Paghamak Kay
Cristo?
Ni LEOPOLDO L. GUEVARRA
SA AKING PAGTUNGO sa Lunsod ng Naga, nagpakilala sa akin
ang isang banyagang nakasabay ko sa paglalakbay. Siya ay isang misyonera ng isang pangkatin ng
pananampalataya. Nang malaman niyang ako
ay isang ministro ng Iglesia ni Cristo,
nagsimula siyang magtanong tungkol sa aral ng Iglesia kaugnay ng Panginoong Jesus. Inakala niyang maliit o hamak ang pagkakilala
ng Iglesia sa Panginoong Jesus dahil sa paniniwala nitong Siya ay tao at hindi
Diyos. Mayroon siyang binasang mga
talata ng Biblia na sa akala niya ay nagtuturong si Jesus ay Diyos.
Ang pagpapakilala ng Biblia
Bago natin
suriin ang mga talata ng Biblia na kaniyang binasa, alamin muna natin kung ano
ang itinuturo ng Biblia na mga katangian ni Jesus na siyang kinikilala ng Iglesia ni Cristo. Sa Gawa 5:31 ay ganito ang pahayag ni Apostol
Pedro:
“Siya'y pinadakila ng Dios ng kaniyang kanang kamay upang maging Principe at Tagapagligtas, upang magbigay ng pagsisisi sa Israel, at kapatawaran ng mga kasalanan.”
Ang Panginoong
Jesucristo ay pinadakila ng Diyos. Dapat
nating mapansin na iba ang Diyos na nagpadakila kay Cristo na pinadakila. Ipinakikilala rin sa talata na ang Panginoong
Jesucristo ay ginawang Tagapagligtas at binigyan ng karapatang magpatawad sa
kasalanan. Si Apostol Pablo ay
nagpatotoo rin na pinadakila ng Diyos si Jesus:
“Kaya siya naman ay pinakadakila ng Dios, at siya'y binigyan ng pangalang lalo sa lahat ng pangalan;
“Upang sa pangalan ni Jesus ay iluhod ang lahat ng tuhod, ng nangasa langit, at ng nangasa ibabaw ng lupa, at ng nangasa ilalim ng lupa,
“At upang ipahayag ng lahat ng mga dila na si Jesucristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Dios Ama." (Filip. 2:9-11)
Ang Panginoong
Jesucristo ay binigyan ng pangalang lalo sa lahat ng pangalan. Iba ang nagbigay sa binigyan—ang Diyos ang
nagbigay; ang binigyan ay si Jesus. Kung
si Cristo na binigyan ng pangalan ay tunay na Diyos, at ang nagbigay sa Kaniya
ay tunay na Diyos din, lilitaw na dalawa ang tunay na Diyos—ito ay salungat sa
aral ng Biblia na iisa lamang ang tunay na Diyos (Juan 17:1, 3).
Sinabi rin ni
Apostol Pablo na ipinag-utos ng Diyos na sa pangalan ni Jesus ay dapat iluhod
ang lahat ng tuhod. Ang katumbas nito
ay:
“Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim
ng lupa ay maninikluhod At sasamba sa
kanya.” (Filip. 2:10, Magandang Balita Biblia)
Sinasamba ng Iglesia ni Cristo ang Panginoong
Jesucristo hindi dahil sa Siya ay Diyos, kundi bilang pagtalima sa utos ng
Diyos. Ang pagsamba sa Panginoong Jesus
ay katunayan ng mataas na pagkilala ng Iglesia
ni Cristo sa Kaniya.
Marami pang
talata sa Biblia ang nagtuturo ng mga katangian ng Panginoong Jesucristo: Siya ay Panginoon (Gawa 2:36); Tagapamagitan
ng mga tao sa Diyos (I Tim. 2:5); at nasa kaibaibabawan ng lahat ng pamunuan,
kapamahalaan, at kapangyarihan (Efe. 1:20-21).
Tao sa kalagayan
Ipinagtataka
ng iba kung bakit tao ang pagkakilala ng Iglesia
ni Cristo kay Cristo gayong napakarami Niyang katangiang higit sa kanino
mang nilalang ng Diyos. Ito ay dahil sa
pahayag mismo ng Panginoong Jesucristo:
“Ngunit
pinagsisikapan ninyong patayin ako na isang taong nagsabi sa inyo ng
katotohanang narinig ko sa Dios. Ito’y hindi ginawa ni Abraham.” (Juan
8:40, New Pilipino Version)
Malinaw na
ipinakilala ni Jesus na Siya’y tao.
Pinatunayan pa Niya na iba Siya sa Diyos. Iba si Cristo na nakarinig ng katotohanan sa
Diyos na kinaringgan nito. Hinahamak ba ni Cristo ang Kaniyang sarili nang sabihin
Niyang Siya’y tao na nagsabi ng katotohanan?
Maging ang mga
apostol ay natuto sa itinuro ni Jesus na Siya ay tao. Itinuro ni Apostol Pedro ang ganito:
“Mga Israelita, pakinggan ninyo ito!
Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatutunayan ito ng mga himala, mga
kababalaghan, at mga tandang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat lahat ay naganap sa
gitna ninyo. Ngunit ang taong ito na ibinigay sa inyo ayon sa
pasiya at pagkaalam ng Diyos sa mula’t mula pa, ay ipinapako ninyo at
ipinapatay sa mga makasalanan.” (Gawa 2:22-23, MB)
Ayon kay
Apostol Pedro, si Jesus ay taong sinugo ng Diyos. Iba ang nagsugo kaysa isinugo. Ang Diyos ang nagsugo; si Jesus ang
isinugo. Kung si Jesus na sinugo ay
tunay na Diyos at ang nagsugo sa Kaniya ay tunay na Diyos din, lilitaw na
dalawa ang tunay na Diyos na ito’y salungat sa aral ng Biblia na iisa lamang
ang tunay na Diyos.
Nabago ba ang likas na kalagayan ng Panginoong Jesus ngayong
Siya ay nasa langit na? Sinabi ni
Apostol Pablo kay Timoteo:
“Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus.” (I Tim. 2:5, Ibid.)
Nasa langit na
ang Panginoong Jesucristo nang ito’y sabihin ni Apostol Pablo. Gayunman, pinatunayan niya na si Jesus ay tao
sa kalagayan at hindi Diyos; si Jesus ay taong Tagapamagitan natin sa
Diyos. Mababasa rin sa Biblia ang
ganito:
“Mapatong nawa ang iyong kamay sa tao na iyong kinakanan. Sa anak ng tao na iyong pinalakas sa iyong sarili.” (Awit
80:17)
Ang taong nasa
kanan ng Diyos ay si Cristo (Col. 3:1).
Kaya, natitiyak natin na kahit ngayong nasa langit na ang Panginoong
Jesucristo ay nananatiling tao ang Kaniyang likas na kalagayan.
Mga diumano’y saligan
Bakit may mga talata ng Biblia na ginagamit ang mga
nagtuturong si Cristo ay Diyos?
Maaaring mali ang kanilang pagkaunawa sa mga talata o kaya naman ay
maling salin ng talata sa Biblia ang ginamit nilang batayan. Sapagkat kung ang pagkaunawa sa talata ay
tama at ang salin ng talatang ginamit ay wasto rin, walang magagamit upang
patunayang si Cristo ang tunay na Diyos.
Tulad lamang ito
ng naging maling pagkaunawa ng nakausap ko at ng ibang nagtuturo na si Cristo
ay tunay na Diyos ayon daw sa Juan 1:1 at 14:
“Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios.
“At nagkatawang-tao ang Verbo, at tumahan sa gitna natin (at nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatian gaya ng sa bugtong ng Ama), na puspos ng biyaya at katotohanan.”
Dahil daw sa
binabanggit sa talatang Juan 1:1 na ang Verbo ay Diyos at sa 1:14 na
nagkatawang-tao ang Verbo, kaya si Cristo raw ay Diyos na nagkatawang-tao.
Bakit mali ang ganitong pagkaunawa sa talata? Sapagkat wala namang sinasabi sa mga talata
na si Cristo ay tunay na Diyos na nagkatawang tao. Ang nagkatawang-tao ay ang Verbo o ang salita
ng Diyos. Nagkamali ang iba sa kanilang
pagkaunawa sa talata dahil sa maling pakahulugan sa salitang “Verbo.” Akala ng iba, ang kahulugan ng Verbo ay
Cristo na may kalagayan na o umiiral na bilang tunay na Diyos. Ano ba ang katumbas
ng terminong “Verbo” sa Bibliang Ingles?
“In the beginning was the Word, and the Word was with God, and the Word
was God.” (Jn. 1:1, King James Version)
Word ang katumbas sa Ingles ng salitang
“Verbo” na kung isasalin sa Pilipino ay “Salita.” Dapat isaalang-alang na iba ang salita sa
nagsalita. Ang Diyos ang nagsalita, kaya
ang sabi sa talata, ang salita ay sumasa-Diyos.
Ang tunay na Diyos ay ang kinaroroonan ng salita at hindi ang salita ang
Diyos. Kung tatanggapin natin na tunay
na Diyos ang salita sa sumasa-Diyos, at Diyos din ang kinaroroonan ng salita,
lilitaw na ang tunay na Diyos ay hindi lamang iisa—ito ay salungat sa aral ng
Biblia.
Ang isa sa mga
kahulugan ng salitang “Verbo” na ibinigay sa talababa o footnote ng Bagong
Tipan, na isinalin ni Juan Trinidad, ay:
“… Verbo
… at ang Anak ay tinawag niyang isang
uri ng banaag na kaisipan na nagmumula sa Ama.” (p. 262)
Hindi pa
umiiral si Cristo bago Siya ipinagdalang-tao at ipinanganak. Nasa isip o panukala pa lamang ng Diyos ang
ukol sa Kaniya noong una. Ito ang aral
ng Biblia:
“Nasa
isip na Siya ng Diyos bago pa lalangin ang daigdig, nguni’t ipinakilala
Siya ngayong huling panahon dahil sa inyo.” (I Ped. 1:20, Ibid.)
Kaya ang
nagkatawang-tao ay ang Verbo o salita ng Diyos at hindi ang Diyos na nagsalita. Kung ang salita ang
nagkatawang-tao at hindi naman ang Diyos na nagsalita, bakit sinabi na ang
Verbo o ang salita ay Diyos? Ito
ay dahil sa uri ng salita ng Diyos:
“Sapagka't walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan.” (Lu. 1:37)
Ang salita ng
Diyos ay makapangyarihan—kauri ng Diyos na nagsalita. Katunayan ay sinabi mismo
ng Diyos:
“… Ako ang
Dios na Makapangyarihan sa lahat” (Gen. 35:11).
Kaya, sa
banggit na “Ang Verbo ay Diyos,” ang
pagkakagamit ng terminong “Diyos” ay bilang pang-uri (adjective) at hindi
bilang pangngalan (noun). Ginamit ang
terminong “Diyos” upang uriin ang terminong “Verbo.” Kaya, maling pagkaunawa sa mga talata ng
Biblia ang pagsasabing sa Juan 1:1 at 14 ay itinuturo na si Cristo ay Diyos na
nagkatawang-tao.
Ang kahulugan
ng sinabi sa talatang Juan 1:1:14 na nagkatawang-tao ang Verbo ay ang
pangyayaring nakatala sa Mateo 1:18 at 20:
“Ang pagkapanganak nga kay Jesucristo ay ganito: Nang si Maria na kaniyang ina ay magaasawa kay Jose, bago sila magsama ay nasumpungang siya'y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
“Datapuwa't samantalang pinagiisip niya ito, narito, ang isang anghel ng Panginoon ay napakita sa kaniya sa panaginip, na nagsasabi: Jose, anak ni David, huwag kang mangamba sa pagtanggap kay Maria na iyong asawa: sapagka't ang kaniyang dinadalang-tao ay sa Espiritu Santo.”
Ang kahulugan
ng “nagkatawang-tao ang Verbo” ay natupad ang panukala ng Diyos—at ang
katuparan ay tao, kaya ang sabi sa talata ay dinadalang-tao.
‘Ito ang tunay na Diyos’
Binasa rin ng
aking nakausap ang I Jaun 5:20:
“ At nalalaman natin na naparito ang Anak ng Dios, at tayo'y binigyan ng pagkaunawa, upang ating makilala siya na totoo, at tayo'y nasa kaniya na totoo, sa makatuwid ay sa kaniyang Anak na si Jesucristo. Ito ang tunay na Dios, at ang buhay na walang hanggan.”
Tulad ng iba
na nagkamali ng pag-unawa sa talatang ito, kapagkaraka ay sinabi ng aking
kausap na misyonera na ito raw ay malinaw na katunayan na ang Panginoong
Jesucristo ay tunay na Diyos dahil ang pahayag na, “Ito ang tunay na Diyos” ay
diumano’y tumutukoy sa Kaniya.
Bakit tiyak na mali ang kaniyang
pagkaunawa sa talatang ito? Dahil ayon
din sa talata, ang tunay na Diyos ay may Anak na naparito. Kaya, kung sasabihing ang tunay na Diyos ay
si Cristo, sino ang Kaniyang anak? Wala,
di ba? Dahil si Cristo nga ang
Anak. Kaya, ang katotohanang si Cristo
ay Anak ng Diyos ay katunayang hindi Siya ang tunay na Diyos na binabanggit sa
I Juan 5:20.
Isa pang dapat
isaalang-alang ay ang sinasabi sa talata na kaya naparito ang Anak ay upang
ipakilala Niya kung sino ang tunay na Diyos.
Mayroon ba kahit isa man lamang talata ng Biblia
na nagsasaad na ipinakilala ni Cristo ang sarili Niya bilang tunay na Diyos? Walang gayong talata na wasto ang
pagkakasalin. Kung
si Cristo ang tunay na Diyos, at wala naman Siyang ginawang pagpapakilala na
Siya nga ang tunay na Diyos, hindi ba lilitaw na nabigo Siya sa Kaniyang misyon
sa pagparito upang ipakilala kung sino ang tunay na Diyos? Subalit natitiyak natin na hindi nabigo ang
Panginoong Jesucristo sa layunin ng Kaniyang pagparito dahil ipinakilala Niya
kung sino ang tunay na Diyos na dapat kilalanin ng tao:
“Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak:
“At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo.” (Juan 17:1,
3)
Ipinakilala ni
Jesus ang tunay na Diyos bilang pagtupad sa isa sa mga layunin ng Kaniyang
pagparito. At ang ipinakilala Niyang
tunay na Diyos ay iisa lamang—ang Ama.
Kaya, ang sabi Niya sa panalangin,
“ … ikaw
ay makilala nila na iisang Dios na tunay.”
Hindi Niya sinabing, “Ikaw at Ako ang makilala nilang Diyos na
tunay” at lalong hindi Niya sinabing, “Ikaw at Ako at ang Espiritu Santo ang
makilala nilang tunay na Diyos.”
Ano naman ang dapat na maging pagkakilala natin kay Jesus? Siya ay
sinugo ng tunay na Diyos ayon mismo sa Kaniya.
Nagpapatunay ito na iba ang Cristo (na isinugo) sa Diyos (na nagsugo).
Sa harap ng mga katotohanang ito, sino ang tunay na humahamak
kay Cristo?
Pasugo God’s Message/April
2001/Pages 26-28/Volume 53/Number 4/ISSN 0116-1636