Martes, Enero 20, 2015

PARE-PAREHO LAMANG BA?

PARE-PAREHO LAMANG BA?

Ni CRISPIN N. FLORENTINO

“HINDI NA KAILANGAN ang Iglesia ni Cristo.”  Ito ang sinasabi ng iba.  Wala raw kaibahan kung ang tao ay kaanib man o hindi kaanib sa Iglesia ni Cristo.  Lahat naman daw ng naglilingkod sa Diyos ay maliligtas pagdating ng Araw ng Paghuhukom.

Ang malaking pagkakaiba
Ipinakikilala ng Biblia ang malaking pagkakaiba ng mga nasa loob sa mga nasa labas ng Iglesia ni Cristo.  Sinabi ni Apostol Pedro ang ganito:

“Na nang nakaraang panahon ay hindi bayan, datapuwa't ngayo'y bayan ng Dios: na hindi nagsipagkamit ng awa, datapuwa't ngayo'y nagsipagkamit ng awa. (I Ped. 2:10)

May tinutukoy si Apostol Pedro na nang nakaraang panahon ay hindi bayan, subalit “ngayon,” ang sabi niya, ay bayan ng Diyos.  Noon ay hindi sila nagkamit ng awa subalit “ngayon,” o nang sila’y maging bayan ng Diyos, ay nagkamit ng awa.  Ang tinutukoy ng apostol na bayan ng Diyos ay ang mga tinawag at hinirang ng Diyos.  Ganito ang kaniyang patotoo:

“Datapuwa't kayo'y isang lahing hirang, isang makaharing pagkasaserdote, bansang banal, bayang pag-aaring sarili ng Dios, upang inyong ipahayag ang mga karangalan niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman, hanggang sa kaniyang kagilagilalas na kaliwanagan. (I Ped. 2:9)

Ang Diyos ay humirang ng mga tao upang bigyan ng karapatang maglingkod sa Kaniya.  Silang dati’y nasa kadiliman ay dinala sa kaliwanagan upang magparangal at lumuwalhati sa Kaniya.

Ang pagtawag o paghirang
Ang paghirang o pagtawag ng Diyos sa tao ay sa pamamagitan ng ebanghelyo:

“…Sa kalagayang ito'y tinawag niya kayo sa pamamagitan ng aming evangelio, upang magkamit ng kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesucristo.” (II Tes. 2:14)

Subalit hindi nangangahulugang lahat ng pangangaral ng ebanghelyo ay pagtawag ng Diyos.  Ang pagtawag ng Diyos ay sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo ng mga sinugo:

“Datapuwa't ang lahat ng mga bagay ay pawang sa Dios, na pinakipagkasundo tayo sa kaniya rin sa pamamagitan ni Cristo, at ibinigay sa amin ang ministerio sa pagkakasundo; Sa makatuwid baga'y, na ang Dios kay Cristo ay pinakipagkasundo ang sanglibutan sa kaniya rin, na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga kasalanan, at ipinagkatiwala sa amin ang salita ng pagkakasundo. Kami nga'y mga sugo sa pangalan ni Cristo, na waring namamanhik ang Dios sa pamamagitan namin: kayo'y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Cristo, na kayo'y makipagkasundo sa Dios. (II Cor. 5:18-20)

Ang mga sinugo lamang ang may karapatang mangaral ng ebanghelyo.  Ang kanilang pangangaral ay katumbas ng pagtawag ng Diyos sa tao.  Itinuturo ng Biblia na ang mga tinawag ng Diyos sa pamamagitan ng Kaniyang mga sinugo ay tinipon sa isang katawan:

“At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na diya'y tinawag din naman kayo sa isang katawan; at kayo'y maging mapagpasalamat.(Col. 3:15)

Ang katawan na tinutukoy ay ang Iglesia (Col. 1:;18).  Ito ang Iglesia ni Cristo:

“Mangagbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesia ni Cristo. (Roma 16:16)

Kaya, ang mga tinawag ng Diyos ay nasa loob ng Iglesia ni Cristo.  Mula sa kadiliman, sila ay inilipat sa kaharian ng Anak.  Ganito ang patotoo ni Apostol Pablo:

“Na nagpapasalamat sa Ama, na nagpaging dapat sa atin upang makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan; Na siyang nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng kadiliman, at naglipat sa atin sa kaharian ng Anak ng kaniyang pagibig; Na siyang kinaroroonan ng ating katubusan, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan. (Col. 1:12-14)

Ang kaharian ng Anak ay ang kinaroroonan ng katubusan at kapatawaran ng kasalanan.  Ito ang tinubos ng dugo ni Cristo—ang Iglesia ni Cristo ayon din kay Apostol Pablo:

“Take heed therefore to yourselves and to all the flock over which the Holy Spirit has appointed you overseers, to feed the church of Christ which he has purchased with his blood. [Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.]  (Acts 20:28, Lamsa Translation)

Kaya sa panahong Cristiano, ang Iglesia ni Cristo ang bayan ng Diyos.  Ang mga kaanib nito ay tinawag at hinirang, inalis mula sa kadiliman at dinala sa kaliwanagan.  Tinubos sila at pinatawad sa kanilang mga kasalanan.

Ang maliligtas at ang parurusahan
 Sa araw ng Paghuhukom, hindi lahat ng tao ay maliligtas.  Pinatutunayan ng propetang si Daniel na ang bayan ng Diyos ang maliligtas:

“At sa panahong yaon ay tatayo si Miguel, na dakilang prinsipe na tumatayo sa ikabubuti ng mga anak ng iyong bayan; at magkakaroon ng panahon ng kabagabagan, na hindi nangyari kailan man mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong yaon: at sa panahong yaon ay maliligtas ang iyong bayan, bawa't isa na masusumpungan na nakasulat sa aklat. (Dan. 12:1)

Pinatutunayan din ng mga apostol na ang mga hinirang ang maliligtas:

“Nguni't kami ay nararapat magpasalamat sa Dios dahil sa inyo, mga kapatid na minamahal ng Panginoon, sa pagkakahirang sa inyo ng Dios buhat nang pasimula sa ikaliligtas sa pagpapabanal ng Espiritu at pananampalataya sa katotohanan. (II Tes. 2:13)

Ang tiniyak lang na maliligtas ay ang nasa bayan ng Diyos o mga hinirang—ang mga kaanib sa tunay na Iglesia.

Sa kabilang dako, ang pagtuturing ng Diyos sa mga nasa labas ng tunay na Iglesia ay mga kaaway.  Sinabi ni Apostol Pablo:

“At kayo, nang nakaraang panahon ay nangahihiwalay at mga kaaway sa inyong pagiisip sa inyong mga gawang masasama. (Col. 1:21)

Ang sinulatan ni Apostol Pablo rito ay mga kaanib na sa Iglesia ni Cristo.  Sila ang noong “nakaraang panahon” o noong una ay hiwalay pa sa tunay na Iglesia at itinuring na kaaway ng Diyos.  Sa mga kaaway ay nakatakda ang kaparusahan sa dagat-dagatang apoy:

“Kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway.(Heb. 10:27)

Isang kasawian ang naghihintay sa mga nasa labas ng tunay na Iglesiang kay Cristo—sila’y parurusahan sa apoy pagdating ng paghuhukom.

Ang dinirinig
Bagaman ang iba ay nagsasagawa rin ng paglilingkod sa Diyos at tumatawag sa Kaniyang pangalan, hindi nangangahulugan sila ay sa Diyos na at maliligtas na.  Itinuturo ng Biblia ang ganito:

“Nguni't talastasin ninyo na ibinukod ng Panginoon sa ganang kaniyang sarili ang banal: didinggin ng Panginoon pagka ako'y tumawag sa kaniya.(Awit 4:3)

Ang kinikilala ng Panginoon ay ang Kaniyang mga ibinukod o ang Kaniyang mga hinirang at tinawag.  Sila ang Kaniyang bayan.  Samantala, ang mga nasa labas ng bayan ng Diyos ay walang karapatang maglingkod at tumawag sa Kaniya.  Ang kanilang ginagawang paglilingkod sa Diyos ay walang kabuluhan.

Bagaman totoong mahalaga ang pagkilala ng tao sa Diyos, higit na dapat matiyak ng tao na siya ay nakikilala ng Diyos:

“Datapuwa't ngayon yamang nakikilala na ninyo ang Dios, o ang lalong mabuting sabihin, kayo'y nangakikilala ng Dios, bakit muling nangagbabalik kayo doon sa mahihina at walang bisang mga pasimulang aral, na sa mga yao'y ninanasa ninyong magbalik sa pagkaalipin? (Gal. 4:9)

At ayon sa Biblia, ang kinikilala ng Diyos ay ang Kaniyang mga ibinukod o hinirang.  Sa kabilang dako, sa labas ng pagbubukod, ang pagkilala at paglilingkod ng tao ay hindi tinatanggap ng Diyos.  Ano ang dahilan nito?  Bakit hindi tinatanggap ng Diyos ang paglilingkod ng mga hindi ibinukod, ng wala sa Kaniyang bayan?  Bakit kailangan pang magbukod?  Ganito ang paliwanag ni Apostol Pablo:

“Sapagka't tayo rin naman nang unang panahon ay mga mangmang, mga suwail, mga nadaya, na nagsisipaglingkod sa sarisaring masamang pita at kalayawan, na nangamumuhay sa masasamang akala at kapanaghilian, mga napopoot, at tayo'y nangagkakapootan.(Tito 3:3)

Ang mga nasa labas ay mga nadaya ng diablo.  Sila’y itinuturing ng Diyos na mangmang, suwail, at nagsisipaglingkod sa sari-saring masamang pita at kalayawan.  Kaya hindi totoong pare-pareho ang mga nasa labas at ang mga nasa loob ng Iglesia ni Cristo.  Napakalaki ng pagkakaiba nila!

Hindi pagtanggap sa katotohanan
Nadaya ang mga nasa labas sapagkat hindi nila tinanggap ang katotohanan:

“At may buong daya ng kalikuan sa nangapapahamak; sapagka't hindi nila tinanggap ang pagibig sa katotohanan, upang sila'y mangaligtas.  At dahil dito'y ipinadadala sa kanila ng Dios ang paggawa ng kamalian, upang magsipaniwala sila sa kasinungalingan: Upang mangahatulan silang lahat na hindi nagsisampalataya sa katotohanan, kundi nangalugod sa kalikuan. (II Tes. 2:10-12)

Ang isa sa mga katotohanan na hindi nila tinanggap ay ang sinabi ni Cristo na ang tao’y pumasok sa Kaniya:

“Muli ngang sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pintuan ng mga tupa.

Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya'y maliligtas, at papasok at lalabas, at makasusumpong ng pastulan.(Juan 10:7, 9)

Ayon kay Cristo, ang tao’y dapat pumasok sa Kaniya upang maligtas.  Ang mga sumunod sa utos na ito ay nasa isang kawan o umanib sa Iglesia ni Cristo (Juan 10:16; Gawa 20:28, Lamsa Traslation).

Ngunit sa halip na tanggapin ang katotohanang ito, ang tinanggap ng marami ay ang kasinungalingan.  Nadaya sila ng isipang pare-pareho lang ang lahat ng Iglesia, na walang pagkakaiba ang mga nasa labas at ang mga nasa loob ng Iglesia ni Cristo.  Subalit malinaw na ipinakikita sa Banal na Kasulatan ang napakalaking pagkakaiba ng mga nasa loob  sa mga nasa labas ng tunay na Iglesia.

Pasugo God’s Message/December 2001/Pages 12-13, 23/Volume 53/ Number 12/ISSN 0116 1636