Lunes, Setyembre 24, 2012

ANG SUGO NG DIYOS SA HULING ARAW NA ITO


ANG SUGO NG DIYOS
SA HULING ARAW NA ITO

Isang Pagbubunyag
Sa Iglesia Ni Cristo
Copyright 1964 by
Church of Christ
(Iglesia ni Cristo)
Kabanatang XX
Pahina 165-175



Ganap na naunawaan natin na ang [Anghel] o Sugo na may taglay na tatak ng Diyos ay si Kapatid na Felix Manalo ang tinutukoy ayon sa katuparan ng hula.  Walang lumitaw na sugo ng Diyos na tagapangaral ng Ebanghelyo rito sa Pilipinas na lahing Pilipino at kababayan natin noong 1914 kundi si Kapatid na Felix Manalo.  Kaya siya ang tiyak na katuparan ng hula ng Diyos, sapagka’t ang panahon at ang dakong lilitawan ng Sugo na may taglay ng tatak ng Diyos ay sa kanya lamang nasusukat.

     Nguni’t ang maliwanag at tiyak na katuparan ng hulang ito kay Kapatid na Felix Manalo ay mayroon pa ring nag-aalinlangan at hindi lubos na matanggap ang katotohanang ito.  Bakit?  Sapagka’t ayon sa kanilang sariling pagkaunawa ay wala na raw Sugo ng Diyos sa huling araw na ito.  Totoo nga kaya ang kanilang inaakala at sinasabing ito?  Sa ikatitiyak kung totoo o hindi ang kanilang palagay na ito ay tatalakayin natin ang paksang“ANG SUGO NG DIYOS SA HULING ARAW NA ITO.”

Mayroon Bang Itinalagang
Huling Sugo Ang Diyos?
     Sa Isa. 41:4, ay ganito ang ipinakikilala:

     “Sinong gumawa at yumari, na tumawag ng mga sali't saling lahi mula ng una? Akong Panginoon, ang una, at kasama ng huli, ako nga.

     Mayroon bang itinalagang Huling Sugo ang Diyos?  Mayroon.  Ayon sa Diyos, Siya ang gumawa at yumari ng mga sali’t saling lahi mula nang una.  Ang Diyos ay kasama ng mga unang tinawag.  Kasama rin ba ang Diyos ng Kanyang tinawag na HULI?  Kasama ng huli.  Kailan tatawagin ng Diyos ang Kanyang Huling Sugo?  Sa Isa. 41:9, ay sinasabi ang ganito:

     Ikaw na aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa, at tinawag kita mula sa mga sulok niyaon, at pinagsabihan kita, Ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita itinakuwil.

     Kailan tatawagin ng Diyos ang Huling Sugong ito?   Ang Huling Sugo ay tatawagin ng Diyos mula sa “mga wakas ng lupa.”  Kailan ang tiyak na panahon ng “mga wakas ng lupa?”  Sa pag-alam ng tiyak na panahon nito ay hindi natin maiiwasan na pag-aralan ang pagkakahati-hati ng panahon ni Cristo.  Sa ilang bahagi nababahagi ang panahon ni Cristo?  Sa Apoc. 5:1, ay ganito ang sinasabi:

     At nakita ko sa kanang kamay niyaong nakaupo sa luklukan ang isang aklat na may sulat sa loob at sa labas, na tinatakang mahigpit ng pitong tatak.

     Sa ilang bahagi nahahati ang panahon ni Cristo?  Sa talatang ating ginamit ay may binanggit na isang aklat na may pitong tatak.  Tunay bang aklat o libro ito?  Sa Isa. 29:11, ay ganito ang paliwanag:

     “At ang lahat ng pangitain ay naging sa inyo'y gaya ng mga salita ng aklat na natatatakan, na ibinibigay ng mga tao sa isang marunong bumasa, na sinasabi, Iyong basahin ito, isinasamo ko sa iyo: at kaniyang sinasabi, Hindi ko mababasa, sapagka't natatatakan.

     Tunay bang aklat o libro ang may pitong tatak?  Hindi, kundi mga pangitain na itinulad lamang sa aklat.  Ang aklat o pangitain ay may pitong tatak.  Ipinakita nga ba sa pangitain ang panahon ni Cristo, mula sa Kanyang pagkapanganak hanggang sa Kanyang pagparito sa paghuhukom?  Sa Apoc. 1:10, 19, ay ipinakikilala ang ganito:

     “Ako'y nasa Espiritu nang araw ng Panginoon, at narinig ko sa aking likuran ang dakilang tinig, na tulad sa isang pakakak.

     “Isulat mo nga ang mga bagay na nakita mo, at ang mga bagay ngayon, at ang mga bagay na mangyayari sa darating.

     Ipinakita ba sa pangitain ang buong panahon ni Cristo?  Ipinakita.  Ang buong panahon ni Cristo ay ipinakita kay Juan Apostol sa pangitain at ipinasulat.  Ito ang itinulad sa pitong buko ng panahon ni Cristo.  Alin sa pitong tatak o buko ng panahon ni Cristo ang “mga wakas ng lupa”?  Ito’y nasa dulo ng ikaanim na tatak.  Bakit?  Sapagka’t ang dulo ng ikaanim na tatak ay ISANG WAKAS.  Pagkatapos ng ikaanim na tatak ay simula naman ng ikapitong tatak at ito ang wakas na hati ng panahon ni Cristo, sapagka’t sa dulo nito ay ang paghuhukom.  Kaya ang katapusan ng ikaanim na tatak at ang simula ng ikapitong tatak ay DALAWANG WAKAS.  Kung gayon, ang “mga wakas ng lupa” ay nagsisimula sa dulo ng ikaanim na tatak ng panahon ni Cristo na siyang panahon ng pagtawag ng Diyos sa Kanyang HULING SUGO.  Paano natin matitiyak kung kalian ang panahon ng “mga wakas ng lupa” ayon sa kalendaryo ng tao?  Dapat nating malaman ang pangyayaring naganap sa katapusan ng ikaanim na tatak o buko ng panahon ni Cristo.  Ano ba ang pangyayaring naganap sa panahong iyon?  Sa Apoc. 6:12, 15, ay sinasabi ang ganito:

     “At nakita ko nang buksan niya ang ikaanim na tatak…”

     Ano ang pangyayaring naganap sa dulo nito?

     At ang mga hari sa lupa, at ang mga prinsipe, at ang mga pangulong kapitan, at ang mayayaman, at ang mga makapangyarihan, at ang bawa't alipin at ang bawa't laya, ay nagsipagtago sa mga yungib at sa mga bato sa mga bundok.

     Ano ang pangyayaring naganap sa katapusan ng ikaanim na tatak ng panahon ni Cristo?  Ang pagtatago sa yungib ng mga hari, ng mga prinsipe, ng mga pangulong kapitan, ng mayayaman, ng mga laya at ng mga alipin.  Ano ang dahilan at magsisipagtago sa yungib ang lahat halos ng uri ng mga tao?  Sa Jer. 4:13, 19, ay ganito ang pahayag:

     Narito, siya'y sasagupang parang mga ulap, at ang kaniyang mga karo ay magiging parang ipoipo ang kaniyang mga kabayo ay lalong matulin kay sa mga aguila. Sa aba natin! sapagka't tayo'y nangapahamak.

     
     “Ang hirap ko, ang hirap ko! Ako'y nagdaramdam sa aking puso; ang dibdib ko ay kakabakaba, hindi ako matahimik; sapagka't iyong narinig, Oh kaluluwa ko, ang tunog ng pakakak, ang hudyat ng pakikipagdigma.”

     Ano ang dahilan at magsisipagtago sa yungib ang lahat halos ng uri ng mga tao sa katapusan ng ikaanim na tatak ng panahon ni Cristo?  Sila’y magsisipagtago sa yungib dahil sa magaganap na DIGMAAN.  Anong uring digmaan ito?  Ito’y isang digmaang makabago, sapagka’t ito’y gagamitan ng mga kasangkapang pandigma na makabago na hindi pa ginamit sa mga digmaang nakaraan.  Anu-anong mga bagong kasangkapang pandigma ang gagamitin?  Gagamitan ito ng mga karo na sasagupang parang mga ipuipo na umiikot.  Ito ang mga tangke.  Gagamitan din ng mga kabayong matulin pa kay sa mga agila na may dalang kapahamakan.  Ito ang mga eroplano na kung tawagin ng Kasaysayan ay aerial cavalry” o kabayuhang paghimpapawid.  Kapag sumasalakay ang mga eroplano ng mga kaaway ay inihuhudyat o may sirenang tumutunog na babala sa mga tao na sila’y dapat magsipagtago sa yungib.  Ang mga tao naman ay magsisipagtago sa air raid shelter” o sa yungib.  Anong uring digmaan ang unang ginamitan ng mga tangke at ng mga eroplano ?  Ayon sa pahayag ng Diyos ang digmaang iyan ay DIGMAANG PANDAIGDIG, sapagka’t ang lahat ng mga bansa at ang lahat ng kanilang mga hukbo ay makakasangkot sa digmaang iyan (Isa. 34:1-2).  Mayroon nga bang naganap na Digmaang Pandaigdig na unang ginamitan ng mga tangke at ng mga eroplano?  Mayroon.  Alin ito?  Ang Unang Digmaang Pandaigdig noong 1914.  Kung gayon, ang tiyak na panahon ng mga “wakas ng lupa” ayon sa kalendaryo ng tao ay 1914.  Ayon naman sa ating Panginoong Jesucristo, magaganap nga ba ang digmaang ito sa katapusan ng ikaanim na tatak na siyang pintuan ng ikapitong tatak o buko ng panahon ni Cristo? Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na siya'y malapit na, nasa mga pintuan nga. (Mat. 24:33).  Ayon sa ating Panginoong Jesucristo, kapag nakita na ang digmaang ito, ito’y pintuan na.  Pintuan ng ano itong digmaan noong 1914?  Sa Apoc. 8:1, ay sinasabi ang ganito:  “At nang buksan niya ang ikapitong tatak…”  Ang digmaan noong 1914 ay pintuan ng ikapitong tatak ng panahon ni Cristo.  Ang katapusan ng ikaanim na tatak ay siyang pinto ng ikapitong tatak na huling hati ng panahon ni Cristo.  Kaya ang UNANG DIGMAANG PANDAIGDIG ay naganap sa katapusan ng ikaanim na tatak na tinatawag na “mga wakas ng lupa” o 1914.  Kung gayon, ang tiyak na panahon ng pagtawag ng Diyos sa Kanyang HULING SUGO ay 1914.

Paano Inihalal Ng Diyos
Ang Kanyang Huling Sugo
     Sa Isa. 41:9, ay ganito ang pahayag:

     “ Ikaw na aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa, at tinawag kita mula sa mga sulok niyaon, at pinagsabihan kita, Ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita itinakuwil.

     Paano inihalal ng Diyos ang Kanyang Huling Sugo?  Ang Huling Sugo ay tinawag ng Diyos mula sa mga sulok niyaon.  Alin ba ang mga sulok na ito?  Ang mga sulok o direksiyon ng lupa.  Alin-alin ito?  Silangan, Kanluran, Hilagaan at  Timugan (Isa. 43:5-6).  Sa lahat ba ng mga sulok o direksiyong ito ng lupa tatawagin ang Huling Sugo?  Hindi,  kundi sa mga sulok.  Saan-saang mga sulok o direksiyon ng lupa tatawagin ng Diyos ang Kanyang Huling Sugo?  Sa Timugan, sa Hilagaan at sa Silanganan.  Paano tinawag ng Diyos ang Sugong ito sa Timugan?  Ang Sugong ito, dati’y isang Katoliko.  Ang Iglesia Katolika na nasa Pilipinas ay galing sa Roma.  Ang Roma, ayon sa mapa, ay nasa TIMOG ng Europa.  Pagkaraan ng ilang panahon, ang Sugong ito’y nalipat sa Protestante.  Ang Protestanteng nasa Pilipinas ay nanggaling sa Hilagang Amerika.  Ang Amerika bagaman at nasa Kanluran ng mundo ay nagkaroon ito ng dalawang lupalop.  Ang isa’y tinatawag na Hilagang Amerika (North Amerika) at ang isa nama’y tinatawag na Timog Amerika (South Amerika).  Ito’y nakakatulad din ng lalawigan ng Ilocos, bagaman nasa Hilaga ng Luson ay may tinatawag na Ilocos Norte at Ilocos Sur.  Alin naman ang tiyak na dako ng Sugong ito na tinutukoy ng Diyos sa hula?  Sa Isa. 46:11, ay ganito ang pahayag:

     Na tumatawag ng ibong mangdadagit mula sa silanganan, ng taong gumagawa ng aking payo mula sa malayong lupain; oo, aking sinalita, akin namang papangyayarihin; aking, pinanukala, akin namang gagawin.

     Alin ang dako ng Huling Sugo na tinutukoy ng Diyos sa hula?  Ayon sa hula, ang Diyos ay may tinawag na Ibong Mandaragit mula sa silanganan.  Ito ba’y talagang ibon?  Hindi, ito’y taong gumagawa ng payo ng Diyos.  Saan nagmula ang tao?  Sa malayong lupain.  Sapagka’t ang ibon ay yaon din ang tao at ang ibon ay mula sa Silanganan at ang tao ay mula sa Malayo, kaya ang pagmumulan ng Sugong ito ay sa Malayong Silangan.  Saan naman magmumula ang lahi ng Sugong ito?  Sa Isa. 43:5-6, ay sinasabi ang ganito:

     “ Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silanganan, at pipisanin kita mula sa kalunuran;
  
      “Aking sasabihin sa hilagaan, Bayaan mo, at sa timugan, Huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula sa wakas ng lupa.”

     Saan magmumula ang lahi ng Sugong ito sa Huling Araw?  Ang lahi ng Sugong ito sa Huling Araw ay magmumula rin sa Malayong Silangan.  Pinupuna kami ng aming mga kalaban sa paggamit ng Isa. 43:5-6.  Hindi raw kami marunong gumamit ng talata ng Biblia.  Bakit?  Sapagka’t iyon daw salitang Silangan at Malayo na magkahiwalay ng talata ay pinagsasama at pinaglalapit daw namin.  Ang salitang Silangan daw ay nasa talatang 5 at ang salitang Malayo raw naman ay nasa talatang 6.  Kung ang salitang Silangan at Malayo sa Bibliang Tagalog na isinalin ng mga Protestante ay magkahiwalay at hindi magkasama sa isang talata ay hindi dapat isisi sa amin.  Hindi rin dapat na paratangan kami na hindi marunong gumamit ng mga talata ng Biblia kung aming pagsamahin sa isang talata ang dalawang salitang ito.  Bakit?  Sapagka’t hindi kami ang nagsalin ng Biblia.  Sa Bibliang Ingles ba’y talagang magkasama sa isang talata ang salitang Silangan at Malayo?  Opo.  Sa Isa. 43:5, sa salin ni James Moffatt, ay ganito ang sinasabi:  “From the far east will I bring your offspring…”  (Mula sa Malayong Silangan ay dadalhin ko ang iyong lahi…).

     Samakatuwid, ayon sa katuparan ng hula, ang Sugo ng Diyos sa Huling Araw at ang kanyang lahi ay magmumula sa Malayong Silangan.  Aling bansa ang tinatawag na Malayong Silangan?  Sa World History nina Boak, Slosson at Anderson, sa dahong 445, ay ganito ang sinasabi:

     “The Philippines were Spain’s share of the first colonizing movement in the Far East.” 

     Sa Wikang Pilipino ay ganito ang ibig sabihin:

     “Ang Pilipinas ay naging bahagi ng Espanya sa unang kilusan sa pananakop sa Malayong Silangan.”

     Aling bansa ang tinatawag na Malayong Silangan?  Ang PILIPINAS.  Kung gayon, ang Sugo ng Diyos sa huling Araw na ito ay taga Pilipinas o isang Pilipino.  Siya’y naging Katoliko muna, pagkatapos ay naging Protestante, at saka pa lamang tinawag ng Diyos sa kanyang bayang Pilipinas na maging Sugo noong 1914.

     Paano natin matitiyak at makikilala kung sino ang kinatuparan ng hulang ito?  Sa pamamagitan ng pagpapakilala ng mismong taong kinatuparan ng hula.  Sino ang nagpapakilalang kinatuparan ng hulang ito?  Si Kapatid na Felix Manalo.  Tangi ba sa kanya ay may iba pang nagpapakilala na kinatuparan ng hulang ito?  Wala na!  Bakit naman wala nang iba pang kinatuparan ng hulang ito kundi si Kapatid na Felix Manalo?  Sapagka’t ang hula ay tanging ukol lamang sa kanya at para sa kanya!  Totoo bang si Kapatid na Manalo dati’y isang Katoliko at pagkatapos ay naging Protestante?  Opo.  Totoo bang mula sa Protestante ay tinawag siya ng Diyos sa kanyang Bayang Pilipinas noong 1914 upang maging Kanyang Sugo sa Huling Araw na ito?  Opo.  Ano ang katunayan?  Ipinangaral ni Kapatid na Manalo ang Iglesia ni Cristo at ito’y narehistro sa ating Pamahalaan noong 1914.  Tunay na Pilipino ba siya?  Opo.  Kung gayon, si Kapatid na Felix Manalo ang Huling Sugo ng Diyos sa Huling Araw na ito na tinawag ng Diyos dito sa Pilipinas noong 1914!

Ano Ang Kahalalang Ibinigay ng Diyos
Sa Huling Sugo?
     Sa Isa. 41:9, ay ganito ang sinasabi:

     “Ikaw na aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa, at tinawag kita mula sa mga sulok niyaon, at pinagsabihan kita, Ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita itinakuwil.

     Ano ang kahalalang ibinigay ng Diyos sa Huling Sugo?  Kinikilala ng Diyos na ang Huling Sugo ay Kanyang lingkod, Kanyang pinili at hindi Niya itatakwil.  Bakit pinagsabihan ng Diyos ang Huling Sugo na hindi Niya itatakwil?  Sapagka’t ang Sugong ito’y  itatakuwil ng mga tao at kahit ng mga taksil na naging ministro sa Iglesia ni Cristo.  Itinakuwil nga ba siya?  Itinakuwil.  Ngunit itinakuwil ba siya ng Diyos?  Hindi!  Ano ang katunayan?  Nang maalis ang mga taksil na ministro na ipinasok ng lihim sa Iglesia, ang Iglesia ni Cristo ay lalong lumago at lumakas sa banal na tulong at biyaya ng Diyos.  Ano ang uri ng gawain ng Sugong ito sa Huling Araw ayon sa hula?  Sa Isa. 46:11, ay ganito ang pahayag:

     Na tumatawag ng ibong mangdadagit mula sa silanganan, ng taong gumagawa ng aking payo mula sa malayong lupain; oo, aking sinalita, akin namang papangyayarihin; aking, pinanukala, akin namang gagawin.

     Sa ano itinulad ang uri ng gawain ng Sugong ito?  Itinulad sa ibong mandaragit.  Bakit itinulad sa ibong mandaragit ang gawain ng Sugong ito?  Sapagka’t sa pagbangon ng Sugong ito rito sa Pilipinas noong 1914, ang mga tao sa Pilipinas ay mayroon nang kinabibilangang relihiyon, kaya mula roon ay kanyang daragitin ang mga taong tinatawag ng Diyos sa Iglesia ni Cristo.  Ayon din sa hula, saang mga relihiyon manggagaling ang karamihang daragitin ng Sugong ito?  Sa Isa 43:6, ay sinasabi ang ganito:

     Aking sasabihin sa hilagaan, Bayaan mo, at sa timugan, Huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula sa wakas ng lupa.

     Saan manggagaling na mga relihiyon ang karamihang daragitin ng Huling Sugo?  Sa mga relihiyong manggagaling sa TIMUGAN at HILAGAAN.  Ang relihiyong nanggaling sa Timugan ay ang Iglesia Katolika, sapagka’t ang Roma na pinagmulan ng Iglesia Katolika ay nasa Timog ng Europa.  Ang relihiyon namang nanggaling sa Hilaga ay ang mga Protestante sa Hilagang Amerika na dumating dito sa Pilipinas.  Totoo nga bang ang karamihan sa mga taong nadadala sa Iglesia ni Cristo  ay nanggaling sa Iglesia Katolika at sa mga Protestante?  Opo.  Paano sila dinaragit ng Huling Sugo?  Dinaragit sila ng Huling Sugo hindi upang kanyang silain, kundi upang gawing mga anak ng Diyos na mga lalake at babae.  Siya ang gagawa ng payo ng Diyos upang madala sila sa marapat na paglilingkod.  Siya ang naghahanda ng mga leksiyong itinuturo sa mga propaganda, sa mga pagduduktrina at sa mga pagsamba ng Iglesia ni Cristo kung araw ng Huwebes at Linggo.

     Ano ang katunayang ang gawaing ito ng Huling Sugo ay pangangaral ng Ebanghelyo?  Sa isa pang hula ng Diyos sa Apoc. 7:2-3, ay sinasabing:  “Ang ibang anghel na umaakyat sa sikatan ng araw na taglay ang tatak ng Diyos na buhay…”  Sa paghahawak ng tatak ng Diyos ay nag-iisa siya, datapuwa’t sa pagsasagawa ng pagtatatak ay mayroon na siyang mga katulong.  Kaya ang sabi sa talatang 3 ay, “hanggang sa aming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Diyos.”  Ang tatak ay ang Espiritu Santo at ang pagtatatak ay ang pangangaral ng Ebanghelyo (Efe. 1:13).  Ang salitang “anghel” ay maliwanag na pinatutunayan sa Biblia at maging ng mga Diksiyonaryo (talatinigan) na ang kahulugan ay “SUGO” o “UTUSAN” ng Diyos.  Kaya ang ibang anghel sa Apoc. 7:2, ay Sugong tagapangaral ng Ebanghelyo.  Ang Sugong ito’y magmumula sa sikatan ng araw o sa silanganan.  Dahil dito’y natitiyak natin na ang “Ibong Mandaragit” at ang “Ibang Anghel” ay iisang tao ang tinutukoy ng Diyos sa hula, at ito’y si Kapatid na Felix Manalo ang tiyak na kinatuparan.

     Ano ang mga pangako ng Diyos sa Kanyang huling Sugong ito na magmumula sa Malayong Silangan o sa Pilipinas?  Sa Isa. 41:10, ay ganito ang sinasabi:

     “Huwag kang matakot, sapagka't ako'y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka't ako'y iyong Dios; aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran.

     Ano ang mga pangako ng Diyos sa Kanyang huling Sugo o kay Kapatid na Felix Manalo?  Sinabi ng Diyos sa Sugong ito:  “Huwag kang manlupaypay, Ako’y iyong Diyos.”  Ang pangakong ito ay katulad din ng pangako ng Diyos kay Abraham.  Sinabi ng Diyos kay Abraham:  “Ako’y iyong Diyos.”  Kung gayon, sa huling araw na ito ay ipinakikilala ng Diyos na ang Kanyang Huling Sugo ang taong may Diyos.  Ang Diyos ay napadidiyos sa kanya.  Kaya ang sinumang tao na ibig dumiyos sa Diyos ay nararapat makisama o makiisa sa Kanyang Huling Sugong ito.  Ang sabi pa ng Diyos sa Kanyang Huling Sugo:  “Aking palalakasin ka.”  Natupad ba ang pangakong ito kay Kapatid na Felix Manalo?  Opo.  Ano ang katunayan nito?  Ang mabilis na paglago at malakas na paglaganap ng Iglesia ni Cristo sa pangunguna ni Kapatid na Manalo, na ito’y pinatutunayan din ng mga pari at ng mga pastor sa kanilang mga aklat na sinulat.  Sa kasalukuyan ay maraming mga Katoliko, mga Protestante, mga Aglipayano at iba’t iba pang relihiyon ang nakaanib na at patuloy na umaanib pa sa Iglesia ni Cristo.  Sinabi pa ng Diyos sa Kaniyang Huling Sugo:  “Aking tutulungan ka.”  Tinulungan nga ba ng Diyos si Kapatid na Manalo?  Opo.  Ano ang katibayan nito?  Ang malalaki, magaganda at mga mamahaling kapilya na naitayo at ipinatatayo pa ng Iglesia ni Cristo sa iba’t-ibang dako ng Kapuluang Pilipinas na hinahangaan din maging ng mga kalaban ng pananampalatayang ito.  Ang makapangyarihang gawang ito na marahil ay hindi iniisip ng sinuman na matutupad sa Iglesia ni Cristo ay malinaw na tulong ng Diyos kay Kapatid na Manalo at sa Iglesia ni Cristo.  Ipinangako pa rin ng Diyos sa Kanyang Huling Sugo:  “Aking aalalayan ka ng kanang kamay ng Aking katuwiran.”  Natupad ba ang pangakong ito kay kapatid na Manalo?  Opo.  Ano ang katunayang ating masasaksihan?  Ang katunayang ating masasaksihan na si Kapatid na Manalo ay inaalalayan ng kanang kamay ng Katuwiran ng Diyos, na ang katuwiran ng Diyos ay ang Ebanghelyo, sa pamamagitan ng masiglang pangunguna at pagtatagumpay sa larangan ng pangangaral ng mga salita ng Diyos.  Paano natin mapaniniwalaan na si Kapatid na Manalo at ang Iglesia ni Cristo ang nangunguna at nagtatagumpay sa larangan ng pamamahayag ng Ebanghelyo?  Natutupad kay Kapatid na Manalo at sa Iglesia ni Cristo ang sinasabi sa Isa. 41:11-12 na ganito:

     Narito, silang lahat na nangagagalit sa iyo ay mangapapahiya at mangalilito: silang nangakikipaglaban sa iyo ay papanaw at mangapapahamak.

     “Iyong hahanapin sila, at hindi mo mangasusumpungan, sa makatuwid baga'y silang nangakikipaglaban sa iyo: silang nakikipagdigma laban sa iyo ay papanaw, at gaya ng bagay ng wala.

     Ano ang natutupad kay Kapatid na Manalo at sa Iglesia ni Cristo na nagpapatunay na ito’y nangunguna nga at nagtatagumpay sa larangan ng pangagaral ng Ebanghelyo sa tulong ng alalay ng kanang kamay ng katuwiran ng Diyos?  Lahat ng lalaban sa Sugong ito at sa Iglesia ni Cristo ay mapapahiya at malilito.  Ito’y isang katotohanang nasaksihan hindi lamang ng mga kapatid sa Iglesia ni Cristo, kundi maging ng hindi pa kaanib sa Iglesia ni Cristo.  At sa panahong ito’y wala na halos ibig makipaglaban ng diskusyon sa mga ministro ng Iglesia ni Cristo, sapagka’t sila’y nangapapahiya at nalilito lamang sa panahon ng labanan.  Ang mga dating mahihigpit na kaaway ay marami na ang nagsipanaw at ang iba namang buhay pa ay para namang wala na.  Tangi ba rito’y ano pa ang pangako ng Diyos sa Kanyang Huling Sugo?  Sa Isa. 41:13-15, ay ganito ang pahayag:

     “Sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay hahawak ng iyong kanang kamay, na magsasabi sa iyo, Huwag kang matakot; aking tutulungan ka.

     “Huwag kang matakot, ikaw na uod na Jacob, at kayong mga tao ng Israel; aking tutulungan ka, sabi ng Panginoon, at ang iyong Manunubos ay ang Banal ng Israel.

     “Narito, aking ginawa kang bagong kasangkapang panggiik na matalas na may mga ngipin; iyong gigiikin ang mga bundok, at didikdiking durog, at iyong gagawin ang mga burol na parang ipa.

     Natupad din ba kay Kapatid na Manalo at sa Iglesia ni Cristo ang pangakong ito ng Diyos?  Opo.  Ano ang katunayan nito?  Dahil sa ang Huling Sugong ito’y ginawa ng Diyos na bagong kasangkapang panggiik, ay gigiikin at didikdikin niyang durog ang mga bundok o ang mga pamunuan.  Paano ito nangyari?  Sa mga kampanya ng mga pagpapahayag ng mga salita ng Diyos ay dinudurog ng Sugong ito ang mga MALING ARAL ng iba’t ibang pamunuan ng mga iglesia.  Sa mga pagduduktrina at maging sa mga pagsamba ng Iglesia ni Cristo ay dinidikdik na durog ng mga ministro ng Iglesia ni Cristo ang mga ARAL NG KADILIMAN, unang-una na ang Iglesia katolika na tulad sa pinakamalaking bundok sa mga relihiyon.  Samakatuwid, ang mga pangakong ito na natupad kay Kapatid na Manalo at sa Iglesia ni Cristo ang matibay na katunayan na Sugo nga ng Diyos si kapatid na Felix Manalo sa huling araw na ito.   Tinutupad ng Diyos ang Kanyang pangako sa Kanyang Huling Sugo.  Isinumpa ng Diyos na kapag sinalita Niya’y gagawin Niya at kapag pinanukala niya’y papangyayarihin Niya (Isa. 46:11).  Nguni’t ipinalalagay ng mga kumakalaban sa Iglesia ni Cristo na sa Israel daw ukol ang pangakong ito at hindi kay Kapatid na Manalo at sa Iglesia ni Cristo sa huling araw.  Sila’y nagkakamali, sapagka’t hindi ang lahat lamang ng mula kay Abraham ang kinikilalang Israel, kundi yaong mga anak man sa pangako.  Kaya ang mga kay Cristo o ang Iglesia ni Cristo ay mga anak sa pangako at sila’y ibinibilang na binhi ni Abraham (Rom. 9:6-8; Gal. 3:29).

Ano Ang Magiging Buhay
Ng Huling Sugo Ng Diyos?
     Sa Isa. 41:16, ay ganito ang sinasabi:

     “Iyong pahahanginan, at tatangayin ng hangin, at pangangalatin ng ipoipo: at ikaw ay magagalak sa Panginoon, ikaw ay luwalhati sa Banal ng Israel.”

     Ano ang magiging buhay ng Huling Sugo ng Diyos?  Ang magiging buhay ng Huling Sugo ng Diyos ay maligaya, sapagka’t siya’y magagalak sa Panginoon.  Paluluwalhatiin ng Diyos ang kanyang pamumuhay, dahil sa mga tagumpay sa kaluwalhatian ng Diyos at ng Iglesia ni Cristo.  Aling kaluwalhatian ito?  Sa Isa. 14:18, ay sinasabi ang ganito:

     Lahat ng mga hari ng mga bansa, silang lahat, nangatutulog sa kaluwalhatian, bawa't isa'y sa kaniyang sariling bahay.

     Anong kaluwalhatian ang matatamo ng Huling Sugo?  Ang kaluwalhatiang tulad ng sa mga hari sa lupa.  Ito ba’y isang katotohanan na nakikita nating natutupad sa Sugo ng Diyos sa Huling Araw na ito?  Opo.  Ano ang katunayan nito?  Ang pagtanggap sa kanya ng mga tao, hindi lamang ng mga kapatid sa Iglesia ni Cristo, kundi ng mga hindi pa kaanib sa Iglesia ni Cristo na higit sa pagtanggap sa mga kinikilalang dakilang tao sa sanlibutan.  Kinikilala siya at binibigyan ng mataas na pagpaparangal ng magkakalabang pangkating ukol sa lupa.  Bagaman ang sugo ng Diyos sa Huling Araw na ito ay itinulad sa UOD na Jacob, na kung sukatin sa kalagayan ay mahina at walang katangiang tulad ng mga dakila at marurunong na kinikilala ng mga tao sa lupa, gayunman, ang kaluwalhatiang tinamo sa Diyos ng Huling Sugo ay hindi nila natamo.  Bakit ang mga kahanga-hangang bagay na ito ay nagiging isang ganap na katotohanan sa buhay ng Huling Sugo?  Sapagka’t tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako sa kanyang Sugo sa Huling Araw na ito.  Ang sugong ito’y palalakasin at tutulungan ng Diyos (Isa. 41:10).  Si kapatid na Felix Manalo ay pinalakas ng Diyos na dahil dito’y naging mabilis ang paglago ng Iglesia ni Cristo.  Siya’y tinulungan ng Diyos na pinatutunayan ng hindi matatawarang pag-unlad ng Iglesia ni Cristo, na nagpapatuloy sa pagtatayo ng mga kapilyang malalaki, magaganda na nagkakahalaga ng angaw-angaw na piso.  Nakabibili ng malalawak na lupa na pinagtatayuan ng mga makabagong kapilya.  Ang Sugong ito’y inalalayan ng Diyos ng Kanyang katuwiran, kaya ang lahat ng mga tagapangaral na lumaban sa Kanya ay napapahiya at nalilito.

     Dahil dito, dapat matalastas ng lahat ng mga kumakalaban sa Iglesia ni Cristo na hindi na sila dapat magtaka sa mabilis at maunlad na pagtatagumpay ng Iglesia ni Cristo sa huling araw.  Bakit?  Sapagka’t hindi si Kapatid na Manalo sa kanyang sarili ang gumagawa ng pagtatagumpay na ito.  Ito’y gawa ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang Sugo sa Huling Araw na ito!  Bakit ang Diyos ay gumagawa ng maligayang pagtatagumpay ng Iglesia ni Cristo sa Huling Araw?  Sapagka’t ang Iglesia ni Cristo sa Huling Araw ay siyang tunay na Iglesiang sa Diyos Sapagka’t si Kapatid na Felix Manalo ay ANG SUGO NG DIYOS SA HULING ARAW NA ITO!

     Nguni’t maaaring sabihin ng iba na hindi na nila kailangan ang sumama o makiisa pa sa Sugo, sapagka’t sila’y tumatawag at naglilingkod naman sa Diyos.  Ang pagtawag at paglilingkod ba sa Diyos ay tatanggapin ng Diyos ng hindi na kailangan ang pakikiugnay sa karapatan ng mga Sinugo ng Diyos?  Basahin sa [susunodna kabanata].*****
________________________________________________________________
Basahin din:

Bisitahin:
________________________________________________________________________________________________

Malugod po namin kayong inaanyayahan sa mga pagsamba ng Iglesia ni Cristo sa ating Lumikha.
Kung mayroon po kayong mga katanungan ukol sa mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo, maaari po kayong magtungo sa kapilya o bahay-sambahan na malapit sa inyo at makipag-ugnayan po kayo sa ministrong nakadestino rito.  Nagagalak po silang kayo'y paglingkuran.  Sa Diyos po ang lahat ng kapurihan!
__________________________________________________________________