Ang Makabuluhang Buhay
MAHALAGA ANG BUHAY.
Dahil dito, ginagawa ng sinuman ang lahat upang ito ay maingatan. Nagsisikap siyang maghanapbuhay upang
tustusan ang mga pangangailangan sa ikapamamalagi ng buhay.
Bagaman mabuti
ang magpagal upang mapanatili ang buhay, may mga taong ito na lamang ang
pinag-uukulan ng kanilang panahon.
Nalimutan nila ang lalong mahalaga, kaya’t sa bandang huli’y sila ang
napapahamak.
Upang makaiwas
sa kasawian, makatutulong na sangguniin at isaalang-alang ang mga aral ng
Biblia ukol sa buhay.
Ang buhay sa daigdig
Ang buhay sa
daigdig ay punung-puno ng kabiguan, kalungkutan, at kapighatian. Ito rin ay may hangganan o katapusan:
“Sapagka't kami ay mga taga ibang lupa sa harap mo, at mga nakikipamayan, gaya ng lahat naming mga magulang: ang aming mga kaarawan sa lupa ay gaya ng anino, at hindi nagtatagal.” (I Cron.
29:15)
Tulad ng aninong
lumilipas, ang buhay sa mundo ay panandalian lamang. Ganito naman ang pahayag ni Apostol Pedro
upang ilarawan kung gaano karupok ang buhay ng tao:
“Sapagka't, Ang lahat ng laman ay gaya ng damo, At ang lahat ng kaniyang karangalan ay gaya ng bulaklak ng damo. Ang damo'y natutuyo, at ang bulaklak ay nalalanta.” (I Ped.1:24)
Una pa rito,
si Haring Solomon na pinakamatalino, pinakamayaman, at pinakamakapangyarihang
hari sa kaniyang panahon ay nagwika:
“Nang magkagayo'y minasdan ko ang lahat ng mga gawa, na ginawa ng aking mga kamay, at ang gawain na aking pinagsikapang gawin; at, narito, lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala, at walang pakinabang sa ilalim ng araw.” (Ecles.
2:11)
Ginugol ni
Solomon ang kaniyang buhay sa paggawa ng mga dakilang gawa. Kabilang sa mahabang talaan ng kaniyang mga
tagumpay ay ang pagtatayo ng mga liwasan, ang pagpapabungkal ng malalawak na
mga halamanan at mga ubasan, pati na ang patubig para sa mga ito. Gayunman, sa bandang huli’y itinuring din
niyang walang saysay ang lahat ng mga ito dahil sa kaiklian ng buhay (Ecles.
2:4-11).
Ang karupukan
ng buhay ay isang suliranin na hindi malulunasan ninuman sa ganang sarili. Sa bandang huli, ang pagsisikap ng tao sa
daigdig—maging ang paghanap ng karunungang panlupa—ay mauuwi rin sa wala:
“Sapagka't kung paano sa pantas ay gayon din sa mangmang, walang alaala magpakailan man; dangang sa mga araw na darating ay malilimutang lahat na. At kung paanong ang pantas ay namamatay ay gayon ang mangmang!” (Ecles.
2:16)
Ang tunay na buhay
Sa kabila
nito, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa sa buhay na ito. Sapagkat maaari itong maging tunay na
makabuluhan kung ating gugulin sa tamang paraang maghahatid sa atin sa tunay na
buhay na binabanggit sa Biblia—ang buhay na ligtas sa lahat ng kapintasan ng sa
lupa. Itinuro ng Panginoong Jesus kung
alin ang buhay na siyang lalo nating dapat pagsikapang makamtan:
“Magsigawa kayo hindi dahil sa pagkaing napapanis, kundi dahil sa pagkaing tumatagal sa buhay na walang hanggan, na ibibigay sa inyo ng Anak ng tao: sapagka't siyang tinatakan ng Ama, sa makatuwid baga'y ang Dios.” (Juan 6:27)
Hindi tulad sa
buhay sa mundo, ang buhay na walang hanggan ay ligtas sa mga alalahanin, sakit,
at kalungkutan:
“At papahirin niya ang bawa't luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na.” (Apoc.
21:4)
Idinagdag pa
ng Panginoong Jesus na ang kaligayahang dulot ng walang hanggang buhay ay
pamalagian at walang sinumang makapag-aalis:
“At kayo nga sa ngayon ay may kalumbayan: nguni't muli ko kayong makikita, at magagalak ang inyong puso, at walang makapagaalis sa inyo ng inyong kagalakan.” (Juan
16:22)
Samakatuwid,
kung ginagawa natin ang buo nating makakaya upang maingatan ang buhay natin ngayon,
lalong higit na dapat nating pagsikapang makamtan ang buhay na nasa Panginoong
Jesucristo. Sa gayon, magiging tunay na
makabuluhan ang ating buhay dito sa lupa.
Ang buhay na nasa Panginoong Jesucristo
Paano makakamtan ang walang hanggang buhay na naroon kay
Cristo? Itinuro ni Apostol Juan:
“At ito ang patotoo, na tayo'y binigyan ng Dios ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak.
“Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Dios ay hindi kinaroroonan ng buhay.” (I Juan
5:11-12)
Hindi tayo
magtatamo ng walang hanggang buhay kapag hindi tayo nakaugnay kay Cristo. Paano tayo
magkakaroon ng kaugnayan sa Kaniya? Sino
ang may kaugnayan kay Cristo, ayon sa Biblia? Ipinaliwanag ni Apostol Pablo:
“Isang
dakilang katotohanan ang inihahayag nito—ang kaugnayan ni Cristo sa iglesya ang
tinutukoy ko.” (Efe. 5:32, Magandang
Balita Biblia)
Upang maugnay
kay Cristo ang isang tao, dapat siyang maging kaanib sa Iglesia na Kaniyang
katawan (Col. 1:18). Ang nasa Iglesiang
pinangunguluhan ni Cristo ay maliligtas, sapagkat ang Iglesiang ito ang Kanyang
ililigtas:
“Sapagkat ang
lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na
kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito.” (Efe. 5:23, MB)
Ang Iglesiang
ito na tinubos at ililigtas ni Cristo ay ang Iglesia ni Cristo:
“Take heed therefore to yourselves and to
all the flock over which the Holy Spirit has appointed you overseers, to feed the church of Christ which he has purchased
with his blood.” [Ingatan ninyo kung
gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng
Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.]
(Gawa 20:28, Lamsa Translation)
Kung nais
nating maging tunay na makabuluhan ang marupok nating buhay sa mundo, gamitin
at iukol natin ito sa paglilingkod sa Diyos sa loob ng Iglesia ni Cristo hanggang wakas.
Sa ganito, tiyak na makakamtan natin ang buhay na walang hanggan.
Pamphlets/Pasugo God’s
Message/Novemver 2001/Pages 19-20