ANG PAGPAPAKILALA NG
DIYOS SA KANYANG SARILI
DIYOS SA KANYANG SARILI
AYON sa paksang ating tatalakayin sa paksang ito,
ipinakilala ng Diyos ang Kanyang sarili.
Ito na ang pinakadakilang pagpapakilala.
Wala nang hihigit na pagpapakilala tungkol sa Diyos kundi ang
pagpapakilala ng Diyos sa Kanyang sarili.
Sinumang magpapakilala sa Diyos nang iba sa pagpapakilala ng Diyos sa
Kanyang sarili, ay hindi dapat paniwalaan.
Dapat itakwil ang lahat ng relihiyon na nagpapakilala sa Diyos nang iba
sa pagpapakilala ng Diyos. Kaya
napakahalagang pag-aralan ng lahat ng taong maibigin sa katotohanan ang paksang
ito, upang makilala nila kung sino sa mga tagapangaral sa kasalukuyan
nagpapakilala sa Diyos nang ayon sa pagpapakilala ng Diyos.
ANO ANG PAGPAPAKILALA NG DIYOS SA KANYANG SARILI?
Sa Isa. 46:9-10, ay ganito ang pahayag ng Diyos:
“Inyong alalahanin ang mga dating bagay ng una: sapagka't ako'y Dios, at walang iba liban sa akin; ako'y Dios, at walang gaya ko;
“Na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula nang mga unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari; na nagsasabi, Ang payo ko ay mananayo, at gagawin ko ang aking buong kaligayahan.”
Maliwanag sa mga talatang ito ang pagpapakilala ng Diyos
sa Kanyang sarili. Sinabi Niyang Siya’y
Diyos, at walang iba liban sa Kanya.
Siya’y Diyos at wala Siyang kagaya.
Siya lamang ang makapagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula ng
mga unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari. Kung may magtuturo na mayroon pang ibang
Diyos kay sa Diyos, ito ay bulaan at hindi dapat paniwalaan. Kung may magtuturo na ang Diyos ay may
tatlong personang iba’t iba, at ang pagka-diyos daw ng tatlo ay pare-pareho at
wala raw pagkakaungusan sa kapangyarihan at pagka-diyos, ito ay maliwanag na
kabulaanan at laban sa pagpapakilala ng Diyos sa Kanyang sarili. Bakit?
Sapagkat ang sabi ng Diyos, wala nang ibang Diyos liban sa Kanya, at
wala Siyang kagaya o kapareho. Kung may magturo na may iba pang Diyos kay sa Diyos,
kikilalanin ba ito ng Diyos? Sa
Isa. 44:8, ay ganito ang sinasabi:
“Kayo'y huwag mangatakot, o magsipangilabot man: hindi ko baga ipinahayag sa iyo nang una, at ipinakilala? at kayo ang aking mga saksi. May Dios baga liban sa akin? oo, walang malaking Bato; ako'y walang nakikilalang iba.”
Dito’y ipinahahayag ng Diyos na wala Siyang nakikilalang
ibang Diyos liban sa Kanya. Kung may magtuturo na mayroon pang ibang
Diyos kay sa Diyos, hindi ito kikilalanin ng Diyos. Sapagkat Siya lamang ang Diyos,at liban sa
Kanya’y wala nang iba. Kung mayroon namang magtuturo na ang Diyos na totoo ay tao
pang totoo, ito ba’y sinasang-ayunan ng Diyos? Ang sagot ng Diyos ay mababasa natin sa Oseas
11:9:
“Hindi ko isasagawa ang kabangisan ng aking galit, hindi ako babalik upang ipahamak ang Ephraim: sapagka't ako'y Dios, at hindi tao; ang Banal sa gitna mo; at hindi ako paroroon na may galit.”
Maliwanag ang pahayag ng Diyos tungkol sa tunay Niyang
kalagayan. Siya’y Diyos at hindi
tao. Hindi sang-ayon ang Diyos sa
pagtuturo ng mga pari, na siyang Diyos na totoo ay maging tao pang totoo. Laban ang Diyos sa pagtuturong ito. Pumapayag ba naman
ang Diyos na ang taong totoo ay maging Diyos pang totoo? Sa Ezek. 28:2 ay ganito ang sabi ng Diyos:
“Anak ng tao, sabihin mo sa prinsipe sa Tiro, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka't ang iyong puso ay nagmataas, at iyong sinabi, Ako'y dios, ako'y nauupo sa upuan ng Dios, sa gitna ng mga dagat; gayon man ikaw ay tao, at hindi Dios, bagaman iyong inilagak ang iyong puso na parang puso ng Dios.”
Hindi rin sang-ayon ang Diyos na ang taong totoo ay
maging Diyos pang totoo. Ang pagtuturong
ito ay laban sa Diyos. Samakatuwid, ayon
sa Banal na Kasulatan, walang Diyos na totoo na tao pang totoo, at walang taong
totoo na Diyos pang totoo. Ang Diyos ay
Diyos at hindi tao, at ang tao ay tao at hindi Diyos. Labag sa pagtuturo ng Diyos ang pagtuturo ng
mga paring katoliko at mga pastor protestante.
Ang pagpapakilala nila sa Diyos ay laban sa pagpapakilala ng Diyos sa
Kanyang sarili.
NATUTUHAN BA AT NAITURO NI CRISTO ANG
PAGPAPAKILALA NG DIYOS SA KANYANG SARILI
NA WALANG IBA LIBAN SA KANYA?
Ano ang ipinagtapat ng ating
Panginoong Jesucristo tungkol sa mga salitang ipinangangaral Niya? Sa Juan 12:49, ay ganito ang Kanyang
ipinahayag:
“Sapagka't ako'y hindi nagsasalita na mula sa aking sarili; kundi ang Ama na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng utos, kung ano ang dapat kong sabihin, at kung ano ang dapat kong salitain.”
Malinaw ang pagtatapat ng ating Panginoong
Jesucristo. Hindi Siya nagsasalita sa
Kanyang sarili, kundi ang Amang nagsugo sa Kanya ang nagbigay ng mga utos na dapat Niyang sabihin at salitain. At sa Juan 8:28, ay sinabi pa Niya: “ Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako nga ang Cristo, at wala akong ginagawa sa aking sarili, kundi sinalita ko ang mga bagay na ito, ayon sa itinuro sa akin ng Ama”.
Ipinagtatapat ng ating Panginoong Jesucristo, na ang Kanyang
sinasalita’y yaon lamang ayon sa itinuro sa Kanya ng Ama. Naliwanagan natin sa unahan nito na
ipinakilala ng Diyos ang Kanyang sarili, na Siya lamang ang Diyos at liban sa
Kanya ay wala na. Natutuhan ba ni Cristo at naituro ang pagpapakilala ng Diyos
sa Kanyang sarili na walang ibang Diyos liban sa Kanya? Sa Juan 17:3, ay ganito ang itinuro ng ating
Panginoong Jesucristo:
“At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo.”
Sino itong itinuturo ng ating Panginoong Jesucristo na
“IKAW AY MAKILALA NILA NA IISANG DIYOS NA TUNAY? Si Cristo ba ang
iisang Diyos na tunay, gaya ng ipinakikilala ng mga pari at mga pastor
protestante? Sa Juan 17:1, ay
ganito ang nasusulat:
“Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak.”
Sino ang kausap ng ating Panginoong Jesucristo nang
sabihin Niyang “Ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay?” Ang Ama ang Kanyang kausap. Ito ang ipinakilala Niyang iisang Diyos na
tunay at hindi ang Kanyang sarili.
Samakatuwid, hindi si Cristo ang Diyos na tunay kundi ang Amang nasa
langit. Kailanma’y hindi ipinakilala ni
Cristo na Siya ang iisang Diyos na tunay.
Ang ipinakilala Niyang iisang tunay na Diyos ay ang Kanyang Amang nasa
langit. Ito ang nagpapatunay na natuto
si Cristo at naituro Niya ang pagpapakilala ng Diyos sa Kanyang sarili na
walang iba liban sa Kanya.
Kung hindi ipinakilala ni Cristo
kailanman na Siya ang Diyos na tunay, ano ang pagpapakilala Niya sa Kanyang
sarili? Ipinagtapat ba ni Cristo ang
Kanyang tunay na kalagayan? Sa
Juan 8:40, ay ganito ang sabi ng ating Panginoong Jesucristo:
“ Datapuwa't ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyo'y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios: ito'y hindi ginawa ni Abraham.”
Ano ang tunay na kalagayan ni Cristo ayon sa Kanyang
sariling pagpapakilala? Sinabi Niyang
Siya’y TAO. Hindi Niya sinabing Siya’y
Diyos. Hindi rin Niya sinabing Siya’y
taong totoo at Diyos pang totoo. Papaano pinatunayan ni Cristo na Siya’y tao at hindi Diyos? Sa Luc. 24:39, ay ganito ang sabi Niya:
“Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.”
Maliwanag ang sabi ng ating Panginoong Jesucristo. Siya’y hindi isang Espiritu. Ang isang Espiritu’y walang laman at mga buto
na gaya ng nakikita na nasa Kanya. Sino
ang Espirtu, na walang laman at mga buto?
“Ang Dios ay Espiritu,” ayon sa pagtuturo ng ating Panginoong Jesucristo
(Juan 4:24). Samakatuwid, magkaiba ang
kalagayan ng Diyos at ng ating Panginoong Jesucristo. Ang Diyos ay Espiritu. Si Cristo ay laman at buto—tao.
NATUTO BA ANG MGA APOSTOL SA ITINURO
NI CRISTO KUNG SINO ANG DIYOS AT KUNG
ILAN ANG DIYOS, AT KUNG SINO SI CRISTO?
Sa I Cor. 8:6, ay ganito ang itinuro ni Apostol Pablo
kung sino at ilan ang Diyos:
“Nguni't sa ganang atin ay may isang Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa kaniya; at isa lamang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa pamamagitan niya.”
Ilan ang Diyos na itinuro ng mga Apostol? Iisa. Sino
ang iisang Diyos na itinuro nila? Ang
Ama. Kung gayon, natuto ang mga Apostol
sa itinuro ni Cristo kung ilan at kung sino ang Diyos. Ayon din sa mga Apostol, isa lamang ang
Panginoon, si Jesucristo. Bakit naging
Panginoon si Jesucristo? Ano ang uri ng
Kanyang pagka-Panginoon? Katulad ba ng
pagka-Panginoon ng tunay na Diyos? Ang
pagka-Panginoon ni Cristo’y ginawa lamang ng Diyos (Gawa 2:36), samantalang ang
pagka-Panginoon ng Diyos ay katutubo.
Ano naman ang kalagayan ni Cristo
ayon sa mga Apostol? Sa I Tim.
2:5, ay ganito ang itinuro ni Apostol Pablo:
“Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus.”
Sa pagtuturong ito ni Apostol Pablo, maliwanag nating
nakikita na siya’y natuto sa itinuro ni Cristo tungkol sa tunay na kalagayan ng
ating Panginoon. Kung papaanong itinuro
ni Cristo na Siya’y tao, gayundin ang itinuro ni Apostol Pablo. Ano naman ang itinuro
ni Apostol Juan? Sa I Juan 4:2 ay
ganito ang nasusulat:
“Dito'y nakikilala ninyo ang Espiritu ng Dios: ang bawa't espiritung nagpapahayag na si Jesucristo ay naparitong nasa laman ay sa Dios.”
Pinatutunayan dito ni Apostol Juan na si Cristo’y
naparitong nasa laman o tao, may laman at may buto, gaya ng ipinahayag ng ating
Panginoon (Luc. 24:39). At ang
nagpapahayag na si Cristo’y naparitong nasa laman o tao, ito ang sa Diyos. Malinaw kung gayon, na natuto ang mga Apostol
sa itinuro ni Cristo tungkol sa kung ano ang tunay Niyang kalagayan. Kung itinuro ni Cristo na Siya’y tao, may laman at may buto,
at ito rin ang itinuro ng mga Apostol, bakit ngayon ay may nagtuturo na si
Cristo’y Diyos na totoo? Saan nagmula
ang turong ito?
MAYROON BANG IBINABALA ANG HULA NI
APOSTOL PABLO NA LILITAW NA SIYANG
MANGANGARAL NG IBANG
JESUS?
Sa II Cor. 11:3, 4, ay ganito ang pahayag ni Apostol
Pablo sa Iglesia:
“Nguni't ako'y natatakot, baka sa anomang paraan, kung paanong si Eva ay nadaya ng ahas sa kaniyang katusuhan, ang inyong walang malay at malinis na mga pagiisip na kay Cristo ay pasamain.
“Sapagka't kung yaong paririto ay mangaral ng ibang Jesus, na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y nagsisitanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap, o ibang evangelio na hindi ninyo tinanggap, ay mabuting pagtiisan ninyo.”
Ayon sa hulang ito na ibinabala ni Apostol Pablo sa mga
kaanib sa Iglesia ni Cristo sa
panahon niya, may pariritong magdaraya na mangangaral ng ibang Jesus, na hindi
ipinangaral ng mga Apostol, ayon sa kanya, na baka kung paanong si Eba ay
nadaya ng ahas, baka sila naman ay madaya rin noong pariritong mangangaral ng
ibang Jesus. Anong
uring Jesus ang ipinangaral ng mga Apostol? Jesus na tao, may laman at may buto, gaya ng
pinatutunayan sa mga talatang sumusunod:
“Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus.” (I Tim. 2:5)
“Dito'y nakikilala ninyo ang Espiritu ng Dios: ang bawa't espiritung nagpapahayag na si Jesucristo ay naparitong nasa laman ay sa Dios.” (I Juan 4:2)
“Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.” (Luc. 24:39)
Maliwanag kung gayon, na ang Jesus na ipinangaral ng mga
Apostol ay tao, may laman at may buto.
Ngunit ano naman ang ipinangangaral ng magdaraya? Ibang Jesus:
Jesus na tunay na Diyos. Iba ito
sa ipinangaral ng mga Apostol. Kaya’t
ang sabi ni Apostol Juan ay ganito:
“Sapagka't maraming magdaraya na nangagsilitaw sa sanglibutan, sa makatuwid ay ang mga hindi nangagpapahayag na si Jesucristo ay napariritong nasa laman. Ito ang magdaraya at ang anticristo.” (II Juan 1:7)
Mga magdaraya at anticristo ang nagtuturong si Cristo’y
Diyos. Ito ang ibang Jesus na hindi
ipinangaral ng mga Apostol. Laban sa
pagtuturo ni Cristo ang pagtuturong si Cristo’y Diyos. Kaya magdaraya at anticristo ang tawag sa
kanila ng mga Apostol. Kailan nagsimula ang pagtuturong si Cristo ay tunay na
Diyos? Sino ang lumikha ng aral na ito,
na kung tawagin ng mga Apostol ay ibang Jesus, ibang ebanghelyo? Sa aklat ng mga katoliko na
pinamagatang The Apostles’ Creed,
sinulat ng paring si Clement H. Crock, pahina 206, ay ganito ang sinasabi:
“Thus, for example, it was not until 325 A.D. at the
Council of Nicea, that the Church defined for us that is was an article of
faith that Jesus is truly God.”
Sa Tagalog:
“Gaya, isang halimbawa, na noon lamang 325 A.D., sa
Konsilyo sa Nicea, na ipinaliwanag sa atin ng Iglesia (Katolika) na isang
tuntunin ng pananampalataya na si Jesus ay tunay na Diyos.”
Dito’y maliwanag na ating nabasa kung sino ang lumikha ng
aral na si Cristo’y tunay na Diyos. Ang
Iglesia Romana ang lumikha ng aral na ito, sa pamamagitan ng kanyang Konsilyo
sa Nicea noong taong 325. Samakatuwid,
ang hula ni Apostol Pablo tungkol sa lilitaw na magdaraya na mangangaral ng
ibang Jesus ay natupad at ang katuparan ay ang Iglesia Katolika Apostolika
Romana, at ang lahat ng mga Iglesiang naging anak nito. Nakilala natin ngayon ang mga magdaraya at
ang mga anti-cristo. Lahat ng mga
Iglesiang nagtuturong si Cristo’y tunay na Diyos ay mga magdaraya at
anti-cristo. Ang mga ito’y nagtuturo ng
ibang ebanghelyo, sapagkat iba sa ebanghelyong itinuro ng mga Apostol (Gal.
1:6-7). Ayon kay Apostol Pablo, dapat
itakuwil ang sinumang magtuturo ng iba sa kanilang ipinangaral, sapagkat ito’y
ibang ebanghelyo (Gal. 1:8). Hindi
lamang ito ibang ebanghelyo, kundi maling pananampalataya, at ito’y isa sa mga
gawa ng laman, at hindi magmamana ng kaharian ng Diyos (Gal. 5:19-20)
Hango sa aklat na Isang
Pagbubunyag Sa Iglesia Ni Cristo/Kabanata XXIV/Pahina 209-215