Tungkulin Ng
Tao Na Kilalanin
At Ibigin Ang
Diyos Na Lumalang
NATIYAK natin sa pagtuturo ni Cristo at ng mga Apostol na
totoong may Diyos [Kabanata I]. Ang Ama
na iisang Diyos na nasa kalagayang Espiritu na kanilang ipinakikilala ay
pinatutunayan ng Kanyang mga gawang makapangyarihan at ng Kanyang mga salita na
natutupad sa takdang kapanahunan [Kabanata II] na kalian man ay hindi
mapaparisan ng sinumang tao ang Diyos at ang Kanyang mga salita. Dapat nilang kilalanin at ibigin ang
Diyos. Bakit dapat kilalanin at ibigin
ng mga tao ang Diyos? Sapagkat ito ay
kanilang tungkulin. Bakit nagiging
tungkulin ng mga tao ang pagkilala at ang pag-ibig sa Diyos?
Ano ba ang dapat malaman ng mga tao
Sa kanilang sarili?
Sa Awit: 100:3, ay ganito ang sinasabi:
“Alamin ninyo na ang Panginoon ay siyang Dios; siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kaniya: tayo'y kaniyang bayan, at mga tupa ng kaniyang pastulan.”
Ano ang dapat
malaman? Sinabi ng Diyos sa pamamagitan
ng pagtuturo ni David na propeta, na dapat alamin o kilalanin ng mga tao na ang
Diyos ang kanilang Panginoon. Dapat ding
kilalanin ng mga tao ang Diyos na lumalang at may-ari sa kanila. Ang Panginoong Diyos na lumalang at may-ari
ay dapat sundin ng mga tao na Kanyang nilalang.
Kaya nagiging tungkulin ng mga tao ang kilalanin at ibigin ang Diyos na
may-ari at lumalang sa kanila.
Saan at paano tayo nilalang ng Diyos? Sa Isa. 44:2, ay ganito ang sinasabi:
“Ganito ang sabi ng Panginoon na lumalang sa iyo, at nagbigay
anyo sa iyo mula sa bahay-bata …”
Ang Diyos ang
lumalang sa mga tao sa pamamagitan ng pagbibigay-anyo sa kanila mula pa sa
bahay-bata ng kanilang ina. Pagkatapos
ng paglalang kay Adan sa pamamagitan ng alabok ng lupa (Gen. 2:7), at ng
paglalang kay Eva sa pamamagitan ng isang tadyang na kinuha ng Diyos kay Adan
(Gen. 2:18, 21-23), ang paglalang ay nagpapatuloy ngayon sa pamamagitan ng
basbas ng Diyos sa mag-asawa (Gen. 1:28).
Ngunit ang mag-asawa ay kasangkapan lamang ng Diyos at walang kinalaman
sa paglalang at pagbibigay-anyo sa tao.
Ano ang katunayan na ang mag-asawa’y walang kinalaman sa paglalang at
pagbibigay-anyo sa tao? Sapagkat
kalimitang mangyari, ang mag-asawang ibig magkaanak ng babae ay lalaki ang
isinisilang, at ang nag-iibig naman ng lalaki ay babae ang iniluluwal. At ang iba bagama’t ibig na ibig nila ang
magkaanak ay hindi naman magkaanak. Ito
ang katunayang hindi ang tao ang lumalalang at nagbibigay-anyo sa tao kundi ang
Diyos.
Ano ang matibay na katunayan na ang Diyos
nga ang lumalang sa tao? Sa Roma.
14:7-8, ay tinitiyak ang ganito:
“Sapagka't ang sinoman sa atin ay hindi nabubuhay sa kaniyang sarili, at sinoman ay hindi namamatay sa kaniyang sarili.
“Sapagka't kung nangabubuhay tayo, sa Panginoon tayo'y nangabubuhay; o kung nangamamatay tayo, sa Panginoon tayo'y nangamamatay: kaya't sa mabuhay tayo, o sa mamatay man, tayo'y sa Panginoon.”
Tangi sa ang
Diyos ang nagbibigay-anyo sa tao mula pa sa bahay-bata ng kanyang ina, ang mga
tao’y hindi nabubuhay o namamatay sa kanilang sarili, kundi ito’y nasa
makapangyarihang kamay ng Diyos.
Nabubuhay tayo, hindi sapagkat iyon ang ibig natin sa ating sarili. Namamatay rin tayo, hindi sapagkat iyon ang
nais natin, kundi tayo’y nabubuhay at namamatay sa katakdaan ng Diyos. Marahil ay walang taong ibig mamatay, ngunit
wala namang taong makapagdurugtong ng kanyang buhay kung talagang sumapit na sa
hangganan ang kanyang buhay. Kaya ito’y
isang matibay na katunayan na ang Diyos nga ang lumalang sa tao. Sapagkat kung ang mga tao’y siyang lumalang
sa kanilang sarili, magagawa nila ang kanilang ibigin sa kanilang sarili. Kung ibig nilang mamalagi ang kanilang buhay,
magagawa nilang ito’y mamalagi. Kung
ibig nilang sila’y huwag mamatay, magagawa nila na sila’y huwag mamatay. Ngunit ito’y tiyak na hindi magagawa ng
sinumang tao. Sapagkat
maging ang ating pagkilos, kung nakakikilos man tayo ay nagagawa ba natin ito
sa ating sarili? Hindi. “Sapagka't sa kaniya tayo'y nangabubuhay, at nagsisikilos, at mayroon tayong pagkatao: na gaya naman ng sinabi ng ilan sa inyong sariling mga manunula, Sapagka't tayo nama'y sa kaniyang lahi.”
(Gawa 17:28). Samakatuwid, kahit
ang pagkilos ay hindi nagagawa ng mga tao sa kanilang sarili. Ang Diyos din ang nagpapakilos sa
kanila. Ibig man nating kumilos, ngunit
kung hindi tayo bibigyan ng lakas ng Diyos ay hindi tayo makagagalaw at
makagagawa ng anuman.
Bakit sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos kumikilos at
nabubuhay ang mga tao na Kanyang nilalang? Sa Job. 12:10, ay ganito ang
ipinakikilala: “Nasa kamay niya ang kaluluwa ng bawa't bagay na may buhay, at ang hininga ng lahat ng mga tao.” Ang mga tao’y kumikilos at nabubuhay sa
kapangyarihan ng Diyos, sapagkat Siya ang may hawak ng kaluluwa ng bawat bagay
na may buhay at ng hininga ng lahat ng tao.
Ito ang matibay na katunayan pa rin na ang Diyos nga ang lumalang sa mga
tao. Dahil dito, tungkulin nila ang
kumilala sa Diyos na lumalang at may-ari sa kanila.
Paano kikilalanin ang Diyos ayon sa Biblia?
Sa I Juan 2:3, ay sinasabi ang ganito:
“At sa ganito'y nalalaman natin na siya'y ating nakikilala, kung tinutupad natin ang kaniyang mga utos.”
Paano dapat kilalanin?
Dapat kilalanin ang Diyos sa pagtupad ng Kanyang mga utos. Ano ang tawag ng
Diyos doon sa mga taong nagsasabing kumikilala sa Diyos at hindi naman
tumutupad ng Kanyang mga utos? Sa
talatang 4, ay sinasabi ang ganito:
“Ang nagsasabing, Nakikilala ko siya, at hindi tumutupad ng kaniyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kaniya.” Sinungaling ang tawag
ng Diyos sa mga taong nagsasabing kumikilala, ngunit ayaw namang tumupad ng
Kanyang mga utos. Kanino itinataboy ng ating Panginoong Jesucristo ang mga
sinungaling? Sa Juan 8:44, ay
ganito ang Kanyang itinuturo:
“Kayo'y sa inyong amang diablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa nang una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka't walang katotohanan sa kaniya. Pagka nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa ganang kaniya: sapagka't siya'y isang sinungaling, at ama nito.”
Itinataboy ni Cristo ang mga sinungaling sa Diablo. Bakit?
Sapagkat ang Diablo ang ama ng mga sinungaling. Saan itinakda ng Diyos na parusahan ang mga
sinungaling? Itinakda ng Diyos na
parusahan ang mga sinungaling sa dagat-dagatang apoy at asupre na siyang
ikalawang kamatayan, na kasama ng mga duwag, ng mga hindi mananampalataya, ng
mga kasuklam-suklam, ng mga mapakiapid, ng mga manggagaway at ng mga mapagsamba
sa diyus-diyusan (Apoc. 21:8).
Ayon kay Cristo, kaninong utos ang dapat tuparin ng mga
kumikilala at umiibig sa Diyos?
Sa Juan 14:21, ay sinasabi Niya ang ganito: “Ang mayroon ng aking mga utos, at tinutupad ang mga yaon, ay siyang umiibig sa akin: at ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama, at siya'y iibigin ko, at ako'y magpapakahayag sa kaniya.”
Ang mga utos ng ating Panginoong Jesucristo ang dapat tuparin ng mga
kumikilala at umiibig sa Diyos. Bakit, kanino ba nanggagaling ang mga utos ni Cristo? “Sapagka't ako'y hindi nagsasalita na mula sa aking sarili; kundi ang Ama na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng utos, kung ano ang dapat kong sabihin, at kung ano ang dapat kong salitain.” (Juan 12:49). Ang mga utos ni Cristo ay hindi nagmumula sa
Kanyang sarili, kundi sa Diyos na sa Kanya’y nagsugo, kaya ang Kanyang mga utos
ang dapat tuparin sa pagkilala sa Diyos.
Dahil dito, ano ang pasiya sa pagkilala,
paglilingkod at pagsamba sa Diyos ng sinumang tao na hindi mga utos ng Diyos
ang tinutupad, kundi nakasalig sa mga utos at aral lamang ng mga tao? Sa Mat. 15:9, ay tinitiyak ang ganito:
“Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.”
Ang pagkilala,
paglilingkod at ang pagsamba sa Diyos na ang sinusunod ay mga utos ng tao at
hindi nakasalig sa mga salita ng Diyos ay WALANG KABULUHAN. Wala rin bang
kabuluhan ang gayong uri ng pagsamba kahit na lakipan pa ng pagpapakababa at
pagpapahirap sa katawan? Sa Col.
2:23, 22, ay ganito ang tinitiyak sa atin:
“Ang mga bagay na iya'y katotohanang mayroong anyo ng karunungan sa pagsambang kusa, at sa pagpapakababa, at sa pagpapakahirap sa katawan; nguni't walang anomang kabuluhan laban sa ikalalayaw ng laman.”
“(Ang lahat ng mga bagay na ito ay mangasisira sa paggamit), ayon sa mga utos at mga aral ng mga tao?”
Ang pagsamba
sa Diyos na nakabatay sa mga utos ng tao AY WALA RING KABULUHAN, kahit na
lakipan pa ng pagpapakababa at pagpapakahirap sa katawan. Kahit na lumakad pa ng paluhod
(pagpapakababa), pagpapakahirap sa katawan (penitensiya), at kahit na gutumin
pa ang sarili (magkulasyon), ay wala ring kabuluhan, sapagkat ang mga utos ng
tao’y masisira sa paggamit. Bakit walang
kabuluhan at masisira ang pagsamba o ang paglilingkod sa Diyos na nakasalig sa
mga utos ng tao? Sapagkat ang mga utos
ng mga tao ay iba sa aral na itinuro ng mga Apostol. Kaya ano ang mahigpit
na ipinagtatagubilin ng mga Apostol na dapat gawin sa mga aral na iba sa
kanilang itinuro? Sa Gal. 1:8, ay
sinasabi ang ganito: “Datapuwa't kahima't kami, o isang anghel na mula sa langit, ang mangaral sa inyo ng anomang evangelio na iba sa aming ipinangangaral sa inyo, ay matakuwil.” Dapat itakwil ang mga utos ng mga tao na iba
sa aral na itinuro ng mga Apostol.
Bakit? Sapagkat ibang
ebanghelyo. Hindi utos ng Diyos, kundi
sali’t saling-sabi lamang ng mga tao. Pinapag-iingat ba ni Apostol Pablo na huwag pabihag at padaya
sa mga sali’t saling-sabi ng mga tao?
Sa Col. 2:8, ay ganito ang kanyang itinuturo:
“Kayo'y magsipagingat, baka sa inyo'y may bumihag sa pamamagitan ng kaniyang pilosopia at walang kabuluhang pagdaraya, ayon sa sali't saling sabi ng mga tao, ayon sa mga pasimulang aral ng sanglibutan, at di ayon kay Cristo.”
Ibinabala ni
Apostol Pablo na dapat pag-ingatan na huwag makinig sa mga sali’t saling-sabi
ng mga tao na ipandaraya ng mga hindi tunay na tagapangaral ng ebanghelyo. Maaaring imatuwid ng mga nagtuturo ng mga
sali’t saling-sabi ng mga tao, na totohanan naman ang kanilang pagmamalasakit
sa kanilang paglilingkod, kaya sila’y magiging dapat din sa Diyos. Ang kanilang pagmamalasakit ay hindi magiging
dapat. Bakit? Ano bang uring
pagmamalasakit ang nagagawa ng mga sumusunod sa mga sali’t saling-sabi o sa mga
utos ng mga tao? Sa Rom. 10:2, ay
ganito ang sinasabi: “Sapagka't sila'y pinatotohanan ko na may mga pagmamalasakit sa Dios, datapuwa't hindi ayon sa pagkakilala." Bakit hindi ayon sa
pagkakilala ang gayong uri ng pagmamalasakit sa Diyos? “Sapagka't sa hindi nila pagkaalam ng katuwiran ng Dios, at sa pagsusumakit na maitayo ang sariling kanila, ay hindi sila napasakop sa katuwiran ng Dios.”
(Rom. 10:3). Hindi ayon sa
pagkakilala ang pagmamalasakit na hindi nasasakop ng katuwiran ng Diyos. Ito’y hindi pagmamalasakit sa Diyos, kundi
pagmamalasakit na maitayo ang sariling kagustuhan. Kung ang ganitong pagmamalasakit ay
tatanggapin ng Diyos, lalabas na ang Diyos ang sumusunod sa mga tao at hindi
sila ang sumusunod sa Diyos. At sapagkat
tungkulin ng mga tao ang umibig at kumilala sa Diyos na lumalang at may-ari sa
kanila, kaya ang kanilang pagmamalasakit ay dapat masakop ng katuwiran ng
Diyos.
Alin ang katuwiran ng Diyos
At saan ito naroon?
Sa Rom. 1:16-17,
ay sinasabi ang ganito:
“Sapagka't hindi ko ikinahihiya ang evangelio: sapagka't siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawa't sumasampalataya; una'y sa Judio, at gayon din sa Griego.
“Sapagka't dito ang katuwiran ng Dios ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya: gaya ng nasusulat, Nguni't ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”
Alin ang
katuwiran ng Diyos na dapat makasakop sa pagmamalasakit sa paglilingkod? Ang Ebanghelyo. Bakit ang Ebanghelyo? Sapagkat dito nahahayag ang katuwiran ng
Diyos, kaya ito ang kapangyarihan ng Diyos sa pagliligtas sa bawat
sumasampalataya. Saan masusumpungan ang katuwiran ng Diyos na inihahayag ng Ebanghelyo? Sa II Tim. 3:16-17, ay itinuturo ni Apostol
Pablo ang ganito:
“Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran:
“Upang ang tao ng Dios ay maging sakdal, tinuruang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti.”
Saan masusumpungan? Sa mga Kasulatang kinasihan ng Diyos. Alin ang tinatawag na mga kasulatang
kinasihan ng Diyos? Ang Biblia. Bakit naman ang Biblia ay tinatawag na mga
kasulatang kinasihan ng Diyos? Sapagkat
ang Diyos ang nag-utos na isulat ang Kanyang mga salita sa isang aklat (Jer.
30:2). Sinu-sino ang mga taong inutusan ng Diyos na sumulat ng Kanyang
mga salita? Inutusan ng Diyos si Moises
(Deut. 31:9), inutusan din Niya sina Jeremias, Daniel at ang iba’t ibang mga
propeta (Jer. 30:2; Dan. 12:4), at gayundin ang mga Apostol. Kinasihan din ba ng
Diyos ang Kanyang mga inutusan sa pagsulat ng Kanyang mga salita? Sa Apoc. 10:4, ay sinasabi ang ganito: “At pagkaugong ng pitong kulog, ay isusulat ko sana: at narinig ko ang isang tinig na mula sa langit, na nagsasabi, Tatakan mo ang mga bagay na sinalita ng pitong kulog, at huwag mong isulat.” Si Apostol Juan na isa sa mga inutusan ng
Diyos na sumulat ng Kanyang mga salita ay pinatnubayan Niya upang huwag
magkamali o huwag maisulat ang hindi dapat na isulat. Kaya isusulat na sana ni
Juan ang sinalita ng pitong kulog, ngunit sinabi ng Diyos kay Juan na ito’y HUWAG ISULAT. Kung wala nang dapat
isulat, ang Diyos din ba ang nagsasabing tapusin na o isara na ang mga salita? Sa Dan. 12:4, ay sinasabi: “Nguni't ikaw, Oh Daniel, isara mo ang mga salita, at tatakan mo ang aklat, hanggang sa panahon ng kawakasan: marami ang tatakbo ng paroo't parito, at ang kaalaman ay lalago.”
Si Daniel na propeta na isa rin sa mga inutusan ng Diyos na sumulat ng
Kanyang mga salita ay pinagsabihan ng Diyos na tapusin na ang pagsulat. Sinabi ng Diyos kay Daniel na isara na ang
mga salita at tatakan na ang aklat. Kaya
ang Biblia ay tinatawag na mga kasulatang kinasihan ng Diyos, sapagkat ang
Diyos mismo ang nag-utos na isulat ang Kanyang mga salita at ang mga inutusang
sumulat ay kinasihan Niya upang huwag ding maragdagan o mabawasan ang Kanyang
mga salita. Dahil dito’y sapat na ang mga salita ng Diyos na
nakasulat sa Biblia na magturo, sumaway, sa ikatututo ng katuwiran upang ang
mga tao’y maturuang lubos sa lahat ng gawang mabuti. Hindi na kailangan pa ang mga utos at aral ng
tao o ang mga sali’t saling-sabi na hindi nasusulat sa Biblia. Magiging dapat ba sa Diyos ang pagsunod at
pagsampalataya sa hindi nasusulat?
Hindi. Tiniyak
ba ng mga Apostol na sapat na ang nasusulat sa Biblia na kung sampalatayanan ay
magtatamo ng buhay sa pangalan ni Cristo? Sa Juan 20:30-31, ay ipinakikilala ang
ganito:
“Gumawa rin nga si Jesus ng iba't ibang maraming tanda sa harap ng kaniyang mga alagad, na hindi nangasusulat sa aklat na ito:
“Nguni't ang mga ito ay nangasulat, upang kayo'y magsisampalataya na si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Dios; at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kaniyang pangalan.”
Hindi na kailangang sampalatayanan ang
hindi nasusulat sa Biblia. Itinuro ng
mga Apostol na sapat na ang mga nasusulat na kung sampalatayanan ay magtatamo
ng buhay sa pangalan ni Cristo. Kaya
dapat itakuwil ang mga sali’t saling-sabi ng mga tao at ang dapat
sampalatayanan, tanggapin at unawain ay ang mga salita ng Diyos na nasusulat sa
Biblia o Banal na Kasulatan.
Paano mauunawa
Ang mga Banal na Kasulatan?
Sa Mar. 4:11-12, ay ganito ang
sinasabi:
“At sinabi niya sa kanila, Sa inyo ay ipinagkaloob ang makaalam ng hiwaga ng kaharian ng Dios: datapuwa't sa kanilang nangasa labas, ang lahat ng mga bagay ay ginagawa sa pamamagitan ng mga talinghaga:
“Upang kung magsitingin sila'y mangakakita, at huwag mamalas; at kung mangakinig sila'y mangakarinig, at huwag mangakaunawa; baka sakaling sila'y mangagbalikloob, at patawarin sila.”
Paano mauunawa? Kaloob lamang ng Diyos ang makaunawa
nito. Sino ang pinagkalooban ng Diyos na
makaunawa ng Kanyang mga salita? Ang mga
sinugo Niya. Sino naman ang kusang
pinagkakaitan ng Diyos na makaunawa? Ang
mga hindi sinugo. Paano ipinagkakaloob ng Diyos ang pagkaunawa sa Kanyang mga
salita sa mga Sinugo Niya? Sa
Juan 14:26, ay ganito ang sinasabi:
“Datapuwa't ang Mangaaliw, sa makatuwid baga'y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo'y aking sinabi.” Ang mga sinugo ay
pinagkakalooban ng Diyos na makaunawa ng Kanyang mga salita sa pamamagitan ng
pagtuturo sa kanila ng Espiritu Santo. Ano naman ang katangian ng Espiritu Santo na nagtuturo sa mga
sinugo? Sa Juan 16:13, ay
sinasabi ang ganito: “Gayon ma'y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan: sapagka't hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain: at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating.” Ang Espiritu Santo na nagtuturo sa mga sinugo
at pumapatnubay sa kanila sa boong katotohanan ay hindi nagsasalita ng mula sa
kanyang sarili, kundi kung ano lamang ang kanyang narinig ay iyon ang
sinasalita at itinuturo.
Paano naman
pinagkakaitan ng Diyos ang mga hindi sinugo ng pagkaunawa sa Kanyang mga salita
na nasusulat sa Biblia? Sa II
Tim. 3:7, ay sinasabi ang ganito:
“Na laging nagsisipagaral, at kailan pa man ay hindi nakararating sa pagkaalam ng katotohanan.” Ang mga hindi
sinugo ay kusang pinagkakaitan ng Diyos na makaunawa ng Kanyang mga salita sa
pamamagitan na lagi nilang pag-aralan ang Biblia ay hindi nila
matututunan. Hindi sila makararating sa
pagkaalam ng katotohanan. Ano ang
katunayan na hindi nga sila natuto ng Biblia?
Ang hindi pagkakaisa ng kanilang aral na laban pa sa mga aral na itinuro
ni Cristo at ng mga Apostol na nasusulat sa Biblia. Bakit hindi nila maaaring matutuhan ang
Biblia sa kanilang walang likat na pag-aaral nila nito sa kanilang mga
paaralan? Sapagkat ang mga salita ng
Diyos sa Biblia ay itinago ng Diyos sa hiwaga sa panahong walang hanggan (Roma.
16:25). Kanino
ipinahayag ng Diyos ang hiwaga ng Kanyang mga salita? Sa Efe. 3:3-5, ay sinasabi ang ganito:
“Kung paanong sa pahayag ay ipinakilala sa akin ang hiwaga, gaya ng isinulat ko nang una sa ilang salita.
“Sa pamamagitan niyaon, sa pagbasa ninyo, ay inyong mapagtatalastas ang aking pagkakilala sa hiwaga ni Cristo;
“Na nang ibang panahon ay hindi ipinakilala sa mga anak ng mga tao, na gaya ngayon na ipinahayag sa kaniyang mga banal na apostol at propeta sa Espiritu.”
Kanino ipinahayag? Sa Kanyang mga apostol
at mga propeta, ngunit sa mga hindi sinugo ay nananatiling nakatago sa hiwaga
ang mga salita ng Diyos sa boong panahon.
Kaya ang mga hindi sinugo ay walang karapatang mangaral ng
Ebanghelyo. Sino lamang ang inutusan ng
Diyos na mangaral ng Ebanghelyo? Ang mga
sinugo lamang ang inutusang mangaral ng Ebanghelyo sa boong sanlibutan. Ang sumasampalataya sa Ebanghelyo na kanilang
ipinangangaral at mabautismuhan ay maliligtas, datapuwat ang hindi
sumasampalataya ay parurusahan (Mar. 16:15-16).
Bakit ang mga sinugo lamang ang may karapatang
mangaral ng Ebanghelyo? Ano ba ang
karapatang ibinigay sa kanila ng Diyos? Sa II Cor. 5:18, ay itinuturo ang ganito: “Datapuwa't ang lahat ng mga bagay ay pawang sa Dios, na pinakipagkasundo tayo sa kaniya rin sa pamamagitan ni Cristo, at ibinigay sa amin ang ministerio sa pagkakasundo.”
Ibinigay ng Diyos sa mga sinugo ang ministeryo o ang pamamahala sa
pakikipagkasundo ng mga tao sa Diyos. Tangi rito, ano pa ang ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos? Sa talatang 19, ay ganito ang sinasabi: “Sa makatuwid baga'y, na ang Dios kay Cristo ay pinakipagkasundo ang sanglibutan sa kaniya rin, na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga kasalanan, at ipinagkatiwala sa amin ang salita ng pagkakasundo." Ipinagkatiwala rin sa mga sinugo ang salita ng pagkakasundo o ang
ebanghelyo. Sa
kaninong pangalan ang mga sinugong ito?
Sa talatang 20, ay ganito ang tinitiyak:
“Kami nga'y mga sugo sa pangalan ni Cristo, na waring namamanhik ang Dios sa pamamagitan namin: kayo'y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Cristo, na kayo'y makipagkasundo sa Dios.” Ang mga sugo sa
pangalan ni Cristo ang pinagkatiwalaan at binigyan ng karapatan ng Diyos na
mangaral ng Ebanghelyo. Sino ang mga tinatawag ng mga sugo sa pangalan ni Cristo? Ang mga
sugo sa Iglesia Ni Cristo, sapagkat
sila ang tinatawag sa pangalan ni Cristo.
Hindi sugo sa pangalang Katoliko, Protestante o iba’t ibang iglesia na
wala sa pangalan ni Cristo. Dapat bang makisama muna sa mga sinugo ang mga taong ibig
makipagkaisa o makipagkasundo sa Diyos?
Sa I Juan 1:3, ay ganito ang tinitiyak sa atin:
“Yaong aming nakita at narinig ay siya rin naming ibinabalita sa inyo, upang kayo naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin: oo, at tayo ay may pakikisama sa Ama, at sa kaniyang Anak na si Jesucristo.”
Ang sinumang makikipagkaisa o
makikipagkasundo sa Diyos ay dapat na makisama muna sa mga sugo ng Diyos. Bakit?
Sapagkat sila’y may pakikipagkaisa sa Ama at sa Anak. Paano ang pakikipagkaisa sa mga sugo? Sa pamamagitan ng pagtanggap sa ibinabalita o
ipinangangaral nila na mula sa Diyos.
Kaya itinuro ng ating Panginoong Jesucristo ang paraan ng pagkilala sa
mga sugo at sa mga hindi sugo ng Diyos. Paano dapat kilalanin ang mga sugo ng Diyos at mga hindi sugo
ng Diyos? Sa Juan 7:16-18, ay
tinitiyak ni Cristo ang ganito:
“Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin.
“Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito'y sa Dios, o kung ako'y nagsasalita na mula sa aking sarili.
“Ang nagsasalita ng sa ganang kaniyang sarili'y humahanap ng kaniyang sariling kaluwalhatian: datapuwa't ang humahanap ng kaluwalhatian niyaong sa kaniya'y nagsugo, ang gayon ay totoo, at sa kaniya'y walang kalikuan.”
Ang mga hindi sugo at ang mga sugo ng
Diyos ay itinuturo ni Cristo na sila’y dapat kilalanin sa aral na kanilang
itinuturo. Ang aral ng mga sugo ng Diyos
ay mula sa Diyos. Ang aral ng mga hindi
sugo ay mula lamang sa kanilang sarili.
Ang hinahanap ng mga sugo ng Diyos ay ang kaluwalhatian ng Diyos na sa
kanila’y nagsugo. Ang hinahanap naman ng
mga hindi sugo ay ang kaluwalhatian ng
kanilang sarili. Paano makikilala ang
mga aral na mula lamang sa sarili? Ang
mga aral na humihigit sa nasusulat sa Biblia (I Cor. 4:6). Bakit ang mga aral na
higit sa nasusulat ay aral na mula lamang sa sarili? Ano ba ang tuntunin ng Diyos sa matuwid na
paggamit ng Kanyang mga utos na nasusulat sa Biblia? Sa Deut. 12:32, ay ganito ang sinasabi:
“Kung anong bagay ang iniuutos ko sa iyo, ay siya mong isasagawa: huwag mong dadagdagan, ni babawasan.”
Ang mga salita ng Diyos na nasusulat sa
Biblia ay hindi na dapat dagdagan o bawasan.
Ang pagdaragdag o pagbabawas sa mga salita ng Diyos ay lumilikha ng mga
aral na iba sa itinuro ng mga Apostol, kaya nagiging aral na mula na lamang sa
sarili. Ayon sa ating Panginoong
Jesucristo, gaano ang hindi dapat idagdag o ibawas sa mga salita ng Diyos? Ayon kay Cristo, kahit isang tuldok (punto) o
kahit isang kudlit (koma), ay hindi dapat idagdag o bawasin sa mga salita ng
Diyos, at ang mga gumagawa nito’y tatawaging kaliit-liitan sa kaharian ng
langit (Mat. 5:18-19). Ano ang ibig
sabihin na sila’y tatawaging kaliit-liitan sa kaharian ng langit? Nasa kaharian ba sila ng langit? Wala, sapagkat ang magdagdag ay daragdagan ng
Diyos ng mga salot at ang magbawas ay aalisin ang kanilang bahagi sa punong
kahoy ng buhay at sa bayang banal (Apoc. 22:18-19). Samakatuwid, ang magdagdag at ang magbawas sa
mga salita ng Diyos na nasusulat sa Biblia ay hindi maliligtas. Kaya dapat itakuwil ang ibang ebanghelyo, ang
mga sali’t saling-sabi na mga aral at utos ng mga tao. Tungkulin ng tao na kilalanin at ibigin ang
Diyos na may-ari at lumalang sa kanila sa pamamagitan ng pagtupad sa Kanyang
mga utos.
Ngunit ano ang layon ng Diyos sa paglalang
Niya sa mga tao at binigyan ng pananagutang tumupad ng Kanyang mga utos? Ano ang Kanyang pinag-uukulan sa kanila? Sa [susunod na kabanata’y] malalaman natin
ang kasagutan.
Hango sa aklat na Isang Pagbubunyag
sa Iglesia Ni Cristo/Kabanata III/Pahina 16-25