.HINDI TOTOO NA
SI BIRHEN MARIA’Y
UMAKYAT SA LANGIT
ISANG MALAGANAP na aral ng Iglesia Katolika na si Birhen Maria ay nabuhay na mag-uli at umakyat daw sa langit. Pinaniniwalaan ito ng lahat ng mga Katoliko, marunong man o di nakapag-aral, mayaman man o mahirap. Sa aklat na CompendioHistorico de la Religion, isang aklat katoliko sa saling Tagalog ni D. Antonio Florentino ay ganito ang nakasulat:
“Sinaputan at dinala sa halamanan nang Getsemani ang catauan ni Maria, at doon inilibing sa isang hucay na sadyang pinagyaman, at talagang inilaan sa mahal na bangcay, at hindi mabilang ang taong sumama sa libing na iyon at inibig naman ng Dios na macaaliw sa lumbay at hapis nilang lahat ang ualang humpay na pagpupuri at pag-aauit nang mga Angeles, at ang bangong humahalimuyac, na bumucal sa baunan, at lubhang nacaligaya. Pagdating ng icatlong arao, sumilid ang calulua ni Maria sa mahal niyang catauan, at siya ay muling nabuhay, at umaquiat sa Langit, at doon pinatungan nang corona nang Santisima Trinidad, at caya ang puri at bati sa caniya nang tanang lululuhualhati sa Langit, at nating lahat dito sa lupa, ay Anac ng Dios Ama, Ina nang Dios Anac, at Esposa nang Dios Espiritu Santo, [D. Josef Pinton, Compendio Historico de la Religion. (Manila : Univ. of Sto . Tomas, 1932, p. 501.]
Nasa Biblia ba ang aral na ito ng Iglesia Katolika? Hayaan nating ang mga tagapagturong Katoliko na rin ang magpaliwanag sa atin. Sa aklat na What The Church Teaches, ni Monsenyor J.D. Conway, ay ganito ang sinasabi sa pagkakasalin sa Pilipino:
“Ang pag-akyat sa langit, na ipinaliwanag ni Papa Pio XII noong Nobyembre 1, 1950, ay ang di nalalaunang doktrinang pormal ng Iglesia. Nguni’t malayong ito ay bago. Ito ay matatagpuan sa mga unang tradisyon, at siyang unang pista ni Maria sa Iglesia (Katolika) sa ipinagdiriwang mula pa noong ikalimang siglo. Hindi natin makikitang tuwiran itong binabanggit sa mga Banal na Kasulatan…” [Msgr. J.D. Conway, What the Church Teaches, (New York : A Division of Doubleday and Company, Inc. 1962), p. 204]
Inaamin mismo ng tagapagturong Katoliko na “ hindi natin makikitang tuwiran itong binabanggit sa Banal na Kasulatan.” Sa isa pang aklat-katoliko na pinamagatang The Book of Mary, ay ganito naman ang nasusulat sa saling Pilipino:
“Ang higit pang kamanghamangha ay ang kaisipan na ang ilan sa mga dakilang kapistahan ng ating Ina, ay sadyang walang katiyakan ang pinagmulan. Isang halimbawa ay yaong ika-21 ng Nobyembre, ang Paghahandog ng Ating Ina sa Templo. Ngayon ang pag-akyat sa langit ng Ating Ina ay isang bagay na wala sa Ebanghelyo, ni hindi ito nababanggit man lamang sa aklat ng mga Gawa ng mga Apostol na walang sinasabi man lamang tungkol kay Maria pagkatapos ng Pentecostes.” [Henri Daniel Rops, The Book of Mary(New York : Hawthorn Books, Inc. 1960), p. 936.]
Kung gayon, ang sinasabing pagkabuhay na mag-uli ni Maria pag-akyat sa langit ay hindi aral ng Diyos, hindi aral ni Cristo, at hindi aral ng mga apostol. Walang kinalaman ang Diyos, si Cristo, at ang mga apostol sa aral na ito. Sino lamang kung gayon ang “nagpaakyat” kay Maria sa langit? Sa isang lathalang lumabas sa Sunday Times, noong Disyembre 24, 1960, ay ganito ang salin ng nakasulat:
“Ipinahahayag ng Papa sa harap ng 500,000 sa Roma ang dogma ukol sa Pag-akyat (ni Maria) sa langit… Sa isang maliwanag at tumataginting na tinig na hatid ng mga ‘loudspeaker,’ sinabi ni Papa Pio (XII) sa Latin na banal nang naihayag na si Maria ay nagtungo sa langit na katawan at kaluluwa… Sa harap ng 35 Kardinal at 500 Obispo, binasa ni Papa Pio (XII) noong martes (Oktubre 31, 1950) ang kaniyang tanging panalangin tungkol sa Dogma sa Pag-akyat sa Langit. Nagkakaisang sinag-ayunan ito ng matataas na kagawad ng Iglesia (Katolika)…”
Sino lamang ang “nagpaakyat” kay Birhen Maria sa langit? Si Papa Pio XII lamang. Ano ang karapatan ni Papa Pio XII na magpaakyat na tao sa langit? Sino ang nagbigay sa kaniya ng karapatang ito? Ni siya ay hindi nakakasigurong makaakyat sa langit, makapagpaakyat pa kaya siya ng iba? Kaya ang aral na si Birhen Maria ay umakyat sa langit ay sinsay sa katotohanan. Ito’y hindi aral ng Diyos kundi aral lamang ang tao. At kung ang aral ng tao ang pagbabatayan sa pagsamba sa Diyos, ito’y walang kabuluhan (Mat. 15:9). Dapat itong itakwil sapagka’t naiiba sa aral ng mga apostol (Gal. 1:8-9).*****
Pasugo God’s Message
Mayo-Hunyo 1983,
Pahina 39.