Ang Mga Baitang Tungo Sa Kaligtasan
Sinulat ni LEVI
M. CASTRO
ANG PINAKADAKILANG BIYAYA ng Diyos na maaaring matamo ng
tao ay ang kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom.
Ang maliligtas ay pagkakalooban ng buhay na walang hanggan at
maninirahan sa piling ng Diyos sa Bayang Banal magpakailanman.
Lahat ng tao
ay nangangailangan ng kaligtasan dahil “ang lahat ay nangagkasala” at napasa
“ilalim ng hatol ng Dios” (Roma 3:23, 19).
Igagawad ang hatol na ito sa ikalawang pagparito ng Panginoong
Jesucristo. Lilipulin (II Ped. 3:7, 10)
at ibubulid sa walang hanggang kaparusahan ang mga taong hindi maliligtas:
“At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy.
“… At ang diablo na dumaya sa kanila ay ibinulid sa dagatdagatang apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng hayop at ng bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailan kailan man.”
(Apoc. 20:14, 10)
Kaya, bago
dumating ang Araw ng Paghuhukom ay dapat nating matutunan at isagawa ang
itinuturo ng Biblia na mga baitang o ang mga bagay na kailangan nating gawin
upang magtamo ng kaligtasan. Paano ba tayo maliligtas?
Sampalatayanan ang Tagapagligtas
Ang isa sa mga pangunahing hakbang tungo sa kaligtasan ay
itinuro sa Juan 3:16:
“Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
Upang ang tao
ay maligtas sa Araw ng Paghuhukom, napakahalaga na kilalanin at sampalatayanan
niya ang Panginoong Jesucristo bilang Tagapagligtas. Ngunit hindi nangangahulugan na kapag nagawa
na niya ito ay sapat na at wala nang iba pang kailangan niyang gawin. Ang tunay na sumasampalataya at tumanggap kay
Cristo bilang Tagapagligtas ay sumasampalataya sa Kaniyang dugo o sa pagtubos
na ginawa Niya sa pamamagitan nito:
“Na siyang inilagay ng Dios na maging pangpalubagloob, sa pamamagitan ng pananampalataya, sa kaniyang dugo, upang maipakilala ang kaniyang katuwiran dahil sa hindi pagpansin sa mga kasalanan na nagawa nang nagdaang panahon sa pagpapahinuhod ng Dios.” (Roma 3:25)
Alam ng Diyos
noong una pa na ang tao na Kaniyang lalalangin ay mahina, magkakasala, at
hahatulan. Kaya, bago pa Niya lalangin
ang tao, itinalaga na Niya ang Tagapagligtas—ang Panginoong Jesucristo na
Siyang tutubos sa tao upang maligtas sa pamamagitan ng Kaniyang dugo.
Pakupkop sa Panginoong Jesucristo
Ipinaliwanag ni Apostol Pablo sa Efeso 1:4-5 kung paano
isasagawa ng Panginoong Jesucristo ang pagliligtas batay sa panukala ng Diyos:
“Ayon sa pagkapili niya sa atin sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo'y maging mga banal at mga walang dungis sa harapan niya sa pagibig: Na tayo'y itinalaga niya nang una pa sa pagkukupkop na tulad sa mga anak sa pamamagitan ni Jesucristo sa ganang kaniya, ayon sa minagaling ng kaniyang kalooban.”
Ito ay sa
pagkapanukala ng Diyos. At hindi
nangangahulugan na nilalang na Niya ang tao at umiiral na si Cristo bago pa
itatag ang sanlibutan. Noon pa ay
itinalaga na ng Diyos sa pagkapanukala, ang maliligtas at ang pagliligtas. Ang pagliligtas ng Panginoong Jesucristo ay
sa pamamagitan ng Kaniyang pagkukupkop na ito’y sa pamamagitan ng pagtubos ng
Kaniyang dugo:
“Na sa kaniya'y mayroon tayo ng ating katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang biyaya.” (Efe. 1:7)
Kaya,
malulunasan ang pagkahiwalay ng tao sa Diyos dahil sa kasalanan, na nagbunga sa
kaniya ng hatol na parusa, kapag napatawad o natubos siya sa pamamagitan ng
dugo ng Panginoong Jesucristo. Ito ang pagkukupkop ni Cristo sa tao upang hindi
na siya maparusahan.
Matipon o mailakip sa katawan ni Cristo
Paano makakasama ang tao sa mga
kinupkop ng ating Panginoong Jesucristo?
Itinuloy ni Apostol Pablo ang paliwanag niya sa Efeso 1:9-10:
“Na ipinakikilala niya sa atin ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang minagaling na ipinasiya niya sa kaniya rin. Sa pagiging katiwala sa kaganapan ng mga panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa; sa kaniya, sinasabi ko.”
Ang tao ay
makakasama sa pagkukupkop ng Panginoong Jesucristo kapag nakasama siya sa mga
tinipon sa Kaniya. Paano ito matutupad? Sa Efeso 1:22-23:
“At ang lahat ng mga bagay ay pinasuko niya sa ilalim ng
kaniyang mga paa, at siyang pinagkaloobang maging pangulo ng lahat ng mga bagay
sa iglesia, Na siyang katawan niya,…”
Sa Iglesiang
katawan at pinangunguluhan ni Cristo natitipon ang mga kinupkop Niya. Upang maligtas, kailangang malakip ang tao
kay Cristo, sa paraang maipailalim ang tao sa Kaniya sa pamamagitan ng Iglesia
na Kaniyang katawan (Efe. 1:9-10, 22-23, New Pilipino Version; 5:23). Kaya, sa mula’t mula pa, kasama ang tunay na
Iglesia sa plano ng Diyos na pag-isahin ang Panginoong Jesucristo na
Tagapagligtas at ang mga tao na ililigtas Niya at magmamana ng mga pangako ng
Diyos (Eph. 3:6, 20-21, Living Bible).
Sampalatayanan ang ebanghelyo
At magpabautismo sa Iglesia
Ang mga baitang o mga hakbang tungo sa kaligtasan na
itinuturo ng mga apostol ay natutunan nila sa ating Tagapagligtas. Ganito ang pahayag ng Panginoong Jesus sa
Marcos 16:15-16:
“At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal. Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.”
Ang Panginoong
Jesucristo na Siyang Tagapagligtas at awtoridad ukol sa kaligtasan ang nagturo
na ang tao ay kailangang mapangaralan ng ebanghelyo, sumampalataya, at
mabautismuhan upang maligtas. Ang hindi
sumasampalataya, ayon mismo sa Tagapagligtas, ay parurusahan. Saan naging sangkap o
kaanib ang mga tumanggap ng tunay na bautismo para maligtas? Sila ay naging “sangkap ng isang katawan” (I
Cor. 12:13, NPV). Ang tinutukoy na
katawan ay ang Iglesiang pinangunguluhan ni Cristo (Efe. 1:22-23; Col.
1:18). Ang pangalan ng Iglesiang katawan
ni Cristo ay Iglesia ni Cristo (Roma
16:16).
Maging sa
panahon ng mga apostol, ang mga tunay na sumasampalataya ay binabautismuhan at
idinaragdag sa Iglesia:
“Yaon ngang
nagsitanggap ng kaniyang salita ay nangabautismuhan: …
“… At
idinaragdag ng Panginoon sa Iglesia araw-araw yaong mga dapat maligtas.”
(Acts 2:41, 47, King James Version,
isinalin mula sa Ingles)
Ang “mga dapat
maligtas” ay idinaragdag o isinasangkap sa Iglesia sa paraang binabautismuhan
sapagkat ang tunay na Iglesia ang dako ng kaligtasan. Ang Panginoong Jesucristo na ulo ang
Tagapagligtas ng Kaniyang Iglesia (Efe. 5:23) sapagkat ang Iglesia ni Cristo ay
“binili [o tinubos] niya ng kaniyang dugo” (Acts 20:28, Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles).
Kaya sinabi ni
Apostol Pablo sa mga natubos na sa pamamagitan ng dugo ng Panginoong
Jesucristo:
“… Napawalang-sala na tayo sa pamamagitan
ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos. …”
(Roma 5:9, Magandang Balita Biblia)
“… Maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang
kapatawaran” (Heb. 9:22); sa pamamagitan
lamang nito tayo malilinis sa kasalanan.” sa gayon, makapaglilingkod tayo sa
buhay na Dios” (Heb. 9:14, NPV). Ang napatawad ang siyang tiyak na maliligtas
sa galit o parusa ng Diyos sa Paghuhukom.
Magtiis at laging sumunod hanggang wakas
Kapag natupad na ang lahat ng baitang o hakbang na
nabanggit sa unahan ay mayroon pang kailangang gawin na sinasabi ng
Tagapagligtas sa Mateo 24:13:
“Datapuwa’t ang
magtitiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.”
Ang wakas na
tinutukoy ay ang kamatayan, o kung mauuna, ay ang wakas ng mundo sa araw ng
pagbabalik ng Panginoong Jesus.
Kailangan ang pagtitiis para magawa ang “laging
pagsunod” (Filip. 2:12) sa mga utos ng Diyos. Ito ang ikatitiyak o ikalulubos ng ating
kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom.
Pasugo God’s Message/October
2005/Pages 21-23/Volume 57/Number 10/ISSN 0116-1636