ANG DIYOS AT
ANG KATUNAYAN NA MAYROON NITO
HINDI natin nakikita ang Diyos. Ngunit ang lahat halos ng mga tao ay
sumasampalataya at kumikilala sa Diyos.
Sila’y nag-uukol ng pagsamba at paglilingkod sa Diyos.
Datapuwat kung ang Diyos ay hindi natin nakikita, paano
natin sinasampalatayanan na may Diyos?
Ano ang katunayan na dapat nating pagbatayan sa ikatitiyak na mayroon
ngang Diyos? Sino ang Diyos na ating
kinikilala at pinag-uukulan ng pagsamba at mataos na paglilingkod?
Ang mga katanungang iyan ay totoong mahalagang matiyak at
maliwanagan upang lalong tumingkad ang pananalig at pag-ibig natin sa
Diyos. Dahil dito, kailangang maingat at
masusi nating pag-aralan ang bagay na ito sa pamamagitan ng pagtuturo ng Banal
na Kasulatan.
ANO ANG KALAGAYAN NG DIYOS NA
DAPAT NATING SAMBAHIN AT
PAGLINGKURAN AYON
SA BANAL NA KASULATAN?
Sa Juan 4:24, ay ipinakikilala ang ganito:
“Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.”
Ano ang kalagayan ng Diyos? Espiritu, kaya ang sinumang mag-uukol ng
pagsamba sa Kanya ay kinakailangang sambahin Siya sa kanyang kalagayang
Espiritu. Ano
ang ibig sabihin na ang Diyos ay nasa kalagayang espiritu? Sa Luc. 24:39, ay sinasabi ang ganito:
“Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.”
Ano ang ibig sabihin?
Ang sabi ng ating Panginoong Jesucristo, ang isang espiritu ay walang laman
at mga buto, na gaya ng nakikita na nasa Kanya.
Samakatuwid, ang Diyos na nasa kalagayang Espiritu ay walang laman at
mga buto. Kaya ang Diyos ay walang
materya, walang anyo. Nakikita ba ang Diyos na nasa kalagayang Espiritu? Sa I Tim. 1:17, ay ganito ang ipinakikilala:
“Ngayon sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di nakikita, sa iisang Dios, ay ang kapurihan at kaluwalhatian magpakailan kailan man. Siya nawa.”
Nakikita ba ang Diyos na Espiritu? Hindi, sapagkat Siya’y walang anyo. Hindi rin Siya nahihipo. Kaya ang sinumang sasamba sa Diyos ay dapat
Siyang sambahin sa Espiritu. Hindi Siya
dapat sambahin sa anyo ng isang rebulto o ng isang larawan, na yari sa kahoy,
bato, pilak, ginto o papel. Bakit? Sapagkat ang Diyos ay hindi kahoy, hindi
bato, hindi pilak, hindi ginto at hindi papel, kundi Espiritu. Dahil dito, sino ang
ipinakikilala ng ating Panginoong Jesucristo na mga TUNAY NA MANANAMBA sa
Diyos? Sa Juan 4:23, ay tiniyak
Niya ang ganito:
“Datapuwa't dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka't hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya.”
Sino ang
ipinakikilala ni Cristo na mga tunay na mananamba sa Diyos? Ang sumasamba sa Diyos sa espiritu at sa
katotohanan. Sila ang hinahanap ng Diyos
na maging mananamba sa Kanya. Paano ang
pagsamba sa Diyos sa espiritu?
Sasambahin ang Kanyang pangalan (Mat. 6:9). Paano ang pagsamba sa Kanyang pangalan? Tinatawag at dinadakila natin ang Kanyang
pangalan. Hindi natin ginagamit ang
Kanyang pangalan sa mga bagay na walang kabuluhan. Alin naman ang katotohanang sasambahin na
kalakip ng ating pagsamba sa Diyos? Ang
mga salita ng Diyos (Juan 17:17). Paano
ang pagsamba sa mga salita ng Diyos?
Tutuparin natin ang Kanyang mga salita (I Ped. 1:22).
Ang Diyos na Espiritu ba ay
pumapayag na Siya’y maging tao? Sa Oseas 11:9, ay ganito ang nasusulat:
“Hindi ko isasagawa ang kabangisan ng aking galit, hindi ako babalik upang ipahamak ang Ephraim: sapagka't ako'y Dios, at hindi tao; ang Banal sa gitna mo; at hindi ako paroroon na may galit.”
Ang Diyos na Espiritu’y hindi pumapayag na Siya’y Diyos
na’y maging tao pa. Bakit? Sapagkat ang tao’y hindi pinapayagan ng Diyos
na maging Diyos pa (Ezek. 28:2). Walang
Diyos na nagiging tao at walang taong nagiging Diyos pa. Una ba ang Diyos sa
lahat ng mga bagay? “Bago nalabas ang mga bundok, O bago mo nilikha ang lupa at ang sanglibutan, mula nga ng walang pasimula hanggang sa walang hanggan, ikaw ang Dios.”
(Awit 90:2). Ang Diyos ay una sa lahat
ng mga bagay. Mula ng walang pasimula,
Siya ay Diyos na, sapagkat Siya ang lumalang ng sanlibutan at ng lahat ng mga
bagay na narito. Ano ang uri ng kapangyarihan ng Diyos na Espiritu? Sa Gen. 17:1, ay
sinasabi ang ganito: “At nang si Abram ay may siyam na pu't siyam na taon, ay napakita ang Panginoon kay Abram, at sa kaniya'y nagsabi, Ako ang Dios na Makapangyarihan sa lahat lumakad ka sa harapan ko, at magpakasakdal ka.” Ang Diyos na Espiritu ay Makapangyarihan sa
lahat. Ang Kanyang kapangyarihan ay
hindi masusukat at walang hanggan na katulad din Niyang walang hanggan. Ngunit ang Diyos na Espiritu na
Makapangyarihan sa lahat ay hindi natin nakikita, paano natin mapaniniwalaan na
totoong mayroon nga nito?
ANO ANG MAKIKITA NATIN SA DIYOS NA
MAGPAPATUNAY NA TOTOONG MAY DIYOS
NA MAKAPANGYARIHAN SA LAHAT?
Sa Rom. 1:19-20, ay ganito ang sinasabi:
“Sapagka't ang nakikilala tungkol sa Dios ay hayag sa kanila; sapagka't ito'y ipinahayag ng Dios sa kanila.
“Sapagka't ang mga bagay niyang hindi nakikita buhat pa nang lalangin ang sanglibutan ay nakikitang maliwanag, sa pagkatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa niya, maging ang walang hanggan niyang kapangyarihan at pagka Dios; upang sila'y walang madahilan.”
Ano ang makikita?
Ang Kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos ang ating
makikita. Paano natin makikita? Sa pamamagitan ng pagkatanto natin sa mga
bagay na ginawa Niya. Samakatuwid, ang
makikita natin sa Diyos ay hindi ang kanyang ANYO, sapagkat ang Diyos ay WALANG
ANYO, kundi ang Kanyang KAPANGYARIHAN at PAGKA-DIYOS, na inihahayag ng Kanyang
mga ginawa. Hindi dapat hanapin ng
sinuman na makita niya mismong may Diyos sa anyo o sa kalagayan upang
maniwalang may Diyos, sapagkat ang Diyos ay walang anyo sa Kanyang kalagayang
Espiritu. Matitiyak nating may Diyos sa
pagkatanto sa mga bagay na ginawa Niya. Ano ang ilan sa mga bagay na ginawa ng Diyos na naghahayag ng
Kanyang kapangyarihan at pagka-Diyos?
Sa Awit 19:1-4, ay ipinakikilala ang ganito:
“Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Dios; at ipinakikilala ng kalawakan ang gawa ng kaniyang kamay.
“Sa araw-araw ay nagbabadya ng pananalita, at sa gabi-gabi ay nagpapakilala ng kaalaman.
"Walang pananalita o wika man; ang kanilang tinig ay hindi marinig.
"Walang pananalita o wika man; ang kanilang tinig ay hindi marinig.
“Ang kanilang pangungusap ay lumaganap sa buong lupa, at ang kanilang mga salita ay hanggang sa wakas ng sanglibutan. Sa kanila inilagay niya ang tabernakulo na ukol sa araw.”
Ano ang ilan sa mga bagay na ginawa ng Diyos na
naghahayag ng Kanyang kapangyarihan at pagka-Diyos? Ang langit, ang kalawakan at ang lahat ng mga
bagay na naroroon, ang araw, ang buwan at mga bituin, ang ilan sa mga bagay na
ginawa ng Diyos na naghahayag ng Kanyang kapangyarihan at pagka-Diyos. Ang araw na malaking pananlaw kung araw, ang
buwan at ang mga bituin na mga pananlaw kung gabi ay nagbabadya araw-araw ng
pananalita at sa gabi-gabi’y nagpapakilala ng kaalaman, na bagaman at walang
tinig ang kanilang pangungusap ay lumalaganap sa boong lupa. Ano ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos
ang inihahayag ng mga bituin? Ang mga
planetang bituin bagaman at libu-libo ang kanilang bilang ay nagsisigalaw
silang maayos sa kalawakan na hindi nagkakabanggaan sa isa’t isa sa pamamagitan
ng makapangyarihang gawa ng Diyos.
Samantalang dito sa lupa, ang mga sasakyan ay malimit magbanggaan sa
isa’t isa sa pangangasiwa ng mga trapiko sa kabila ng pagsisikap na gawin ang
lahat ng kanilang magagawa. Ano naman
ang kapangyarihan at kaalaman ng Diyos ang ibinabadya ng araw at buwan? Ang kanilang pagbibigay ng liwanag sa boong
lupa ay nagpapakilalang may Diyos na makapangyarihang gumagawa nito sa
kanila. Walang taong makagagawa ng
langit, ng lupa, ng araw, ng buwan at mga bituin na gaya ng ating nakikitang
umiiral sa mundo. Kaya ang mga
kahangahangang bagay na ito na hindi magagawa ng sinumang tao ang nagpapatunay
na may Diyos na hindi nakikita, Espiritu at walang anyo, ngunit inihahayag ng
Kanyang kapangyarihan at pagka-Diyos.
Datapuwat sa tiyak na katotohanang ito na ating
nasasaksihan, may mga taong naniniwala na ang langit, ang kalawakan, ang araw,
ang buwan at mga bituin ay hindi raw gawa ng Diyos. Paano raw nagkaroon ng mga ito? Ang mga bagay na ito raw ay kalikasan o
katalagahan, na ang ibig sabihi’y sumipot na lamang at sukat nang walang
gumawa. Ayon sa
pagtuturo ng mga Apostol, maaari bang magkaroon ng anumang bagay na walang
gumawa? Sa Heb. 3:4, ay ganito
ang sinasabi: “Sapagka't ang bawa't bahay ay may nagtayo; datapuwa't ang nagtayo ng lahat ng mga bagay ay ang Dios.” Hindi maaaring magkaroon ng anumang bagay na
walang gumawa. Hindi maaaring ang bahay
ay matayo na lamang at sukat sa isang dako ng walang nagtayo nito. Gayon din naman, ang lahat ng mga bagay na
nakikita natin sa mundo na hindi magawa ng tao, hindi dapat akalaing ang mga
ito’y katalagahan na sumipot na lamang at sukat, kundi ang Diyos ang gumawa ng
lahat ng mga bagay na ito. Bakit? Sapagkat ang sinasabing kalikasan o katalagahan
ay nasa kamay ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
Dahil dito, totoo na may Diyos na Makapangyarihan sa
lahat. Nakikita natin ang Kanyang walang
hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga gawa na
hindi natin malirip at hindi maaaring parisan.
Kaya dapat nating sampalatayanan ang Diyos bagama’t hindi natin
nakikita. Dapat natin Siyang kilalanin,
ibigin at paglingkuran. Sapagkat Siya
ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat na lumalang at may-ari sa atin (Awit
100:3). Mula pa sa bahay-bata ng ating
ina ay Kanya na tayong inanyuan (Isa. 44:2).
Sa Kanya tayo nabubuhay, kumikilos at mayroong pagka-tao (Gawa
17:28). Ngunit nakikilala ba ninyo ang Diyos na Espiritung Makapangyarihan sa
lahat? Marami ba ang Diyos na Espiritung
Makapangyarihan sa lahat?
SINO AT ILAN ANG DIYOS NA ESPIRITUNG
MAKAPANGYARIHAN SA LAHAT NA DAPAT
NATING SAMBAHIN AT
PAGLINGKURAN?
Sa Juan 17:3, ay ipinakikilala ni Cristo ang ganito:
“At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo.”
Sino ang ipinakikilala ni Cristo na iisang Diyos na
tunay? Ang sinasabi Niyang “Ikaw.” Sino ang “Ikaw” na
Kanyang tinutukoy? “Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak.”
(talatang 1). Ang “Ikaw” na binabanggit
ni Cristo ay ang Kanyang AMA.
Samakatuwid, ang Ama ang iisang tunay na Diyos na Espiritung
Makapangyarihan sa lahat at siyang itinuturo ni Cristo na dapat kilalanin at
paglingkuran. Ano naman ang ating
Panginoong Jesucristo? Siya ay Sinugo ng
Ama na iisang tunay na Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Ayon naman sa mga
Apostol, sino ang Diyos at ilan ang Diyos na kanilang itinuturo at kinikilala? Sa I Cor. 8:6, ay ganito ang sinasabi:
“Nguni't sa ganang atin ay may isang Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa kaniya; at isa lamang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa pamamagitan niya.”
Ang AMA rin ang iisang Diyos na pinagmulan ng lahat ng
mga bagay ang itinuturo at kinikilala ng mga Apostol. Ang Ama at Diyos ni Cristo ay siya ring
kinikilala ng mga Apostol na kanilang Ama at kanilang Diyos. Ito rin ba ang
itinuturo ni Cristo sa lahat ng tao na ang Ama rin ang dapat nilang kilalaning
kanilang Ama at kanilang Diyos?
Sa Juan 20:17, ay tiniyak Niya ang ganito:
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka't hindi pa ako nakakaakyat sa Ama, nguni't pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at inyong Dios.”
Sino ang dapat kilalanin ng lahat ng tao na maging
kanilang Ama at kanilang Diyos ayon sa itinuturo ni Cristo? Ang Ama na Kanyang Diyos. Ito ang dapat ding maging Ama at maging Diyos
ng lahat ng tao. Ang sinumang
sumasampalataya, kumikilala, tumatawag at naglilingkod sa Diyos, hindi sa Ama
na iisang Diyos na tunay ay walang buhay na walang hanggan. Ang sumasampalataya, kumikilala at nagtuturo
na si Cristo at ang Espiritu Santo ay mga Diyos din na kagaya ng Ama ay walang
buhay na walang hanggan, hindi maliligtas.
Ang Ama lamang ang iisang tunay na Diyos na Espiritung Makapangyarihan
sa lahat ang dapat kilalanin at paglingkuran.
WALA NA BANG KINIKILALANG DIYOS NA KAGAYA
NIYA ANG AMA NA IISANG TUNAY NA DIYOS NA
ESPIRITUNG MAKAPANGYARIHAN SA LAHAT?
Sa Isa. 44:8, ay sinasabi ang ganito:
“Kayo'y huwag mangatakot, o magsipangilabot man: hindi ko baga ipinahayag sa iyo nang una, at ipinakilala? at kayo ang aking mga saksi. May Dios baga liban sa akin? oo, walang malaking Bato; ako'y walang nakikilalang iba.”
Ang Ama na iisang tunay na Diyos na Espiritung
Makapangyarihan sa lahat ay wala nang nakikilala pang ibang Diyos liban sa
Kanya. Maaari
bang ipantay at itulad sa Kanya ang sinuman?
“Kanino ninyo ako itutulad, at ipaparis, at iwawangis ako, upang kami ay magkagaya?” (Isa. 46:5)
“Inyong alalahanin ang mga dating bagay ng una: sapagka't ako'y Dios, at walang iba liban sa akin; ako'y Dios, at walang gaya ko.” (Isa. 46:9)
Ang Ama na iisang tunay na Diyos ay hindi maaaring itulad,
iparis at iwangis sa kaninuman. Siya’y
walang kagaya. Kaya si Cristo, ang
Espiritu Santo at ang iba’t iba pang ginagawang Diyos ng marami ay hindi
maaaring iparis sa Ama na iisang tunay na Diyos. Liban sa Kanya ay wala nang Diyos na dapat
kilalanin. Siya ba ang Diyos
na inyong kinikilala? Siya ba ang
Diyos na inyong sinasampalatayanan at pinaglilingkuran Kung gayon, matuwid ang inyong
pananampalataya at karapat-dapat ang inyong pagkilala sa Diyos na inyong
tinatawagan at pinag-uukulan ng pagsamba.
Hango sa aklat na Isang
Pagbubunyag Sa Iglesia Ni Cristo/Kabanata I/Pahina 1-7