Lunes, Enero 5, 2015

Ang Likas na Kalagayan ni Cristo (Huling Bahagi)

Ang Likas na Kalagayan ni Cristo
Ang mga kamaliang ibinunga ng aral na si Cristo ay Diyos (Huling Bahagi)

Published in God's Message (Pasugo) Dec 2007

SA MGA NAKARAANG pagtalakay tungkol sa likas na kalagayan ni Cristo, ay napatunayan na ang aral na si Cristo ay Diyos ay nabuo lamang sa Konsilyo ng Nicea noong 325 A.D. Walang kinalaman si Cristo at ang mga apostol sa pagkakabuo ng aral na ito sapagkat noon ay matagal nang nasa langit si Cristo at matagal na ring patay ang Kaniyang mga apostol. Natiyak din natin na ang orihinal na aral na tinanggap ng mga unang Cristiano ay tao si Cristo. Walang pahayag ang Biblia na si Cristo ay tunay na Diyos. Ang mga katotohanang ito ay sinasalungat ng aral na si Cristo ay Diyos na isang maling aral at katha lamang ng tao.

Ipakikita sa artikulong ito na ang maling aral na si Cristo ay Diyos ay nagbunga ng iba pang mga maling doktrina.

‘Ina ng Diyos’
Ang isa sa mga maling paniniwala o pagkakilala na ibinunga ng pagtuturong si Cristo ay tunay na Diyos ay ang aral na si Maria ay “Ina ng Diyos.” Bakit nagkaroon ng paniniwala na si Maria ay ina ng Diyos? Ganito ang pahayag ng isang aklat-Katoliko:

“77. Bakit ang Banal na Birhen Maria ay Ina ng Diyos?

“Ang Banal na Birhen Maria ay Ina ng Diyos, sapagkat si Jesus, na kaniyang Anak, ay Diyos.” (The Creed, p. 111)1

Kaya raw naging ina ng Diyos si Maria ay sapagkat si Cristo na kaniyang anak ay Diyos. Ang doktrinang si Maria ay ina ng Diyos ay walang saligan sa Biblia. Sa pagtuturo ng Biblia, si Maria ay tinatawag na “ina ni Jesus” (Gawa 1:14) at “ina ng Panginoon” (Lucas 1:43), ngunit walang mababasa na siya ay tinawag na “Ina ng Diyos.” Ito’y pinatutunayan maging ng isang tagapagturong Katoliko, si Juniper B. Carol, O.F.M.:

Walang matatagpuan sa Biblia na ginamit ang ekspresyong ‘Ina ng Diyos’. Binabanggit nito si Maria bilang ‘ina ni Jesus’ at ‘ina ng Panginoon’.” (Fundamentals of Mariology, p. 37)2

Ang doktrina ng Iglesia Katolika na si Maria ay ina ng Diyos ay nabuo lamang sa Konsilyo ng Efeso noong 431 A.D., daan-daang taon na ang nakalipas matapos isulat ang Biblia:

“3. Pangkalahatang Concillo ng Efeso, 431

“Upang mapabulaanan ang erehiyang kristolohikal ni Nestorius, ipinahayag na muli ng consiliong ito ang doktrina sa tunay na pagkatao ni Kristo, at ipinangaral na tunay na Theotokos, Ina ng Diyos, ang Kaniyang ina, ang Banal na Birhen Maria, sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao.” (Ang Aral ni Kristo: Isang Katesismong Katoliko, p. 647)3

Bunga ng doktrinang si Cristo ay tunay na Diyos ay bumangon ang isang maling doktrina sa Konsilyo ng Efeso noong 431 A.D – ang aral na si Maria ay tunay na ina ng Diyos. Bakit natin natitiyak na ito’y maling aral? Sapagkat sa pagsasabing si Maria ay ina ng Diyos, lumilitaw na ang Diyos ay anak ng tao sapagkat si Maria ay isang tao. Ito ay isang pagsalungat sa itinuturo ng Biblia na: “Ang Dios ay hindi tao na magsisinungaling, Ni anak ng tao na magsisisi…” (Blg. 23:19).

Pagkakatawang-Tao (Inkarnasyon)
Ano pa ang kamaliang ibinunga ng pagtuturong si Cristo ay tunay na Diyos? Tunghayan natin ang pahayag ng paring Jesuita na si John Walsh sa kaniyang aklat na This is Catholicism:

“T[anong] 5 Paano naging tao ang Anak ng Diyos?

“Itinuturo ng Iglesia [Katolika] na Siya ay naging tao sa paraang tinaglay niya sa Kaniyang sarili ang kalikasang tao na gaya ng sa atin. Ang pangyayaring ito ay kinikilala bilang Inkarnasyon (Pagkakatawang-tao), na mula sa salitang Latin, na ang literal na kahulugan ay pagpasok sa katawang-laman.” (p. 187)4

Sa aral na ito ng Iglesia Katolika ay sinasabing si Cristo ay umiiral na bilang Diyos bago pa isinilang ni Maria. Ang pagsisilang ni Maria kay Jesus ay ang pagkakatawang-tao raw ng Diyos. Ano ang kamalian ng doktrinang ito ng pagkakatawang-tao o Inkarnasyon? Ganito ang patuloy na pagpapaliwanag ng paring Jesuita:

“T. 8 Nang ang Anak ay maging tao tumigil na ba Siya sa pagiging Diyos?
“Ang Diyos ay hindi kailanman tumitigil sa pagiging Diyos. Sa pagtataglay ng kalikasang tao, kung gayon, ang Anak ay nagpasimulang maging tao habang nagpapatuloy sa pagiging Diyos; Siya ay naging tao bukod pa sa pananatiling Diyos.

“T. 9 Kung gayon, mayroon bang dalawang kalikasan si Jesus?

“Si Cristo ay nagtataglay ng dalawang kalikasan: kalikasang Diyos at kalikasang tao.Siya ay Diyos at tao.” (Ibid., p 188)5

Sinabi ng paring Jesuita na si John Walsh na nang magkatawang-tao ang Diyos bilang si Cristo, hindi nawala ang Kaniyang pagka-Diyos. Kaya, si Cristo raw ay nagtataglay ng dalawang kalikasan – ang kalikasang Diyos at ang kalikasang tao. Dahil dito itinuturo ng Iglesia Katolika na si Cristo ay tunay na Diyos at tunay na tao.

Mayroon daw bang banggit sa Biblia tungkol sa doktrina ng pagkakatawang-tao o inkarnasyon ng Diyos? Tunghayan natin ang isinasaad ng The Harper Collins Bible Dictionary:

Inkarnasyon … isang termino na nangangahulugang ‘pumasok sa o maging laman’. Ito ay tumutukoy sa doktrina Cristiana na ang pre-eksistidong Anak ng Diyos ay naging tao kay Jesus. Ang terminong ito ay wala sa Bagong Tipan, …” (p. 452)6

Maliwanag na wala sa Bagong Tipan ang terminong ‘inkarnasyon’. Ito ay inimbento lamang ni Ireneo:

“… Pinagtumbas ni San Ireneo ang mga terminong laman at tao sa pinakaunang pagsisikap na ipaliwanag ang misteryo ng Inkarnasyon sa isang malinaw na pormula. Sa kaniyang akda na Against the Heresies (Book 3, ch. Xvii, no. 7) sinabi niya na ang pormulang ‘Ang Verbo ay naging laman’ ay nangangahulugang ‘Ang Verbo ay naging tao’. …Sa Kabanata 19, inimbento niya ang ating salitang teknikal na Inkarnasyon, σαρκωσις, yayamang ito ang unang pagkakataong ginamit ang terminong ito.” (What is the Incarnation?, p. 26)7

‘Dalawang Kalikasan sa isang Persona’
Kailan naman nabuo ang doktrinang si Cristo ay nagtataglay ng dalawang kalikasan? Ganito ang paliwanag ng Iglesia Katolika:

“4. Pangkalahatang Concilio ng Chalcedon, 451

“Itinuturo ng conciliong ito na bagaman Diyos at tao si Hesukristo, nananatili pa rin Siya na isang Persona, na ang ibig sabihin, isang personang may dalawang kalikasan, isang makalangit at makalupa.” (Ang Aral ni Kristo: Isang Katesismong Katoliko, p. 647)

Inamin ng paring Katoliko na si Bertrand L. Conway na ang aral tungkol sa dalawang kalikasang nagsama sa isang persona ay hindi mababasa sa Biblia: “Totoo na ang Biblia ay hindi naglalaman ng eksaktong pormulang panteolohiya ng ‘dalawang Kalikasan sa isang Persona’ …” (The Miniature Question Box, p. 47).8

Ang pagkakatawang-tao (Inkarnasyon) at ang doktrina ng Iglesia Katolika na ang dalawang kalikasan ay nagsama sa isang persona nang maganap ang diumano’y pagkakatawang-tao ay maling aral at salungat sa itinuturo ng Biblia. Ang Diyos ay hindi nagbago ni may anino man ng pag-iiba (Mal. 3:6; Sant. 1:17). Ipinahayag din ng Diyos, “ako’y Dios, at hindi tao” (Ose. 11:9) at sa Ezekiel 28:2 ay sinasabing ang tao ay hindi Diyos.

Ang aral na si Cristo ay tunay na Diyos at tunay na tao ay aral lamang ng tao (man-made dogma) na inimbento ni Origen, isa sa mga kinikilalang Church Fathers ng Iglesia Katolika:

“Ang pangunahing awtoridad sa Alejandria nang mga unang araw na yaon ay si Origen na, sa pagtuturo tungkol kay Jesucristo, ay inimbento ang terminong ‘Diyos na tao’ o ‘taong Diyos’.” (Church History in Plain Language, p. 124)9

Namatay raw ang Diyos
Ano pa ang kamaliang ibinunga ng patuturong si Cristo ay tunay na Diyos? Ganito ang sinasabi ng isang aklat-Katoliko: “Namatay at nagpakasakit Siya sa Kanyang kalikasang tao, at Siya ay Diyos, kaya’t masasabi rin natin na nagpakasakit at namatay ang Diyos(Ang Aral ni Kristo: Isang Katesismong Katoliko, p. 88).

Ayon sa aral-Katoliko, dahil si Cristo raw ay Diyos, nang mamatay si Cristo ay namatay daw ang Diyos. Ito ay hindi lamang isang malaking kamalian kundi isang malaking kalapastanganan sapagkat ang tunay na Diyos ay walang kamatayan: “Ngayon sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di nakikita sa iisang Dios, ay ang kapurihan at kaluwalhatian magpakailan kalian man. Siya nawa” (I Tim. 1:17).

Si Cristo ang namatay at hindi ang Diyos. Ito ay pinatutunayan ng Biblia at ng kasaysayan. Ang kamatayan ni Cristo ay isang katunayang hindi Siya ang tunay na Diyos sapagkat ang tunay na Diyos ay hindi kailanman namamatay.

Kaya, dapat paniwalaan ng tao ang mga ipinahayag sa Biblia tungkol sa likas na kalagayan ng ating Panginoong Jesucristo upang hindi siya mahulog sa maraming iba pang kamalian na ibinunga ng maling pagtuturo na si Cristo ay tunay na Diyos.

Sanggunian
1 “77. Why is the Blessed Virgin Mary the Mother of God?
“The Blessed Virgin Mary is the Mother of God because Jesus, her Son, is God.” (Grau, Ma. Veritas, D.S.P. The Creed. Nihil Obstat: Rt. Rev. Msgr. Victor R. Serrano, H.P., Censor. Imprimatur:Rt. Rev. Msgr. Benjamin L. Marino, P.A., Vicar Genera & Chancelor. Pasay, Metro Manila: Saint Paul Publications, n.d.)

2 “The Bible nowhere uses the expression ‘Mother of God’. It refers to Mary as ‘the mother of Jesus’ and ‘the mother of the Lord’.” (Carol, Juniper B., O.F.M. Fundamentals of Mariology. Imprimi Potest: Celsus Wheeler, O.F.M., Provincial. Nihil Obstat: John A. Goodwine, J.C.D., Censor Librorum. Imprimatur: Francis Cardinal Spellman, Archbishop of New York. New York: Benziger Brothers, Inc., 1956.)

3 Ang Aral ni Kristo – Isang Katesismong Katoliko. Salin sa Pilipino ni Bayani Valenzuela, SVD – Mula sa “The Teaching of Christ – A Catholic Catechism for Adults.” Nihil Obstat: Reberendo Laurence Gollner, Censor Librorum. Imprimatur: Leo A. Pursley, D.D., Obispo ng Fort Wayne-South Bend. Quezon City, Philippines: JMC Press, Inc., 1978.

4 “Q. 5 How did the Son of God become man?
“The Church teaches that He became man by taking to Himself a human nature like ours. This event is known as the Incarnation, a word of Latin derivation, which means literally entering-into-fesh.” (Walsh, John., S.J. This is Catholicism. Imprimi Potest: James E. Coleran, S.J., Provincial, New England Province. Nihil Obstat: Alfred R. Julien, J.C.D., Diocesan Censor. Imprimatur: Richard Cardinal Cushing, Archbishop of Boston. New York, USA: Image Books, 1959.)

5 “Q. 8 When the Son became man did He then cease to be God?
“God can never cease to be God. In assuming our human nature, therefore, the Son began to be man while continuing to be God; He became man in addition to remaining God.

“Q. 9 Does Jesus Christ, then, have two natures?
“Christ possesses two natures: divine nature and human nature. He is both God and man.” (Ibid.)

6 “Incarnation … a term meaning ‘to enter into or become flesh’. It refers to the Christian doctrine that the pre-existent Son of God became man in Jesus. The term does not appear in the NT, …” (Achtemeier, Pau J., Gen. Ed. The HarperCollins Bible Dictionary. New York, USA: HarperCollins Publishers, 1985, 1996.)

7 “… St Irenaeus identified the terms flesh and man in the earliest effort to express the mystery of the Incarnation in clear formula … In his Against the Heresies (Book 3, ch. xviii, no. 7) he stated that the formula ‘The Word was made flesh’ means that ‘The Word was made man’ … In chapter xix he coins our technical word Incarnation, σαρκωσις, this being the first time that the term was used.” (Ferrier, Francis, What is the Incarnation? Translated from the French by Edward Sillem. Nihil Obstat: Daniel Duivestejin, S.T.D., Censor Deputatus. Imprimatur: E. Morrogh Bernard, Vicarius Generais, Westmonasterii. New York: Hawthorn Books, Inc., 1962.)

8 “It is true that the Bible does not contain the precise theological formula of ‘two Natures in one Person’ …” (Conway, Bertrand L. The Miniature Question Box. Nihil Obstat: John A. Goodwine, J.C.D., Censor Librorum, Imprimatur: Francis Cardinal Spellman, Archbishop of New York. New York: Paulist Press, 1962.)

9 “The early leading voice at Alexandria was Origen, who, in speaking of Jesus Christ, coined the term ‘God-man’.” (Shelley, Bruce L. Church History in Plain Language. Dallas, Texas, USA: Word Publishing, 1982.)