Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Iglesia Ni Cristo. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Iglesia Ni Cristo. Ipakita ang lahat ng mga post

Huwebes, Hunyo 23, 2016

Ang Kahalagahan At Misyon Ng Iglesia

Ang Kahalagahan At Misyon Ng Iglesia

Sinulat ni GREG F. NONATO

MARAMI ANG HINDI NAKABABATID kung ano ang tinatawag na Iglesia na itinuturo ng Banal na Kasulatan. Kung kanino ito at kung ano ang kahalagahan at misyon ng Iglesia ay ilan lamang sa mga katanungan ng marami. Minarapat naming talakayin sa isyung ito kung ano ang Iglesia na binabanggit sa Biblia at ang kahalagahan ng misyon nito. Aling Iglesia ito? Kanino ang Iglesiang ito? Ano ang tinatawag na Iglesia?

Ang tinatawag na Iglesia

Ano ang Iglesia? Ang Iglesia ay binubuo ng mga tao na tinawag mula sa kapangyarihan ng kadiliman upang ilipat sa kaharian ng Anak (Col. 1:13). Ang bumubuo sa Iglesia ay tinawag sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo (II Tes. 2:14). Inutusan ni Jesus ang Kaniyang mga alagad na ipangaral ang ebanghelyo (Mar. 16:15), ang sumampalataya ay dapat bautismuhan (Mar. 16:16), upang maging bahagi ng isang katawan (I Cor. 12:13, New Pilipino Version). Ang mga binautismuhan ay idinaragdag sa Iglesia (Gawa 2:41, 47). Ang Iglesia ay binubuo ng mga taong pinangaralan ng mga salita ng Diyos, sumampalataya sa mga ito, at binautismuhan. Ang Iglesia ay binubuo ng mga tinawag sa isang katawan (Col. 3:15) na ang ulo ay si Cristo (Col. 1:18). Isa lang ang katawan (Efe. 4:4). Ang isang katawan ay ang Iglesia (Col. 1:18). Kaya, isa lamang ang tunay na Iglesia at ito lamang ang ililigtas.

Sinasangayunan ito ng iba’t ibang nagsuri ng Biblia:

Iisa ang Iglesia Ni Cristo ayon sa pangungusap mismo ni Cristo

“Thus far we have drawn these assertions from the words of the Savior: There is one Church (from the word “Church”), it is Christ’s (from the word “My”), and it is holy (from the promise, “and the gates of hell shall not prevail against it”). From this we conclude that there is one, holy Church of Christ …” (Forerunners of the Reformation: The Shape of Late Medieval Thought, p. 233).

Sa sariling pangungusap ni Cristo ay mayroon lamang iisang Iglesia Ni Cristo

“Up to this point it has been deduced from the Saviour’s words that there is (1) one church—namely, from the very word “church”; (2) that it is Christ’s church—from the word “my” … (Valiant for the Truth, p. 82)

Mayroon lamang isang Iglesia Ni Cristo

“ … There can be only one Church of Christ. Christ said: ‘I am the good shepherd, and I know mine and mine know me. … And other sheep I have that are not of this fold, them also I must bring, and they shall hear my voice, and there shall be one fold and one shepherd’ (John 10:14, 16) …” (Roman Catholicism, p. 285)

“There is but one Church of Christ.” (The Credo of the People of God, p. 136)

“Bakit iisa lamang ang tunay na Iglesya ni Kristo? Sapagka’t iisa lamang ang Iglesyang itinatag ni Kristo.” (Katesismong Kristiyano, p. 15)

“ … True there is only one Church of Christ. She alone is the body of Christ and without her there is no salvation …” (The Spirit of Catholicism, p. 192)

Iisa lamang ang Iglesia Cristiana sa buong mundo at ito ang Iglesia ni Cristo

“At the turn of this century, theologian John Murray wrote: ‘Ideally there ought to be only one Christian Church throughout the whole world, the Church of Christ, one in doctrine, one in worship, one in government, one in discipline.” (Monthly Moody, September 1984, p. 28)

Kinikilala ng Katoliko at Protestante na iisa lamang ang Iglesia ni Cristo

“Evangelicals and Catholics are brothers and sisters in Christ … We recognize that there is one Church of Christ.” (Protestant and Catholics, Do They Now Agree?, p. 135)

Ang Iglesiang ito na espirituwal na katawan ni Cristo ang tangi Niyang ililigtas (Efe. 5:23) sapagkat ang Iglesia ang tinubos ni Cristo ng Kaniyang dugo (Gawa 20:28). Dahil dito ang mga tinawag na mga kaanib sa Iglesia ay Kaniyang inaring ganap (Roma 8:30). Wala na silang hatol o hindi na sila hahatulan sa araw ng paghuhukom (Roma 8:1). Sila ang ipinakipagka-isa kay Cristo (I Cor. 1:9, Magandang Balita Biblia). Ang mga nasa Iglesia ay ang mga tinawag—hindi sa ikarurumi kundi sa pagpapakabanal (I Tes. 4:7). Kaninong Iglesia? Sinabi ni Jesus kay Pedro: “Sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; …” (Mat. 16:18). Ang salitang “aking” ay nagpapakilala na si Cristo ang nagmamay-ari sa Iglesia. Ang ganitong pagpapakahulugan ay matuwid lamang sapagkat ang Iglesia ay katawan at ang katawang ito ay kay Cristo sapagkat siya ang ulo ng Iglesia (Col. 1:18).

Makatuwiran din na tawagin ito ni Apostol Pablo na Iglesia ni Cristo sapagkat si Cristo ang nagmamay-ari sa Iglesia. Sinasangayunan ito ng mga awtoridad sa iba’t ibang relihiyon:

“The Church is the body of Jesus Christ. Eph. 1:22, 23. The idea of ownership is absolute here. As a man’s body is his own not another’s, so the church is the church of Christ and not of another.” (The Church in the Bible, p. 349)

“The church wore the name of Christ. Speaking of the various congregations, Paul wrote, ‘The churches of Christ salute you’ (Romans 16:16).” (The Church of the Bible, pp. 22)

“All Christians ought to be members of one church, for there is but one foundation, which is Christ. And the name of this body originates from its head, which makes it “the Christian Church or the Church of Christ.” (The Stone-Campbell Movement: An Anecdotal History of Three Churches, p. 88).

“In regard to Mt. 16, 18, St. Cyprian speaks of the building of the Church by Christ, and designates the Church the ‘Church of Christ’ and the ‘Bride of Christ’.” (Fundamentals of Catholic dogma, p. 274)

“And I tell you, you are Peter, and on this rock I will build My Church and the gates of hell shall not prevail against it. I will give you the keys of the kingdom of heaven and whatever you bind on earth shall be bound in heaven, and whatever you loose on earth shall be loosed in heaven. The Gospel speaks here of the Church of Christ, its faith and its foundation and authority. The Church is referred to by the words, ‘will build my Church …’” (Forerunners of the Reformation: The Shape of Late Medieval Thought, p. 231)

“ … Christ predicted the founding of a new congregation or church, a divine institution that should continue his work on earth. Matt. 16:18. This is the church of Christ, which came into existence on the Day of Pentecost.” (Knowing the Doctrines of the Bible, p. 349)

“He conferred authority in the Church; explained the importance of designating the organization by its proper name—The Church of Christ; …” (The Great Apostasy, p. 12)

Ang Iglesia Ni Cristo ang iisang tunay na Iglesia na itinatag ni Cristo na dapat aniban ng mga tao upang sila ay maligtas sa parusa ng Diyos sa araw ng paghuhukom (Juan 10:9, Revised English Bible, Gawa 20:28, Lamsa Translation). Ito ang kahalagahan at misyon ng Iglesia.

Pasugo God’s Message/August 2014/Volume 66/Number 8/ISSN 0116-1636/Pages 44-45

Biyernes, Marso 20, 2015

SINO ANG TUNAY NA MALAYA?

SINO ANG TUNAY NA MALAYA?

“Kaya kapag pinalaya kayo ng Anak,
kayo’y tunay ngang magiging Malaya.”
—Juan 8:36, New Pilipino Version

Sinulat ni ARVIN T. GALANG


ANG PAGIGING MALAYA ay pangarap at hangad ng maraming tao—hindi lamang mula sa mga kamay ng mapagsamantala at mapanikil, kundi, maging sa iba’t ibang suliranin ng buhay na tila gumagapos sa kanila.  Subalit, maaaring sa pananaw at sa pakiramdam ng tao ay malayang-malaya siya sapagkat walang anumang puwersa siyang nakikita na sumisikil sa kaniya o pumipigil sa kaniyang mga ginagawa.  Ngunit, pansinin ang sinabi ng ating Panginoong Jesucristo na mayroong “tunay” na magiging malaya.

Paano ba magiging tunay na malaya ang tao?  Dito pumapasok ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tao ng pagkaunawa sa katotohanang magpapalaya sa kaniya (Juan 8:32, New Pilipino Version), na ito ay ang mga salita ng Diyos na pawang katotohanan, ayon din mismo sa ating Panginoong Jesucristo (Juan 17:17).

Ipinakilala ni Cristo kung sino ang binabanggit Niyang nangangailangan ng kalayaan sapagkat sila ay nasa kalagayang alipin:  “Sumagot si Jesus, ‘Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, bawat nagkakasala ay alipin ng kasalanan” (Juan 8:34, NPV).

Ang mga taong nagkakasala ay alipin ng kasalanan at dito dapat makalaya ang tao.  At sapagkat ang lahat ng tao ay nagkasala (Roma 5:12) at nakatakdang magbayad ng kamatayan sa dagat-dagatang apoy (Roma 6:23; Apoc. 20:14), kaya ang lahat ng tao, saan man sila naroroon at anoman ang kanilang kalagayan sa buhay, ay alipin ng kasalanan.

ANG TUNAY NA KALAYAAN
Kapag kalayaan ang pinag-uusapan, karaniwang ipinalalagay na ang kahulugan nito ay ang kalayaang gawin ang balang maibigan kahit na ito ay ayon na sa pita ng laman o kasalanan (Gal. 5:16-17).  Ayaw nila na sila’y nalilimitahan o nasasagkaan sa ibig nilang gawin.

Tunay nga bang malaya ang taong ganito ang isipan o pakahulugan sa kalayaan?  Hindi, sapagkat ayon sa itinuro ng mga apostol:  “Hindi ba ninyo alam na pag ibinigay ninyo ang inyong sarili kaninuman upang sumunod ay alipin kayo ng inyong sinusunod, maging sa kasalanang umaakay sa kamatayan o sa pagtalimang hahanga sa pagiging matuwid?” (Roma 6:16, NPV).

Isang alipin na maituturing ang taong napaakay sa kasalanan na maghahatid sa kaniya sa parusang kamatayan.  Ito ang tiniyak ng mga apostol na sasapitin ng mga alipin ng kasalanan:  “Sapagka't nang kayo ay mga alipin ng kasalanan, kayo'y laya tungkol sa katuwiran.  Ano nga ang ibinunga ninyo sa panahong yaon sa mga bagay na ngayo'y ikinahihiya ninyo? sapagka't ang wakas ng mga bagay na yaon ay kamatayan.(Roma 6:20-21).  Ang kamatayang tinutukoy ay ang ikalawang kamatayan sa dagat-dagatang apoy na nakaambang parusa sa lahat ng alipin ng kasalanan (Apoc. 21:8).

Tunay na walang kalayaan ang taong alipin ng kasalanan o pagpapakabuyo sa kalayawan.  Kaawa-awa ang kalagayan ng ganitong tao, sapagkat kung ilarawan ng mga apostol ay “bagama’t buhay ay patay” (I Tim. 5:6).  Sentensiyado na siya sa kaparusahan sa dagat-dagatang apoy.  Ganito kung ilarawan ng Biblia ang kalagayan ng mga tao na ginagawa ang lahat ng maibigan kahit na ito ay labag sa kalooban ng Diyos.

Ang mga nagtataglay ng kaisipan ng laman o patuloy sa paggawa ng kasalanan ay nakikipag-alit laban sa Diyos at hindi napasasaklaw sa kautusan at hindi maaaring maging sa Diyos (Roma 8:7) palibhasa’y tumatangging sumunod sa kautusan, na ang ginagamit na pamantayan sa buhay ay ang sariling kalooban o karunungan.  Mataas ang pagkakilala sa sarili, bunga marahil ng taglay nilang karunungan, kung kaya’t ipinipilit na sila naman daw ay may layang makapamili ng kung ano ang susundin sa kanilang buhay.  At may nang-aakit pa ng ibang mga tao na sumama sa kanila na malayang nakapag-iisip at nakapagsasagawa ng ibang mga bagay-bagay sa buhay nila sa mundo.  Mapanganib at nanganganib ang taong may ganitong isipan.  Sinabi ni Apostol Pablo:  “Kung ang sinoma'y nagtuturo ng ibang aral, at hindi sumasangayon sa mga salitang nakagagaling, sa makatuwid ay sa mga salita ng ating Panginoong Jesucristo, at sa aral na ayon sa kabanalan; Ang gayon ay palalo, walang nalalamang anoman, kundi may-sakit sa mga usapan at mga pagtatalo, sa mga salitang pinagbubuhatan ng kapanaghilian, mga pagkakaalit, mga pagalipusta, mga masasamang akala (I Tim. 6:3-4).  Kaya, nagpayo ang mga apostol na huwag maging palalo ang tao at sa halip ay magtaglay ng mababang isipan at ipalagay na lalong mabuti ang iba kaysa kanila (Filip. 2:3).  Sa ganito ay magagawa ng tao na sumunod sa kautusan o katuwiran ng Diyos.

ANG DAKILANG KALAYAAN
Mawawalan ng kabuluhan ang kalayaang maaaring makamit ng tao sa mundo na kaniya pa man ding pinamumuhunan at ipinakikipaglaban kung hindi siya magiging malaya sa pagkaalipin sa kasalanan.  Hindi makaiiwas dito ang sinuman sapagkat may itinakda ang Diyos na araw na kaniyang huhukuman ang lahat ng tao batay sa kautusan ng kalayaan:  “Gayon ang inyong salitain, at gayon ang inyong gawin, na gaya ng mga taong huhukuman sa pamamagitan ng kautusan ng kalayaan (Sant. 2:12).  Sa kautusan ng kalayaan na binabanggit ng mga apostol nakasalalay ang ikapagtatamo ng tunay na kalayaan.  Mahalagang ito’y matupad upang hindi lang maging malaya kundi magtamo rin ang tao ng pagpapala (Sant. 1:25).  Sinasabi rin ng Biblia na kapag ang kautusan o tuntunin ng Diyos ang sinunod ng tao, tiyak na lalakad siya sa kalayaan: At lalakad ako sa kalayaan; sapagka't aking hinanap ang iyong mga tuntunin (Awit 119:45).

Kaugnay nito, dapat na maging maingat ang tao sa paghahanap ng tunay at dakilang kalayaan—hindi kung sino na lamang ang kaniyang susundin at pakikinggan.  Dapat niyang sangguniin ang katotohanan na siyang makapagtuturo kung paano magkaroon ng tunay na kalayaan.  Napakalinaw ng pahayag ng Biblia na ang mga pinalaya ng ating Panginoong Jesucristo ang siyang tunay na malaya (Juan 8:36, Magandang Balita Biblia).  At ito ay pinatotohanan ng mga apostol na mababasa sa Gawa 13:39 na ganito ang isinasaad:  “Sa pamamagitan niya pinatatawad at nagiging malaya sa lahat ng ito ang sinumang sumampalataya sa kanya” (Biblia ng Sambayanang Pilipino)

Ngunit hindi sapat na ang gawin lamang ng tao ay sumampalataya.  Ang kapatawaran ng kasalanan na magpapalaya sa tao sa parusang walang hanggan ay makakamtan sa pamamagitan ng pagkabuhos ng dugo at maliban dito’y walang kapatawaran:  “At ayon sa kautusan, ay halos masasabi kong lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran (Heb. 9:22).  Ang tinubos ng mahalagang dugo ng ating Panginoong Jesucristo ay walang iba kundi ang Iglesia Ni Cristo“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28, isinalin mula sa Lamsa Translation).

Kung gayon, walang tunay na malaya sa sangkatauhan maliban sa mga taong tinubos ng dugo ng ating Panginoong Jesucristo o sa mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo.  Tanging sa Iglesia lamang makakamtan ang tunay at dakilang kalayaan.

ANG IKAPANANATILING MALAYA
Ang  magpaalipin sa katuwiran o kalooban ng Diyos ay hindi isang kaapihan o kalugihan.  Sa halip, ito ang ikababanal ng tao at ikapagkakaroon niya ng buhay na walang hanggan (Roma 6:22, 19, NPV).  At upang maingatan ang dakilang kalayaan na ipinangako, ganito ang bilin ng mga apostol:  “Para sa kalayaan ay pinalaya tayo ni Cristo; kaya’t magpakatatag kayo at huwag pasakop na muli sa pamatok ng pagkaalipin” (Gal. 5:1, Ang Bagong Ang Biblia).  Ang tinutukoy na “pamatok ng pagkaalipin” ay ang gawa ng laman o kasalanan (Gal. 5:19-21).

Ang pinaghaharian ng kaisipan ng laman ay patungo sa kamatayan at sila’y hindi kalulugdan ng Diyos samantalang ang nasa kapayapaan naman ay nagtataglay ng kaisipan ng Espiritu at siyang tinatahanan ng Espiritu ng Diyos at  ni Cristo:  "Sapagka't ang mga ayon sa laman ay nangagsisitalima sa mga bagay ng laman; datapuwa't ang mga ayon sa Espiritu ay sa mga bagay ng Espiritu.  Sapagka't ang kaisipan ng laman ay kamatayan; datapuwa't ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan. Sapagka't ang kaisipan ng laman ay pakikipagalit laban sa Dios; sapagka't hindi napasasaklaw sa kautusan ng Dios, ni hindi nga maaari:  At ang nangasa laman ay hindi makalulugod sa Dios.  Datapuwa't kayo'y wala sa laman kundi nasa sa Espiritu, kung gayo'y tumitira sa inyo ang Espiritu ng Dios. Datapuwa't kung ang sinoma'y walang Espiritu ni Cristo, siya'y hindi sa kaniya." (Roma 8:5-9).  Tiniyak din ni Apostol Pablo na kung saan naroroon ang Espiritu ng Panginoon, doon ay may kalayaan (II Cor. 3:17).

Kaya kung hangad ng tao ang mapayapa, masagana, at malayang pamumuhay na walang anumang bagabag o kapighatian, napakahalagang masumpungan siya sa pagsunod.  Ganito ang patotoo ng isang lingkod ng Diyos:  “Ako nama’y mamumuhay nang payapa at malaya, Yamang ako sa utos mo’y sumusunod namang kusa” (Awit 119:45, MB)

Isang dakilang kalayaan ang tatamuhin ng tao kung susunod lamang siya sa lahat ng kalooban ng Diyos sa paraang pumaloob siya sa tunay na Iglesia, ang Iglesia Ni Cristo.  Sa ganito, anuman ang mangyari sa mundo ay magkakaroon siya ng tunay na kalayaan mula sa pagkaalipin sa kasalanan at malaya ding maisasagawa niya ang paglilingkod na taglay ang pag-asa sa pagmamana ng mga pangako ng Diyos. *

Kinopya mula sa PASUGO GOD’S MESSAGE/AUGUST 2012/VOLUME 64/NUMBER 8/ISSN 0116-1636/PAGES 36-38

Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.




HUWAG TUMANGGI SA TAWAG

HUWAG TUMANGGI SA TAWAG

Ni REMUEL V. CASIPIT


ANG KUMIKILALA AT sumasampalataya sa Panginoong Diyos ay hindi tatanggi sa Kaniyang pagtawag.  Gayunman, maaaring magawa ng isang tao ang pagtanggi nang hindi niya namamalayan.  Paano malalaman ng isang tao na siya’y tinatawag ng Diyos?  Paano niya nagagawang tumanggi sa banal na tawag ng Diyos?  Ano ba ang babala ng Diyos sa sinumang tumanggi sa Kaniyang pagtawag?

“AKO’Y TUMAWAG AT KAYO’Y TUMANGGI”
Pinatutunayan ng Diyos na mayroon Siyang tinatawag ngunit nagsisitanggi:

“Sapagka't ako'y tumawag, at kayo'y tumanggi: aking iniunat ang aking kamay, at walang makinig; Kundi inyong iniuwi sa wala ang buo kong payo, at hindi ninyo inibig ang aking saway. (Kaw. 1:24-25)

Kung may mga taong ayaw makinig o tumatanggi sa tawag ng Diyos, mayroon din namang pinatutunayan ang Biblia na mga taong tumutugon sa banal na tawag ng Diyos.  Sa panahong Cristiano, ang mga tinawag at tumugon ay naging bahagi ng isang katawan:

“At paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat ito ang dahilan kaya kayo tinawag upang maging bahagi ng isang katawan.  Magpasalamat kayong lagi.” (Col. 3:15, Magandang Balita Biblia)

Ang katawan na tinutukoy ay ang Iglesia (Col. 1:18, Ibid.)  Pansinin na hindi sila naging bahagi ng iba’t ibang sekta o sa iba’t ibang iglesia kundi bahagi sila ng iisang katawan.  Alin ang iglesia na dito isinasangkap o nagiging bahagi ang mga taong tinawag ng Panginoon?  Ganito ang pagtuturo ni Apostol Pablo:

“Take heed therefore to yourselves and to all the flock over which the Holy Spirit has appointed you overseers, to feed the church of Christ which he has purchased with his blood.” [Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.] (Acts 20:28, Lamsa Translation)

Sa Iglesia ni Cristo isinasangkap ang mga tinawag ng Diyos upang sila ay makasama sa mga binili o tinubos ng mahalagang dugo ng Panginoong Jesucristo (I Ped. 1:15, 18-19).  Mahalaga na ang tao ay malinis o matubos ng dugo ni Cristo sapagkat ang nalinis ay ang may karapatang magsagawa ng paglilingkod sa Diyos (Heb. 9:14).  Kaya, nakatitiyak ang tao na siya ay tinawag ng Diyos at tumugon upang maglingkod sa Kaniya kung siya, akay ng tama at mabuting layunin, ay naging kaanib sa Iglesia ni Cristo.  Ang pagtangging umanib sa Iglesia ni Cristo ay katumbas ng pagtanggi sa tawag ng Diyos.

ANG PARAAN NG PAGTAWAG
Paano ang paraan ng pagtawag ng Diyos ng mga taong maglilingkod sa Kaniya upang dalhin sa loob ng tunay na Iglesia?  Ganito ang pagtuturo ni Apostol Pablo:

“Tinawag kayo ng Dios sa pamamagitan ng ebanghelyong ipinangangaral namin sa inyo upang makahati kayo sa kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo.” (II Tes. 2:14, New Pilipino Version)

Ang pangangaral ng ebanghelyo ng mga tunay na tagapangaral ang paraan ng pagtawag ng Diyos sa mga taong maglilingkod sa Kaniya.  Subalit hindi natatapos sa pakikinig ng ebanghelyo ang pagtugon sa tawag ng Diyos. Ang pinangaralan ay dapat sumampalataya sa ebanghelyo at tumanggap ng tunay na bautismo:

“At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal.

“Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan. (Mar. 16:15-16)

ANG KASANGKAPAN SA PAGTAWAG
Dahil tagapangaral ang kinakasangkapan ng Diyos sa pagtawag ng mga maglilingkod sa Kaniya, mahalagang maunawaan na hindi lahat ng nangangaral na gumagamit ng Biblia ay kinakasangkapan ng Diyos.  Ang mga tunay na tagapangaral ay tinawag din ng Diyos upang mangaral.  Sila ang pinagpahayagan ng Diyos ng Mabuting Balita upang ito ay maipangaral, gaya ng pagpapakilala ni Apostol Pablo sa kaniyang karapatan:

“Ngunit dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, hinirang niya ako bago pa ipanganak, at tinawag upang maging lingkod niya.  At nang ihayag niya sa akin ang kanyang Anak, upang ang Mabuting Balita tungkol sa kanya ay maipangaral ko sa mga Hentil, hindi ako sumangguni kaninuman.”  (Gal. 1:15-16, MB)

Si Apostol Pablo ay naging masugid na tagapagtaguyod ng relihiyong Judaismo bago siya tawagin upang maging apostol (Gal. 1:13-16, Ibid.), subalit ayon sa Biblia ay hinirang at tinawag na siya bago pa ipanganak.

Si Kapatid na Felix Y. Manalo, tulad ni Apostol Pablo, ay naging kaanib muna ng ibang pananampalataya bago tinawag o isinugo ng Diyos upang ang mga tao sa ating panahon ay dalhin sa tunay na Iglesia.  Bakit kailangan munang tawagin ng Diyos ang Kaniyang sugo para ang tao ay madala sa Iglesia?  Sino ba ang tunay na tagapangaral na kinakasangkapan ng Diyos sa Kaniyang pagtawag?  Ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:

“At paano silang magsisipangaral, kung hindi sila mga sinugo?” (Roma 10:15)

Ang sugo ang tunay na tagapangaral na dapat pakinggan ng tao at siyang kasangkapan ng Diyos sa pagtawag ng mga taong dadalhin sa tunay ng Iglesia.  Gaya ng tinalakay na, ang dakong pinaglagyan sa mga tinawag ng Diyos upang maglingkod sa Kaniya ay ang Iglesia ni Cristo.  Kaya, upang matiyak na sugo ng Diyos ang isang tagapangaral, ang isa sa mga dapat alamin ay kung Iglesia ni Cristo ang iglesiang kaniyang ipinangangaral.

ANG BABALA
Noon pa man ay mayroon nang mga pinangaralan ng ebanghelyo na tumanggi sa tawag ng Diyos.  Ang halimbawa nito ay ang mga Judio na nanlait pa sa mga sugo ng Diyos, hindi dahil sa maling aral kundi dahil sa inggit.  Ganito ang patotoo ng mga apostol:

“Nang makita ng mga Judio ang maraming tao, pinagharian sila ng inggit kaya sinalungat nila at nilait si Pablo.  Buong tapang silang sinagot nina Pablo at Bernabe: ‘Kailangang kayo muna ang aming balitaan tungkol sa salita ng Dios.  Yamang tinanggihan ninyo ito, at ayaw ninyong maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, mga Hentil ang pupuntahan namin’.” (Gawa 13:45-46, NPV)

Hindi nila naunawa na ang tinanggihan nila ay buhay na walang hanggan na iniaalok ng Panginoong Diyos.  Kaya ano ang babala ng Diyos sa tumanggi sa Kaniyang pagtawag?  Darating sa kanila ang mga kasakunaan at bagabag at kapag sila naman ang tumawag ay hindi sasagot ang Diyos at hindi nila Siya masusumpungan:

“Ako naman ay tatawa sa kaarawan ng inyong kasakunaan: ako'y manunuya pagka ang inyong takot ay dumarating; Pagka ang iyong takot ay dumarating na parang bagyo. At ang inyong kasakunaan ay dumarating na parang ipoipo; pagka ang hirap at hapis ay dumating sa inyo.  Kung magkagayo'y tatawag sila sa akin, nguni't hindi ako sasagot; hahanapin nila akong masikap, nguni't hindi nila ako masusumpungan. (Kaw. 1:26-28)

Lalong kalagim-lagim na kasakunaan ang sasapit sa kanila sa araw ng paghuhukom.  Sa Zefanias 1:14-15, 18, inilarawan ang kakilakilabot na araw na yaon:

“Ang dakilang kaarawan ng Panginoon ay malapit na, malapit na at nagmamadaling mainam, sa makatuwid baga'y ang tinig ng kaarawan ng Panginoon; ang makapangyarihang tao ay sumisigaw roon ng kalagimlagim.  Ang araw na yaon ay kaarawan ng kapootan, kaarawan ng kabagabagan at kahapisan, kaarawan ng kawakasan at kasiraan, kaarawan ng kadiliman at kalumbayan, kaarawan ng mga alapaap at pagsasalimuot ng kadiliman.  Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng kapootan ng Panginoon; kundi ang buong lupain ay masusupok sa pamamagitan ng apoy ng kaniyang paninibugho: sapagka't wawakasan niya, oo, isang kakilakilabot na wakas, nilang lahat na nagsisitahan sa lupain.

Kaya hindi dapat sayangin ang pagkakataong ibinibigay ng Diyos.  Tugunin natin ang tawag Niya sa paraang umanib tayo sa Iglesia ni Cristo. *



Kinopya mula sa PASUGO GOD’S MESSAGE/OCTOBER 2002/VOLUME 54/NUMBER 10/PAGES 30-31



Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.

Martes, Marso 17, 2015

ANG NAKINABANG SA BIYAYANG IDINULOT NG KAMATAYAN NI CRISTO





ANG NAKINABANG
SA BIYAYANG IDINULOT
NG KAMATAYAN
NI CRISTO

“Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin
nang mamatay si Cristo para sa atin
noong tayo’y makasalanan pa.”


VILLAMOR S. QUEBRAL


SA PAMAMAGITAN NG ebanghelyo, ang buhay ng ating Panginoong Jesucristo ay nalaman ng maraming tao.  Libu-libong aklat ang nasulat tungkol sa Kaniyang buhay at ministeryo.  Hindi mabilang na mga lalake at mga babae ang nag-alay ng buhay at talino upang pag-aralan at ituro ang pananampalatayang Kaniyang ipinunla.  Maraming tao ang tumalikod sa pansariling buhay, sa layuning taluntunin ang landas na itinuro ng Panginoong Jesucristo.

Subalit, ang hindi nauunawaan ng marami ay ang tungkol sa kamatayan ng ating Panginoong Jesucristo at kung sino ang tunay na nakinabang sa biyayang dulot nito.

SIYA’Y NAMATAY DAHIL SA ATIN
Ano ba ang dapat maunawaan tungkol sa kamatayan ng ating Panginoong Jesucristo?

“Sapagka't ibinigay ko sa inyo una sa lahat, ang akin namang tinanggap: na si Cristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan, ayon sa mga kasulatan.(I Cor. 15:3)

Ayon kay Apostol Pablo, si Cristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan.  Bukod dito, ano pa ang mahalagang maunawaan tungkol sa kamatayan ni Cristo?  Ayon pa rin kay Apostol Pablo:

“Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo’y makasalanan pa.” (Roma 5:8, Magandang Balita Biblia)

Ang kamatayan ng ating Panginoong Jesucristo ay kahayagan ng pag-ibig ng Diyos sa atin.  Ito ay biyaya sa mga taong bagaman nagkasala gayunman ay pinawalang sala  dahil sa kamatayan ni Cristo.  Kaya nga ito’y ipinag-utos na alalahaning lagi. (cf. Lu. 22:19-20)

LAHAT BA AY MAKIKINABANG?
Alinsunod sa karaniwang paniniwala ng marami, lahat ng tao ay makikinabang sa pagkamatay ni Cristo.  Ginagamit nilang batayan ang Juan 1:29 na doon ay sinasabi ang ganito:

“Nang kinabukasan ay nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kaniya, at sinabi, Narito, ang Cordero ng Dios, na nagaalis ng kasalanan ng sanglibutan!

Malinaw daw na ang buong sanlibutan ay nakinabang sa pagkamatay ni Cristo.  Si Cristo raw ay namatay hindi para sa iilan lamang kundi para sa lahat ng tao.  Kung wasto ang kanilang pagkaunawa, masisira ang panukala ng Diyos ukol sa kaligtasan at mawawalan ng katuturan ang kamatayan ng ating Panginoong Jesucristo.

Kaya atin munang suriin ang sinasabing ito sa Juan 1:29.  Bakit sinabing si Cristo, ang Cordero ng Diyos, ang nag-alis ng kasalanan ng sanlibutan?  Sa Roma 3:19 ay ganito ang katugunan:

“Ngayon ay nalalaman natin na ang anomang sinasabi ng kautusan, yaon ay sinasabi sa nangasa ilalim ng kautusan; upang matikom ang bawa't bibig, at ang buong sanglibutan ay mapasa ilalim ng hatol ng Dios.

Sinasabi rito na ang buong sanlibutan ay napasailalim ng hatol ng Diyos.  Ang hatol ay kamatayang pagkalagot ng hininga at kamatayan sa dagat-dagatang apoy (cf. Roma 6:23; Apoc. 20:14).

Bakit ang buong sanlibutan ay napasailalim ng hatol ng Diyos?  Ayon sa Biblia:

“… sapagka’t ang lahat ay nangagkasala.” (Roma 5:12)

Bakit naman sinabi sa Juan 1:29 na si Cristo ang “nag-alis ng kasalanan sa sanglibutan”?  Kaya sinabing si Cristo ang nag-alis ng kasalanan sa sanlibutan ay sapagkat nasa sanlibutan ang kasalanan.  Ngunit hindi ito nangangahulugang lahat ng mga tao ay nakinabang sa pagtubos ni Cristo.

ANG BATAS NA DAPAT ISAALANG-ALANG
Ang isa pa sa mga talatang ginagamit na batayan ng mga nagtataguyod sa paniniwala na tinatawag na universal o general salvation ay ang I Timoteo 2:3-4.  Suriin natin ang nilalaman ng talata:

“Ito'y mabuti at nakalulugod sa paningin ng Dios na ating Tagapagligtas; Na siyang may ibig na ang lahat ng mga tao'y mangaligtas, at mangakaalam ng katotohanan.

Malinaw na sinabing ang Diyos “ang siyang may ibig na ang  lahat ng tao’y mangaligtas.”  Kaya kung ang kaligtasan daw ay para sa lahat ng tao, kung gayon, lahat ng tao ay makikinabang sa kamatayan ni Cristo.  Bakit naman daw ituturo na ang kaligtasan ay para lamang sa iilan?

Totoo na sinabi sa talata na ibig ng Diyos na “ang lahat ng tao’y mangaligtas,” subalit hindi dapat waling-kabuluhan ang sinasabi rin sa talata na ang Diyos din ang may ibig na ang lahat ng tao ay “mangaligtas at mangakaalam ng katotohanan.”  Ano ang ibig ipaunawa atin ng Biblia?  Ang kaligtasan ay dapat masalig sa pagkaalam o pagkaunawa ng katotohanan.

Ano ang katotohanan na dapat maunawaan tungkol sa mga taong nagkasala batay sa batas ng Diyos?  Sa Deuteronomio 24:16 ay ganito ang nakasulat:

“Hindi papatayin ang mga magulang dahil sa mga anak, ni ang mga anak ay papatayin dahil sa mga magulang; bawa't tao'y papatayin dahil sa kaniyang sariling kasalanan.

Dahil sa ang lahat ng tao ay nagkasala, maliban sa ating Panginoong Jesucristo, hinihingi ng batas, na ang lahat ay mamatay.  Kaya nga ang sinasabi ng Biblia ay ibig ng Diyos na “ang lahat ng tao’y mangaligtas” at dapat malaman ang katotohanan o katuwiran.

Paano ngayon maliligtas ang taong nagkasala?  Ano ang katotohanan na dapat maunawaan ukol dito?  Sa Roma 3:24-25 ay ganito ang sinasabi:

“Palibhasa'y inaring-ganap na walang bayad ng kaniyang biyaya sa pamamagitan ng pagtubos na nasa kay Cristo Jesus:  Na siyang inilagay ng Dios na maging pangpalubagloob, sa pamamagitan ng pananampalataya, sa kaniyang dugo, upang maipakilala ang kaniyang katuwiran dahil sa hindi pagpansin sa mga kasalanan na nagawa nang nagdaang panahon sa pagpapahinuhod ng Dios.

Kung gayon, ang tao ay maliligtas lamang sa pamamagitan ng pagtubos na nasa kay Cristo Jesus.  Ano ang katotohanang nakapaloob sa ginawa ni Cristo na pagtubos?  Ayon sa Biblia, Siya ang “inilagay ng Dios na maging pangpalubag-loob, sa pamamagitan ng pananampalataya, sa kaniyang dugo, upang maipakilala ang kaniyang katuwiran …”

Alin ang katuwiran ng Diyos na nayari sa pamamagitan ng ginawang pagtubos ni Cristo?  Ganito ang nakasulat sa II Corinto 5:21:

“Yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay kaniyang inaring may sala dahil sa atin: upang tayo'y maging sa kaniya'y katuwiran ng Dios.

Ang tinutukoy na hindi nagkasala na inaring maysala ay si Cristo (cf. I Ped. 2:21-22).  Ayon kay Apostol Pablo, si Cristo ay “inaring may sala dahil sa atin:  upang tayo’y maging sa kaniya’y katuwiran ng Dios.”

Kanino ba tumutukoy ang salitang “atin” at “tayo” na naging katuwiran sa pagliligtas?  Lahat ba ng taong nakakabasa o kaya’y nakakarinig nito ang tinutukoy?  Sa talatang 17 ay ganito ang pinatutunayan:

“ Kaya't kung ang sinoman ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila'y pawang naging mga bago.

Ang mga salitang “atin” at “tayo” ay tumutukoy sa nagsasalita (kay Apostol Pablo) at sa kaniyang mga kausap (mga kay Cristo) na naging bagong nilalang.  Sino ang mga kay Cristo at paano sila naging bagong nilalang?  Ganito ang sinasabi sa Efeso 2:15:

“Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito'y ginagawa ang kapayapaan.

Ang mga kay Cristo ay ang mga kasama na nilalang Niya na isang taong bago.  Ang taong bago ay binubuo ng isang ulo—si Cristo—at isang katawan—ang Iglesia (Col. 1:18).  Ito ang Iglesiang pinaghandugan ni Cristo ng Kaniyang buhay, ang Iglesia ni Cristo na tinubos Niya ng Kaniyang dugo (Efe. 5:25, MB; Gawa 20:28, Lamsa).

Samakatuwid, ang Iglesia ni Cristo ang katuwiran ng Diyos sa pagliligtas.  Sa pamamagitan lamang ng Iglesia ni Cristo maililigtas ni Cristo ang tao na hindi nalalabag ang batas ng Diyos ukol sa mga taong nagkasala.  Bagama’t lahat ng tao ay nais ng Diyos na maligtas, hindi sa paraang gusto ng tao ito matutupad at lalo namang hindi sa paraang sasalungat sa katuwiran ng Diyos.

Ang katotohanang ito ang nais naming ihayag sa maraming tao na gumugunita sa kamatayan ng ating Panginoong Jesucristo.  Hangad naming makasama kayo sa sinabi ni Apostol Pablo na:

“At ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos sa pamamagitan niya.”  Roma 5:9, MB)  *

Kinopya mula sa PASUGO GOD’S MESSAGE/MARCH-APRIL 1993/VOLUME 45/NUMBER 2/PAGES 25-27


Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.

IGLESIA NI CRISTO SITE



Lunes, Marso 16, 2015

UTOS NG DIYOS NA IGALANG ANG KAPATIRAN SA LOOB NG IGLESIA NI CRISTO

UTOS NG DIYOS NA IGALANG ANG KAPATIRAN SA LOOB NG IGLESIA NI CRISTO


MARAMI ang iba’t ibang kapatiran dito sa lupa na itinatag ng mga tao. Datapuwa’t ang lahat ng mga kapatirang ito’y hindi maitutulad sa kapatiran sa loob ng Iglesia ni Cristo. Sapagka’t ang kapatiran sa loob ng Iglesia ni Cristo ay itinatag ng Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo (Mat. 23:8). Kaya ang kapatirang ito’y sa Diyos. Dapat igalang ang kapatirang ito sa loob ng Iglesia ni Cristo. Masamang lapastanganin ng sinuman ang kapatirang itinatag ng Diyos.

ANO ANG KASAMAAN NG LUMAPASTANGAN SA KAPATIRANG ITINATAG NG DIYOS?

Sa Amos, 1:9, ay ipinakikilala ang ganito:

“Ganito ang sabi ng Panginoon: Dahil sa tatlong pagsalangsang ng Tiro, oo, dahil sa apat, hindi ko ihihiwalay ang kaparusahan sa kaniya; sapagka't kanilang ibinigay ang buong bayan sa Edom, at hindi inalaala ang tipan ng pagkakapatiran.”

Ano ang kasamaan ng lumapastangan sa kapatirang itinatag ng Diyos? Parurusahan ng Diyos ang lumalapastangan at sumisira sa kapatiran. Ayon sa mga Apostol, ano ang dapat gawin ng mga kapatid upang hindi malapastangan at masira ang pagkakapatiran sa loob ng Iglesia ni Cristo? Sa Roma 12:10, ay ganito ang itinuturo:

“Sa pagibig sa mga kapatid ay mangagmahalan kayo; sa kapurihan ay ipagpauna ng isa't isa ang iba.”

Ano ang dapat gawin ng mga kapatid upang hindi malapastangan at masira ang pagkakapatiran sa loob ng Iglesia ni Cristo? Sa pag-ibig sa kapatid ay dapat na magmahalan. Paano magagawa iyon? Dapat na ipagpaunang ibigay ng kapatid ang kapurihan ng kanyang kapatid at hindi ang kapurihan ng kanyang sarili ang kanyang igigiit na ipagpapauna.

Anong uring pag-ibig sa kapatid and nararapat sa sa pagmamahalang magkakapatid upang maipagpauna ng bawa’t isa ang kapurihan ng isa’t-isa? Sa Rom. 12:9, ay ipinakikilala ang ganito:

“Ang pagibig ay maging walang pagpapaimbabaw. Kapootan ninyo ang masama; makisanib kayo sa mabuti.”

Anong uring pag-ibig? Walang pagpapa-imbabaw. Hindi pakitang tao lamang, kundi tapat na mula sa puso ang pag-ibig na walang bahid ng anumang masakim na hangarin. Bakit dapat maging malinis at walang pagpapaimbabaw ang pag-ibig na dapat na iukol ng isa’t-isa? Sino ba ang nagturo ng pag-iibigan ng magkakapatid sa loob ng Iglesia ni Cristo? Sa I Tes. 4:9, ay sinasabi ang ganito:

“Datapuwa't tungkol sa pagiibigang kapatid ay hindi ninyo kailangan na kayo'y sulatan ng sinoman: sapagka't kayo rin ay tinuruan ng Dios na mangagibigan kayo sa isa't isa.”

Sino ang nagturo? Ang Diyos. Kaya ang pag-ibig sa kapatid ay dapat maging tapat, malinis at walang pagpapaimbabaw, sapagka’t ang pag-ibig ng Diyos na nagturo ng pag-ibig sa kapatid ay walang pagpapaimbabaw, sapagka’t ang pag-ibig ng Diyos ay tapat at malinis. Hanggang kailan dapat gawin ang pag-iibigan sa isa’t isa? Sa Heb. 13:1, ay ganito ang sinasabi”

“Mamalagi nawa ang pagibig sa mga kapatid.”

Hanggang kailan? Habang nabubuhay at nasa loob ng Iglesia ni Cristo. Ano ang pinatutunayan sa mga kapatid na namamalagi ang kanilang malinis na pag-ibig sa kanyang kakapatid sa Iglesia ni Cristo? Sa I Juan 4:12, ay tinitiyak ang ganito:

“Sinoman ay hindi nakakita kailan man sa Dios: kung tayo'y nangagiibigan, ang Dios ay nananahan sa atin, at ang kaniyang pagibig ay nagiging sakdal sa atin.”

Ano ang pinatutunayan? Nagiging sakdal ang pag-ibig ng Diyos sa kanila at ang Diyos ay nananahan sa kanila. Kaya dapat maghari ang ganitong uri ng pag-iibigan sa isa’t isa sa loob ng Iglesia ni Cristo upang maigalang nila at hindi malapastangan ang banal na kapatirang itinatag ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo.


ANONG URING KAANIB SA IGLESIA NI CRISTO ANG HINDI UMIIBIG KUNDI NAPOPOOT SA KANYANG KAKAPATID?
Sa I Juan 2:9, 11, ay ganito ang sinasabi:

“Ang nagsasabing siya'y nasa liwanag at napopoot sa kaniyang kapatid, ay nasa kadiliman pa hanggang ngayon.”

“Nguni't ang napopoot sa kaniyang kapatid ay nasa kadiliman, at lumalakad sa kadiliman, at hindi niya nalalaman kung saan siya naparoroon, sapagka't ang kaniyang mga mata ay binulag ng kadiliman.”

Anong uring kapatid? Sila’y wala sa liwanag, kundi nasa kadiliman pa hangga ngayon. Bakit ang napopoot at hindi umiibig sa kaniyang kakapatid sa Iglesia ni Cristo ay wala sa liwanag kundi nasa kadiliman pa hangga ngayon? Anong uring kasalanan ang nagagawa nila? Sila ba’y magtatamo ng buhay na walang hanggan? Sa I Juan 3:14-15, ay ganito ang tinitiyak:

“Nalalaman nating tayo'y nangalipat na sa buhay mula sa kamatayan, sapagka't tayo'y nagsisiibig sa mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananahan sa kamatayan.”

“Ang sinomang napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao: at nalalaman ninyong sinomang mamamatay-tao ay hindi pinananahanan ng buhay na walang hanggan.”

Anong uring kasalanan ang nagagawa? Ang napopoot sa kanyang kakapatid ay MAMAMATAY-TAO. Ang mga mamamatay-tao ay wala sa liwanag kundi nasa kadiliman. Saan nananahanan ang mga mamamatay tao? Sila’y nananahanan sa kamatayan. Bakit? Sapagka’t ang mga mamamatay-tao ay hindi magmamana ng buhay na walang hanggan. Samakatuwid, ang mga kapatid sa loob ng Iglesia ni Cristo na hindi tapat na umiibig sa kanyang kakapatid at sinisira ang kapatiran ay hindi magiging dapat sa Diyos. Bakit ang mga nagsasabing umiibig sa Diyos nguni’t hindi naman umiibig kundi napopoot sa kanyang kakapatid sa Iglesia ay hindi magmamana ng buhay na walang hanggan? Ano ba ang pagkilala ng Diyos sa ganitong uri ng kakapatid? Sa I Juan 4:20-21, ay ganito ang tinitiyak:

“Kung sinasabi ng sinoman, Ako'y umiibig sa Dios, at napopoot sa kaniyang kapatid, ay sinungaling; sapagka't ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid na kaniyang nakita, ay paanong makaiibig siya sa Dios na hindi niya nakita? At ang utos na itong mula sa kaniya ay nasa atin, na ang umiibig sa Dios ay dapat umibig sa kaniyang kapatid.”

Ano ang pagkilala ng Diyos? SINUNGALING ang pagkilala sa kanila ng Diyos. Bakit? Sapagka’t paano nga naman nila maiibig ang Diyos na hindi nila nakita kung hindi nila maibig ang mga kakapatid na kanilang nakikita ? Ang utos ng Diyos na nasa atin ay ang umiibig sa Diyos ay dapat umibig sa kanilang kapatid sa Iglesia. Ano ang bahagi ng mga sinungaling na inilalaan ng Diyos sa kanila? Sa Apoc. 21:8, ay ganito ang sinasabi:

“Nguni't sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan.”

Ano ang bahaging inilalaan ng Diyos sa mga sinungaling? Ang kanilang bahagi ay ang nagniningas na apoy at asupre na siyang ikalawang kamatayan. Sino ang mga makakasama nila roon? Makakasama nila roon ang mga mamamatay-tao, ang mga kasuklam-suklam, ang mga mapakiapid at ang mga mapagsamba sa diyus-diyusan. Bakit tinatawag na sinungaling ang mga hindi umiibig sa kanilang kakapatid sa Iglesia? Sapagka’t sila man ay nagsasabing kumikilala sa Diyos, ngunit hindi tumutupad ng Kanyang utos. Ano ang utos ng Diyos na hindi nila tinutupad? Ang utos ng Diyos na pag-iibigan sa isa’t-isa. Kaya sila’y mapapahamak sa apoy na kasama ng mga hindi Iglesia ni Cristo. Sila ang mga kaanib sa loob ng Iglesia ni Cristo na lumalapastangan at sumisira ng pagkakapatiran.

SINO ANG MGA KAANIB SA IGLESIA NI CRISTO NA NASA LIWANAG AT TUNAY NA NAKAKAKILALA SA DIYOS?
Sa I Juan 2:10, ay sinasabi ang ganito:

“Ang umiibig sa kaniyang kapatid ay nananahan sa liwanag, at sa kaniya'y walang anomang kadahilanang ikatitisod.”

Sino ang mga nasa liwanag? Ang umiibig sa kanyang kakapatid sa Iglesia, kaya hindi natitisod anuman ang maging kadahilanan. Ito rin ba ang mga tunay na nakakakilala sa Diyos? Sa I Juan 4:7-8, ay itinuturo ang ganito:

“Mga minamahal, mangagibigan tayo sa isa't isa: sapagka't ang pagibig ay sa Dios; at ang bawa't umiibig ay ipinanganak ng Dios, at nakakakilala sa Dios.”

“Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Dios; sapagka't ang Dios ay pagibig.”

Ang umiibig sa kanyang kakapatid sa Iglesia, tangi sa nasa liwanag ay sila rin ba ang tunay na nakakakilala sa Diyos? Ang hindi umiibig sa kakapatid sa Iglesia ay hindi nakakakilala sa Diyos. Bakit? Sapagka’t ang Diyos ay pag-ibig. Kaya kung ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ay nangag-iibigan sa isa’t-isa, ang Diyos ay nananahan sa kanila. Ayon naman sa pagtuturo ng ating Panginoong Jesucristo, ano ang nahahayag sa lahat ng mga tao kung ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ay nag-iibigan sa isa’t-isa? Sa Juan 13:34-35 ay itinuturo ang ganito:

“Isang bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y mangagibigan sa isa't isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa't isa.”

“Sa ganito'y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pagibig sa isa't isa.”

Ano ang nahahayag sa lahat ng mga tao? Makikilala sila ng lahat ng mga tao na sila’y tunay na mga alagad ni Cristo, kung sila’y nag-iibigan sa isa’t-isa. Paano sila mag-iibigan sa isa’t-isa? Kung paano sila inibig ni Cristo ay gayon dapat mag-ibigan sila sa isa’t-isa. Si Cristo lamang ba ang umibig sa kanila? Hindi lamang si Cristo kundi pati ang Diyos ay umibig sa kanila. Paano sila inibig ng Diyos at ni Cristo? Sa I Juan 4:9-10, ay sinasabi ang ganito:

“Dito nahayag ang pagibig ng Dios sa atin, sapagka't sinugo ng Dios ang kaniyang bugtong na Anak sa sanglibutan upang tayo'y mabuhay sa pamamagitan niya.”

“Narito ang pagibig, hindi sa tayo'y umibig sa Dios, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kaniyang Anak na pangpalubagloob sa ating mga kasalanan.”

Paano inibig? Isinugo ng Diyos si Cristo upang maging pampalubag-loob sa kanilang kasalanan at sa pamamagitan Niya ay magkaroon sila ng buhay na walang hanggan. Dahil dito, dapat ba naman silang mag-ibigan sa isa’t-isa? Sa talatang 11, ay sinasabi ang ganito:

“Mga minamahal, kung tayo'y inibig ng Dios ng gayon, ay nararapat na mangagibigan din naman tayo.”

Ang pag-iibigan sa isa’t-isa ang dapat makita na naghahari sa puso ng mga kapatid sa Iglesia ni Cristo upang sila’y tumahan sa liwanag at maging tunay na mga alagad ni Cristo. Datapuwa’t paano kung magkaroon ng alitan at hindi pagkakaunawaan ang magkakapatid sa Iglesia ni Cristo, maaari bang manatili pa ang kanilang pag-iibigan sa isa’t-isa? Oo, kung susunod sila sa utos ng Diyos na dapat isagawa.

ANO ANG UTOS SA NAGALIT SA KAKAPATID NA DAPAT ISAGAWA NG BOONG PUSO?
Sa Efe. 4:26, ay sinasabi ang ganito:

“Kayo'y mangagalit at huwag kayong mangagkasala: huwag lumubog ang araw sa inyong galit.”

Ano ang utos? Dapat magalit, subalit hindi dapat magkasala. Hindi dapat lubugan ng araw ang inyong galit. Paano magagawa ang magalit na hindi nagkakasala at hindi dapat lubugan ng araw ang galit? Sa Efe. 4:29, 31-32, ay ganito ang itinuturo:

“Anomang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig, kundi ang mabuting ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang makinabang ng biyaya ang mga nagsisipakinig.”

“Ang lahat ng kapaitan, at kagalitan, at pagkakaalit, at kadaldalan, at panglilibak, ay mangaalis nawa sa inyo, pati ng lahat ng masasamang akala:”

“At magmagandang-loob kayo sa isa't isa, mga mahabagin, na mangagpatawaran kayo sa isa't isa, gaya naman ng pagpapatawad sa inyo ng Dios kay Cristo.”

Paano magagawa? Dapat magalit na nasa katuwiran. Huwag magsalita ng mahalay kundi mabuting ikatitibay. Ang kapaitan o ang hinanakit, ang panlilibak o pamimintas, ang kadaldalan o paghahatid-dumapit, ang masamang akala o paghihiganti ay dapat maalis sa damdamin. Hindi dapat maghari sa puso ang poot o pagtatanim, kundi ang magandang kalooban na nagpapatawaran sa isa’t isa sa lalong madaling panahon, gaya ng pagpapatawad ng Diyos at ng ating Panginoong Jesucristo. Bakit kailangang mawala sa kalooban ang galit, ang poot at paghihiganti, at ipagkaloob ang pagpapatawad sa kakapatid na nakagalit na nagkasala? Sapagka’t ang sinumang hindi magpatawad sa kanyang kakapatid ng kanilang kasalanan ay hindi rin naman magtatamo ng patawad ng Amang nasa langit ng kanilang kasalanan (Mat. 5:14-15). Ano ang itinuturo ng ating Panginoong Jesucristo na dapat gawin sa kakapatid kung magkasala sa kanya ang kanyang kapatid? Sa Mat. 18:15-17, ay itinuturo ang ganito

“At kung magkasala laban sa iyo ang kapatid mo, pumaroon ka, at ipakilala mo sa kaniya ang kaniyang kasalanan na ikaw at siyang magisa: kung ikaw ay pakinggan niya, ay nagwagi ka sa iyong kapatid. Datapuwa't kung hindi ka niya pakinggan, ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang sa bibig ng dalawang saksi o tatlo ay mapagtibay ang bawa't salita. At kung ayaw niyang pakinggan sila, ay sabihin mo sa iglesia: at kung ayaw rin niyang pakinggan ang iglesia, ay ipalagay mo siyang tulad sa Gentil at maniningil ng buwis.” 

Ano ang itinuturo ni Cristo? Siya na pinagkasalahan ay dapat pumaroon sa nagkasala upang ipakilala niya ang nagawa nitong kasalanan na silang dalawa lamang ang nagkakaharap. Kung pakinggan siya ng nagkasala ay nagwagi ang kanyang pakikipagkasundo. Kung ayaw siyang pakinggan ay magsama siya ng isa o dalawang kapatid na diyakono o diyakonesa upang maging saksi sa kanilang pag-uusap. At kung ayaw pa ring pakinggan sila, ay sabihin sa Iglesia o ilapit sa Pangangasiwa at kung ayaw pa ring pakinggan ang Pangangasiwa at ayaw makipagkasundo ay dapat na itulad na Gentil at maniningil ng buwis. Ang gayon ay inaalis o itinitiwalag na sa Iglesia. Bakit itinitiwalag sa Iglesia ang ayaw makinig sa Pangangasiwa sa pakikipagkasundo sa kakapatid na pinagkasalahan? Sino ba ang itinuturo ni Cristo na nagkasala na dapat patawarin? Sa Lucas 17:3-4, ay ganito ang ipinakikilala:

“Mangagingat kayo sa inyong sarili: kung magkasala ang iyong kapatid, sawayin mo siya; at kung siya'y magsisi, patawarin mo siya. At kung siya'y makapitong magkasala sa isang araw laban sa iyo, at makapitong magbalik sa iyo na sasabihin, Pinagsisisihan ko; patawarin mo siya.”

Ang nagkasala na nagsisisi ay dapat patawarin. Ilang ulit mang magkasala sa isang araw, ngunit nagsisisi, inaamin ang kasalanan at humihingi ng tawad ay dapat patawarin. Datapuwa’t sinumang hindi umaamin ng kasalanan, hindi nagsisisi at ayaw makipagkasundo ay hindi dapat patawarin, kaya itinitiwalag sa Iglesia ni Cristo. Dahil dito, ang magkakapatid sa Iglesia ni Cristo ay nararapat mag-ibigan at magpatawaran sa isa’t-isa at hindi dapat mapoot sa kanyang kakapatid. Ano ang parusang itinakda ng ating Panginoong Jesucristo sa napopoot sa kanyang kakapatid? Sa Mat. 5:22, ay tinitiyak ang ganito:

“Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na ang bawa't mapoot sa kaniyang kapatid ay mapapasa panganib sa kahatulan; at ang sinomang magsabi sa kaniyang kapatid, Raca, ay mapapasa panganib sa Sanedrin; at ang sinomang magsabi, Ulol ka, ay mapapasa panganib sa impierno ng apoy.”

Ano ang parusang itinakda? Ang napopoot sa kanyang kakapatid na magsabi ng Raca o Ulol sa kanyang kakapatid ay mapapasa panganib sa impiyerno ng apoy. Ano ang dapat gawin ng napopoot sa kanyang kakapatid upang makaligtas sa parusang ito? Sa Mat. 5:23-26¸ay ganito ang ipinakikilala:

“Kaya't kung inihahandog mo ang iyong hain sa dambana, at doo'y maalaala mo na ang iyong kapatid ay mayroong anomang laban sa iyo, Iwan mo roon sa harap ng dambana ang hain mo, at yumaon ka ng iyong lakad, makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon ay magbalik ka at ihandog mo ang iyong hain. Makipagkasundo ka agad sa iyong kaalit, samantalang ikaw ay kasama niya sa daan; baka ibigay ka ng kaalit mo sa hukom, at ibigay ka ng hukom sa punong kawal, at ipasok ka sa bilangguan. Katotohanang sinasabi ko sa iyo, Hindi ka aalis doon sa anomang paraan, hanggang hindi mo mapagbayaran ang katapustapusang beles.”

Ano ang dapat gawin? Kung sila’y maghahandog sa dambana o sasamba, ngunit nagunitang may laban sa kanila ang sinumang kakapatid sa Iglesia, iwan muna ang iyong hain at makipagkasundo kaagad sa kaalit. Hindi dapat umalis hanggang hindi lubusang nagkakasundo na malinis ang puso na wala nang bahid ng poot at pagtatanim sa kakapatid. Kung magawa na ito ay saka bumalik sa paghahandog ng kanyang hain sa dambana o pagsamba. Ang ganitong uri ng mga kapatid ang gumagalang at tunay na umiibig sa kapatiran sa loob ng Iglesia ni Cristo.

Hango mula sa aklat na Isang Pagbubunyag Sa Iglesia Ni Cristo/Copyright 1964/Kabanata XXVIII/Pahina 239-264

Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.

IGLESIA NI CRISTO SITE