Diyos Ba Ang Nanggaling Sa Langit?
Sinulat ni ALBERTO P. GONZALES
HINDI KATAKATAKANG MAKAHIKAYAT din ng mga tao ang mga
nagtuturong si Cristo ang tunay na Diyos sapagkat gumagamit sila ng mga talata
ng Biblia. Subalit kung susuriing mabuti
ang mga talatang kanilang pinagbabatayan ay makikita natin na pinipilipit
lamang nila ito upang umayon sa kanilang paniniwala.
Akay ng
mabuting layunin na tayo ay iligtas sa mga maling aral, ilalahad sa artikulong
ito ang di-wastong pagpapakahulugan sa ilang mga talata ng Biblia na ginagamit
ng mga naniniwalang si Cristo ay Diyos.
1.
Juan 6:46 — Walang nakakita sa Ama kundi ang
nanggaling sa Diyos:
“Hindi sa ang sinoma'y nakakita sa Ama, kundi yaong nanggaling sa Dios, siya ang nakakita sa Ama.”
2.
Juan 3:13
— Si Cristo ang nanggaling sa langit:
“At walang umakyat sa langit, kundi ang nanggaling sa langit, sa makatuwid baga'y ang Anak ng tao, na nasa langit.”
Diumano ang mga talatang ito ay
nagpapatunay na si Cristo’y Diyos sapagkat sinasabi raw rito na Siya lamang ang
nakakita sa Diyos at nanggaling sa langit.
Ibinabatay din nila sa mga talatang ito ang paniniwalang may
pre-existence o dati nang umiiral si Cristo bilang Diyos bago pa Siya
ipinanganak ng Kaniyang inang si Maria.
3.
Juan 6:62 — Aakyat sa kinaroroonan Niya noong
una:
“Ano nga kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng tao sa kinaroroonan niya nang una?”
Dito ay inakala nila na may
Cristong nasa langit na noon pang una o may pre-existence Siya dahil sinabing
aakyat Siya sa kinaroroonan Niya noong una.
Kaya, Diyos daw si Cristo.
4.
Juan 6:38 — Bumabang mula sa langit:
“Sapagka't bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.”
Ang talatang ito raw ang lalong
nagpatibay ng kanilang paniniwala na may Cristo nang nasa langit noon pang una
dahil sinabi ni Cristo na Siya ay bumabang mula sa langit.
Ang tinutukoy sa Juan 6:46
Ang Ama na Siyang iisang tunay
na Diyos ay di nakikita (I Tim. 1:17) sapagkat Siya’y espiritu sa kalagayan
(Juan 4:24), walang laman at mga buto o walang materya (Lucas 24:38-39) kaya,
paanong “nakita” ni Cristo ang Diyos?
Ang kahulugan ng sinabi sa talatang si Cristo lamang ang nakakita sa Ama
ay Siya lamang ang nakakilala sa Ama o sa Diyos:
“Kung ako'y nangakilala ninyo ay mangakikilala ninyo ang aking Ama: buhat ngayon siya'y inyong mangakikilala, at siya'y inyong nakita.” (Juan 14:7)
Bagama’t si ang Cristo nakakita o nakakilala
sa Ama hindi ito marapat ipakahulugan na Siya’y Diyos, sapagkat Siya’y sugo ng
Diyos:
“Sumigaw nga si Jesus sa templo, na nagtuturo at sinasabi, Ako'y inyong nakikilala at nalalaman din naman ninyo kung taga saan ako; at hindi ako naparito sa aking sarili, datapuwa't ang nagsugo sa akin ay tunay, na hindi ninyo nakikilala.
“Siya'y nakikilala ko; sapagka't ako'y mula sa kaniya, at siya ang nagsugo sa akin.” (Juan 7:28-29)
Hindi maaaring si Cristo ang Diyos
sapagkat Siya ay isinugo ng Diyos. Iba
ang Diyos na nagsugo kaysa kay Cristo na isinugo. Gayundin, iba si Cristo na nagmula sa Diyos
kaysa Diyos na pinagmulan Niya.
Ang tinutukoy sa Juan 3:13
Ang kahulugan ng sinabi ni
Cristo na Siya ay nanggaling sa langit ay Siya’y nagmula at nanggaling sa
Diyos—isinugo Siya ng Diyos:
“Sinabi sa kanila ni Jesus, Kung ang Dios ang inyong ama, ay inyong iibigin ako: sapagka't ako'y nagmula at nanggaling sa Dios; sapagka't hindi ako naparito sa aking sarili, kundi sinugo niya ako.” (Juan 8:42)
Paano nagmula sa Diyos si Cristo? Ipinaliwanag ito ni Apostol Pedro, at ganito
ang kaniyang sinabi:
“Nasa isip na Siya ng Diyos bago pa lalangin ang daigdig,
nguni’t ipinakilala Siya ngayong huling panahon dahil sa inyo.” (I Ped. 1:20,
salin ni Juan Trinidad)
Wala pang Cristo na eksistido noong bago
likhain ang daigdig; ang naroon nang pasimula ay ang isipan o plano ng Diyos
tungkol sa pagkakaroon ng Cristo.Ito ang dahilan kaya sinabi sa talata na Siya
ay nagmula at nanggaling sa Diyos.
Ang tinutukoy sa Juan 6:62
Maling isipin na Diyos si Cristo
dahil lamang sa sinabi sa talata na ang kinaroroonan Niya nang una ay ang
langit. Gaya ng tinalakay na, ang naroon
nang pasimula ay ang plano ng Diyos tungkol sa pagkakaroon ng Cristo (I Ped.
1:20) kaya sinasabi sa talata na si Cristo ay nanggaling sa langit.
Pinatutunayan sa Biblia na ang likas na
kalagayan ng nagbuhat sa langit ay tao:
“Ang unang tao ay mula sa lupa, ang
ikalawang tao ay buhat sa langit.” (I Cor. 15:47, New Pilipino Version)
At dahil tao ang likas na kalagayan ng
nagbuhat sa langit (si Cristo), nakatitiyak tayong hindi Siya ang tunay na Diyos
sapagkat ang Diyos ay hindi pumapayag na maging tao ni pumapayag man na ang tao
ay maging Diyos (Ose. 11:9; Ezek. 28:2).
Ang tinutukoy sa Juan 6:38
Hindi dahil sa sinabing si Cristo’y sugong
mula sa langit ay nangangahulugan nang Siya’y may dati nang kalagayan o
eksistido na noon pang una. Ang katulad
nito ay si Juan Bautista na sugong mula rin sa langit o mula sa Diyos:
“Naparito ang isang tao, na sugong mula sa
Dios, na ang kaniyang pangalan ay Juan.” (Juan 1:6)
Walang magsasabi na si Juan Bautista ay
may pre-existence o may dati nang kalagayan dahil sa banggit na siya ay sugong
mula sa Diyos o mula sa langit. Maling
pagkaunawa ang gayon. At lalong hindi
ito nagpapatunay na si Juan Bautista ay Diyos din. Kaya, hindi nangangahulugang eksistido na si
Cristo noon pang una dahil lamang sa banggit na Siya ay mula sa langit.
Ang ibubunga kung tatanggaping
Diyos si Cristo
Masama ang ibubunga kung tatanggapin na
Diyos si Cristo. Darami ang Diyos kapag
nagkagayon. Pinatunayan din ng
Panginoong Jesucristo mismo na nagkakamali rin ang nagsasabing Siya (si Jesus)
at ang Ama ay iisa sa bilang:
“Oo, at kung ako'y humahatol, ang hatol ko'y totoo; sapagka't hindi ako nagiisa, kundi ako at ang Ama na nagsugo sa akin.” (Juan 8:16)
Pinatunayan ni Cristo mismo na hindi Siya
nag-iisa kung kasama Niya ang Diyos.
Samakatuwid, Sila ng Ama ay hindi iisa sa bilang.
Ang isa pang katunayang magkaiba si Cristo
at ang Ama ay ang katotohanang ang Diyos ay espiritu sa likas Niyang kalagayan
(Juan 4:24), hindi tulad ni Cristo na may laman at mga buto:
“Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.” (Lucas 24:39)
Malaki ang pagkakaiba ng likas na
kalagayan ni Cristo (tao ayon sa Juan 8:40) sa likas na kalagayan ng Diyos
(Espiritu). Ang Diyos ay walang laman at
mga buto samantalang ang taong si Cristo ay may laman at may buto. Sa pagtuturong ito ay pinatunayan ni Cristo
na hindi Siya Diyos, kaya’t mali rin ang mga naniniwala na si Jesus at ang Ama
ay iisa sa pagiging Diyos.
Kaya, maling pagpapakahulugan sa mga
talata ng Biblia ang pinagbabatayan ng mga nagtuturong si Cristo ay Diyos. Ang kamalian ng kanilang pagkaunawa at
papilipit na paggamit ng mga talata ng Banal na Kasulatan ay makikita natin sa
liwanag din ng mga aral ng Diyos na nakasulat sa Biblia. Huwag tayong padadaya sa mga bulaang
tagapangaral.
Pasugo God’s Message/March
2007/Pages 21-22/Volume 59/Number 3/ISSN 0116-1636