Isang Mapalad
Na Paghihintay
MARAMING MGA TAO ang umaasam at naghihintay sa ikalawang
pagparito ng Panginoong Jesucristo. Ang
mga nagpapahayag ng pananampalataya at nagsasagawa ng paglilingkod sa Kaniya ay
umaasang sa araw na iyon ay maliligtas sila at ganap nang mawawakasan ang lahat
ng hirap at sakit na kanilang nararanasan dito sa daigdig.
Gayunman,
pinatutunayan ng Banal na Kasulatan na hindi lahat ng naghihintay at umaasa ng
mabuting kapalaran sa muling pagparito ng Tagapagligtas ay magiging mapalad.
Ang uri ng naghihintay
May dalawang
uri ng naghihintay sa ikalawang pagparito ni Cristo:
“Ay gayon din naman si Cristo, na inihandog na minsan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami, sa ikalawa'y pakikita na hiwalay sa kasalanan, sa ikaliligtas ng mga nagsisipaghintay sa kaniya.” (Heb. 9:28)
“Sa aba ninyo na nangagnanasa ng kaarawan ng Panginoon! bakit ninyo ninanasa ang kaarawan ng Panginoon? kadiliman nga, at hindi kaliwanagan.” (Amos 5:18)
May mga
naghihintay sa pagdating ni Cristo na nakatitiyak ng kaligtasan. Sa mga ito, ang dakilang araw na yaon ay
pasimula ng kanilang walang hanggang kaligayahan.
Sa kabilang dako, mayroon namang mga taong
binalaang “sa aba ninyo” o masusumpa at kaawaawa sapagkat mabibigo sila sa
kanilang inaasam at inaasahang kaligtasan sa araw ng Panginoon. Sa pangitain ay ipinakita kay Apostol Juan
ang kakilakilabot na hantungan ng mga taong hindi maliligtas sa kaarawan ng
Panginoon na siya ring Araw ng Paghuhukom:
“Ay iinom din naman siya ng alak ng kagalitan ng Dios, na nahahandang walang halo sa inuman ng kaniyang kagalitan; at siya'y pahihirapan ng apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel, at sa harapan ng Cordero: At ang usok ng hirap nila ay napaiilanglang magpakailan kailan man; at sila'y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga nagsisisamba sa hayop at sa kaniyang larawan, at sinomang tumatanggap ng tanda ng kaniyang pangalan. ” (Apoc.
14:10-11)
Mahalaga, kung
gayon, na ating malaman kung paano tayo makatitiyak ng kaligtasan sa muling
pagparito ni Cristo.
Ang maliligtas
Maaaring
sabihin ng isang tao na siya’y nakatitiyak ng kaligtasan at buo ang kaniyang
pag-asa na siya’y magkakamit ng kaukulang gantimpala. Subalit gaano man karubdob ang pag-asa ng
tao, kung siya ay hindi naman kabilang sa itinuturo ng Biblia na maliligtas ay
mabibigo rin siya. Sino ba ang mga maliligtas, ayon sa Banal na Kasulatan?
“Na siyang nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng kadiliman, at naglipat sa atin sa kaharian ng Anak ng kaniyang pagibig; Na siyang kinaroroonan ng ating katubusan, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan. ” (Col.
1:13-14)
Ang mga
maliligtas ay ang inalis sa kapangyarihan ng kadiliman, at inilipat sa kaharian
ng Anak na siyang kinaroroonan ng katubusan at ng kapatawaran ng mga kasalanan.
Kaya, dapat
matiyak ng sinumang umaasa sa kaligtasan na siya’y nasa kaharian ng Anak na
kinaroroonan ng katubusan. Ang
kinaroroonan ng katubusan ay ang Iglesia ni
Cristo ayon sa patotoo ni Apostol Pablo:
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.”(Gawa 20:28,
Lamsa Translation, isinalin mula sa
Ingles)
Ang Iglesia
ni Cristo, kung gayon, ang kaharian ng Anak o ng Panginoong
Jesucristo. Ito ang tinubos Niya ng
Kaniyang mahalagang dugo. Kaya, ang mga
kaanib dito ay pinatawad na sa kanilang mga kasalanan at nakatitiyak ng
kaligtasan (Roma 5:8-9, Magandang Balita
Biblia). Dahil dito, isa sa mga
kailangan ng tao ang Iglesia ni Cristo
sa ikaliligtas.
Ang katunayan
na may kinalaman ang Iglesia ni Cristo
sa kaligtasan ay dito idinaragdag ng Panginoong Diyos ang mga taong maliligtas:
“Praising God, and having favour with all people. And the Lord added to the church daily such as should be saved.” [Na nagpupuri sa Diyos, at tumatanggap ng paglingap sa mga
tao. At idinaragdag ng Panginoon sa iglesia araw-araw ang mga nararapat
maligtas.] (Gawa 2:47, King James
Version)
Sa Iglesia
idinaragdag ng Diyos ang mga maliligtas sapagkat ito ang nakatalagang iligtas
ni Cristo:
“Sapagka’t ang lalaki ang ulo ng kaniyang asawa, tulad ni
Cristo na siyang ulo ng iglesya, na
kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas
nito.” (Efe. 5:23, MB)
Upang maging
mapalad sa ikalawang pagparito at huwag
mabigo ang sinuman sa inaasam na kaligtasan ay kailangang umanib siya sa Iglesia ni Cristo. Mahalaga at kailangan ang Iglesia hindi dahil
sa ang Iglesia ang magliligtas kundi dahil ito ang ililigtas ng Tagapagligtas o
ng Panginoong Jesus.
Ang parurusahan
Sa kabilang
dako, ipinakikilala ng Biblia na ang mga taong mapapahamak sa Araw ng
Paghuhukom o hahatulan ay yaong nangasa labas ng Iglesia:
“Ano ang karapatan kong humatol sa mga taga-labas ng
iglesya? Hindi ba kayo ang hahatol sa
mga nasa loob? Ang Dios ang hahatol sa mga nasa labas. ‘Itiwalag ninyo ang masama
ninyong kasamahan’.” (I Cor. 5:12-13, New Pilipino Version)
Sino naman ang mga hindi na hahatulan?
“Ngayon nga’y
wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus.” (Roma 8:1)
Ang mga taong
kay Cristo ay wala nang anumang hatol.
Ipinakilala mismo ni Cristo kung sino ang mga taong Kaniya—sila ang
kabilang sa Iglesia na Kaniyang itinayo, na ito ay ang Iglesia ni Cristo (Mat. 16:18; Roma 16:16).
Dahil ang Iglesia ni Cristo ay kay Cristo, ang mga
kaanib dito ay wala nang anumang hatol.
Sa kabilang dako, hahatulan ang mga hindi kay Cristo o ang mga hindi
kaanib sa Iglesia ni Cristo. Sa muling pagparito ni Jesus, ang kanilang
pag-asa ay mauuwi lamang sa kabiguan.
Ang nakalaan sa mga maliligtas
Ang lahat ng
maliligtas sa muling pagparito ni Cristo ay isasama Niya sa kahariang Kaniyang
inihahanda (Juan 14:2-3). Ito ang
pangakong kaniyang binitiwan nang Siya ay narito pa sa lupa.
Ang
paninirahan sa tahanang inihahanda ng Panginoon ay napakadakilang biyaya
sapagkat ibang-iba ang uri ng pamumuhay doon kaysa buhay sa kasalukuyang
daigdig:
“At nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa: sapagka't ang unang langit at ang unang lupa ay naparam; at ang dagat ay wala na.
“At nakita ko ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios, na nahahandang gaya ng isang babaing kasintahan na nagagayakang talaga sa kaniyang asawa.
“At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa luklukan, na nagsasabi, Narito, ang tabernakulo ng Dios ay nasa mga tao, at siya'y mananahan sa kanila, at sila'y magiging mga bayan niya, at ang Dios din ay sasa kanila, at magiging Dios nila:
“At papahirin niya ang bawa't luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na.” (Apoc.
21:1-4)
Maluwalhati
ang uri ng buhay at pamumuhay ng mga maliligtas at makararating sa Bayang
Banal. Ang biyayang ito ay nakalaan sa
mga mapapalad na naghihintay sa ikalawang pagparito ni Jesus. Ang sa kanila ay isang mapalad na
paghihintay!
Pamphlets/Pasugo God’s
Message/August 2001, Pages 21-22