Sabado, Oktubre 6, 2012

Bakit Hindi Nagdiriwang ng "Pasko" Ang Iglesia Ni Cristo?


Ang Pasko, Parol, At Aginaldo




Ni DANIEL D. CATANGAY
____________________________




ANG MGA PAROL na nakasabit sa mga bintana ng mga bahay at gusali at maging ang iba’t ibang dekorasyong makikita sa ating paligid kapag dumarating ang buwan ng Disyembre ay nagsasabing malapit na naman ang “Pasko,” ang pinakamasayang kapistahang ipinagdiriwang ng mga naniniwala na ang ika-25 ng Disyembre ang petsa ng kapanganakan ng Panginoong Jesucristo.

     Sa panahong ito ay marami ang gawaing panlipunan ang ginagawa ng tao na naglalayong maipakita at maipadama sa kapuwa ang pag-ibig at diumano’y “diwa ng kapaskuhan.”

      Madalas makatawag ng pansin ang hindi pakikiisa ng Iglesia ni Cristo sa pagdiriwang na ito.  Kaya, karaniwang itinatanong ng marami:  “Hindi ba mahalaga sa inyo ang  kapanganakan ni Jesus?”

Kung Bakit Hindi Disyembre 25
     Ang kapanganakan ni Jesus ay lubhang mahalaga at ito’y dapat ikagalak ng lahat ng tao, gaya ng mababasa sa Biblia:

     “Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, ‘Huwag kayong matakot!  Ako’y may dalang mabuting balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao.  Sapagkat isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon.

     “Biglang lumitaw sa tabi ng anghel ang isang malaking hukbo ng kalangitan, na nagpupuri sa Diyos:  ‘Papuri sa Diyos sa kaitaasan, At sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!’” (Lu. 2:10-11, 13-14, Magandang Balita Biblia)

     Ang kapanganakan ni Jesus ay isang mabuting balita na ang hatid ay malaking kagalakan sa lahat ng tao, sapagkat noong ipanganak si Jesus ay isinilang ang Tagapagligtas ng tao.  Kaya nga, nang ipanganak si Jesus ay malaking hukbo ng kalangitan ang nagpuri sa Diyos.  Ngunit bakit hindi nakikiisa ang Iglesia ni Cristo sa pagdiriwang ng diumano’y kapanganakan ni Jesus tuwing Disyembre 25?  Ang kapanganakan ni Jesus ay talagang dapat ikagalak ng lahat, ngunit maling ipalagay na ito’y naganap sa petsang Disyembre 25.  Alamin natin ang tala sa Biblia:

     “Nang panahong yaon, iniutos ng Emperador Augusto na magpatala ang lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma.  Ang unang pagpapatalang ito’y ginawa nang si Cirenio ang gobernador ng Siria.  Kaya’t umuwi ang bawat isa sa sariling bayan upang magpatala.

     “Mula sa Nazaret, Galilea, si Jose’y pumunta sa Betlehem, Judea, ang bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya’y mula sa angkan at lahi ni David.  Kasama niyang umuwi upang magpatala rin si Maria na kanyang magiging asawa na noo’y kagampan.  Samantalang naroroon sila, dumating ang oras ng panganganak ni Maria at isinilang niya ang kanyang panganay at ito’y lalaki.  Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa bahay-panuluyan.” (Lu. 2:1-7, Ibid.)

     Nang ipanganak ang Panginoong Jesus ay panahon ng patalaan ng mga mamamayang sakop ng Imperyo ng Roma sa ilalim ng pamumuno ni Emperador Augusto.  Bilang pagsunod sa utos, ang mag-asawang Jose at Maria ay pumunta sa Betlehem, Judea upang doon magpatala (dahil sila’y mula sa angkan ni David).  Si Maria noon ay nasa kaniyang kabuwanan, at samantalang sila’y nasa Betlehem ay dumating ang oras ng kaniyang panganganak.  Isinilang niya si Jesus.

     Bakit ang pangyayaring ito ay hindi maaaring naganap sa buwan ng Disyembre?

     “Sa lupain ding yaon ay may mga pastol na nasa parang, nagpupuyat sa pagbabantay ng kanilang mga tupa.  Biglang lumitaw sa harapan nila ang isang anghel ng Panginoon at lumaganap sa paligid nila ang nakasisilaw na kaningningan ng Panginoon.  Natakot sila nang gayon na lamang.” (Lu. 2:8-9, Ibid.)

     Nang si Jesus ay ipanganak ay may mga pastol ng tupa na nasa parang na nagpupuyat sa pagbabantay ng kanilang mga tupa.  Hindi ito gagawin ng mga pastol sa Betlehem sa buwan ng Disyembre dahil ito ay panahon ng taglamig at kadalasang umuulan ng yelo sa gabi:

     “Sa panahon ng kapanganakan [ni Cristo], ang mga pastol ay doon nakatahan sa kabukiran at nagbabantay sa kanilang mga kawan sa gabi. (Lukas 2:8)  Samantalang ang mga tupa ay maaaring manginain sa parang kung araw sa anumang panahon sa buong taon, ang pangyayaring ang mga pastol ay nasa parang at nagpalipas ng gabi roon sa pagbabantay sa kanilang mga tupa ay nagbibigay ng katiyakan sa panahon ng kapanganakan ni Jesus.  Ang tag-ulan sa Palestina ay nagsisimula sa huling bahagi ng Oktubre at tumatagal nang ilang buwan.  Pagsapit ng Disyembre, ang Betlehem, tulad ng Jerusalem, ay madalas na nakararanas ng pamumuo ng manipis na yelo sa gabi.  Kaya ang katotohanang ang mga pastol sa Betlehem ay nasa parang sa gabi ay nagpapahiwatig sa isang panahon bago magsimula ang tag-ulan.  Imposible ring pagalitin ni Augusto Cesar ang mga Judio nang walang mahalagang kadahilanan sa pamamagitan ng pag-uutos na sila’y magpatala sa buwan ng Disyembre na isang panahong malamig at maulan, kung kalian ang paglalakbay ay totoong napakahirap.” (Aid to Bible Understanding, p. 223, isinalin mula sa Ingles)

     Sa makatuwiran at makatotohanang dahilan na inilahad sa itaas ay natitiyak nating hindi nga maaaring Disyembre 25 ang petsa ng kapanganakan ni Jesus.  Kaya maling ipalagay, paniwalaan, at tanggapin na ito ang petsa ng kapanganakan ng Tagapagligtas.

Impluwensiyang Pagano
     Bagaman walang binabanggit sa Biblia ukol sa tiyak na petsa ng kapanganakan ni Jesus, ito ngayo’y ipinagdiriwang tuwing Disyembre 25.  Ano ba ang nakaimpluwensiya sa pagkakatakda ng petsang ito bilang araw ng kapanganakan ni Jesus?

     “Walang anumang mapagtitiwalaang patotoo ng kasaysayan tungkol sa araw o buwan ng kapanganakan ni Cristo sa Jerusalem.  Ang ika-25 ng Disyembre ay petsa ng isang kapistahang pagano ng mga Romano na ipinagdiriwang noong 274 bilang kapanganakan ng hindi mapapanaigang araw. … Bago  ang taong 336 ang Iglesia sa Roma, dahil sa hindi niya masugpo ang pistang paganong ito, ay pinapaging espirituwal ito bilang Kapistahan ng Kapanganakan ng Araw ng Katuwiran.”  (The New International Dictionary of the Christian Church, p. 223, isinalin mula sa Ingles)

     Bago pa ang taong 336, ang mga paganong Romano ay nagdiriwang na tuwing Disyembre 25 ng kapistahan ng itinuturing nilang “hindi mapananaigang araw.”  Kaya, kapistahang pagano ang nakaimpluwensiya sa pagkakatakda ng Disyembre 25 bilang araw daw ng kapanganakan ng Panginoong Jesus.  Ang ginawa ng Iglesia Katolika ay itinakda ang Disyembre 25 bilang Kapistahan ng Kapanganakan ng Araw ng Katuwiran, na lalong kilala sa tawag na “Pasko.”

     Kahit pa sabihing bagaman galing sa pagano ay “isinakristiyano” na ang pagdiriwang na ito at ito ay para kay Cristo ay hindi pa rin makatuwiran.  Ganito ang mariing sinasabi ng Biblia ukol sa mga pagano:

     “Kaya’t ito ang masasabi ko, sa pangalan ng Panginoon:

     “Huwag na kayong mamuhay na gaya ng mga paganong walang kabuluhan ang mga iniisip at nadirimlan ang kaisipan.  Dahil wala silang pagkaunawa at matigas ang kanilang puso, hiwalay sila sa buhay na mula sa Dios.

     “Manhid na sila, at isinuko ang kanilang mga sarili sa malalaswang gawain.  Nasugapa na sila sa paggawa ng lahat ng karumihan.

     “Subalit hindi ganyan ang inyong natutuhan kay Cristo!”  (Efe. 4:17-20, Salita ng Buhay)

     Ang mga tunay na Cristiano ay hindi kailanman dapat makiayon ni kumuha ng paniniwala at gawain mula sa mga pagano dahil ang mga pagano’y hiwalay sa buhay na mula sa Diyos; nadirimlan ang kanilang mga kaisipan.  Ang totoo, pinuna ni Apostol Pablo                ang mga kaanib sa unang Iglesia na maraming ipinagpipista—sari-saring araw, buwan, panahon, at taon—na kanilang talikdan ang mga gayong gawain dahil ang gayon ay pagbabalik sa pagiging alipin (Gal. 4:7-11).

Kalayaang bigay ni Cristo
     Sa Banal na Kasulatan ay may binigyang-diin ang mga apostol ukol sa kapanganakan ni Cristo.  Ganito ang sabi ni Apostol Pablo:

     “Ngunit nang dumating ang takdang panahon, sinugo ng Diyos ang kanyang Anak.  Isinilang siya ng babae, at namuhay sa ilalim ng Kautusan upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan.  Sa gayon, tayo’y mabibilang na mga anak ng Diyos.”  (Gal. 4:4-5, MB)

     Ang kapanganakan ng Tagapagligtas ay isang mabuting balita sa lahat ng tao.  Ipinanganak Siya ay namuhay sa ilalim ng kautusan upang palayain ang mga nasa ilalim ng kautusan.  Ang lahat ng mapapalaya ay mabibilang na mga anak ng Diyos.  Sino ba ang mga nasa ilalim ng kautusan at bakit mahalaga na ang tao’y palayain sa kautusan?  Ipinaliwanag ni Apostol Pablo ang ganito:

     “Ang lahat ng nananangan sa pagsunod sa Kautusan ay nasa ilalim ng isang sumpa.  Sapagkat nasasaad sa Kasulatan, ‘Sumpain ang hindi tumutupad sa lahat ng nasusulat sa aklat ng Kautusan’.” (Gal. 3:10, Ibid.)

     Ang lahat ng tao ay nananagot sa pagsunod sa kautusan; ang hindi tumutupad ay nasa ilalim ng sumpa.  Ang sumpang ito ay ang kamatayan na siyang kabayaran ng kasalanan:

     Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin. (Roma 6:23)

     Ang kasalanan ay ang paglabag at ang hindi pagtupad sa kautusan.  Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.  Kaya, sa kabayaran ng kasalanan—sa kamatayan—ay iniligtas o pinalaya ni Cristo ang tao.  Itinuro ng Bibliya kung paano pinalaya ni Cristo sa sumpa ng kautusan ng tao at kung sino ang mga pinalaya Niya sa parusang kamatayan:

     “Tinubos tayo ni Cristo sa sumpa ng Kautusan nang siya’y magdusa na parang isang sinumpa.  Sapagkat nasasaad sa kasulatan, ‘Sinumpa ang bawat ibinitin sa punongkahoy’.” (Gal. 3:13, MB)

     Ang tinubos ni Cristo ang  napalaya o naligtas sa sumpa ng kautusan.  Nakalaya na sila sa kabayaran ng kasalanan dahil si Jesus na ang nagbayad nito:

     “Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo’y makasalanan pa.  At ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos sa pamamagitan niya.” (Roma 5:8-9, Ibid.)

     Ang mga tinubos ni Cristo ay napawalang-sala sa pamamagitan ng Kaniyang mahalagang dugo.  At dahil dito, “Sino ang maghaharap ng sakdal laban sa mga hinirang ng Diyos, gayong ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila?  Sino nga ang hahatol ng kaparusahan?” (Roma 8:33-34, Ibid.)

     Ang mga tinubos ni Cristo ay napawalang sala na.  Kaya, wala nang maghaharap pa ng sakdal ni hahatol man ng kaparusahan sa kanila.  Sila rin ang lalo nang tiyak na maliligtas sa poot ng Diyos.  Ang pinatutunayan ng Biblia na tinubos ng dugo ni Cristo ay ang Iglesia ni Cristo:

     “Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28, Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)

     Bagaman isang malaking kagalakan ang pagkapanganak kay Jesus na ating Tagapagligtas, ang Kaniyang kamatayan ang dapat gunitain dahil iyon ang ipinag-utos.

     Bilang tinubos ni Cristo, ginugunita ng Iglesia ni Cristo ang kamatayan ng Tagapagligtas tuwing Banal na Hapunan.  Ito’y pag-aalaala sa mga hirap na tiniis ni Cristo alang-alang sa kaligtasan ng mga taong nakinabang nito.

Ang ipinamamahagi
ng Iglesia ni Cristo
     Ang pinakamabuting maipagkakaloob ng mga kaanib ng Iglesia ni Cristo sa kanilang kapuwa sa lahat ng panahon ay ibahagi sa kanila ang pagliligtas:

     Ako'y nagpahayag ng mabuting balita ng katuwiran sa dakilang kapisanan; narito, hindi ko pipigilin ang aking mga labi, Oh Panginoon, iyong nalalaman.

     “Hindi ko ikinubli ang iyong katuwiran sa loob ng aking puso; aking ibinalita ang iyong pagtatapat, at ang iyong pagliligtas: hindi ko inilihim ang iyong kagandahang-loob at ang iyong katotohanan sa dakilang kapisanan.(Awit 40:9-10)

     Ang kaligtasan ay biyayang galing sa Diyos.  Kaya, ito ang pinakamabuting ibahagi ng mga kaanib sa Iglesia sa mga taong hindi pa kabilang dito.  Tinutupad ito ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo sa pamamagitan ng masiglang pagtulong sa gawaing pagpapalaganap ng ebanghelyo.  Sa ganito ay naihahayag sa lalo pang maraming tao ang katotohanan ukol sa kaligtasan.

     Bakit ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ay walang sawa sa pakikiisa sa pagpapaalam ng katotohanang kailangan ng tao sa kaligtasan?  Ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ay ginawang ilaw ng sanlibutan at inuutusang lumiwanag sa harap ng mga tao:

     Kayo ang ilaw ng sanglibutan. Ang isang bayan na natatayo sa ibabaw ng isang bundok ay hindi maitatago.

     “Hindi rin nga pinaniningasan ang isang ilawan, at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang lalagyan ng ilaw; at lumiliwanag sa lahat ng nangasa bahay.

     “Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit. (Mat. 5:14-16)

     Sa ganito ay makikita ng mga tao ang mabubuting gawa ng mga tunay na hinirang ni Jesus upang kanilang luwalhatiin ang Diyos.  Kaya, ang lahat ng kaanib sa Iglesia ay magsisilbing ilaw sa mga tao sa pamamagitan ng paghahatid ng balita ng kaligtasan:

     “Upang kayo’y maging ulirang mga anak ng Diyos, malinis at walang kapintasan sa gitna ng mga taong liko at masasama.  Sa gayon, magsisilbi kayong ilaw sa kanila, tulad ng talang nagniningning sa kalangitan, samantalang inihahatid ninyo sa kanila ang balita ng kaligtasan.” (Filip. 2:15-16, MB)*****



PASUGO/December 1999, pages 14-16
___________________________________________            
Malugod po namin kayong inaanyayahan sa mga pagsamba ng Iglesia ni Cristo sa ating Lumikha.
Kung mayroon po kayong mga katanungan ukol sa mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo, maaari po kayong magtungo sa kapilya o bahay-sambahan na malapit sa inyo at makipag-ugnayan po kayo sa ministrong nakadestino rito.  Nagagalak po silang kayo'y paglingkuran.  Sa Diyos po ang lahat ng kapurihan!
_______________________________________________________________________
 INDEX