Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Jesucristo. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Jesucristo. Ipakita ang lahat ng mga post

Martes, Mayo 17, 2016

ANG PAGKAKAIBA NG KAPANGYARIHAN NG DIYOS SA KAPANGYARIHAN NI CRISTO

ANG PAGKAKAIBA
NG KAPANGYARIHAN NG DIYOS
SA KAPANGYARIHAN NI CRISTO

NI DANIEL J. LAPID SR.


ANG PANGINOONG Jesucristo ay binigyan ng Diyos ng kapangyarihan na dahil dito’y nakagawa Siya ng mga kamangha-manghang gawa.  Subalit, may pagkakaiba ang kapangyarihang taglay Niya sa kapangyarihang nasa Diyos.  Mahalagang maunawaan ang kaibahan ng kapangyarihan ng Diyos sa kapangyarihan ni Cristo sapagkat may mga nag-aakalang si Cristo ay Diyos dahil sa taglay Niyang kapangyarihan.  Mapanganib ang magtaglay ng maling pagkakilala o maling pananampalatayang gaya nito sapagkat ito ay ikapapahamak.

ANG KAPANGYARIHAN NG DIYOS
Paano malalaman ng tao na mayroon ngang tunay na Diyos at ano ang katangian Niya ayon kay Apostol Pablo?  Sa kaniyang sulat sa mga Cristiano sa Roma ay ganito ang sinabi niya:

“Sapagka't ang nakikilala tungkol sa Dios ay hayag sa kanila; sapagka't ito'y ipinahayag ng Dios sa kanila.

“Sapagka't ang mga bagay niyang hindi nakikita buhat pa nang lalangin ang sanglibutan ay nakikitang maliwanag, sa pagkatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa niya, maging ang walang hanggan niyang kapangyarihan at pagka Dios; upang sila'y walang madahilan. (Roma 1:19-20)

     Ayon kay Apostol Pablo, taglay ng tunay na Diyos ang walang hanggang kapangyarihan dahil sa Siya ay makapangyarihan sa lahat (Gen. 17:1).  Ito ay nahahayag sa pamamagitan ng mga bagay na Kaniyang ginawa.  Halimbawa nito ay ang mga bagay na nasa sangkalangitan—ang araw, buwan, at mga bituin—at ang mga bagay sa lupa—mga halaman, hayop, bundok, karagatan, at marami pang iba.  Sa Deuteronomio 3:24 ay ipinakilala ni Moises ang walang hanggang kapangyarihan ng tunay na Diyos:

     “Oh Panginoong Dios, iyong minulang ipinakilala sa iyong lingkod ang iyong kadakilaan at ang iyong kamay na makapangyarihan: ano ngang Dios sa langit o sa lupa ang makagagawa ng ayon sa iyong mga gawa, at ayon sa iyong mga makapangyarihang kilos?

     Pinatunayan ni Moises na walang ibang Diyos sa langit at sa lupa na makagagawa ng katulad ng ginawa ng Diyos.  Walang sinuman na makatutulad o makapapantay sa mga bagay na ginawa Niya.

     Sa paglalang ng Diyos ng lahat ng bagay, mayroon ba Siyang katulong o kasangguni?  Sa Isaias 40:13-14 ay ganito ang nasusulat:

     “Sinong pumatnubay ng Espiritu ng Panginoon, o parang kaniyang kasangguni ay nagturo sa kaniya?

     “Kanino siya kumuhang payo, at sinong nagsaysay sa kaniya, at nagturo sa kaniya sa landas ng kahatulan, at nagturo sa kaniya ng kaalaman, at nagpakilala sa kaniya ng daan ng unawa?

     Nang lalangin ng Diyos ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa ay wala Siyang katulong o kasangguni; walang nagturo ni nagpayo man sa Kaniya.  Siya lamang mag-isa ang lumalang ng lahat ng bagay.  Ito ang mismong pinatunayan ng Makapangyarihang Diyos:

     “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng iyong Manunubos, at niyang naganyo sa iyo mula sa bahay-bata, Ako ang Panginoon na gumagawa ng lahat na bagay; na naglaladlad, na magisa ng langit; na naglalatag ng lupa.” (Isa. 44:24)

     Ang Diyos lamang ang lumikha ng lahat ng bagay; Siya lamang mag-isa at wala Siyang katulong sapagkat maliban sa Kaniya ay walang sinumang makagagawa ng lahat ng Kaniyang ginawa.  Wala ring maitutulad o maiwawangis sa Kaniya:

     "Kanino nga ninyo itutulad ang Dios? o anong wangis ang iwawangis ninyo sa kaniya?" (Isa. 40:18)

     Hindi mapapantayan ninuman ang Panginoong Diyos sa kapangyarihan, katangian, kalakasan, at karunungan.  Kahit ang mga bagay na Kaniyang ginawa ay hindi maaaring tularan o pantayan ng kahit na sino.


ANG KAPANGYARIHAN NI CRISTO
Ang Panginoong Jesucristo ay taong nagtataglay ng napakalaking kapangyarihan.  Sa Lukas 4:36 ay sinasabi:

     “At silang lahat ay nangagtaka at nagsalitaan ang isa't isa, na nangagsasabi, Anong salita kaya ito? sapagka't siya na may kapamahalaan at kapangyarihan ay naguutos sa mga karumaldumal na espiritu, at nagsisilabas sila.

    Dahil sa kapangyarihan at kapamahalaan ng Panginoong Jesucristo ay nakagawa Siya ng maraming kamangha-manghang bagay.  Halimbawa, kapag Kaniyang pinagwikaan ang masasamang espiritu ay lumalabas ang mga ito mula sa mga taong kanilang inaalihan.  Bukod dito, nakapagpadilat si Jesus ng bulag, nakapagpalakad ng pilay, nakapagpagaling ng ketongin, nakapagpabangon ng patay, at marami pang iba:

     “Nang marinig nga ni Juan sa bilangguan ang mga gawa ni Cristo, ay nagpasugo siya sa pamamagitan ng kaniyang mga alagad,

     “At sinabi sa kaniya, Ikaw baga yaong paririto, o hihintayin namin ang iba?

     “At sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Magsiparoon kayo at sabihin ninyo kay Juan ang mga bagay na inyong nangaririnig at nangakikita:

     “Ang mga bulag ay nangakakakita, ang mga pilay ay nangakalalakad, ang mga ketongin ay nangalilinis, at ang mga bingi ay nangakaririnig, at ang mga patay ay ibinabangon, at sa mga dukha ay ipinangangaral ang mabubuting balita. (Mat. 11:2-5)

     Ang mga himalang ito na nagawa ng Panginoong Jesucristo ay tunay na kamangha-mangha.  Ngunit ang mga ito kaya ay nagawa Niya dahil sa Kaniyang sariling kapangyarihan?  Ganito ang sagot ng Biblia:

     “Sa makatuwid baga'y si Jesus na taga Nazaret, kung paanong siya'y pinahiran ng Dios ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan: na naglilibot na gumagawa ng mabuti, at nagpapagaling sa lahat ng mga pinahihirapan ng diablo; sapagka't sumasa kaniya ang Dios.(Gawa 10:38)

     Kung nagawa man ng Panginoong Jesucristo ang mga himala, ito’y hindi dahil sa Kaniyang sariling kapangyarihan kundi dahil pinahiran Siya ng Diyos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan.  Ang kapangyarihang taglay Niya ay ipinagkaloob sa Kaniya ng Diyos.  Kinasangkapan Siya ng Diyos upang gumawa ng makapangyarihang mga gawa.  Subalit, iba ang Diyos na gumagawa ng makapangyarihang gawa at ang Panginoong Jesucristo na Kaniyang kinasangkapan.  Kaya, hindi dahil sa nakagawa ng mga himala ang Panginoong Jesus ay masasabi nang Siya ay Diyos.  Siya ay pinagkalooban lamang ng Diyos ng kapangyarihan.

HINDI LAMANG SI CRISTO
Hindi lamang ang Panginoong Jesucristo ang pinagkalooban ng Diyos ng kapangyarihan.  Maging ang mga apostol at mga alagad ay pinagkalooban ng Diyos ng kapangyarihan upang makagawa ng mga kababalaghan o makapangyarihang gawa, gaya ni Apostol Pablo:

     “At sa Listra ay may isang lalaking nakaupo, na sa mga paa'y walang lakas, pilay mula pa sa tiyan ng kaniyang ina, na kailan ma'y hindi nakalakad.

     “Narinig nitong nagsasalita si Pablo: na, nang titigan siya ni Pablo, at makitang may pananampalataya upang mapagaling,

     “Ay nagsabi ng malakas na tinig, Magtindig kang matuwid sa iyong mga paa. At siya'y lumukso at lumakad. (Gawa 14:8-10)

     “At sa pamamagitan ng mga kamay ng mga apostol ay ginawa ang maraming tanda at kababalaghan sa gitna ng mga tao: at nangaroon silang lahat na nangagkakaisa sa portiko ni Salomon.

     “At gumawa ang Dios ng mga tanging himala sa pamamagitan ng mga kamay ni Pablo:

     “Ano pa't ang mga panyo o mga tapi na mapadaiti sa kaniyang katawan ay dinadala sa mga may-sakit, at nawawala sa kanila ang mga sakit, at nangagsisilabas ang masasamang espiritu. (Gawa 5:12; 19:11-12)
     Pinagkalooban ng Diyos si Apostol Pablo ng kapangyarihan upang makapagpalakad ng pilay, makapagpagaling ng mga maysakit, at makapagpalayas ng masasamang espiritu mula sa mga inaalihan nito.
     Ganito rin ang nasumpungan sa alagad na si Esteban:
     “At si Esteban, na puspos ng biyaya at ng kapangyarihan, ay gumawa ng mga dakilang kababalaghan at mga tanda sa mga tao.(Gawa 6:8)
     Kung sasabihin na ang Panginoong Jesucristo ay Diyos dahil sa mga kababalaghang Kaniyang ginawa, mapipilitang tanggapin na ang  mga lingkod ng Diyos na nakagawa rin ng mga himala gaya nina Moises, ang mga apostol, at si Esteban ay mga diyos din.  Ang ganitong konklusyon ay maling-mali at salungat sa pagtuturo ng Biblia na iisa lamang ang Diyos, ang Ama (Mal. 2:10)
     Bagaman ang mga unang lingkod ng Diyos, mga apostol, at mga alagad ay nakagawa ng makapangyarihang gawa, hindi nila ito nagawa sa ganang kanilang sarili.  Bagkus, ang Diyos na Siyang nagbigay ng kapangyarihan kay Cristo ang pinapatunayan nilang Siyang tuwirang may gawa ng mga ito:
     “At nang makita ito ni Pedro, ay sumagot sa mga tao, Kayong mga lalaking taga Israel, bakit kayo'y nagsisipanggilalas sa taong ito? o bakit kami ang inyong tinititigan, na sa inyong akala ay dahil sa aming sariling kapangyarihan o kabanalan ay aming napalakad siya?

     “Ang Dios ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob, ang Dios ng ating mga magulang, ay niluwalhati ang kaniyang Lingkod na si Jesus; na inyong ibinigay, at inyong tinanggihan sa harap ni Pilato, nang pasiyahan nito na siya'y pawalan.(Gawa 3:12-13)

SI CRISTO BA AY DIYOS?
     Maling isipin na si Cristo ay Diyos dahil sa Siya ay nagtataglay ng kapangyarihan.  Ipinakilala mismo ni Jesus na Siya ay tao sa kalagayan:

     “Datapuwa't ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyo'y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios: ito'y hindi ginawa ni Abraham.(Juan 8:40)

     Bagaman nagtataglay ng kapangyarihan, nagpakilala ang Panginoong Jesucristo bilang tao at hindi Diyos.

     Hindi kailanman naging Diyos ang tao (Ezek. 28:2) at hindi rin naging tao ang Diyos (Ose. 11:9).  Kung idaragdag pa rito ang pahayag ni Cristo na sinipi sa itaas ay lalong napatutunayang hindi Siya Diyos.  Sinabi Niyang ang katotohanang Kaniyang isinaysay ay narinig Niya sa Diyos.  Dapat mapansin na magkaiba ang nakarinig kaysa kinaringgan.

     Ipinagtapat din ng Panginoong Jesucristo na wala Siyang magagawa sa ganang Kaniyang sarili:

    Hindi ako makagagawa ng anoman sa aking sarili: humahatol ako ayon sa aking naririnig: at ang paghatol ko'y matuwid; sapagka't hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin. (Juan 5:30)

     Ang Panginoong Jesucristo ay hindi makapangyarihan sa lahat na tulad ng Ama.  Sa ganang Kaniyang sarili ay wala Siyang magagawa, samantalang ang Ama ay hindi nangangailangan ng sinumang katulong upang Kaniyang gawin ang anumang bagay na Kaniyang naisin.

     Bukod dito, pinatunayan ni Jesus ang higit na katangian ng Panginoong Diyos kaysa Kaniya:

     “Narinig ninyo kung paanong sinabi ko sa inyo, Papanaw ako, at paririto ako sa inyo. Kung ako'y inyong iniibig, kayo'y mangagagalak, dahil sa ako'y pasasa Ama: sapagka't ang Ama ay lalong dakila kay sa akin. (Juan 14:28)

     Sinabi ni Cristo na ang Ama ay lalong dakila sa Kaniya.  Kung ang Panginoong Jesucristo ay Diyos sa kalagayan, lumilitaw na dalawa ang Diyos—isang dakila at isang mas lalong dakila.  Ito ay labag sa aral ng Panginoong Jesucristo na iisa lamang ang tunay na Diyos—ang Ama lamang (Juan 17:1, 3)

     Pinatunayan ni Apostol Pablo ang kaibahan ng kapangyarihan ni Cristo sa kapangyarihan ng Diyos nang sabihin Niya ang ganito:

     “Sapagka't kaniyang pinasuko ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kaniyang paa. Datapuwa't kung sinasabi, ang lahat ng mga bagay ay pinasuko, ay maliwanag na itinangi yaong nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa kaniya.

     “At kung ang lahat ng mga bagay ay mapasuko na sa kaniya, kung magkagayo'y ang Anak rin ay pasusukuin naman sa nagpasuko ng lahat ng mga bagay sa kaniya, upang ang Dios ay maging lahat sa lahat.(I Cor. 15:27-28)

     Pasusukuin ng Diyos ang lahat ng bagay kay Cristo na Kaniyang Anak.  Pagkatapos ay si Cristo naman ang pasusukuin sa Diyos upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.  Dito ay malinaw na iba ang Panginoong Jesucristo sa tunay na Diyos.  Pinatutunayan din ni Apostol Pablo na hindi si Cristo ang makapangyarihan sa lahat na siyang katangian ng tunay na Diyos.

     Dapat makilala ang tunay na Diyos—ang Ama na nasa langit na Siyang lumalang ng lahat ng bagay.  Dapat ding makilala si Cristo, Anak ng Diyos na binigyan ng katangiang higit sa karaniwang tao.  Ang tunay na Diyos ang Manlalalang samantalang si Cristo ay nilalang, subalit binigyan ng Diyos ng kapangyarihan upang makagawa ng mga himala at makapangyarihang gawa.  Subalit, nananatiling tao sa kalagayan ang Panginoong Jesus; hindi Siya Diyos. *

Kinopya mula sa PASUGO GOD’S MESSAGE | AUGUST 1999 | VOLUME 51 | NUMBER 8 | PAGES 14-16 


SI CRISTO BA ANG TUNAY NA DIYOS?

SI CRISTO BA ANG TUNAY NA DIYOS?
Ni Teofilo C. Ramos Sr.


ANG NAKARARAMI SA mga pangkatin ng relihiyon o iglesia na nagsasabing sila’y Cristiano ay naniniwala na si Cristo ay tunay na Diyos.  Ang mga relihiyong ito ay gumagamit ng mga talata sa Biblia na diumano’y nagpapatunay na si Cristo ay Diyos.  Upang malaman natin kung tama ang paniniwala nilang ito tungkol sa likas na kalagayan ng Panginoong Jesucristo ay dapat nating suriin ang mga talata sa Banal na Kasulatan na kanilang pinagbabatayan.

      Ang isa sa mga talata ng Biblia na kanilang pinagbabatayan ay ang COLOSAS 2:9 ng saling New Pilipino Version na ganito ang sinasabi:

     “Pagkat na kay Cristo ang buong kalikasan ng Dios nang siya’y magkatawang-tao.”

     Binabanggit sa talatang ito na ang buong kalikasan ng Diyos ay na kay Cristo nang Siya’y magkatawang-tao.  Mula rito, nabuo ang paniniwala na si Cristo ay Diyos.  Ngunit pag-aralan natin, ano ba ang likas na kalagayan ng Diyos?  Sa Juan 4:24 ay ganito ang patotoo ni Cristo:

     “Ang Dios ay ESPIRITU at ang sasamba sa kanya ay kailangang sumamba sa espiritu at sa katotohanan.” (Ibid.)

     Ang Diyos ay espiritu sa Kaniyang likas na kalagayan.  Ganito rin ba si Jesus?  Noong narito pa Siya sa lupa, ano ang pagpapakilala Niya tungkol sa Kaniyang sarili?  Sa Juan 8:40 ay ganito ang Kaniyang sabi:

     “Ngunit pinagsisikapan ninyong patayin ako na isang TAONG nagnagsabi sa inyo ng katotohanang narinig ko sa Dios.  Ito’y hindi ginawa ni Abraham.” (Ibid.)

     Malinaw ang pagpapakilala ni Cristo na Siya’y isang taong nagsasabi ng katotohanan.  Wala Siyang sinabi na Siya’y Diyos na totoo at taong totoo.  Bagkus, sinabi niyang Siya ay tao.

     Noong si Cristo’y mabuhay na mag-uli at napakita sa mga alagad ay inakala ng huli na ang kanilang nakita ay isang espiritu.  Subalit ang maling akala nilang ito ay itinuwid ng Panginoong Jesucristo mismo:

     “Datapuwa't sila'y kinilabutan, at nangahintakutan, at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu.

     “At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo'y nangagugulumihanan? at bakit nangyayari ang pagtatalo sa inyong puso?

     “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.  (Lu. 24:37-39)

     Kung si Cristo’y tunay na Diyos at espiritu sa kalagayan, sana ay hindi Niya sinansala ang pag-aakala ng mga alagad.  Yaon n asana ang pagkakataon upang sabihin Niyang Siya nga ay espiritu o Diyos.  Ngunit sa halip ay sinaway Niya ang mga alagad sapagkat mali ang kanilang akala.  Ipinakita Niya ang Kaniyang mga kamay at mga paa at sinabing ang isang espiritu ay walang laman at mga buto katulad ng nasa Kaniya.  Hindi tinanggap ni Cristo na Siya’y espiritu, kundi Siya ay may laman at mga buto—hindi Siya Diyos.

     Maging si Apostol Pablo, na tinawag ni Cristo nang Siya’y nasa langit na, ay nagturo na si Cristo ay tao:

     “Sapagkat iisa ang Dios at iisa ang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus.” (I Tim. 2:5, NPV)

     Tiniyak ni Apostol Pablo ang likas na kalagayan ni Cristo:  Siya ay taong Tagapamagitan sa iisang Diyos at sa mga tao.

ANG NAGKATAWANG-TAO
     Binabanggit sa Colosas 2:9 ng New Pilipino Version na si Cristo diumano ay nagkatawang-tao.  Tungkol dito, dapat nating sangguniin ang aral ng Biblia.  Alin o sino ba ang nagkatawang-tao?  

Sa Juan 1:1 at 14 ay ganito ang nakasulat:

     “Sa pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay sumasa-Dios, at ang Salita ay Dios.

     “Nagkatawang-tao ang Salita at tumahan sa gitna natin.  Nakita namin ang kanyang kaluwalhatian, kaluwalhatian ng bugtong na Anak na nagmula sa Ama, puspos ng biyaya at katotohanan.” (NPV)

     Itinuturo ng Biblia na hindi si Cristo ang nagkatawang-tao kundi ang Salita na “sumasa-Diyos.”

     Sa talatang ating sinipi, tinatawag na Diyos ang Salita NiyaBakit tinatawag na Diyos ang Salita?  Sapagkat “walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan” (cf. Luc. 1:37).  Ang salita ng Diyos ay kauri Niya na makapangyarihan (cf. Gen. 17:1)—ang lahat ng Kaniyang sinasabi ay natutupad.

ANG AMA ANG IISANG DIYOS
     Ayon sa ating Panginoong Jesucristo ay iisa ang tunay na Diyos.  Ito’y mababasa sa Juan 17:1 at 3:

     “Pagkatapos masabi ito ni Jesus, tumingala siya sa langit at nanalangin:  ‘Ama’… At ito ang buhay na walang hanggan, na makilala ka nila na iisang tunay na Dios, at si Jesu-Cristo na sinugo mo.” (NPV)

     Malinaw sa panalangin ni Cristo na ang Ama na nasa langit ang iisang tunay na Diyos.  Si Cristo naman ay sinugo o inutusan ng Diyos.  Ang tunay na iisang Diyos ang Siyang nag-uutos o nagsusugo—hindi Siya ang inuutusan o isinusugo.  Kaya, si Cristo na isinugo ay iba sa Diyos na nagsugo sa Kaniya.

     Sa I Corinto 15:27-28 ay itinuro ni Apostol Pablo ang isa pang kaibahan ng Diyos at ni Cristo:

     “Pakat ‘lahat ng bagay ay napasuko na niya sa ilalim ng kanyang mga paa’.  Sa pagbanggit ng lahat ng bagay, maliwanag ng hindi kasama ang Dios na nagpasuko ng lahat ng bagay kay Cristo.  Kung magawa na ang lahat ng ito, ang Anak naman ang paiilalim sa Ama na nagpasuko ng lahat ng bagay sa Anak upang ang Dios ay maging hari ng lahat.” (Ibid.)

     Malinaw sa talatang ito ng Biblia na ang Ama ang nagpasuko ng lahat ng bagay kay Cristo.  Pagkatapos na mapasuko ang lahat kay Cristo, Siya naman ang paiilalim sa Ama upang ang Ama ang maghari sa lahat.  Sa mga talata ring ito sa saling Magandang Balita Biblia ay ganito ang mababasa:

     “Ganito ang sinasabi ng Kasulatan:  ‘Ang lahat ng bagay ay lubusang pinasuko sa kanya ng Diyos’.  (Ngunit sa salitang ‘lahat ng bagay’, maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo.)  At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Cristo, ang Anak naman ang paiilalim sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya.  Sa gayon, lubusang maghahari ang Diyos sa kalahat-lahatan.”

     Ang Diyos—ang Ama—ang makapangyarihan sa lahat.  Si Cristo ay paiilalim sa kapangyarihan ng Ama upang ang Diyos ang lubusang maghari sa kalahat-lahatan.  Kaya, malinaw na hindi maaaring Diyos si Cristo.

     Maliwanag na pinatutunayan ng Biblia na si Cristo ay tao at hindi Diyos.  Batay sa mga katotohanang ito na itinuturo ng Banal na Aklat, natitiyak natin na ang talatang Colosas 2:9 ng New Pilipino Version na pinagbabatayan ng mga nagtuturong si Cristo  ay Diyos ay MALING SALIN.

     Paano natin masusukat kung wasto ang pagkakasalin sa isang talata?  Sa I Corinto 2:13 ay ganito ang pagtuturo ni Apostol Pablo:

     “Na ang mga bagay na ito ay atin namang sinasalita, hindi sa mga salitang itinuturo ng karunungan ng tao, kundi sa itinuturo ng Espiritu; na iniwawangis natin ang mga bagay na ayon sa espiritu sa mga pananalitang ayon sa espiritu.

     Ang mga salita ng Diyos na nakasulat sa Biblia ay magkakawangis.  Ang mga ito ay hindi nagsasalungatan.

     Sa ating pagtalakay, malinaw na magkakawangis ang pagtuturo ng Banal na Kasulatan na tao ang likas na kalagayan ng Panginoong Jesucristo.  Kaya, anumang aral na sumasalungat dito ay mali at hindi dapat paniwalaan ng tao.  *

Kinopya mula sa PASUGO GOD’S MESSAGE | SEPTEMBER 1997 | VOLUME 49  | NUMBER 9 | PAGES 9-10

Emphasis:  Admin.








Martes, Enero 13, 2015

ANG PAGPAPAKILALA NG DIYOS SA KANYANG SARILI

ANG PAGPAPAKILALA NG 
DIYOS SA KANYANG SARILI

AYON sa paksang ating tatalakayin sa paksang ito, ipinakilala ng Diyos ang Kanyang sarili.  Ito na ang pinakadakilang pagpapakilala.  Wala nang hihigit na pagpapakilala tungkol sa Diyos kundi ang pagpapakilala ng Diyos sa Kanyang sarili.  Sinumang magpapakilala sa Diyos nang iba sa pagpapakilala ng Diyos sa Kanyang sarili, ay hindi dapat paniwalaan.  Dapat itakwil ang lahat ng relihiyon na nagpapakilala sa Diyos nang iba sa pagpapakilala ng Diyos.  Kaya napakahalagang pag-aralan ng lahat ng taong maibigin sa katotohanan ang paksang ito, upang makilala nila kung sino sa mga tagapangaral sa kasalukuyan nagpapakilala sa Diyos nang ayon sa pagpapakilala ng Diyos.

ANO ANG PAGPAPAKILALA NG DIYOS SA KANYANG SARILI?

Sa Isa. 46:9-10, ay ganito ang pahayag ng Diyos:

“Inyong alalahanin ang mga dating bagay ng una: sapagka't ako'y Dios, at walang iba liban sa akin; ako'y Dios, at walang gaya ko;

Na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula nang mga unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari; na nagsasabi, Ang payo ko ay mananayo, at gagawin ko ang aking buong kaligayahan.”

Maliwanag sa mga talatang ito ang pagpapakilala ng Diyos sa Kanyang sarili.  Sinabi Niyang Siya’y Diyos, at walang iba liban sa Kanya.  Siya’y Diyos at wala Siyang kagaya.  Siya lamang ang makapagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula ng mga unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari.  Kung may magtuturo na mayroon pang ibang Diyos kay sa Diyos, ito ay bulaan at hindi dapat paniwalaan.  Kung may magtuturo na ang Diyos ay may tatlong personang iba’t iba, at ang pagka-diyos daw ng tatlo ay pare-pareho at wala raw pagkakaungusan sa kapangyarihan at pagka-diyos, ito ay maliwanag na kabulaanan at laban sa pagpapakilala ng Diyos sa Kanyang sarili.  Bakit?  Sapagkat ang sabi ng Diyos, wala nang ibang Diyos liban sa Kanya, at wala Siyang kagaya o kapareho.  Kung may magturo na may iba pang Diyos kay sa Diyos, kikilalanin ba ito ng Diyos?  Sa Isa. 44:8, ay ganito ang sinasabi:

“Kayo'y huwag mangatakot, o magsipangilabot man: hindi ko baga ipinahayag sa iyo nang una, at ipinakilala? at kayo ang aking mga saksi. May Dios baga liban sa akin? oo, walang malaking Bato; ako'y walang nakikilalang iba.”

Dito’y ipinahahayag ng Diyos na wala Siyang nakikilalang ibang  Diyos liban sa Kanya.  Kung may magtuturo na mayroon pang ibang Diyos kay sa Diyos, hindi ito kikilalanin ng Diyos.  Sapagkat Siya lamang ang Diyos,at liban sa Kanya’y wala nang iba.  Kung mayroon namang magtuturo na ang Diyos na totoo ay tao pang totoo, ito ba’y sinasang-ayunan ng Diyos?  Ang sagot ng Diyos ay mababasa natin sa Oseas 11:9:

“Hindi ko isasagawa ang kabangisan ng aking galit, hindi ako babalik upang ipahamak ang Ephraim: sapagka't ako'y Dios, at hindi tao; ang Banal sa gitna mo; at hindi ako paroroon na may galit.”

Maliwanag ang pahayag ng Diyos tungkol sa tunay Niyang kalagayan.  Siya’y Diyos at hindi tao.  Hindi sang-ayon ang Diyos sa pagtuturo ng mga pari, na siyang Diyos na totoo ay maging tao pang totoo.  Laban ang Diyos sa pagtuturong ito.  Pumapayag ba naman ang Diyos na ang taong totoo ay maging Diyos pang totoo?  Sa Ezek. 28:2 ay ganito ang sabi ng Diyos:

“Anak ng tao, sabihin mo sa prinsipe sa Tiro, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sapagka't ang iyong puso ay nagmataas, at iyong sinabi, Ako'y dios, ako'y nauupo sa upuan ng Dios, sa gitna ng mga dagat; gayon man ikaw ay tao, at hindi Dios, bagaman iyong inilagak ang iyong puso na parang puso ng Dios.”
                                                 
Hindi rin sang-ayon ang Diyos na ang taong totoo ay maging Diyos pang totoo.  Ang pagtuturong ito ay laban sa Diyos.  Samakatuwid, ayon sa Banal na Kasulatan, walang Diyos na totoo na tao pang totoo, at walang taong totoo na Diyos pang totoo.  Ang Diyos ay Diyos at hindi tao, at ang tao ay tao at hindi Diyos.  Labag sa pagtuturo ng Diyos ang pagtuturo ng mga paring katoliko at mga pastor protestante.  Ang pagpapakilala nila sa Diyos ay laban sa pagpapakilala ng Diyos sa Kanyang sarili.

NATUTUHAN BA AT NAITURO NI CRISTO ANG
PAGPAPAKILALA NG DIYOS SA KANYANG SARILI
NA WALANG IBA LIBAN SA KANYA?
                                                                 
Ano ang ipinagtapat ng ating Panginoong Jesucristo tungkol sa mga salitang ipinangangaral Niya?  Sa Juan 12:49, ay ganito ang Kanyang ipinahayag:

“Sapagka't ako'y hindi nagsasalita na mula sa aking sarili; kundi ang Ama na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng utos, kung ano ang dapat kong sabihin, at kung ano ang dapat kong salitain.”

Malinaw ang pagtatapat ng ating Panginoong Jesucristo.  Hindi Siya nagsasalita sa Kanyang sarili, kundi ang Amang nagsugo sa Kanya ang nagbigay ng mga utos  na dapat Niyang sabihin at salitain.  At sa Juan 8:28, ay sinabi pa Niya:  “ Sinabi nga ni Jesus, Kung maitaas na ninyo ang Anak ng tao, saka ninyo makikilala na ako nga ang Cristo, at wala akong ginagawa sa aking sarili, kundi sinalita ko ang mga bagay na ito, ayon sa itinuro sa akin ng Ama”.  Ipinagtatapat ng ating Panginoong Jesucristo, na ang Kanyang sinasalita’y yaon lamang ayon sa itinuro sa Kanya ng Ama.  Naliwanagan natin sa unahan nito na ipinakilala ng Diyos ang Kanyang sarili, na Siya lamang ang Diyos at liban sa Kanya ay wala na.  Natutuhan ba ni Cristo at naituro ang pagpapakilala ng Diyos sa Kanyang sarili na walang ibang Diyos liban sa Kanya?  Sa Juan 17:3, ay ganito ang itinuro ng ating Panginoong Jesucristo:

“At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga'y si Jesucristo.”

Sino itong itinuturo ng ating Panginoong Jesucristo na “IKAW AY MAKILALA NILA NA IISANG DIYOS NA TUNAY?  Si Cristo ba ang iisang Diyos na tunay, gaya ng ipinakikilala ng mga pari at mga pastor protestante?  Sa Juan 17:1, ay ganito ang nasusulat:

“Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak.”

Sino ang kausap ng ating Panginoong Jesucristo nang sabihin Niyang “Ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay?”  Ang Ama ang Kanyang kausap.  Ito ang ipinakilala Niyang iisang Diyos na tunay at hindi ang Kanyang sarili.  Samakatuwid, hindi si Cristo ang Diyos na tunay kundi ang Amang nasa langit.  Kailanma’y hindi ipinakilala ni Cristo na Siya ang iisang Diyos na tunay.  Ang ipinakilala Niyang iisang tunay na Diyos ay ang Kanyang Amang nasa langit.  Ito ang nagpapatunay na natuto si Cristo at naituro Niya ang pagpapakilala ng Diyos sa Kanyang sarili na walang iba liban sa Kanya.

Kung hindi ipinakilala ni Cristo kailanman na Siya ang Diyos na tunay, ano ang pagpapakilala Niya sa Kanyang sarili?  Ipinagtapat ba ni Cristo ang Kanyang tunay na kalagayan?  Sa Juan 8:40, ay ganito ang sabi ng ating Panginoong Jesucristo:

“ Datapuwa't ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyo'y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios: ito'y hindi ginawa ni Abraham.”

Ano ang tunay na kalagayan ni Cristo ayon sa Kanyang sariling pagpapakilala?  Sinabi Niyang Siya’y TAO.  Hindi Niya sinabing Siya’y Diyos.  Hindi rin Niya sinabing Siya’y taong totoo at Diyos pang totoo.  Papaano pinatunayan ni Cristo na Siya’y tao at hindi Diyos?  Sa Luc. 24:39, ay ganito ang sabi Niya:

“Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.”

Maliwanag ang sabi ng ating Panginoong Jesucristo.  Siya’y hindi isang Espiritu.  Ang isang Espiritu’y walang laman at mga buto na gaya ng nakikita na nasa Kanya.  Sino ang Espirtu, na walang laman at mga buto?  “Ang Dios ay Espiritu,” ayon sa pagtuturo ng ating Panginoong Jesucristo (Juan 4:24).  Samakatuwid, magkaiba ang kalagayan ng Diyos at ng ating Panginoong Jesucristo.  Ang Diyos ay Espiritu.  Si Cristo ay laman at buto—tao.


NATUTO BA ANG MGA APOSTOL SA ITINURO
NI CRISTO KUNG SINO ANG DIYOS AT KUNG
ILAN ANG DIYOS, AT KUNG SINO SI CRISTO?

Sa I Cor. 8:6, ay ganito ang itinuro ni Apostol Pablo kung sino at ilan ang Diyos:

“Nguni't sa ganang atin ay may isang Dios lamang, ang Ama, na buhat sa kaniya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa kaniya; at isa lamang Panginoon, si Jesucristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo'y sa pamamagitan niya.”

Ilan ang Diyos na itinuro ng mga Apostol?  Iisa.  Sino ang iisang Diyos na itinuro nila?  Ang Ama.  Kung gayon, natuto ang mga Apostol sa itinuro ni Cristo kung ilan at kung sino ang Diyos.  Ayon din sa mga Apostol, isa lamang ang Panginoon, si Jesucristo.  Bakit naging Panginoon si Jesucristo?  Ano ang uri ng Kanyang pagka-Panginoon?  Katulad ba ng pagka-Panginoon ng tunay na Diyos?  Ang pagka-Panginoon ni Cristo’y ginawa lamang ng Diyos (Gawa 2:36), samantalang ang pagka-Panginoon ng Diyos ay katutubo.

Ano naman ang kalagayan ni Cristo ayon sa mga Apostol?  Sa I Tim. 2:5, ay ganito ang itinuro ni Apostol Pablo:

“Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus.”

Sa pagtuturong ito ni Apostol Pablo, maliwanag nating nakikita na siya’y natuto sa itinuro ni Cristo tungkol sa tunay na kalagayan ng ating Panginoon.  Kung papaanong itinuro ni Cristo na Siya’y tao, gayundin ang itinuro ni Apostol Pablo.  Ano naman ang itinuro ni Apostol Juan?  Sa I Juan 4:2 ay ganito ang nasusulat:

“Dito'y nakikilala ninyo ang Espiritu ng Dios: ang bawa't espiritung nagpapahayag na si Jesucristo ay naparitong nasa laman ay sa Dios.”

Pinatutunayan dito ni Apostol Juan na si Cristo’y naparitong nasa laman o tao, may laman at may buto, gaya ng ipinahayag ng ating Panginoon (Luc. 24:39).  At ang nagpapahayag na si Cristo’y naparitong nasa laman o tao, ito ang sa Diyos.  Malinaw kung gayon, na natuto ang mga Apostol sa itinuro ni Cristo tungkol sa kung ano ang tunay Niyang kalagayan.  Kung itinuro ni Cristo na Siya’y tao, may laman at may buto, at ito rin ang itinuro ng mga Apostol, bakit ngayon ay may nagtuturo na si Cristo’y Diyos na totoo?  Saan nagmula ang turong ito?

MAYROON BANG IBINABALA ANG HULA NI
APOSTOL PABLO NA LILITAW NA SIYANG
 MANGANGARAL NG IBANG JESUS?

Sa II Cor. 11:3, 4, ay ganito ang pahayag ni Apostol Pablo sa Iglesia:

“Nguni't ako'y natatakot, baka sa anomang paraan, kung paanong si Eva ay nadaya ng ahas sa kaniyang katusuhan, ang inyong walang malay at malinis na mga pagiisip na kay Cristo ay pasamain.

“Sapagka't kung yaong paririto ay mangaral ng ibang Jesus, na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y nagsisitanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap, o ibang evangelio na hindi ninyo tinanggap, ay mabuting pagtiisan ninyo.”

Ayon sa hulang ito na ibinabala ni Apostol Pablo sa mga kaanib sa Iglesia ni Cristo sa panahon niya, may pariritong magdaraya na mangangaral ng ibang Jesus, na hindi ipinangaral ng mga Apostol, ayon sa kanya, na baka kung paanong si Eba ay nadaya ng ahas, baka sila naman ay madaya rin noong pariritong mangangaral ng ibang Jesus.  Anong uring Jesus ang ipinangaral ng mga Apostol?  Jesus na tao, may laman at may buto, gaya ng pinatutunayan sa mga talatang sumusunod:

“Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus.” (I Tim. 2:5)

“Dito'y nakikilala ninyo ang Espiritu ng Dios: ang bawa't espiritung nagpapahayag na si Jesucristo ay naparitong nasa laman ay sa Dios.” (I Juan 4:2)

“Tingnan ninyo ang aking mga kamay at ang aking mga paa, ako rin nga: hipuin ninyo ako, at tingnan; sapagka't ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin.” (Luc. 24:39)

Maliwanag kung gayon, na ang Jesus na ipinangaral ng mga Apostol ay tao, may laman at may buto.  Ngunit ano naman ang ipinangangaral ng magdaraya?  Ibang Jesus:  Jesus na tunay na Diyos.  Iba ito sa ipinangaral ng mga Apostol.  Kaya’t ang sabi ni Apostol Juan ay ganito:

“Sapagka't maraming magdaraya na nangagsilitaw sa sanglibutan, sa makatuwid ay ang mga hindi nangagpapahayag na si Jesucristo ay napariritong nasa laman. Ito ang magdaraya at ang anticristo.” (II Juan 1:7)




Mga magdaraya at anticristo ang nagtuturong si Cristo’y Diyos.  Ito ang ibang Jesus na hindi ipinangaral ng mga Apostol.  Laban sa pagtuturo ni Cristo ang pagtuturong si Cristo’y Diyos.  Kaya magdaraya at anticristo ang tawag sa kanila ng mga Apostol.  Kailan nagsimula ang pagtuturong si Cristo ay tunay na Diyos?  Sino ang lumikha ng aral na ito, na kung tawagin ng mga Apostol ay ibang Jesus, ibang ebanghelyo?  Sa aklat ng mga katoliko na pinamagatang The Apostles’ Creed, sinulat ng paring si Clement H. Crock, pahina 206, ay ganito ang sinasabi:

“Thus, for example, it was not until 325 A.D. at the Council of Nicea, that the Church defined for us that is was an article of faith that Jesus is truly God.”

Sa Tagalog:

“Gaya, isang halimbawa, na noon lamang 325 A.D., sa Konsilyo sa Nicea, na ipinaliwanag sa atin ng Iglesia (Katolika) na isang tuntunin ng pananampalataya na si Jesus ay tunay na Diyos.”

Dito’y maliwanag na ating nabasa kung sino ang lumikha ng aral na si Cristo’y tunay na Diyos.  Ang Iglesia Romana ang lumikha ng aral na ito, sa pamamagitan ng kanyang Konsilyo sa Nicea noong taong 325.  Samakatuwid, ang hula ni Apostol Pablo tungkol sa lilitaw na magdaraya na mangangaral ng ibang Jesus ay natupad at ang katuparan ay ang Iglesia Katolika Apostolika Romana, at ang lahat ng mga Iglesiang naging anak nito.  Nakilala natin ngayon ang mga magdaraya at ang mga anti-cristo.  Lahat ng mga Iglesiang nagtuturong si Cristo’y tunay na Diyos ay mga magdaraya at anti-cristo.  Ang mga ito’y nagtuturo ng ibang ebanghelyo, sapagkat iba sa ebanghelyong itinuro ng mga Apostol (Gal. 1:6-7).  Ayon kay Apostol Pablo, dapat itakuwil ang sinumang magtuturo ng iba sa kanilang ipinangaral, sapagkat ito’y ibang ebanghelyo (Gal. 1:8).  Hindi lamang ito ibang ebanghelyo, kundi maling pananampalataya, at ito’y isa sa mga gawa ng laman, at hindi magmamana ng kaharian ng Diyos (Gal. 5:19-20)

Hango sa aklat na Isang Pagbubunyag Sa Iglesia Ni Cristo/Kabanata XXIV/Pahina 209-215