HINDI SI CIRO
ANG IBONG MANDARAGIT
SA ISAIAS 46:11
Gregorio F. Nonato
ANG ILAN SA mga komentarista ng Biblia ay nagsasabing si
Ciro (Cyrus the Great) ang diumano’y
“ibong mandaragit” na hinuhulaan sa Isaias 46:11. Ang isa rito ay si Charles John Ellicott na
nagpaliwanag sa nabanggit na talata sa kaniyang Bible Commentary:
“Calling a ravenous bird, -
Cyrus is thus described as Nebuchadnezzar in Jer. 49:22; Ezek. 17:3. The image derives a special significance from
the fact that the standard borne by Cyrus and his successors was a golden eagle
(Xen., Cyrop, 7:11, 4; Anab. 1:10, 12), (Comp. also Matt. 24:28; Luke
17:37.) The “sun-rising” is Persia; the
“far country” probably represents Media.” [Charles John Ellicott, Ellicott’s Bible Commentary, Donald N. Boedle, Ph. D., Th. D., ed. (Michigan,
USA: Zondervan Publishing House, c.
1971), p. 525.]
Sa Pilipino:
“Tumatawag ng ibong
mandaragit – Si Ciro ay inilarawan bilang si Nabucodonosor sa Jer. 49:22; Ezek.
17:3. Ang ganitong paglalarawan ay bunga
ng katotohanang ang sagisag na ginamit ni Ciro at ng kaniyang mga kahalili ay
isang gintong agila (Xen., Cyrop. 7:1, 4; Anab. 1:10, 12). (Ihambing din sa Mat.
24:28; Lucas 17:37.) Ang “sikatan ng
araw” ay kumakatawan sa Persia; ang “malayong lupain” ay kumakatawan marahil sa
Media.”
Ang mga saksi ni Jehovah ay napapaliwanag din ng halos
katulad ng paliwanag ni Ellicott sa Isaias 46:11. Ganito ang ating matutunghayan:
“… He has called Cyrus – from
the “sun-rising” from Persia (to the E of Babylon), and Cyrus’ favorite capital
of Pasargadae was built, and Cyrus was to be like a “bird of prey” in swiftly
pouncing down upon Babylon. (Isa. 46:10, 11)
It is of note that, according to Encyclopedia Britanica (1911, vol. 10,
p. 454b, “the Persians bore an eagle fixed to the end of a lance, and the sun,
as their divinity, was also represented upon their standards which … were
guarded with the greatest jealousy by the bravest men of the army.”” [Aid To Bible Understanding. (USA: Watch Tower Bible and Tract Society of
Pennsylvania, 1971), p. 409.]
Sa Pilipino
“ …Tinawag Niya si Ciro –
mula sa “sikatan ng araw” sa Persia (hanggang sa silangan ng Babilonia), at
itinayo ang punong-lunsod na paborito ni Ciro:
ang Pasargadae, at si Ciro ay magiging tulad ng “ibong mandaragit” sa
mabilis na pagsakop niya sa Babilonia (Isa. 46:10, 11. Mapapansin na, ayon sa Encyclopedia Britanica
(1911, tomo 10, p. 454b), “ang hukbong Persiano ay may taglay na agila sa dulo
ng kanilang mga sibat, at ang araw, na kanilang sinasamba, ay naroon din sa
kanilang mga bandila … na mahigpit na binabantayan ng mga matatapang na kawal.”
Ayon sa ilang mga komentarista ng Biblia ang “ibong
mandaragit” na hinuhulaan sa Isaias 46:11 ay si Ciro ng Persia. Ang Persia diumano ang tinutukoy na “sikatan
ng araw o silangan” at ang Media naman ang tinutukoy na “malayong lupain.”
Ang lalong malala ay ang paglalagay ng pangalan ni Ciro
sa Isaias 46:11 sa The Living Bible
na paraphrased ni Kenneth Taylor. Ang
paglalagay na ito ay tahasang pagsalungat sa Diyos na nagsabing, “huwag ninyong daragdagan ni babawasan ang salita na
aking iniutos sa inyo, …” (Deut. 4:2).
Ganito ang pagkakasalin ng Isaias 46:11 sa The Living Bible:
“I will call that swift bird
of prey from the east—that man Cyrus
from far away. And he will come and do
my bidding, I have said I would do it and I will.”
Hindi namin tinututulan na si Ciro ng Persia ay isa sa
mga sinugo ng Diyos upang isagawa niya ang gawaing iniatas sa kaniya ng Diyos
sa pamamagitan ng hula. Subalit, hindi
ang hula sa pagkasugo ni Ciro ang isinasaad sa Isaias 46:11. Dapat nating bigyang pansin na katulad din ng
ibang mga sugo ng Diyos ay alam nila kung aling hula ang tumutukoy sa kanilang
pagkasugo. Halimbawa, ay si Juan
Bautista. Nalalaman ni Juan Bautista na
siya ang “tinig na humihiyaw sa ilang” na hinulaan sa Isaias 40:3. Tunghayan natin ang pahayag ni Juan Bautista:
“Sinabi nga nila sa kaniya, Sino ka baga? Upang ibigay namin ang kasagutan sa nangagsugo sa amin. Ano ang sinasabi mo tungkol sa iyong sarili?
“Sinabi niya, Ako ang tinig ng isang humihiyaw sa ilang, Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias.” (Juan 1:22-23)
Maliwanag sa talatang ito na nalalaman ni Juan Bautista
na siya “ang tinig ng isang humihiyaw sa ilang” yayamang siya ang tinutukoy sa
hula na nasa Isaias 40:3) Ganoon din
naman si Apostol Pablo. Alam din ni
Apostol Pablo na siya ang hinuhulaan na “ilaw sa dako ng mga Gentil,” na
hinuhulaan sa Isaias 49:6. Tunghayan
natin ang pahayag ni Apostol Pablo:
“Sapagka't ganito ang ipinagutos sa amin ng Panginoon, na sinasabi, Inilagay kitang isang ilaw ng mga Gentil, Upang ikaw ay maging sa ikaliligtas hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa.” (Gawa 13:47)
Sa maraming pagkakataon ay makikita natin sa pagtuturo ng
ating Panginoong Jesucristo na alam Niya ang mga hula na tumutukoy sa
Kaniya. Ang isang katunayan ay
matutunghayan natin sa Lukas 4:17-21:
“At ibinigay sa kaniya ang aklat ng propeta Isaias. At binuklat niya ang aklat, na nasumpungan niya ang dakong kinasusulatan,
“Sumasa akin ang Espiritu ng Panginoon, Sapagka't ako'y pinahiran niya upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga dukha: Ako'y sinugo niya upang itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas, At sa mga bulag ang pagkakita, Upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi,
“Upang itanyag ang kaayaayang taon ng Panginoon.
“At binalumbon niya ang aklat, at isinauli sa naglilingkod, at naupo: at ang mga mata ng lahat ng nangasa sinagoga ay nangakatitig sa kaniya.
“At siya'y nagpasimulang magsabi sa kanila, Ngayo'y naganap ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig.”
Maliwanag na ang hula na nasa Isaias 61:1 ay tumutukoy
kay Cristo. Mapapansin na ang Panginoong
Jesucristo mismo ang nagpaliwanag na Siya ang tinutukoy ng hula sa pagsasabing,
“ngayo’y naganap ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig.”
Natunghayan natin na ang hinuhulaan na “isang tinig na
humihiyaw sa ilang” ay tumutukoy kay Juan Bautista. Alam ni Juan Bautista, at siya mismo ang
nagpahayag, na siya ang “tinig na humihiyaw sa ilang.” Natunghayan din natin na ang hinuhulaan na
“ilaw sa dako ng mga Gentil” ay tumutukoy kay Apostol Pablo. Alam din ni Apostol Pablo na siya ang
tinutukoy ng hula na ilalagay na ilaw sa dako ng mga Gentil. Natunghayan din natin na ang ating Panginoong
Jesucristo ang hinuhulaan na pinahiran at sinugo upang ipangaral ang mabuting
balita sa mga dukha. Alam din ng ating
Panginoong Jesucristo na Siya ang hinuhulaan nito. Dahil dito kung ang “ibong mandaragit” na
hinuhulaan sa Isaias 46:11 ay si Ciro ng Persia, dapat na si Ciro mismo ang
magpahayag na siya ang tinutukoy ng hula.
Hindi Itinuro Ni Ciro Na Siya Ang Ibong
Mandaragit
Walang mababasa sa Biblia na itinuro ni Ciro na siya ang
“ibong mandaragit.” Aling hula ang sinabi ni Ciro na natupad sa kaniya? Tunghayan natin ang sinasabi ng Biblia:
“Ganito ang sabi ni Ciro na hari sa Persia: Lahat ng kaharian sa lupa ay ibinigay sa akin ng Panginoon, ng Dios ng langit; at kaniyang binilinan ako na ipagtayo siya ng isang bahay sa Jerusalem, na nasa Juda. Sinomang mayroon sa inyo sa buong kaniyang bayan, sumakaniya nawa ang Panginoon niyang Dios, at umahon siya.” (II Cron. 36:23)
Sa talatang ito ay walang sinabi si Ciro na siya ang
“ibong mandaragit.” Ang sabi ni Ciro,
“ang lahat ng kaharian ay ibinigay sa akin ng Panginoon.” Ito ang katuparan ng hula ng Diyos kay
Ciro. Hinuhulaan ng Diyos na si Ciro ay
magpapasuko ng mga bansa. Tunghayan
natin ang hula kay Ciro:
“Ganito ang sabi ng Panginoon sa kaniyang pinahiran ng langis, kay Ciro, na ang kanang kamay ay aking hinawakan, upang magpasuko ng mga bansa sa harap niya; at aking kakalagan ang mga balakang ng mga hari; upang magbukas ng mga pintuan sa unahan niya, at ang mga pintuang-bayan ay hindi masasarhan;
“Ako'y magpapauna sa iyo, at, papatagin ko ang mga bakobakong dako: aking pagwawaraywarayin ang mga pintuang tanso, at aking puputulin ang mga halang na bakal:
“At ibibigay ko sa iyo ang mga kayamanang nasa kadiliman, at ang mga natatagong kayamanan sa mga lihim na dako, upang inyong maalaman na ako ang Panginoon na tumatawag sa iyo sa inyong pangalan, sa makatuwid baga'y ang Dios ng Israel.” (Isa. 45:1-3)
Ito ang hula kay Ciro.
Siya ay magpapasuko ng mga bansa,
kung kaya’t sinabi ni Ciro na ang lahat ng kaharian ay ibinigay sa
kaniya ng Panginoon. Ang isa pang hula
ng Diyos na ang katupara’y si Ciro ay ang pagtatayong muli ng Templo sa
Jerusalem. Sinabi ni Ciro, “kaniyang
binilinan ako na ipagtayo siya ng bahay sa Jerusalem …” Mayroon nga bang hula
kay Ciro ukol sa pagtatayong muli ng templo sa Jerusalem? Mayroon!
Ang nasa Isaias 44:28:
“Na nagsasabi tungkol kay Ciro, Siya'y aking pastor, at isasagawa ang lahat kong kaligayahan: na nagsasabi nga rin tungkol sa Jerusalem, Siya'y matatayo; at sa templo, Ang iyong patibayan ay malalagay.”
Natunghayan natin ang mga hula na tumutukoy kay Ciro ay
ang nasa Isa. 45:1-3 na siya ay magpapasuko ng mga bansa at ang nasa Isa. 44:28
na kaniyang itatayong muli ang templo sa Jerusalem. Ang mga hulang ito ay natupad kay Ciro nang
kaniyang sakupin ang Babilonia at payapang makabalik ang mga Israelita upang
itayong muli ang templo sa Jerusalem.
Ngunit walang binabanggit si Ciro kahit ang boong Biblia na siya ang
tinutukoy na ibong mandaragit na hinuhulaan sa Isa. 46:11.
Ang Sikatan Ng Araw O Silangan
Ayon sa Ellicott’s
Bible Commentary ang Persia diumano ang tinutukoy na “sikatan ng araw” na
panggagalingan ng ibong mandaragit na hinuhulaan sa Isaias 46:11. Ngunit batay sa Strong’s Exhaustive Concordance
of the Bible with Hebrew and Greek Dictionaries, ang salitang “silangan” na
ginamit sa Isaias 46:11 ay katumbas ng “mizrach” sa wikang Hebreo. Sa Hebreo kapag ginamit ang salitang
“mizrach” ang tinutukoy ay “malayong silangan.”
Tunghayan natin ang pahayag ng Smith’s
Bible Dictionary ni William
Smith:
“… Again, kedem is used in a
strictly geographical sense to describe a spot or country immediately before
another in an easterly direction; hence
it occurs in such passages as Gen. ii:8, 11:24, xi:2, xiii.11, xxv:6 and hence
the subsequent application of the term, as a proper name (Gen. xxv. 6,
eastward, unto the land of kedem), to the lands lying immediately eastward of
Palestine, viz. Arabia, Mesopotamia, and Babylonia;
on the other hand mizrach is used of the far east with a less definite signification
(Is. Xli:2, 25, xliii, 5, xlvi, 11).” [William Smith, LL. D., Smith Bible Dictionary. (N.J.: Fleming A. Ravell, 1976, p. 153.]
Sa Pilipino:
“… Gaya ng dati ang salitand
kedem ay ginamit upang maglarawan lamang sa isang dako o bansa na karatig sa
gawing silangan ng isa pang dako; kaya nga, ang salitang ito ay ginamit sa mga
talatang Gen. ii:8, ii:24. Xi:2, xiii:11, xxv:6 at kaya rin nga ginamit ito
bilang isang panggalang pantangi (Gen. xxv:6, pasilangan patungo sa lupain ng
kedem), na tumutukoy sa lupaing karatig sa silangan ng Palestina, gaya ng
Arabia, Mesopotamia, at Babilonia, sa kabilang dako, ang salitang mizrach ay
ginamit para sa malayong silangan ngunit hindi tiyak ang tinutukoy (Isa. Xli:2,
xliii:5, slvi:11).”
Maliwanag na ang salitang Hebreo na “mizrach” ay
tumutukoy sa “malayong silangan.” Ang
salitang Hebreong “mizrach” ang ginamit sa Isaias 46:11 kaya ang tinutukoy dito
na “silangan o sikatan ng araw” ay ang “malayong silangan.” Hindi maaaring ang Persia ang tinutukoy sa
Isaias 46:11 sapagkat ang ginamit na salitang Hebreo na katumbas ng silangan
“ay mizrach” samantalang ayon sa Aid To
Bible Understanding ang salitang
Hebreo na “kedem” (qedhem) katumbas ng “silangan” ang ginagamit kapag ang
tinutukoy ay ang Persia (Iran). Ganito
ang ating mababasa:
“Sometimes qe’dhem was used
to mean a generally eastward direction, as at Genesis 11:2. At other times it meant the “east” in
relation to something else, as at Number 34:11, where the expression “East of
Ain” is used. At still other times it
referred to the area that lay E and NE of Israel. This included the lands of Moab and Amon, the
Arabian Desert. Babylonia, Persia,
Assyria and Armenia.” [Aid to
Bible Understanding. P. 478.)
Sa Pilipino:
“Kung magkaminsan ang
salitang “qe’dhem” ay ginamit upang karaniwang tumukoy sa gawing silangan, gaya
ng pagkagamit sa Genesis 11:2. Sa ibang
pagkakataon ito ay nangangahulugang “silangan”
kaugnay ng kinalalagyan ng iba pang bagay gaya naman ng pagkagamit nito
sa Bilang 34:11, kung saan ang ekspresyong “east of Ain” ay ginamit. At sa iba pang pagkakataon ito ay tumutukoy
sa kalaparan ng lupa na nasa silangan at hilagang-silangan ng Israel. Dito ay kasama ang mga lupain ng Moab at
Amon, ang Disyerto ng Arabia, Babilonia, Persia, Asiria, at Armenia.”
Natitiyak natin na hindi si Ciro ang hinuhulaan na ibong
mandaragit sa Isaias 46:11 sapagkat ang ibong mandaragit ay mula sa malayong
silangan na ang katumbas sa Hebreo ay “mizrach”, samantalang “kedem” ang katumbas
ng silangan kapag ang tinutukoy ay ang Persia na siyang pinanggalingan ni Ciro.
Ang Gawain Ng Ibong Mandaragit
Sa ikatitiyak kung sino ang ibong mandaragit na
hinuhulaan sa Isaias 46:11, mahalagang malaman din natin ang dahilan ng
pagsusugo sa ibong mandaragit. Ang hula
at ang mga kasunod na talata ang nagpapaliwanag nito:
“ Na tumatawag ng ibong mangdadagit mula sa silanganan, ng taong gumagawa ng aking payo mula sa malayong lupain; oo, aking sinalita, akin namang papangyayarihin; aking, pinanukala, akin namang gagawin.
“Inyong dinggin ako, ninyong may mapagmatigas na loob; na malayo sa katuwiran:
“Aking inilalapit ang aking katuwiran, hindi maglalaon at ang aking pagliligtas ay hindi magluluwat: at aking ilalagay ang kaligtasan sa Sion na ukol sa Israel na aking kaluwalhatian.” (Isa. 46:11-13)
Sinabi ng Diyos, “aking inilapit ang aking katwiran,
hindi maglalaon at ang aking pagliligtas ay hindi magluluwat: …” Upang mailapit
“ang katwiran sa may mapagmatigas na loob at malayo sa katwiran,” kailangang
magsugo. Ang isusugong ito ay itinulad
sa ibong mandaragit. Ayon din sa hula,
kawakasan at kagibaan ang sasapit sa mga taong mapagmatigas na loob at malayo
sa katwiran:
“Tinatakbo ng kanilang mga paa ang kasamaan, at sila'y nangagmamadaling magbubo ng walang salang dugo: ang kanilang mga pagiisip ay mga pagiisip ng kasamaan; kawasakan at kagibaan ay nasa kanilang mga landas.
“Ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nalalaman: at walang kahatulan sa kanilang mga lakad: sila'y nagsigawa para sa kanila ng mga likong landas; sinomang lumalakad doon ay hindi nakakaalam ng kapayapaan.
“Kaya't ang kahatulan ay malayo sa amin, o umaabot man sa amin ang katuwiran: kami'y nagsisihanap ng liwanag, nguni't narito, kadiliman; ng kaliwanagan, nguni't nagsisilakad kami sa kadiliman.” (Isa. 59:7-9)
Ang gawain ng ibong mandaragit ay ito: ilapit ang katuwiran sa ikaliligtas sa
kawakasan at kagibaan ng mga may mapagmatigas na loob at malayo sa
katuwiran. Ang katuwiran ng Diyos sa
ikaliligtas ay ang ebanghelyo. Ito ay
pinatunayan ni Apostol Pablo:
“Sapagka't hindi ko ikinahihiya ang evangelio: sapagka't siyang kapangyarihan ng Dios sa ikaliligtas ng bawa't sumasampalataya; una'y sa Judio, at gayon din sa Griego.
“Sapagka't dito ang katuwiran ng Dios ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya: gaya ng nasusulat, Nguni't ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.” (Roma 1:16-17)
Upang ang ebanghelyo na siyang katuwiran ng Diyos sa
ikaliligtas ay mailapit sa mga taong malayo sa katuwiran, ipinag-utos ni Jesus
na ipangaral ito:
“At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal.
“Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.” (Mar. 16:15-16)
Samakatuwid ang gawain ng ibong mandaragit na hinuhulaan
sa Isa. 46:11 ay ang pangangaral ng ebanghelyo na siyang katwiran ng Diyos na
dapat ilapit sa mga tao upang sila ay magtamo ng kaligtasan.
Ang gawain ng ibong mandaragit na hinuhulaan sa Isaias
46:11 ay iba sa gawain ni Ciro ng Persia.
Ang gawain ng ibong mandaragit ay dalhin ang katwiran ng Diyos sa mga
tao upang maligtas samantalang ang gawain ni Ciro ay ang magpasuko ng mga
bansa. Maliwanag na magkaiba ang gawain
ni Ciro at ng ibong mandaragit kaya hindi si Ciro ang hinuhulaan na ibong
mandaragit sa Isaias 46:11.
Ang gawain ng
ibong mandaragit na hinuhulaan sa Isaias 46:11 ay pangangaral ng
ebanghelyo. Tinitiyak din ng hula na ang
silangan na panggagalingan ng ibong mandaragit ay malayong silangan. Ang pangangaral ni Kapatid na Manalo ang
katuparan ng hula sa Isaias 46:11. Ang
Kapatid na Manalo ang tinutukoy na ibong mandaragit at ang Pilipinas ang
malayong silangan. Ito ay natalakay
na sa mga naunang lathala dito sa PASUGO. *
Hango sa PASUGO GOD’S MESSAGE/MAY-JUNE 1983/VOLUME 35/NUMBER
3/PAHINA 45-48, 52