Sinong Tao Ang
Kalarawan Ng Diyos?
Sinulat ni LLOYD I. CASTRO
IKAW, AKO, maging ang ating kapwa ay hindi kabilang sa
tinatawag na animal kingdom. Tayong mga tao ay iba sa hayop.
Isa sa mga
itinuturo sa paaralan ngayon ay ang paniniwalang ang tao ay kabilang sa animal kingdom bagama’t ito raw ang nasa
pinakamataas na uri. Ang paniniwalang
ito ay nakaugnay o nakasalig sa teorya ng ebolusyon.
Gustong
isulong at patunayan ng teoryang ito na ang lahat ng mga bagay ay bunga ng
katalagahan lamang. Ang tao raw ay
nakarating sa gayong kalagayan mula sa mas mababang uri ng pag-iral—galing siya
sa isang ninuno na ninuno rin ng unggoy, bunga ng natural selection o pag-aangkop ng sarili sa kapaligiran upang mag-survive o mabuhay.
Ang epekto sa
marami nang kanilang marinig o malaman ang teorya ng ebolusyon ay ang
pag-aalinlangan nila sa tunay na pinagmulan ng tao. Totoo nga bang ang
mga bagay, kabilang na ang tao, ay bunga lamang ng katalagahan at siya ay
kabilang sa animal kingdom?
Kung lubos
tayong sumasampalataya na ang Biblia ay katotohanan yayamang ito ay salita ng
Diyos (Juan 17:17; II Tim. 3:15), hindi tayo malilito o mag-aalinlangan pa kung
totoo nga o hindi na ang pagkakaroon ng tao at ng iba pang bagay na may buhay
ay bunga ng ebolusyon. Tiyak nating
hindi ito totoo, bagkus ito ay maling paniniwala sapagkat nilalabag nito ang
pagtuturo ng Banal na Kasulatan na lahat ng bahay ay may nagtayo at ang nagtayo
o gumawa ng daigdig na ating tahanan at lumalang ng lahat ng bagay rito ay ang
Diyos na makapangyarihan sa lahat (Heb. 3:4; Isa. 45:18).
Bukod sa
itinuturo ng Biblia na may Makapangyarihang Diyos na lumalang, pinatutunayan
din nito na iba ang tao sa hayop.
Pagkakaiba ng tao sa hayop
Malinaw na ipinakikita ng Biblia ang malaking kaibahan ng
tao sa hayop. Narito ang ilan:
Una,
magkabukod ang paglalang sa dalawang ito.
Nang lalangin ang lahat ng uri ng hayop ay hindi kasama ang tao: “Sinabi ng
Diyos: ‘Magkaroon ng lahat ng uri ng hayop sa lupa—maaamo, maiilap,
malalaki at maliliit.’ At gayon nga ang
nangyari. Nilikha nga niya ang lahat ng
ito, at siya’y lubos na nasiyahan nang mamasdan ang mga ito. Pagkatapos
likhain ang lahat ng ito, sinabi ng Diyos:
‘Ngayon, lalangin natin ang tao’ …” (Gen 1:24-26, Magandang Balita Biblia)
Pangalawa,
nilalang ang tao na kalarawan ng Diyos, samantalang ang hayop ay hindi: “At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae.” (Gen. 1:27)
At, ang tao ay
may kapangyarihan sa mga hayop: “At sinabi ng Dios, Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis: at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop, at sa buong lupa, at sa bawa't umuusad, na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa.”
(Gen. 1:26)
Kaya iba ang
tao sa hayop. Ang tao ay hindi kabilang
sa mga hayop.
Kalarawan sa kabanalan at pag-ibig
Nilalang ng Diyos ang tao upang maging kalarawan Niya sa
kabanalan at pag-ibig:
“Ayon sa pagkapili niya sa atin sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo'y maging mga banal at mga walang dungis sa harapan niya sa pagibig.” (Efe. 1:4).
“Ayon sa pagkapili niya sa atin sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo'y maging mga banal at mga walang dungis sa harapan niya sa pagibig.” (Efe. 1:4).
Hindi sa likas
na kalagayan kalarawan ng Diyos ang tao.
Ang Diyos ay espiritu—walang laman at buto, walang materyal na anyo—di
gaya ng tao na nagtataglay ng mga ito (Juan 4:24; Lucas 24:39). Manapa, sa lahat ng nilalang ng Diyos, ang
tao ang pinili Niya upang maging kalarawan Niya sa kabanalan at pag-ibig.
Hinahanap ng
Diyos na magpakabanal ang tao sapagkat Siya na Lumalang ay banal (I Ped.
1:15-16). Nais Niyang ang tao ay umibig,
unang-una na sa Kaniya, sapagkat Siya’y pag-ibig (Mar. 12:30; I Juan 4:16).
Kaya, sa pagkapanukala at pagkakalalang ay
iba ang tao sa hayop. Hindi nilayon ng
Diyos na ang tao ay maging katulad lamang ng hayop. Nilalang ang tao upang magpakabanal at umibig
sa Diyos.
Ang pagkakatulad sa hayop
Tunay na may pagkakatulad din ang tao sa hayop. Bukod sa parehong may hininga at may laman o
pisikal na anyo, ang isa pang pagkakatulad ng tao sa hayop ay siya’y may
kamatayan din: “Ang
hangganan ng tao at ng hayop ay iisa, kamatayan. Iisa ang kanilang hininga. Ang tao’y wala nang kaibahan sa hayop,
pare-parehong walang kabuluhan” (Ecles. 3:19, MB)
Bagaman ang
tao ang pinili ng Diyos sa lahat ng Kaniyang nilalang upang maglingkod sa
Kaniya (Awit 100:2-3), sa harap Niya ay nawalan ito ng kabuluhan, at katulad ng
hayop, ang tao ay nagkaroon ng kamatayan.
Ang ugat na dahilan ay kasalanan:
“… lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao
sapagkat ang lahat ay nagkasala” (Roma 5:12, MB).
Bago nagkasala
sina Adan at Eva, wala pang kamatayan ang tao.
Pumasok lamang ang kamatayan sa sangkatauhan nang sila ay sumuway sa
utos ng Diyos at nagkasala (I Juan 3:4).
Tinakdaan ng Diyos ng kamatayan ang tao “Sapagka’t
ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan” (Roma 6:23).
Ang
pagkakasala ang kabaligtaran ng pagpapakabanal.
Kaya, dahil sa kasalanan ay nabigo ang tao na makatugon na maging
kalarawan ng Diyos sa pag-ibig at kabanalan:
“Sapagka't ang lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios.” (Roma 3:23).
Dahil dito,
napakalaki ng suliranin ng tao. Nawala
siya sa pagiging kalarawan ng Diyos at nagkaroon na ng kamatayan, hindi lamang
ng pagkalagot ng hininga, kundi ang ikalawang kamatayan sa kaparusahang walang
hanggan sa dagat-dagatang apoy (Apoc. 20:14).
Muling maging kalarawan
Upang maligtas sa parusa ay kailangang makabalik ang tao
sa uring kalarawan ng Diyos. Paano mangyayari ito?
Dapat siyang maging katulad ng larawan ng Anak ng Diyos:
“Sapagka't yaong mga nang una pa'y kaniyang nakilala, ay itinalaga naman niya na maging katulad ng larawan ng kaniyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid” (Roma
8:29).
Ito ay
sapagkat si Jesucristo ang larawan ng Diyos:
“Na siya ang larawan ng Dios na di nakikita, ang panganay ng lahat ng mga nilalang.” (Col. 1:15)
Ayon sa
Biblia, si Cristo lamang ang taong hindi nagkasala (Juan 8:40; I Ped. 2:21-22). Kaya Siya lamang ang nakatupad ng layunin ng
Diyos na ang tao ay maging kauri Niya (Diyos) sa pag-ibig at kabanalan. Ang mga taong larawan ni Cristo, kung gayon,
ang kalarawan ng Diyos.
Magiging
larawan ni Cristo ang tao kung papayag siyang malalang kay Cristo:
“Sapagka't tayo'y kaniyang gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na mga inihanda ng Dios nang una upang siya nating lakaran.” (Efe. 2:10)
“Sapagka't tayo'y kaniyang gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na mga inihanda ng Dios nang una upang siya nating lakaran.” (Efe. 2:10)
Malalalang kay
Cristo ang tao sa paraang ang “dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong
bago” (Efe. 2:15) na binubuo
ni Cristo bilang ulo at ng Iglesia bilang katawan Niya (Col. 1:18). Si Cristo at ang Kaniyang Iglesia ay hindi na
dalawa sa harap ng Diyos kundi iisa na lamang—isang taong bago.
Kaya,
malalalang kay Cristo ang tao kung siya ay magiging bahagi ng isang taong bago
na ang katumbas ay umanib siya sa Iglesia ni Cristo. Larawan ni Cristo ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo sapagkat Siya ang ulo
at ang Iglesia na katawan ay iisang tao lamang sa paningin ng Diyos.
Dahil larawan
na sila ni Cristo, ang mga kaanib ng Iglesia
ni Cristo ay larawan na ng Diyos. Hindi dahil si Cristo ang Diyos kundi dahil si
Cristo, sa Kaniyang pagiging walang kasalanan, ang tanging tao na nakatugon sa
pagiging larawan ng Diyos sa pag-ibig at kabanalan (I Ped. 2:21-22).
Tinubos at binanal
Kailangan ng tao ang Panginoong Jesucristo upang siya’y
mabanal at sa gayo’y maging kalarawan ng Lumalang sapagkat na kay Cristo ang
katubusan: “Sapagkat
hinirang niya tayo sa kanya bago pa nilalang ang sanlibutan, upang maging banal at walang kapintasan sa
kanyang paningin. Sa pag-ibig, tayo’y
kanyang itinalaga sa pagkukupkop bilang kanyang mga anak sa pamamagitan ni
Jesu-Cristo, … sa kanya’y mayroon tayong
katubusan sa pamamagitan ng kanyang dugo, ang kapatawaran ng mga kasalanan,
ayon sa masaganang biyaya ng Dios” (Efe. 1:4-5, New Pilipino Version).
Upang mabanal ang tao, kailangang matubos siya at
mapatawad sa kasalanan sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. Sa gayong paraan, magiging kalarawan na siya
ng Diyos.
Kung na kay Cristo ang katubusan, bakit kailangan pang umanib
sa Iglesia? Sapagkat ang Iglesia
ang tinubos: “Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakainin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28,
isinalin mula sa Lamsa Translation).
Kaya, hindi sapat na tanggapin at
sampalatayanan lamang si Cristo kundi kailangan ding umanib sa Iglesia ni Cristo. Hindi maiiwasan ng sinumang nagnanais mapatawad
sa kaniyang kasalanan na umanib sa Iglesia
ni Cristo sapagkat “maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran”
(Heb. 9:22).
Kung gayon, sa
ganang sarili ng tao, anuman ang kaniyang gawin ay hindi siya mababanal. Sa Iglesia
ni Cristo lamang niya ito matatamo dahil ito ang tinubos at nilinis ng dugo
ni Cristo. Kaya, sa Iglesia ni Cristo
matutupad ang layunin ng Diyos na maging kalarawan Niya ang tao sa kabanalan.
Wala nang kamatayan
Paano ang suliranin sa kamatayan? Abutan man ng kamatayan ang mga kaanib ng Iglesia ni Cristo, nakatitiyak silang
makakasama sa unang pagkabuhay na muli:
“Sapagka't ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli; Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito'y sasa Panginoon tayo magpakailan man.” (I Tes. 4:16-17).
Sa pagbabalik
ng Panginoon sa Araw ng Paghuhukom ay unang bubuhaying muli ang mga “namatay kay Cristo.” Samantala, ang mga aabutang buhay na kay
Cristo ay hindi na makararanas pa ng kamatayan.
Ang mga taong
kay Cristo ay nasa Iglesia na
itinayo Niya at kinikilala Niyang “aking Iglesia” (Mat. 16:18) na tinawag ng mga
apostol na Iglesia ni Cristo: “Magbatian kayo
ng banal na halik. Lahat ng iglesya ni Cristo ay bumabati sa inyo”
(Roma 16:16, NPV).
Kaya, ang mga kay Cristo ay ang mga kaanib
ng Iglesia ni Cristo. Tinitiyak ng Biblia na sila ang maliligtas sa
Araw ng Paghuhukom. Hindi na sila parurusahan
sa ikalawang kamatayan: “Mapalad at
banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na maguli: sa mga ito’y walang kapangyarihan ang ikalawang
kamatayan …” (Apoc. 20:6).
Pasugo God’s Message/October
2010/Pages 21-23/Volume 62/Number 10/ISSN 0116-1636