Ang Likas na Kalagayan ni Cristo
Ang pinagmulan ng aral na si Cristo ay Diyos
(Ikawalong Bahagi)
SA NAKARAANG LATHALA ay inilahad dito ang mga patotoo na ang orihinal na paniniwala ng mga unang Cristiano tungkol kay Cristo ay Siya’y tao at hindi Diyos. Ngayon naman ay mahalagang maliwanagan kung paano nabuo ang lumaganap na aral na si Cristo ay Diyos.
Ayon sa paring Jesuita na si Pedro Sevilla, utay-utay na binalangkas ng Iglesia Katolika ang paniniwalang si Cristo Jesus ay Diyos:
“Ipinahayag ng ilang dalubhasa na utay-utay na binalangkas ng Simbahan ang pananampalataya sa pagka-Diyos ni Jesus sa impluho ng mga ibang relihiyon.” (At Nagsalita ang Diyos sa Pamamagitan ng Kanyang Anak, p. 18)1
Maliwanag sa mga kaanib ng unang Iglesia na iisa lamang ang tunay na Diyos at si Cristo ay ang Kaniyang Anak. Sa paglaganap ng Iglesia ni Cristo sa dako ng mga Gentil o mga pagano – mga taong nasanay sa pagsamba sa diyus-diyusan - may mga nag-akala sa kanila na Diyos si Cristo (The Meaning of the Dead Sea Scrolls, p. 90)2 dahil sa nabalitaan nila ang mga himala at kababalaghang ginawa Niya noong Siya ay narito pa sa lupa. Hindi ito kataka-taka dahil nang makita nilang pinagaling nina Apostol Pablo at Bernabe ang isang lalaking pilay ay napagkamalan din nila na ang mga ito’y diyos na nagkatawang-tao. Tinawag nilang Jupiter si Bernabe at Mercurio si Apostol Pablo (Gawa 14:11-12).
Ang pagsisimula ng maling paniniwala
Nahihiwatigan na ng mga apostol ang pagbabago ng paniniwala tungkol kay Cristo kaya’t si Apostol Pablo ay nagbabala sa mga Cristianong Gentil na nasa Corinto:
“Nguni’t ako’y natatakot, baka sa anomang paraan, kung paanong si Eva ay nadaya ng ahas sa kaniyang katusuhan, ang inyong walang malay at malinis na mga pagiisip na kay Cristo ay pasamain. Sapagka’t kung yaong paririto ay mangaral ng ibang Jesus, na hindi namin ipinangaral, o kung kayo’y nagsisitanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinaggap, o ibang evangelio na hindi ninyo tinanggap, ay mabuting pagtiisan ninyo.” (II Cor. 11:3-4)
Pinangambahan ni Apostol Pablo na ang mga Cristiano ay mahulog sa paniniwala sa ibang Jesus – o sa Jesus na iba sa ipinangaral niya at ng iba pang mga apostol. Ayon na rin sa mga nagsaliksik sa Biblia, makikita rin natin sa mga sulat ni Apostol Juan ang katulad ng ibinabala ni Apostol Pablo. Ayon daw kay Apostol Juan, may mga Cristianong tumanggi sa katotohanang si Cristo ay tunay na tao, na ito ay iba sa orihinal na paniniwala kay Cristo ng mga unang Cristiano:
“Ang unang sulat ni Juan ay nagpapahayag tungkol sa mga dating kabilang sa komunidad na Cristiano ngunit ngayon ay humiwalay na. Tinaggihan nila ang pagiging tunay na tao ni Cristo.” (The History of Christianity, p. 84)3
Pinatunayan din ni Dr. A. Powell Davies sa kaniyang akda na The Meaning of the Dead Sea Scrolls na sa mga Gentil o pagano lumitaw ang isipang Diyos si Cristo:
“Sa panahong ang Cristianismo ay lumaganap sa daigdig ng mga Pagano lumitaw ang ideya na si Jesus ay Tagapagligtas na Diyos.” (p. 90)4
Sa kasaysayan, si Ignacio na naging Obispo ng Antioquia ang pinakaunang tumawag kay Cristo na Diyos sa kaniyang mga sinulat, noong ikalawang siglo:
“Ang mga pinakaunang manunulat pagkatapos ng mga sumulat ng Bagong Tipan, na tinatawag na mga Apostolic Fathers, ang nagpatuloy sa pagbabagong naganap sa huling panahon ng Bagong Tipan na pagtawag kay Cristo na Diyos. Ipinahayag ni Ignacio, na sumulat noong ikalawang siglo sa mga taga-Efeso na ‘si Jesucristong ating Diyos ay isinilang ni Maria’ (Efe 18:2) at ‘ang Diyos ay nagpapakita na ngayon sa anyong tao’ (Efe 19:3).” (Word Become Flesh: Dimensions of Christology, pp. 161-162)5
Ang pagbabago ng pananaw o pagkakilala ng mga Cristianong Gentil tungkol kay Cristo ay nagbunga ng mga pagtatalo na lumaganap hanggang sa siyudad ng Alejandria sa Ehipto. Ito’y pinatutunayan ng kasaysayan:
“Ilang taon bago ito, sa siyudad ng Alejandria sa Ehipto, bumangon ang isang pagtatalo kung si Jesucristo ba ay talagang Diyos o hindi.” (The Story of the Church, p. 30)6
Ang katanungan kung si Cristo ay Diyos o tao ay hindi nagkaroon ng katugunan, kung kaya’t ito ay namalaging katanungan sa loob halos ng tatlong daang taon:
“Ang malaking tanong na bumabagabag sa isipan ng Iglesia sa loob ng halos tatlong daang taon ay kung si Cristo, ang Anak, ay tunay at ganap na Diyos na gaya ng Ama.” (The Church in History, p. 30)7
Naging masalimuot ang pagkakabuo ng aral na si Cristo ay Diyos at hindi naging pinal kundi noon lamang ikaapat na siglo:
“Pagkatapos ng kaniyang pagkamatay, ipinasiya ng kaniyang mga alagad na si Jesus ay Diyos. Ito ay hindi kaagad nangyari; gaya ng makikita natin, ang doktrina na si Jesus ay Diyos na nag-anyong tao ay hindi ganap na nabuo hanggang noong ikaapat na siglo. Ang pagkakabuo ng paniniwalang Cristiano sa Inkarnasyon ay isang unti-unti at masalimuot na proseso. Si Jesus mismo ay tiyak na hindi kailanman nag-angkin ng pagiging Diyos …” (A History of God, p. 81)8
Ang paganong emperador na si Constantino ay nakaalam sa masalimuot na suliranin tungkol sa likas na kalagayan ni Cristo. Siya ang tumawag ng Konsilyo sa Nicea noong 325 A.D.:
“… Nagsimulang makialam si Constantino sa mga bagay ng Iglesia. Ang mga nauna sa kaniya ay nakapangibabaw sa mga relihiyong Romano; kaya sinusundan ni Constantino ang isang pamarisan sa paraang sinubukan niyang pamahalaan ang Iglesia. Isang taon makalipas na maging kaisa-isang pinuno, tinawag ni Constantino ang mga Obispo sa isang konsilyo upang pag-usapan ang isang suliraning humahati sa mga Cristiano na lalong lumigalig sa Silangan.” (The Catholic Church: Our Mission in History, p. 99)9
Si Cristo sa Kredo ng Nicea
Bagaman walang nalalaman sa mga aral tungkol kay Cristo, ginamit ni Constantino ang kaniyang kapangyarihan upang ipatawag ang mga obispo at magtipun-tipon sa Nicea. Ganito ang paglalahad ng paring Katoliko na si Mar D.J. Arenas:
“Nag-alala si Emperador Constantino sa maaaring maging bunga nito sa kaayusan at kalagayang politikal ng kaharian, kaya’t sa bisa ng kanyang kapangyarihan, ipinatawag niya ang mga obispo ng Simbahan. Iminungkahi niyang magtipon ang mga ito sa isang kapulungan na siyang babalangkas sa tunay na aral ng Simbahan tungkol dito. At ang piniling pook para sa kapulungang ito ay ang bayan ng Nicea, sa hilagang bahagi ng Asya Minor. Ito ay naganap noong 325 A.D. na kung saan ay nagkatipon ang humigit-kumulang na 300 obispo.” (Isang Pastol Isang Kawan, p. 17)10
Sinasabi rin ng kasaysayan na noong ipatawag ng paganong emperador ang mga Obispo na magtipon sa Nicea, ang kaniyang liham para sa kanila ay may kasamang regalo at mga pananakot. Ganito ang pahayag ng paring Jesuita na si Pedro Sevilla:
“Tinawag ang Konsilyong ito ni Emperador Constantino sa pamamagitan ng mga sulat na may kasamang regalo, ngunit mga sulat na naglalaman din ng pananakot. Nagkatipon sa Nicea ang mga Obispo, pari, diakono (kasama sa mga ito si Atanasio, mga mananalumpati (rhetoricians), at mga pilosopo (dialecticians: mga laiko na nagpapaupa ng kanilang paglilingkod). Dumating ang Emperador at siya ang namuno.” (Ang Kabanalbanalang Isangtatlo: Ang Diyos ng mga Kristiyano, p. 107)11
Sa Konsilyo ng Nicea ay ipinag-utos ni Emperador Constantino na pagkasunduan ng mga obispong nagpulong na si Cristo ay Diyos:
“Ang Konsilyo ay hindi magkasundo at pagkalipas ng dalawang taon [sic], naiinip sa pagkabalam, lumabas ang Emperador Constantino at nagsalita sa kapulungan, na inutusan silang magkaisa sa pagka-Diyos ni Cristo (paanong maaangkin ng emperador para sa sarili ang pagka-diyos kung itanggi ang sa Tagapagligtas?).” (Challenge of a Liberal Faith, p. 60)12
Tinanggap ng mga obispo ang Kredo ng Nicea dahil na rin sa panggigipit ni Emperador Constantino:
“Sa tag-init ng 325, may tatlong daang delegadong obispo, karamihan ay mula sa Silangan, ang nagtagpo sa Nicea, makatawid ng Bosphorus mula sa Constantinopla, at gawin ang napatanyag na pormula ng Kredo ng Nicea. …
“Ang Kredong ito na nagpatibay dahil sa pamimilit ng emperador, na naghahangad ng kapayapaan, ay di kaagad nakalutas sa mga kaguluhan sa doktrina o nakapagsalba sa kapayapaan.” (Man’s Religions, p. 625)13
Nang mapagtibay ang Kredo, ang pagtanggi na si Cristo ay Diyos ay itinuring na isang krimen laban sa estado:
“Matapos na itong ‘Kredo ng Nicea’ ay hayagang malagdaan ng mga obispo at iproklama ni Constantino, ito ay naging opisyal na kredo para sa lahat ng Cristiano. Ang pagtanggi sa pagka-Diyos ni Cristo sa anumang paraan ay katumbas ng paglalagay ng sarili sa labas ng komunidad ng mga Cristiano at isang krimen sa estado.” (The Emerging Church, Part One, p. 110)14
Sa mga katotohanang ating natunghayan, lalong nagliwanag ang katotohanan na ang paniniwalang si Cristo ay tunay na Diyos ay hindi siyang orihinal na paniniwala ng mga unang Cristiano. Utay-utay na nabuo ang aral na ito noong nasa langit na si Cristo at patay na ang mga manunulat ng Bagong Tipan. Ang aral na ito ay dapat itakuwil at balikan ang orihinal na paniniwala ng mga unang Cristiano na si Cristo ay katangi-tanging tao ngunit hindi Diyos (Gawa 2:22-23, Easy-to-Read Version). (May Karugtong)
Sanggunian
1 Sevilla, Pedro C., S.J. At Nagsalita ang Diyos sa Pamamagitan ng Kanyang Anak. Lunsod ng Quezon: Dalubhasang Panteyolohiya ng Loyola-Pamantasang Ateneo de Manila, 1981.
2 Davies, A. Powell. The Meaning of the Dead Sea Scrolls. USA: Mentor, 1956.
3 “The first letter of John speaks of those who once belonged to the Christian community but now departed. They denied the true humanity of Jesus Christ.” (Dowley, Tim. The History of Christianity. USA: Lion Publishing, 1990.)
4 “It was when Christianity spread out into the Pagan world that the idea of Jesus as a Savior God emerged …” (Davies, op, cit.)
5 “The earliest post-New Testament writers, known as the Apostolic Fathers, continued the development that had emerged in the later New Testament period of calling Jesus God. Ignatius of Antioch, writing in the second century to the Ephesians, declares, ‘Jesus Christ our God was conceived of Mary’ (Eph. 18:2) and, ‘God was now appearing in human form’ (Eph 19:3).” (McDermott, Brian O., S.J. Word Become Flesh: Dimensions of Christology. Makati City, Philippines: St. Pauls, 1997.)
6 “Several years before, in the Egyptian city of Alexandria, a dispute arose over whether or not Jesus Christ was really God.” (Anderson, H. George. The Story of the Church. Philadelphia. USA: Lutheran Church Press, 1966.)
7 “The great question which occupied the mind of the Church for some three hundred years was whether Christ, the Son, was as truly and fully God as the Father.” (Kuiper, B.K. The Church in History. n. p.: Wm. B. Eerdmans Publishing Co., n.d.)
8 “After his death, his followers decided that Jesus had been divine. This did not happen immediately; as we shall see, the doctrine that Jesus had been God in human form was not finalized until the fourth century. The development of Christian belief in the Incarnation was a gradual, complex process. Jesus himself certainly never claimed to be God …” (Armstrong, Karen. A History of God. USA: Ballantine Books, 1993.)
9 “… Constantine began to interfere in Church matters. His predecessors had dominated the Roman religions; so Constantine was following a precedent by trying to run the Church. A year after he became sole ruler, Constantine called the bishops together in a council to discuss a problem that was dividing Christians and was especially troublesome in the East.” (Pluth, Alphonsus. The Catholic Church: Our Mission in History. Minnesota, USA: Saint Mary’s Press, 1985.)
10 Arenas, Mar D.J. Isang Pastol Isang Kawan. Bulacan, Philippines: Guiguinto Press Printing, 1987.
11 Sevilla, Pedro C., S.J. Ang Kabanalbanalang Isangtatlo: Ang Diyos ng mga Kristiyano. Quezon City, Philippines: Loyola School of Theology-Ateneo De Manila University, 1988.
12 “The Council could not agree and after two years [sic], impatient at the delay, the Emperor Constantine appeared and addressed the assembly, ordering them to agree on the divinity of Christ (how could the emperor claim divinity if the Savior’s was denied?)” (Marshall, George N. Challenge of a Liberal Faith. Connecticut. USA: Keats Publishing, Inc. 1980.)
13 “In the summer of 325 some three hundred delegate bishops, mostly from the East, met at Nicea, across the Boshorus from Constantinople, and produced the famous formula of the Creed of Nicaea. …
“This creed adopted under pressure from the emperor, who wanted peace, did not immediately solve the doctrinal difficulties or save the peace.” (Noss, John B. Man’s Religions. New York, USA: The Macmillan Company, 1954.)
14 “Once this ‘Nicene Creed’ had been publicly signed by all the bishops and promulgated by Constantine, it became the official creed for all Christians. To deny the divinity of Christ in any way was to put oneself outside of the Christian community and was a crime against the state.” (Wilkins, Ronald J. The Emerging Church. Part One. Iowa, USA: Wm. C. Brown Company Publishers, 1968.)
May karugtong