Miyerkules, Agosto 22, 2012

IGLESIA: Gaano Kahalaga Para Sa Kaligtasan?


Iglesia:  Gaano kahalaga para
Sa kaligtasan?

“Na nagpupuri sa Diyos,
at tumatanggap
ng paglingap sa mga tao.
at idinaragdag ng
Panginoon
sa iglesia araw-araw
ang mga nararapat
maligtas.”

Ni ROGELIO E. MALLARI



     Nakatatawag-pansin ang sinabi ng isang pastor na Protestante sa sinulat niyang aklat na pinamagatang Ang Pananampalataya Nating Mga Protetante na ganito ang isinasaad:

     “…tayo’y di inaaring ganap (di tayo magiging katanggap-tanggap sa Dios, ang Ama) sa pamamagitan ng ating pagiging kaanib ng Iglesia, ni sa pagsunod sa mga tuntunin nito, ni ng kautusan ng Diyos.” (p. 17)

     Ipinahayag ni Albert J. Sanders na ang tao raw ay di inaaring-ganap sa pamamagitan ng pagiging kaanib sa Iglesia.  Ang sinabi niyang ito sa isang bahagi ay tama kung ang tinutukoy ay mga hindi tunay na Iglesia.  Bunga nito, marami ang naniniwala na hindi na mahalaga ang pag-anib sa tunay na Iglesia—di na raw ito kailangan pa upang maligtas.

Kaya, marami ang nagtatanong kung bakit patuloy naming ipinangangaral na ang tao ay kailangang umanib sa Iglesia ni Cristo upang maligtas.  Ang iba ay nagkaron pa ng maling isipan na diumano ay higit naming pinahahalagahan ang Iglesia kaysa sa Panginoong Jesucristo.

     Kung binibigyan man namin ng pagdiriin na kailangan ng tao ang Iglesia ni Cristo sa pagtatamo ng kaligtasan ay hindi nangangahulugang hindi namin pinahahalagahan ang Panginoong Jesucristo.  Ang totoo, ang aming pagtuturo na kailangan ang Iglesia ang siyang matibay na katunayan ng aming pagpapahalaga sa Panginoong Jesus sapagkat ito ay bilang pagsunod sa Kaniyang utos.

     Ang Panginoon mismo ang nagturo na ang tao ay dapat pumasok sa Kaniya upang maligtas.  Ganito ang sinabi Niya:

     “Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya'y maliligtas… (Juan 10:9)

     Ang pagpasok na binabanggit ng Tagapagligtas ay Kaniyang ipinaliwanag sa talata ring ito:

     “Ako ang pintuan; sinuman na pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas.” (Revised English Bible, isinalin mula sa Ingles)

     Ang taong pumasok kay Cristo ay napaloob sa kawan.  Ang kawan na tinutukoy ay ang Iglesia ni Cristo ayon kay Apostol Pablo:

     “Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28, Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)

     Ang mga pumasok kay Cristo ay yaong mga pumaloob o umanib sa Iglesia ni Cristo.  Kaya, ang pagtuturong kailangang umanib ang tao sa Iglesiang ito ay hindi nilikha lamang ng mga ministro sa Iglesia ni Cristo.  Bagkus, ito ang kaparaanang itinuro mismo ni Cristo.

Sa Iglesia idinaragdag
     Kalooban ng Diyos na ang tao ay umanib sa Iglesia ni Cristo.  Pinatutunayan ng mga apostol na sa Iglesia idinaragdag ng Panginong Diyos ang mga maliligtas:

     “Na nagpupuri sa Diyos, at tumatanggap ng paglingap sa mga tao.  At idinaragdag ng Panginoon sa iglesia araw-araw ang mga nararapat na maligtas.” (Gawa 2:47, King James Version, isinalin mula sa Ingles)

     Sa Iglesia ni Cristo idinaragdag ng Panginoong Diyos ang mga maliligtas sapagkat ito ang katuparan ng Kaniyang kalooban na ang lahat ng tao ay matipon kay Cristo:

     “At ipinakilala niya sa atin ang hiwaga ng kanyang kalooban ayon sa kanyang kaluguran na kanyang itinakda kay Cristo, upang isakatuparan sa takdang panahon—upang tipunin ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa at ipailalim sa isang pangulo, na walang iba kundi si Cristo.” (Efe. 1:9-10, New Pilipino Version)

     Ipinakilala ni Apostol Pablo kung alin ang pinangunguluhan ng Panginoong Jesucristo.  Ganito ang nakasulat sa Efeso 1:22-23:

     “At ang lahat ng mga bagay ay pinasuko niya sa ilalim ng kaniyang mga paa, at siyang pinagkaloobang maging pangulo ng lahat ng mga bagay sa iglesia,

     “Na siyang katawan niya, na kapuspusan niyaong pumupuspos ng lahat sa lahat.(Ibid)

     Ang Iglesia na tinutukoy ng mga apostol ay ang iglesiang kinikilala ni Cristo na Kaniya.  Ganito ang pahayag ng Tagapagligtas:

     “At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya. (Mat. 16:18)

     Ang pangalan ng Iglesiang kinikilala ni Cristo, na Kaniyang pinangunguluhan dahil ito ang Kaniyang katawan, ay Iglesia ni Cristo (cf. Roma 16:16).  Samakatuwid, kalooban ng Diyos na ang tao ay matipon kay Cristo o maging kaanib sa Iglesia ni Cristo.

Patotoo ng iba’t ibang relihiyon
     Maging ang mga tagapagturo sa iba’t ibang relihiyon at ang mga nagsaliksik ng Bibliya ay sumasang-ayon sa kahalagahan ng Iglesia sa ikapagtatamo ng kaligtasan.

     Ipinahayag ng mga paring Katoliko ang kahalagahan ng Iglesia sa aklat na Religion:  Doctrine ang Practice na sinulat ni Francis B. Cassilly:

     “2 Si Jesucristo ba ay nagtatag ng Iglesia?

     “Oo, mula sa lahat ng kasaysayan, kapuwa panlupa at hindi pangkabanalan, gayundin mula sa Biblia na kinikilalang isang makataong kasulatan, ating nalaman na si Jesucristo ay nagtatag ng isang Iglesia, na mula sa kauna-unahang panahon ay tinawag na sunod sa Kaniyang Pangalan ang Iglesia Cristiana o ang Iglesia ni Cristo.

     “Ang Iglesiang ito, na itinatag at binalangkas ni Cristo at ipinangaral ng mga apostol, ay ang Iglesia ni Cristo….Ito lamang ang tunay na Iglesia, at siyang ipinag-uutos ng Diyos na aniban ng lahat ng tao.” (pp.329,330, isinalin mula sa Ingles)

     Ang Papa, ang kinikilalang pinaka-mataas na pinuno ng Iglesia Katolika, ay nagpahayag ng ganito sa aklat na The Papal Encyclicals In Their Historical Context:

     “Sinuman siya at anuman siya, siya na wala sa Iglesia ni Cristo ay hindi isang Cristiano.” (p. 39, isinalin mula sa Ingles)

     Maging si Ellen G. White, kiniki-lalang sugo ng mga kaanib sa Iglesia Adventista, ay ganito ang sinabi sa aklat na Paglapit kay Cristo:  Patnubay sa Mabuting Pamumuhay na kaniyang sinulat:

     “Ang iglesia ni Kristo ay siyang hinirang ng Diyos upang gamitin sa pagliligtas sa mga tao.” (p. 111)

     Ang kalooban ng Diyos at utos ni Cristo na ang tao ay umanib sa Iglesia ni Cristo ay sinang-ayunan ng Protestanteng iskolar ng Biblia na si Matthew Henry.  Ganito ang kaniyang sinabi sa aklat na Matthew Henry’s Commentary on the Whole Bible:

     “[2] Si Cristo ang pintuan ng mga tupa (tal. 9):  Sa pamamagitan ko (…--sa pamamagitan ko bilang pintuan) kung ang sinomang tao ay pumasok sa kulungan ng mga tupa, bilang isa sa kawan, siya ay maliligtas…. Walang makapapasok sa iglesia ng Diyos malibang pumasok sa iglesia ni Cristo; ni walang sinuman sa mga tao na kinikilalang kaanib sa kaharian ng Diyos maliban doon sa mga nakahandang pasakop sa biyaya at pamamahala ng Manunubos.” (p. 1030, isinalin mula sa Ingles)

     Kaya, ang pagsasabing hindi kailangan ang Iglesia ni Cristo ay katumbas ng pagsasabing hindi kailangan ang kaligtasan.

     Higit sa mga patotoong sinipi, ang Biblia mismo ang nagpapatunay na ang mga umanib sa Iglesia ni Cristo ay ang mga tunay na nakasunod sa kalooban ng Diyos at nakatupad sa utos ng Panginoong Jesucristo.  Sila ang mga nakatitiyak ng kaligtasan.

Pasugo, February 1998, Pages 14-15
____________________________________________
Basahin din:

Bisitahin:

________________________________________________
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind. 
________________________________________________________________________