamahal at pagmamalasakit ng Diyos sa bahay-sambahan? Anu-ano ang mga banal na kaukulan nito? Itinuturo ng Biblia na iniutos ng Diyos sa
bayang Israel na gawin ang pagsamba at paghahandog ng hain sa Kaniyang tahanan:
“ Kundi sa dakong pipiliin ng Panginoon ninyong Dios sa lahat ng inyong mga lipi na paglalagyan ng kaniyang pangalan, sa makatuwid baga'y sa kaniyang tahanan ay inyong hahanapin, at doon kayo paroroon:
“At doon ninyo dadalhin ang inyong mga handog na susunugin, at ang inyong mga hain, at ang inyong mga ikasangpung bahagi, at ang handog na itataas ng inyong kamay, at ang inyong mga panata, at ang inyong mga kusang handog, at ang mga panganay sa inyong mga bakahan at sa inyong mga kawan.” (Deut.
12:5-6)
Samakatuwid,
nauukol ang gusaling sambahan na maging dako ng pagsamba at ng paghahandog sa
Diyos. Ito ang banal na kaukulan nito.
Sa panahong
Cristiano ay iniutos din sa mga lingkod ng Panginoong Diyos ang magsagawa ng
ganitong mga paghahandog o pag-aabuloy
dahil sa gayong mga hain, ang Diyos ay totoong nalulugod (Heb. 13:15-16). Ang pananagutang ito ay tinutupad ng mga
Cristiano sa panahon ng pagsamba na isinasagawa sa bahay-sambahan.
Ang
pananalangin ay isinasagawa rin ng mga mananamba sa loob ng Kaniyang
bahay. Kaya, ang Diyos mismo ang nagsabi
na ang Kaniyang bahay ay tatawaging bahay-dalanginan:
“Sila ay dadalhin ko sa aking banal na bundok, at papagkakatuwain ko sila sa aking bahay na dalanginan: ang kanilang mga handog na susunugin at ang kanilang mga hain ay tatanggapin sa aking dambana; sapagka't ang aking bahay ay tatawaging bahay na panalanginan para sa lahat ng mga bayan.” (Isa. 56:7)
Tunay na
napakabanal at napakahalaga ng bahay-sambahan.
HANGGANG SA PANAHONG CRISTIANO
Hanggang sa
panahong Cristiano ay namamalaging tahanan ng Diyos ang templo o sambahan. Sa isang tagpo ay ganito ang sinabi ng
Panginoong Jesucristo:
“ At nangyari, na nang makaraan ang tatlong araw, ay nangatagpuan nila siya sa templo, na nakaupo sa gitna ng mga guro, na sila'y pinakikinggan, at sila'y tinatanong:
“ At ang lahat ng sa kaniya'y nangakakarinig ay nagsisipanggilalas sa kaniyang katalinuhan at sa kaniyang mga sagot.
“ At nang siya'y mangakita nila, ay nangagtaka sila; at sinabi sa kaniya ng kaniyang ina, Anak, bakit ginawa mo sa amin ang ganyan? narito, ang iyong ama at ako na hinahanap kang may hapis.
“ At sinabi niya sa kanila, Bakit ninyo ako hinahanap? di baga talastas ninyo na dapat akong maglumagak sa bahay ng aking Ama.” (Lu.
2:46-49)
Tinawag ng Panginoong Jesucristo ang templo
na bahay ng Kaniyang Ama. Si Cristo
mismo ang tumawag nang gayon sa bahay ng Diyos.
Kaya, mabuting itanong sa mga tumutuligsa at tumututol sa pagpapatayo ng
Iglesia ni Cristo ng mga gusaling sambahan:
Nagkamali ba si Cristo nang tawagin Niyang bahay ng Kaniyang Ama ang bahay-sambahan
o templo?
Napakahalaga
para kay Cristo ng templo o bahay-sambahan.
Ito ay Kaniyang pinatunayan gaya ng natala sa Banal na Kasulatan:
“ At malapit na ang paskua ng mga Judio, at umahon si Jesus sa Jerusalem.
“ At nasumpungan niya sa templo yaong nangagbibili ng mga baka at mga tupa at mga kalapati, at ang mga mamamalit ng salapi na nangakaupo:
“ At ginawa niyang isang panghampas ang mga lubid, itinaboy niyang lahat sa templo, ang mga tupa at gayon din ang mga baka; at ibinubo niya ang salapi ng mga mamamalit, at ginulo ang kanilang mga dulang;
“At sa nangagbibili ng mga kalapati ay sinabi niya, Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito; huwag ninyong gawin ang bahay ng aking Ama na bahay-kalakal.” (Juan
2:13-16)
Nang makita ni
Cristo na naroon sa templo o bahay ng Kaniyang Ama ang mga mangangalakal, bagay
na hindi nararapat, ay itinaboy Niya ang mga ito. Ginawa Niyang panghampas ang mga lubid at
itinaboy Niya ang mga tupa at baka, at ibinubo ang salapi ng mga
mamamalit. Ginulo rin Niya ang kanilang
mga dulang at pagkatapos ay sinabi, “huwag ninyong gawin ang bahay ng aking Ama na
bahay-kalakal.”
Kung hindi mahalaga kay Cristo ang
bahay-sambahan o templo, bakit Niya kinagalitan ang mga lumalapastangan
dito? Bakit gayon na lamang ang Kaniyang
pagmamalasakit dito?
Tunay na
napakahalaga kay Cristo ang templo. At
gaya ng Panginoong Jesus, ang mga tunay na Cristiano ay nagmamahal,
nagmamalasakit, at nagpapahalaga rin sa bahay-sambahan o templo.
Maging ang mga
apostol ay nagpakita ng kanilang malaking pagpapahalaga sa templo. Sila ay palaging nasa templo na nangagpupuri
sa Diyos:
“ At palaging sila'y nasa templo, na nangagpupuri sa Dios.” (Lu. 24:53)
Gayundin, ang
mga unang Cristiano ay nagpakita ng pagpapahalaga sa templo o
bahay-sambahan. Nang makaranas sila ng
matinding pag-uusig ay nagkatipon sila sa templo araw-araw at doon ay nagpuri
sa Diyos (Gawa 2:44, 46) Kung hindi mahalaga ang templo, bakit dito
sila nagtipon araw-araw upang isagawa ang pagpupuri sa Diyos?
Kaya, ang
Iglesia ni Cristo ay hindi kailanman nanghihinayang na gumugol ng malaking
halaga ng salapi sa pagpapatayo ng mga bahay-sambahan sapagkat ito’y kalooban
ng Diyos. Ang mga kaanib ay nagpapakita
rin ng pagmamahal, paggalang, at pagpapahalaga sa bahay-sambahan. Hindi nila ito pinababayaang maging marumi at
may kasiraan o kaya lapastanganin ninuman.
ISANG DAKILANG GAWA
Ang Iglesia ni Cristo ay patuloy na
nagtatayo ng malalaki at dakilang mga gusaling sambahan bilang pagsunod sa utos
ng Panginoong Diyos. Bukod dito,sinabi
ng Panginoong Jesus:
“Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sa akin ay sumasampalataya, ay gagawin din naman niya ang mga gawang aking ginagawa; at lalong dakilang mga gawa kay sa rito ang gagawin niya; sapagka't ako'y paroroon sa Ama.” (Juan
14:12)
Sinabi ng
Panginoong Jesucristo na ang mga sumasampalataya sa Kaniya ay gagawa ng lalong
dakilang gawa. Ang isa sa mga dakilang
gawang ito ay ang pagtatayo ng bahay-sambahan para sa Diyos:
“ Narito, aking ipinagtatayo ng isang bahay ang pangalan ng Panginoon kong Dios, upang italaga sa kaniya, at upang magsunog sa harap niya ng kamangyan na may mga mainam na espesia, at maiukol sa palaging tinapay na handog, at sa mga handog na susunugin sa umaga at hapon, sa mga sabbath, at sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan sa Panginoon naming Dios. Ito ang utos sa Israel magpakailan man.
“At ang bahay na aking itinatayo ay dakila: sapagka't dakila ang aming Dios kay sa lahat ng mga Dios.” (II Cron.
2:4-5)
Ang pagtatayo ng bahay-sambahan o templong
dakila at angkop sa kadakilaan ng Panginoong Diyos ay isang dakilang gawa. Ang dakilang gawang ito ay itinataguyod at
patuloy na itinataguyod ng mga tunay na Cristiano. *
Kinopya mula sa PASUGO GOD’S
MESSAGE/AUGUST 1999/VOLUME 51/NUMBER 8/PAGES 17-19