Huwebes, Enero 29, 2015

HINDI SI CIRO ANG IBONG MANDARAGIT SA ISAIAS 46:11

HINDI SI CIRO ANG IBONG MANDARAGIT
SA ISAIAS 46:11

Gregorio F. Nonato

ANG ILAN SA mga komentarista ng Biblia ay nagsasabing si Ciro (Cyrus the Great) ang diumano’y “ibong mandaragit” na hinuhulaan sa Isaias 46:11.  Ang isa rito ay si Charles John Ellicott na nagpaliwanag sa nabanggit na talata sa kaniyang Bible Commentary:

“Calling a ravenous bird, - Cyrus is thus described as Nebuchadnezzar in Jer. 49:22; Ezek. 17:3.  The image derives a special significance from the fact that the standard borne by Cyrus and his successors was a golden eagle (Xen., Cyrop, 7:11, 4; Anab. 1:10, 12), (Comp. also Matt. 24:28; Luke 17:37.)  The “sun-rising” is Persia; the “far country” probably represents Media.” [Charles John Ellicott, Ellicott’s Bible Commentary, Donald N. Boedle, Ph. D., Th. D., ed. (Michigan, USA:  Zondervan Publishing House, c. 1971), p. 525.]

Sa Pilipino:

“Tumatawag ng ibong mandaragit – Si Ciro ay inilarawan bilang si Nabucodonosor sa Jer. 49:22; Ezek. 17:3.  Ang ganitong paglalarawan ay bunga ng katotohanang ang sagisag na ginamit ni Ciro at ng kaniyang mga kahalili ay isang gintong agila (Xen., Cyrop. 7:1, 4; Anab. 1:10, 12). (Ihambing din sa Mat. 24:28; Lucas 17:37.)  Ang “sikatan ng araw” ay kumakatawan sa Persia; ang “malayong lupain” ay kumakatawan marahil sa Media.”

Ang mga saksi ni Jehovah ay napapaliwanag din ng halos katulad ng paliwanag ni Ellicott sa Isaias 46:11.  Ganito ang ating matutunghayan:

“… He has called Cyrus – from the “sun-rising” from Persia (to the E of Babylon), and Cyrus’ favorite capital of Pasargadae was built, and Cyrus was to be like a “bird of prey” in swiftly pouncing down upon Babylon. (Isa. 46:10, 11)  It is of note that, according to Encyclopedia Britanica (1911, vol. 10, p. 454b, “the Persians bore an eagle fixed to the end of a lance, and the sun, as their divinity, was also represented upon their standards which … were guarded with the greatest jealousy by the bravest men of the army.”” [Aid To Bible Understanding. (USA:  Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, 1971), p. 409.]

Sa Pilipino

“ …Tinawag Niya si Ciro – mula sa “sikatan ng araw” sa Persia (hanggang sa silangan ng Babilonia), at itinayo ang punong-lunsod na paborito ni Ciro:  ang Pasargadae, at si Ciro ay magiging tulad ng “ibong mandaragit” sa mabilis na pagsakop niya sa Babilonia (Isa. 46:10, 11.  Mapapansin na, ayon sa Encyclopedia Britanica (1911, tomo 10, p. 454b), “ang hukbong Persiano ay may taglay na agila sa dulo ng kanilang mga sibat, at ang araw, na kanilang sinasamba, ay naroon din sa kanilang mga bandila … na mahigpit na binabantayan ng mga matatapang na kawal.”

Ayon sa ilang mga komentarista ng Biblia ang “ibong mandaragit” na hinuhulaan sa Isaias 46:11 ay si Ciro ng Persia.  Ang Persia diumano ang tinutukoy na “sikatan ng araw o silangan” at ang Media naman ang tinutukoy na “malayong lupain.”

Ang lalong malala ay ang paglalagay ng pangalan ni Ciro sa Isaias 46:11 sa The Living Bible na paraphrased ni Kenneth Taylor.  Ang paglalagay na ito ay tahasang pagsalungat sa Diyos na nagsabing, “huwag ninyong daragdagan ni babawasan ang salita na aking iniutos sa inyo, …” (Deut. 4:2).  Ganito ang pagkakasalin ng Isaias 46:11 sa The Living Bible:

“I will call that swift bird of prey from the east—that man Cyrus from far away.  And he will come and do my bidding, I have said I would do it and I will.”

Hindi namin tinututulan na si Ciro ng Persia ay isa sa mga sinugo ng Diyos upang isagawa niya ang gawaing iniatas sa kaniya ng Diyos sa pamamagitan ng hula.  Subalit, hindi ang hula sa pagkasugo ni Ciro ang isinasaad sa Isaias 46:11.  Dapat nating bigyang pansin na katulad din ng ibang mga sugo ng Diyos ay alam nila kung aling hula ang tumutukoy sa kanilang pagkasugo.  Halimbawa, ay si Juan Bautista.  Nalalaman ni Juan Bautista na siya ang “tinig na humihiyaw sa ilang” na hinulaan sa Isaias 40:3.  Tunghayan natin ang pahayag ni Juan Bautista:

Sinabi nga nila sa kaniya, Sino ka baga? Upang ibigay namin ang kasagutan sa nangagsugo sa amin. Ano ang sinasabi mo tungkol sa iyong sarili?

“Sinabi niya, Ako ang tinig ng isang humihiyaw sa ilang, Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias.(Juan 1:22-23)

Maliwanag sa talatang ito na nalalaman ni Juan Bautista na siya “ang tinig ng isang humihiyaw sa ilang” yayamang siya ang tinutukoy sa hula na nasa Isaias 40:3)  Ganoon din naman si Apostol Pablo.  Alam din ni Apostol Pablo na siya ang hinuhulaan na “ilaw sa dako ng mga Gentil,” na hinuhulaan sa Isaias 49:6.  Tunghayan natin ang pahayag ni Apostol Pablo:

“Sapagka't ganito ang ipinagutos sa amin ng Panginoon, na sinasabi, Inilagay kitang isang ilaw ng mga Gentil, Upang ikaw ay maging sa ikaliligtas hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa.(Gawa 13:47)

Sa maraming pagkakataon ay makikita natin sa pagtuturo ng ating Panginoong Jesucristo na alam Niya ang mga hula na tumutukoy sa Kaniya.  Ang isang katunayan ay matutunghayan natin sa Lukas 4:17-21:

At ibinigay sa kaniya ang aklat ng propeta Isaias. At binuklat niya ang aklat, na nasumpungan niya ang dakong kinasusulatan,

Sumasa akin ang Espiritu ng Panginoon, Sapagka't ako'y pinahiran niya upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga dukha: Ako'y sinugo niya upang itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas, At sa mga bulag ang pagkakita, Upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi,

Upang itanyag ang kaayaayang taon ng Panginoon.

At binalumbon niya ang aklat, at isinauli sa naglilingkod, at naupo: at ang mga mata ng lahat ng nangasa sinagoga ay nangakatitig sa kaniya.

“At siya'y nagpasimulang magsabi sa kanila, Ngayo'y naganap ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig.

Maliwanag na ang hula na nasa Isaias 61:1 ay tumutukoy kay Cristo.  Mapapansin na ang Panginoong Jesucristo mismo ang nagpaliwanag na Siya ang tinutukoy ng hula sa pagsasabing, “ngayo’y naganap ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig.”

Natunghayan natin na ang hinuhulaan na “isang tinig na humihiyaw sa ilang” ay tumutukoy kay Juan Bautista.  Alam ni Juan Bautista, at siya mismo ang nagpahayag, na siya ang “tinig na humihiyaw sa ilang.”  Natunghayan din natin na ang hinuhulaan na “ilaw sa dako ng mga Gentil” ay tumutukoy kay Apostol Pablo.  Alam din ni Apostol Pablo na siya ang tinutukoy ng hula na ilalagay na ilaw sa dako ng mga Gentil.  Natunghayan din natin na ang ating Panginoong Jesucristo ang hinuhulaan na pinahiran at sinugo upang ipangaral ang mabuting balita sa mga dukha.  Alam din ng ating Panginoong Jesucristo na Siya ang hinuhulaan nito.  Dahil dito kung ang “ibong mandaragit” na hinuhulaan sa Isaias 46:11 ay si Ciro ng Persia, dapat na si Ciro mismo ang magpahayag na siya ang tinutukoy ng hula.

Hindi Itinuro Ni Ciro Na Siya Ang Ibong
Mandaragit
Walang mababasa sa Biblia na itinuro ni Ciro na siya ang “ibong mandaragit.”  Aling hula ang sinabi ni Ciro na natupad sa kaniya?  Tunghayan natin ang sinasabi ng Biblia:

“Ganito ang sabi ni Ciro na hari sa Persia: Lahat ng kaharian sa lupa ay ibinigay sa akin ng Panginoon, ng Dios ng langit; at kaniyang binilinan ako na ipagtayo siya ng isang bahay sa Jerusalem, na nasa Juda. Sinomang mayroon sa inyo sa buong kaniyang bayan, sumakaniya nawa ang Panginoon niyang Dios, at umahon siya.(II Cron. 36:23)

Sa talatang ito ay walang sinabi si Ciro na siya ang “ibong mandaragit.”  Ang sabi ni Ciro, “ang lahat ng kaharian ay ibinigay sa akin ng Panginoon.”  Ito ang katuparan ng hula ng Diyos kay Ciro.  Hinuhulaan ng Diyos na si Ciro ay magpapasuko ng mga bansa.  Tunghayan natin ang hula kay Ciro:

Ganito ang sabi ng Panginoon sa kaniyang pinahiran ng langis, kay Ciro, na ang kanang kamay ay aking hinawakan, upang magpasuko ng mga bansa sa harap niya; at aking kakalagan ang mga balakang ng mga hari; upang magbukas ng mga pintuan sa unahan niya, at ang mga pintuang-bayan ay hindi masasarhan;

Ako'y magpapauna sa iyo, at, papatagin ko ang mga bakobakong dako: aking pagwawaraywarayin ang mga pintuang tanso, at aking puputulin ang mga halang na bakal:

“At ibibigay ko sa iyo ang mga kayamanang nasa kadiliman, at ang mga natatagong kayamanan sa mga lihim na dako, upang inyong maalaman na ako ang Panginoon na tumatawag sa iyo sa inyong pangalan, sa makatuwid baga'y ang Dios ng Israel. (Isa. 45:1-3)

Ito ang hula kay Ciro.  Siya ay magpapasuko ng mga bansa,  kung kaya’t sinabi ni Ciro na ang lahat ng kaharian ay ibinigay sa kaniya ng Panginoon.  Ang isa pang hula ng Diyos na ang katupara’y si Ciro ay ang pagtatayong muli ng Templo sa Jerusalem.  Sinabi ni Ciro, “kaniyang binilinan ako na ipagtayo siya ng bahay sa Jerusalem …”  Mayroon nga bang hula kay Ciro ukol sa pagtatayong muli ng templo sa Jerusalem?  Mayroon!  Ang nasa Isaias 44:28:

“Na nagsasabi tungkol kay Ciro, Siya'y aking pastor, at isasagawa ang lahat kong kaligayahan: na nagsasabi nga rin tungkol sa Jerusalem, Siya'y matatayo; at sa templo, Ang iyong patibayan ay malalagay.

Natunghayan natin ang mga hula na tumutukoy kay Ciro ay ang nasa Isa. 45:1-3 na siya ay magpapasuko ng mga bansa at ang nasa Isa. 44:28 na kaniyang itatayong muli ang templo sa Jerusalem.  Ang mga hulang ito ay natupad kay Ciro nang kaniyang sakupin ang Babilonia at payapang makabalik ang mga Israelita upang itayong muli ang templo sa Jerusalem.  Ngunit walang binabanggit si Ciro kahit ang boong Biblia na siya ang tinutukoy na ibong mandaragit na hinuhulaan sa Isa. 46:11.

Ang Sikatan Ng Araw O Silangan
Ayon sa Ellicott’s Bible Commentary ang Persia diumano ang tinutukoy na “sikatan ng araw” na panggagalingan ng ibong mandaragit na hinuhulaan sa Isaias 46:11.  Ngunit batay sa Strong’s Exhaustive Concordance of the Bible with Hebrew and Greek Dictionaries, ang salitang “silangan” na ginamit sa Isaias 46:11 ay katumbas ng “mizrach” sa wikang Hebreo.  Sa Hebreo kapag ginamit ang salitang “mizrach” ang tinutukoy ay “malayong silangan.”  Tunghayan natin ang pahayag ng Smith’s Bible Dictionary ni William Smith:

“… Again, kedem is used in a strictly geographical sense to describe a spot or country immediately before another in an easterly direction;  hence it occurs in such passages as Gen. ii:8, 11:24, xi:2, xiii.11, xxv:6 and hence the subsequent application of the term, as a proper name (Gen. xxv. 6, eastward, unto the land of kedem), to the lands lying immediately eastward of Palestine, viz. Arabia, Mesopotamia, and Babylonia; on the other hand mizrach is used of the far east with a less definite signification (Is. Xli:2, 25, xliii, 5, xlvi, 11).” [William Smith, LL. D., Smith Bible Dictionary. (N.J.:  Fleming A. Ravell, 1976, p. 153.]

Sa Pilipino:

“… Gaya ng dati ang salitand kedem ay ginamit upang maglarawan lamang sa isang dako o bansa na karatig sa gawing silangan ng isa pang dako; kaya nga, ang salitang ito ay ginamit sa mga talatang Gen. ii:8, ii:24. Xi:2, xiii:11, xxv:6 at kaya rin nga ginamit ito bilang isang panggalang pantangi (Gen. xxv:6, pasilangan patungo sa lupain ng kedem), na tumutukoy sa lupaing karatig sa silangan ng Palestina, gaya ng Arabia, Mesopotamia, at Babilonia, sa kabilang dako, ang salitang mizrach ay ginamit para sa malayong silangan ngunit hindi tiyak ang tinutukoy (Isa. Xli:2, xliii:5, slvi:11).”

Maliwanag na ang salitang Hebreo na “mizrach” ay tumutukoy sa “malayong silangan.”  Ang salitang Hebreong “mizrach” ang ginamit sa Isaias 46:11 kaya ang tinutukoy dito na “silangan o sikatan ng araw” ay ang “malayong silangan.”  Hindi maaaring ang Persia ang tinutukoy sa Isaias 46:11 sapagkat ang ginamit na salitang Hebreo na katumbas ng silangan “ay mizrach” samantalang ayon sa Aid To Bible Understanding ang salitang Hebreo na “kedem” (qedhem) katumbas ng “silangan” ang ginagamit kapag ang tinutukoy ay ang Persia (Iran).  Ganito ang ating mababasa:

“Sometimes qe’dhem was used to mean a generally eastward direction, as at Genesis 11:2.  At other times it meant the “east” in relation to something else, as at Number 34:11, where the expression “East of Ain” is used.  At still other times it referred to the area that lay E and NE of Israel.  This included the lands of Moab and Amon, the Arabian Desert.  Babylonia, Persia, Assyria and Armenia.” [Aid to Bible Understanding. P. 478.)

Sa Pilipino:

“Kung magkaminsan ang salitang “qe’dhem” ay ginamit upang karaniwang tumukoy sa gawing silangan, gaya ng pagkagamit sa Genesis 11:2.  Sa ibang pagkakataon ito ay nangangahulugang “silangan”  kaugnay ng kinalalagyan ng iba pang bagay gaya naman ng pagkagamit nito sa Bilang 34:11, kung saan ang ekspresyong “east of Ain” ay ginamit.  At sa iba pang pagkakataon ito ay tumutukoy sa kalaparan ng lupa na nasa silangan at hilagang-silangan ng Israel.  Dito ay kasama ang mga lupain ng Moab at Amon, ang Disyerto ng Arabia, Babilonia, Persia, Asiria, at Armenia.”

Natitiyak natin na hindi si Ciro ang hinuhulaan na ibong mandaragit sa Isaias 46:11 sapagkat ang ibong mandaragit ay mula sa malayong silangan na ang katumbas sa Hebreo ay “mizrach”, samantalang “kedem” ang katumbas ng silangan kapag ang tinutukoy ay ang Persia na siyang pinanggalingan ni Ciro.

Ang Gawain Ng Ibong Mandaragit
Sa ikatitiyak kung sino ang ibong mandaragit na hinuhulaan sa Isaias 46:11, mahalagang malaman din natin ang dahilan ng pagsusugo sa ibong mandaragit.  Ang hula at ang mga kasunod na talata ang nagpapaliwanag nito:

 Na tumatawag ng ibong mangdadagit mula sa silanganan, ng taong gumagawa ng aking payo mula sa malayong lupain; oo, aking sinalita, akin namang papangyayarihin; aking, pinanukala, akin namang gagawin.

Inyong dinggin ako, ninyong may mapagmatigas na loob; na malayo sa katuwiran:

“Aking inilalapit ang aking katuwiran, hindi maglalaon at ang aking pagliligtas ay hindi magluluwat: at aking ilalagay ang kaligtasan sa Sion na ukol sa Israel na aking kaluwalhatian.(Isa. 46:11-13)

Sinabi ng Diyos, “aking inilapit ang aking katwiran, hindi maglalaon at ang aking pagliligtas ay hindi magluluwat: …” Upang mailapit “ang katwiran sa may mapagmatigas na loob at malayo sa katwiran,” kailangang magsugo.  Ang isusugong ito ay itinulad sa ibong mandaragit.  Ayon din sa hula, kawakasan at kagibaan ang sasapit sa mga taong mapagmatigas na loob at malayo sa katwiran:

Tinatakbo ng kanilang mga paa ang kasamaan, at sila'y nangagmamadaling magbubo ng walang salang dugo: ang kanilang mga pagiisip ay mga pagiisip ng kasamaan; kawasakan at kagibaan ay nasa kanilang mga landas.

Ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nalalaman: at walang kahatulan sa kanilang mga lakad: sila'y nagsigawa para sa kanila ng mga likong landas; sinomang lumalakad doon ay hindi nakakaalam ng kapayapaan.

“Kaya't ang kahatulan ay malayo sa amin, o umaabot man sa amin ang katuwiran: kami'y nagsisihanap ng liwanag, nguni't narito, kadiliman; ng kaliwanagan, nguni't nagsisilakad kami sa kadiliman.(Isa. 59:7-9)

Ang gawain ng ibong mandaragit ay ito:  ilapit ang katuwiran sa ikaliligtas sa kawakasan at kagibaan ng mga may mapagmatigas na loob at malayo sa katuwiran.  Ang katuwiran ng Diyos sa ikaliligtas ay ang ebanghelyo.  Ito ay pinatunayan ni Apostol Pablo:

Sapagka't hindi ko ikinahihiya ang evangelio: sapagka't siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawa't sumasampalataya; una'y sa Judio, at gayon din sa Griego.

“Sapagka't dito ang katuwiran ng Dios ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya: gaya ng nasusulat, Nguni't ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya. (Roma 1:16-17)

Upang ang ebanghelyo na siyang katuwiran ng Diyos sa ikaliligtas ay mailapit sa mga taong malayo sa katuwiran, ipinag-utos ni Jesus na ipangaral ito:

At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal.

“Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.(Mar. 16:15-16)

Samakatuwid ang gawain ng ibong mandaragit na hinuhulaan sa Isa. 46:11 ay ang pangangaral ng ebanghelyo na siyang katwiran ng Diyos na dapat ilapit sa mga tao upang sila ay magtamo ng kaligtasan.

Ang gawain ng ibong mandaragit na hinuhulaan sa Isaias 46:11 ay iba sa gawain ni Ciro ng Persia.  Ang gawain ng ibong mandaragit ay dalhin ang katwiran ng Diyos sa mga tao upang maligtas samantalang ang gawain ni Ciro ay ang magpasuko ng mga bansa.  Maliwanag na magkaiba ang gawain ni Ciro at ng ibong mandaragit kaya hindi si Ciro ang hinuhulaan na ibong mandaragit sa Isaias 46:11.

Ang gawain ng ibong mandaragit na hinuhulaan sa Isaias 46:11 ay pangangaral ng ebanghelyo.  Tinitiyak din ng hula na ang silangan na panggagalingan ng ibong mandaragit ay malayong silangan.  Ang pangangaral ni Kapatid na Manalo ang katuparan ng hula sa Isaias 46:11.  Ang Kapatid na Manalo ang tinutukoy na ibong mandaragit at ang Pilipinas ang malayong silangan.  Ito ay natalakay na sa mga naunang lathala dito sa PASUGO. *

Hango sa PASUGO GOD’S MESSAGE/MAY-JUNE 1983/VOLUME 35/NUMBER 3/PAHINA 45-48, 52