Lunes, Setyembre 24, 2012

ANG PAGPAPLANO NG PAMILYANG IGLESIA NI CRISTO


ANG PAGPAPLANO NG
PAMILYANG IGLESIA NI CRISTO


Ni BIENVENIDO C. SANTIAGO



Ang bawat sambahayang Iglesia ni Cristo ay dapat mabuhay nang banal at marangal, lumakad nang ayon sa katuwiran, magtalaga sa pagsamba at paglilingkod sa Diyos, at laging gumayak sa pagtanggap ng pangakong kaligtasan.  Sa gayo’y matatamo nito ang pagkalinga ng Diyos upang ito’y  maging  maligaya, payapa, matatag, at higit sa lahat, ang bawat kaanib nito ay maligtas pagdating ng araw ng Paghuhukom.

     Malaki ang magagawa ng mga magulang upang makarating sa gayong uri ang kanilang sambahayan.  Tumatanggap sila ng mga aral at payo ng Diyos sa tuwing sila ay sumasamba na siyang dapat nilang tuparin at ipatupad sa kanilang sambahayan.

     Ang ama at ang ina ng sambahayan ay dapat magkaisa sa kanilang layunin sa pagtatatag ng sambahayan at sa pagpapalaki at pangangasiwa sa kanilang mga anak.  Dapat silang maging mga responsableng magulang na ang pananaw ay nakatuon, hindi lamang sa kasalukuyan, kundi sa hinaharap, at ang hinaharap ay hindi ang makasariling kasiyahan kundi ang kapakanan ng kanilang mga anak, pati na ang kinabukasan ng mga ito.  Ang gayong mga responsableng magulang ay naghahanda para sa kinabukasan ng kanilang sambahayan.  Sila ay nagpaplano ng pamilya.

Ang Pagpaplano Ng Pamilya
     Ang pagpaplano ng pamilya ay ang pagpapasiya ng mga magulang mismo na limitahan ang bilang ng kanilang magiging anak batay sa kakayahan nilang pangkabuhayan at sa kalagayan ng kanilang kalusugan at kung gaano ang magiging agwat ng pagsilang ng mga anak.

     Bilang mga responsableng magulang, pananagutan nila sa Diyos na kandilihin o kalingain ang kanilang sambahayan gaya ng nasusulat sa I Timoteo 5:8:

     “Sinumang hindi kumakalinga sa kaniyang mga kamag-anak, lalo na sa sariling pamilya, ay tumatalikod sa pananampalataya at masahol pa sa hindi mananampalataya.” (New Pilipino Version)

     Ang pagkalinga sa pamilya ay isa sa mga pananagutan ng mga magulang na mananampalataya.  Tungkulin ng mga magulang na bigyan ng pagkain, damit, at tirahan ang kanilang mga anak.  Dapat din nilang tiyaking napapangalagaan ang kalusugan ng kanilang mga anak, nabibigyan sila ng edukasyon, at naihahanda ang kanilang kinabukasan.

     Kaya, kung inaakala nila, batay sa kanilang kakayahang pangkabuhayan, na dapat nilang limitahan ang ang bilang ng kanilang mga anak o kaya’y lakihan ang pagitan ng mga panganganak upang matupad nila ang pagkalingang karapatdapat sa kanilang pamilya, ay nasa kanilang pagpapasiya na ito.

     Ipinahihintulot sa mga mag-asawang Iglesia ni Cristo ang paggamit ng artipisyal na paraan ng pagpaplano ng pamilya maliban sa aborsiyon o sa anumang pamamaraan na kasasangkutan ng pagkitil sa buhay kung mayroon na nito sa sinapupunan ng ina.

     Pinapayuhan sila na sumangguni sa mga doktor o sa mga family planning centers upang kanilang alamin kung aling pamamaraan ang pinakaangkop at pinakaligtas para sa kanila.

Kung Bakit Kailangan Ngayon
Ang Pagpaplano Ng Pamilya
     Sa isang bansang umuunlad pa lamang tulad ng ating bansa, ang napakalaking populasyon ay may malaking kinalaman sa kahirapan at mga suliraning pangkabuhayan.  Gayundin naman sa isang pamilya na maliit lamang ang kinikita, ang pagkakaroon ng maraming anak ay may tuwirang kaugnayan sa kahirapang kanilang dinaranas.  Halimbawa, kung mag-asawa lamang sila at ang kinikita nila sa isang buwan ay P2,000, samakatuwid ang pinakamalaking mailalaan para sa mga pangangailangan sa buhay ng bawat isa sa kanila ay P1000.  Kapag nagkaanak sila ng isa, maaari na lamang itong bahaginin sa P666.66.  Kung maging dalawa ang anak nila ay bababa ito sa P500 bawat isa.  Kung maging tatlo ay magiging P400 na lang at paliit pa ito nang paliit habang nadaragdagan ang bilang ng kanilang mga anak.

     Ang tinitingnan ng Pangangasiwa ng Iglesia ni Cristo ay hindi lamang ang kapakanang espirituwal ng mga kaanib kundi maging ang kapakanan ng kanilang pamumuhay dito sa mundo.  Nais naming matulungan sila na makapamuhay nang maginhawa at marangal dito sa lupa, na nagtatamasa ng kalayaan at ng mga karapatang pantao, at higit sa lahat ay makapaglingkod sa Diyos at sa kapuwa-tao.

Hindi Labag Sa Aral Ng Bibliya
Ang Pagsupil Sa Pagdami Ng Anak
     Hindi nalalabag ang utos ng Diyos na magpalaanakin at kalatan ang lupa kapag sinupil ang pagdami ng anak.  Kung iniutos man noon sa mga unang tao sila’y magpalaanakin, ay naroon din ang utos na supilin kapag kailangan o dapat na.  Ganito ang nakasulat sa Genesis 1:28:

     “At sila'y binasbasan ng Dios, at sa kanila'y sinabi ng Dios, Kayo'y magpalaanakin, at magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa, at inyong supilin;…”

     Ang katumbas ng salitang supilin sa Ingles ay subdue na ang kahulugan namang ibinigay ng diksyunaryo ay to bring under control.  Kaya ang pagsupil o pag-control sa populasyon ay hindi labag sa aral ng Diyos na nakasulat sa Biblia.

Kung Bakit Ipinagbabawal Ang Aborsiyon
     Ang aborsiyon ay pagpatay at ito’y mahigpit na ipinagbabawal ng Diyos, kaya ito ay isang kasalanan.  Sa Gen 9:6 ay sinasabi ang ganito:

     “Sinumang pumatay ng kanyang kapwa ay buhay ang bayad sa kanyang ginawa, Sapagkat ang tao’y nilalang, nilikha Ayon sa larawan ng Diyos na dakila.” (Magandang Balita Biblia)

     Kaya kapag may buhay nang nasa sinapupunan ng isang ina, iyon  ay hindi na maaaring ipaalis sapagkat ang katumbas noon ay pagpatay.  Ang pagpatay ay isang kasalanan at isang krimen.

Ang Pamamaraan Ng Pagpaplano Ng Pamilya
Na Hindi Ipinahihintulot
     Ang natural family planning (NFP) na kung minsa’y tinatawag ding rhythm method ay hindi ginagamit ng mga Iglesia ni Cristo.  Hindi lamang sapagkat ito ay napatunayang hindi mabisa at nagiging sanhi ng magulong buhay may-asawa sa mahabang panahon ng pagpipigil, kundi sapagkat ito ay lumalabag sa utos ng Biblia sa mag-asawa.  Ang utos sa mag-asawa ay ganito:

     “…hindi magagawa ng isang asawang babae ang anumang kanyang naisin sa kanyang katawan—ang kanyang asawang lalake ang may kapangyarihan, at sa gayon ding paraan, hindi magagawa ng isang asawang lalake, ang anumang kanyang naisin sa kanyang katawan—ang kanyang asawang babae ang may kapangyarihan.

     “Huwag ninyong ipagkait ang pakikipagtalik sa isa’t-isa,maliban lamang kung ito’y inyong pinagkasunduan nang ilang panahon, upang maitalaga ang inyong sarili sa pananalangin.  At kayo’y magsamang muli.  Huwag ninyong payagan na tuksuhin kayo ni Satanas sa pamamagitan ng pagpipigil.”  (I Cor. 7:4-5, Mofatt, salin mula sa Ingles)

     Ang utos na ito ay nalalabag ng rhythm method o natural family planning sapagkat ang pamamaraang iyon ay kinapapalooban ng pagpipigil ng mag-asawa sa pagtatalik sa mga panahong maaaring magbunga ng pagdadalang-tao.

Ang Mga Artipisyal Na Paraan
Ng Kontrasepsiyon
     Ipinahihintulot sa mga kaanib ng Iglesia ang paggamit ng mga contraceptives subalit ito ay dapat nilang isangguni sa mga manggagamot na may kabatiran sa bagay na ito upang matiyak kung alin sa mga contraceptives ang hindi makasasama sa kanilang kalusugan at kung alin sa mga ito ang magagamit nila nang hindi magbubunga ng aborsiyon.  Hindi ipinahihintulot ang paggamit ng mga pamamaraang kung tawagin ay abortifacient na ang ibig sabihin ay nakaa-abort.

     Ang mga artipisyal na paraan ng kontrasepsiyon na maaaring pag-aralang gamitin upang matiyak na hindi nakaa-abort at hindi lumalabag sa tuntuning ibinigay ng Diyos sa mag-asawa ay ang:

-       Oral Contraceptives (Pills)
-       Intra-Uterine Device (IUD)
-       Condom
-       Implants
-       Injectables
-       Tubal Ligation
-       Vasectomy

     Kailangang alamin ng mag-asawa kung alin sa mga pamamaraang ito ang aakma sa kanila at hindi makalilikha ng malulubhang side effects sa kanilang katawan.  Kaya, mahigpit na itinatagubilin na sumangguni muna sa manggagamot bago gamitin ang alinman sa pamamaraan ito.

Ang Pamilyang May Pagpapala Ng Diyos
     Ang pamilyang Iglesia ni Cristo na mapayapa, maligaya matatag, at may takot sa Diyos ay nakalulugod sa Panginoon at malapit sa Kaniyang mga pagpapala.  Sapagkat sinasabi ng kasulatan:

     “Mapalad ang bawa't isa na natatakot sa Panginoon, na lumalakad sa kaniyang mga daan.  Sapagka't iyong kakanin ang gawa ng iyong mga kamay: magiging maginhawa ka, at ikabubuti mo. (Awit 128:1-2)

     Napakagandang kapaligiran ang ganitong tahanan para sa paglaki ng mga anak sapagkat magiging magaan ang pag-akay sa kanila sa isang matuwid at banal na pamumuhay.  Ang ganitong tahanan ay isang matibay na kanlungan, isang silungan sa matitinding suliranin at kaligaligan sa buhay na ito.*****

Pasugo God’s Message, September 1994, Pages 8-9, 13.
__________________________________________________
Bisitahin:
[Study Iglesia Ni Cristo]
_____________________________________________________________________________________________
Malugod po namin kayong inaanyayahan sa mga pagsamba ng Iglesia ni Cristo sa ating Lumikha.
Kung mayroon po kayong mga katanungan ukol sa mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo, maaari po kayong magtungo sa kapilya o bahay-sambahan na malapit sa inyo at makipag-ugnayan po kayo sa ministrong nakadestino rito.  Nagagalak po silang kayo'y paglingkuran.  Sa Diyos po ang lahat ng kapurihan!
__________________________________________________________________