Huwebes, Enero 1, 2015

Diyos Anak o Anak ng Diyos?

Diyos Anak o Anak ng Diyos?

Sinulat ni GREG F. NONATO

“DIYOS ANAK” ang itinatawag sa Panginoong Jesucristo ng mga nagtataguyod ng doktrina ng Trinidad.  Ang Iglesia Katolika ang isa sa mga nagtuturo na si Cristo ay “Diyos Anak” na nagkatawang-tao. Ganito ang kanilang pahayag:
      
     “Mga kalikasan at Persona ni Cristo.  — Si Jesucristo, ayon sa Katesismong pamilyar sa mga Katolikong Ingles, ay ‘Diyos Anak na ginawang tao alang-alang sa atin’ …” (A Catholic Dictionary, p. 156)
     “34. T. Sino si Jesucristo?
     “S.—Si Jesucristo ay ang Diyos Anak na naging tao.” (Catholic Catechism, Book One, p. 62)

     Subalit tama bang si Cristo ay tawagin na “Diyos Anak”? O ang tamang itawag sa Kaniya ay “Anak ng Diyos”?  Dapat nating maunawaan na magkaiba ng kahulugan ang dalawang terminong ito.  Ang una—“Diyos Anak”—ay nagpapakilala ng likas na kalagayan ng Anak, Siya raw ay Diyos;  samantalang ang pangalawa—“Anak ng Diyos”—ay nagpapakilala ng karapatan at relasyon ni Jesucristo sa Diyos—Siya ay Anak.  Sa Biblia, si Cristo ba ay tinatawag na “Diyos Anak”, o “Anak ng Diyos”?  Tunghayan natin ang ilang talatang sinipi sa Biblia:

-              Ang pagpapakilala kay Cristo ng anghel na si Gabriel—
“At sumagot ang anghel, at sinabi sa kaniya, Bababa sa iyo ang Espiritu Santo, at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataastaasan:  kaya naman ang banal na bagay na ipanganganak ay tatawaging Anak ng Dios.”  (Lucas 1:35)

Ayon sa anghel na si Gabriel, ang ipanganganak ni Maria, na ito nga ay ang Panginoong Jesucristo, ay “tatawaging Anak ng Diyos” at hindi sinabing “tatawaging Diyos Anak.”

-          Ang pahayag ni Apostol Pedro—
“Kaniyang sinabi sa kanila, Datapuwa’t, ano ang sabi ninyo kung sino ako?  At sumagot si Simon Pedro at sinabi, Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay.” (Mat. 16:15-16)

Mapapansin na ang itinugon ni Pedro nang tanungin sila ni Jesus, “Ano ang sabi ninyo kung sino ako?” ay “Ikaw ang Anak ng Dios,” hindi “Ikaw ang Diyos Anak.”

-          Ang pahayag ni Apostol Juan—
“Nguni’t ang mga ito ay nangasulat, upang kayo’y magsisampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Dios; at sa inyong pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kaniyang pangalan.” (Juan 20:31)

Malinaw ang pahayag ni Apostol Juan na dapat sampalatayanan na si Jesus ay “Anak ng Diyos” at hindi sinabing sampalatayanan na si Jesus ay “Diyos Anak.”  Ilan lamang ito sa maraming talata ng Biblia na nagsasaad na si Cristo ay tinawag na “Anak ng Diyos”.

Sa kabilang dako, kahit minsan sa Biblia ay hindi ikinapit kay Cristo ang terminong “Diyos Anak”.  Ganito ang patotoo maging ng iba’t ibang pangkatin ng pananampalataya:

     “Laging binabanggit ng Bagong Tipan ang tungkol sa Anak ng Diyos (gampanin) at hindi kailanman ang tungkol sa Diyos Anak (estado), samakatuwid baga’y ang [tungkol sa Kaniyang] pagiging ganap na kapantay ng Diyos ay hindi kailanman itinuturo sa Bagong Tipan.
     “… Sa mga pormula ng doxologia na madalas gamitin ni Pablo sa pagsisimula o pagwawakas ng kaniyang mga sulat, ang konteksto ay ukol sa liturhiya.  Subalit kahit dito ang Diyos Ama at ang Panginoong Jesucristo  (Galacia 1:3) ay tiyak na hindi tinatawag na Diyos Ama at Diyos Anak.  Para kay Pablo, ang Theos ay nananatiling ultimate horizon para sa pananampalataya sa Christos.  Ang pangunahing layunin ni Pablo sa kaniyang mga sulat ay hindi upang patunayan na Diyos si Jesucristo kundi anyayahan ang mga tao na makibahagi sa pagliligtas na ginawa ng Diyos sa pamamagitan Niya.” (One Christ—Many Religions, p. 122)

     “Sinasabi ng Bagong Tipan na si Jesus ay ang Salita ng Diyos, sinasabi nito na ang Diyos ay na kay Cristo, at sinasabi nito na si Jesus ay ang Anak ng Diyos; subalit hindi nito sinasabi na si Jesus ay Diyos, …” (Honest to God, p. 70)

     Pinatutunayan ng New Catholic Encyclopedia na ang titulong “Diyos Anak” ay ginamit patungkol kay Cristo sa panahong wala na ang mga apostol at ang ibang manunulat ng Bagong Tipan:

     Ang itanong kung ipinakikilala ng bagong Tipan si Jesus bilang Diyos Anak ay katumbas ng pagtatanong tungkol sa kaniyang pagiging ka-esensiya [ng Ama] at paghahanap ng pagpapakilala sa kaniya na nabuo na lamang pagkatapos itong masulat.” (vol. 13, p. 426)

     Kaya, hindi nakapagtataka na ang katagang “Diyos Anak” ay hindi matatagpuan sa bagong Tipan.

Ang pagiging Anak ng Diyos
Inaakala ng iba na si Cristo ay Diyos o Diyos Anak sapagkat maraming ulit na Siya ay tinawag na Anak ng Diyos sa Biblia.  Ang ganitong argumento ay tinututulan ng mga awtoridad ng Iglesia Katolika mismo at maging ng iba pang pangkatin ng pananampalataya:

          “1, 1:  Anak ng Diyos:  paminsan-minsan, ay ginagamit ng mga Judio ang pananalitang ito upang ilarawan ang isang may tanging kaugnayan sa Diyos.  Dahil dito, noong si Jesus ay tawaging Anak ng Diyos sa mga Ebanghelyo Sinoptiko, ay hindi dapat mangahulugan ng Kaniyang pagka-Diyos. …” (Mar. 1:1, salin ni Juan Trinidad, footnote)

     “Sa kabilang dako, ang titulong Anak ng Diyos, ay naghahayag ng pagiging malapit ni Jesus sa Diyos, subalit hindi nangangahulugan ng kaniyang pagiging Diyos, gaya ng iniisip ng marami …” (Catholicism, p. 431)

      “… Ang titulong ‘Anak ng Diyos’ (na katumbas ng ‘Mesias’ at walang kinalaman sa pagka-Diyos) ay naging isa pang paraan ng pagtukoy sa gampanin ni Jesus sa hinaharap, gaya ng titulong ‘Anak ni David’, na nagpapakilala ng kwalipikasyon ni Jesus sa pagiging Mesias, ay ikinapit kay Jesus noong narito pa siya sa mundo.”  (The First Coming:  How the Kingdom of God Became Christianity, p. 188)

     “Sinasabi ng Bagong Tipan na si Jesus ay ang Salita ng Diyos, sinasabi nito na ang Diyos ay na kay Cristo, at sinasabi nito na si Jesus ay ang Anak ng Diyos; subalit hindi nito sinasabi na si Jesus ay Diyos …” (Honest To God, p. 70)

     Bakit makatuwiran lamang na tutulan ang sinasabing ang katawagang “Anak ng Diyos” ay katibayang si Cristo ay tunay na Diyos o Diyos Anak?  Sapagkat ang katawagang “anak ng Diyos” ay hindi lamang kay Cristo itinatawag o ikinakapit.  Sinu-sino pa ang mga tinatawag sa Biblia na “anak ng Diyos”?

-           Ang mga anghel:
“Nang magsiawit na magkakasama ang mga bituin pang-umaga.  At ang lahat ng mga anak ng Dios ay naghihiyawan sa kagalakan?”  (Job 38:7)

-          Ang lahi ni Set:
“Na nakita ng mga anak ng Dios, na magaganda ang mga anak na babae ng mga tao; at sila’y nangagsikuha ng kanikaniyang asawa sa lahat ng kanilang pinili.” (Gen. 6:2)

-          Ang mga sumampalataya
“Sapagka’t kayong lahat ay mga anak ng Dios, sa pamamagitan ng pananampalatayaa, kay Cristo Jesus.” (Gal. 3:26)
     (Tingnan din ang Roma 8:14, Juan 1:12, at I Juan 3:1)

     Ang ekspresyong “Anak ng Diyos” na itinatawag kay Cristo ay hindi dapat ipakahulugan na si Cristo ay tunay na Diyos o Diyos Anak sapagkat kung magkagayon ay lilitaw na ang mga anghel, ang lahi ni Set, at ang mga tunay na sumampalataya kay Cristo ay mga tunay na Diyos din, sapagkat sila man ay tinatawag na mga anak ng Diyos.

     Hindi ginamit sa Bagong Tipan ang mga salitang “Diyos Anak” sapagkat hindi naniwala ang mga manunulat ng Bagong Tipan at mga unang Cristiano na Diyos ang Panginoong Jesucristo—ito ay pinatutunayan ng Iglesia Katolika at maging ng mga Protestante.

-          Patotoo ng paring Katoliko—
“Ang katangi-tanging aspeto ng ganitong paninindigan ay ito:  hindi naranasan ng mga apostol at ng mga unang Cristiano si Jesus bilang Diyos na nasa anyong tao o bilang Diyos na nagpanggap na tao (ito ang isang dahilan kung kaya’t itinakuwil ng unang Iglesia ang mga kathang-isip at kakatwang pala-palagay sa talambuhay ni Jesus).  Naranasan nila siya bilang tao.  Siya’y totoong-totoo sa kaniyang buhay, tunay na tunay na tao sa kaniyang espiritu, at lubhang nakahihikayat sa kaniyang pananalita kung kaya’t siya’y kanilang sinampalatayanan.  Naramdaman nila na anuman ang tunay na buhay ng tao, si Jesus bilang tao ang naghayag ng buhay na iyon.” (The Emerging Church, Part One, pp. 27, 29)

-          Patotoo ng teologong Protestante—
“… Binabasa natin ang mga Ebanghelyo at ang aklat ng mga Gawa sa liwanag ng ating pagkaunawa sa pre-eksistensiya at sa pagkakatawang-tao ng Diyos Anak.  Subalit, ang mga unang Cristiano ay walang anumang gayong konsepto sa kanilang mga isipan.  Wala silang doktrina tungkol sa pagka-Diyos ni Cristo …” (The Young ChurchActs of the Apostles, p. 48)

     “… Bagaman ang mga mananampalatayang Judiong ito na nagsasalita ng Aramaiko ay nakita si Jesus bilang propeta ng Diyos, hindi nila ipinalagay na siya ay likas na Diyos (ontologically divine). (The First Coming:  How the Kingdom of God Became Christianity, p. 13)

     Inaamin ng mga awtoridad-Katoliko at Protestante na ang kanilang paniniwala na Diyos ang Panginoong Jesucristo ay hindi tinaglay ng mga manunulat ng Bagong Tipan at mga unang Cristiano.  Wala, bagkus ay salungat sa Biblia, ang paniniwala na si Cristo ay “Diyos Anak”.

Nota:  Ang mga sinipi mula sa mga reperensiyang Ingles ay isinalin sa Filipino.  Sadyang nilagyan ng diin ng may akda ang ilang bahagi ng mga siniping talata ng Biblia at mga reperensiya.)

Pasugo God’s Message/January 2006/Pages 21-23/Volume 58/Number 1/ISSN 0116-1636