Lunes, Marso 2, 2015

ANG LALONG MAHALAGA

ANG LALONG MAHALAGA

MADALING MALAMAN kung aling bagay ang mahalaga para sa atin.  Ito’y ang pinag-uukulan natin ng mahabang panahon.  Hindi natin pinanghihinayangan gaano man ang maging puhunan natin para  rito lalo na’t umaasa tayong ito ay ating pakikinabangan.  Sa kabilang dako, kung sa akala natin ay wala tayong pakikinabangin sa isang bagay, hindi natin ito pag-uukulan ng ating panahon.

Sa panahong ito, may mga taong walang pagpapahalaga sa paglilingkod sa Diyos at sa pagsunod sa Kaniyang mga utos.  Itinuturing pa nga ng iba na ito ay walang kabuluhan at walang pakinabang (Mal. 3:14).

Ayon naman sa iba, wala raw kaibahan kung sila man ay maglingkod at sumunod sa Diyos o hindi.   Iminamatuwid nila na iisa ang hantungan ng lahat, at kapuwa naman daw mamamatay ang naglilingkod sa Diyos at ang hindi (Ecles. 9:2).  Kaya, ano raw ang kaibahan kung sumunod o hindi?

Ang iba naman ay naiinggit sa masama.  Sinasabi nila na nabubuhay rin naman ang masama, nagiging makapangyarihan, at sumasagana pa nga ang ilan sa kanila (Job 21:7, 13).

Kaya, bakit pa raw magpapakahirap sa paglilingkod sa Diyos at sa pagsunod sa Kaniyang mga utos?  Tama kaya ang mga sinasabi nilang ito?

NILALANG TAYO UPANG MAGLINGKOD
Para sa Diyos, ang paniniwalang hindi mahalaga at walang kabuluhan ang paglilingkod sa Kaniya ay tahasang paglapastangan sa Kaniya:

“Ang inyong mga salita ay naging lapastangan laban sa akin, sabi ng Panginoon. Gayon ma'y inyong sinasabi, Sa ano kami nangagsalita ng laban sa iyo?  Inyong sinabi, Walang kabuluhan ang maglingkod sa Dios; at anong kapakinabangan nito na ating iningatan ang kanyang bilin, at tayo'y nagsilakad na may pananangis sa harap ng Panginoon ng mga hukbo?(Mal. 3:13-14)

Maling isipin na walang kabuluhan ang maglingkod sa Diyos dahil ito mismo ang layunin Niya sa paglalang sa atin:

“Mangaglingkod kayo na may kasayahan sa Panginoon; magsilapit kayo sa kaniyang harapan na may awitan.  Alamin ninyo na ang Panginoon ay siyang Dios; siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kaniya: tayo'y kaniyang bayan, at mga tupa ng kaniyang pastulan. (Awit 100:2-3)

Tayo ay nilalang ng Diyos upang maging Kaniya—upang paglingkuran Siya.  Kaya, pananagutan natin ang maglingkod sa kaniya.  Kung ayaw nating maglingkod sa Diyos, tahasan nating sinasalungat ang layunin ng pagkakalalang niya sa atin.

AYON SA KATOTOHANAN
Maaaring sabihin ng iba na sila’y may kinaaanibang relihiyon at naglilingkod sa Diyos, kaya hindi raw sila tumatalikod sa pananagutang ito sa Kaniya.  Pero ano bang uring paglilingkod ang dapat nating iukol sa Diyos?  Ayon sa Biblia:

“Matakot lamang kayo sa Panginoon, at maglingkod kayo sa kaniya sa katotohanan ng inyong buong puso; dilidilihin nga ninyo kung gaanong dakilang mga bagay ang kaniyang ginawa sa inyo. (I Sam. 12:24)

Dapat nating paglingkuran ang Diyos sa katotohanan—hindi sa anumang paraan na ating magustuhan.  Totoong dapat na maging buong puso ang ating gagawing paglilingkod, ngunit dapat din itong masalig sa katotohanan o sa mga salita ng Diyos (Juan 17:17).

Kaibigan, ito ang dapat nating suriing mabuti.  Ang paraan ba ng paglilingkod natin sa Diyos ay nakasalig sa Kaniyang katotohanan o sa mga salita Niyang nakasulat sa Biblia?  Mahalagang ito ay ating matiyak dahil walang kabuluhan ang pagsambang nakasalig lamang sa aral at utos ng tao at hindi sa kalooban ng Diyos:

“Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao. (Mat. 15:9)

Hindi mabuting tumanggi tayong maglingkod sa Diyos nang ayon sa katotohanan.  May ibinabalang parusa ang Diyos para sa lahat ng ayaw sumunod sa Kaniyang mga utos:

“Na maghihiganti sa hindi nagsisikilala sa Dios, at sa kanila na hindi nagsisitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesus:  Na siyang tatanggap ng kaparusahan, na walang hanggang kapahamakang mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan. (II Tes. 1:8-9)

Ang mga hindi tumatalima sa ebanghelyo ay parurusahan sa apoy sa Araw ng Paghuhukom.  Kaya, kung hindi natin ipagpapauna ang paglilingkod sa Diyos at hindi natin susundin ang Kaniyang mga utos, masasadlak tayo sa matinding kasawian.  Ang mga bagay na ating pinag-ukulan ng higit na pagpapahalaga ay mauuwi lamang sa wala.  Gaya nga ng sinabi ng Panginoong Jesucristo:

“Sapagka't ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay? o ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay? (Mat. 16:26).

Kahit pa nga napakalaki ng ating matamong kayamanan, kapangyarihan, o katanyagan—kahit pa makamtan natin ang buong sanlibutan—ay wala ring pakinabang kung mawawala naman ang ating buhay o hindi tayo maliligtas sa Araw ng Paghuhukom:

“Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng kapootan ng Panginoon; kundi ang buong lupain ay masusupok sa pamamagitan ng apoy ng kaniyang paninibugho: sapagka't wawakasan niya, oo, isang kakilakilabot na wakas, nilang lahat na nagsisitahan sa lupain.(Zef. 1:18)

Maging ang natamong talino at dunong sa mundong ito ay mawawalan din ng saysay sa Araw ng Paghuhukom dahil ang mga ito ay hindi makapagliligtas sa atin:

“Sapagkat nasusulat, ‘Sisirain ko ang karunungan ng marurunong, at pawawalang-kabuluhan ang katalinuhan ng matatalino’.” (I Cor. 1:19, Magandang Balita Biblia)

Dapat lamang na tayo ay mag-aral, maghanapbuhay, at magsikap upang umunlad ang ating buhay.  Ngunit hindi natin dapat ubusin lahat ng ating panahon at pagpapagal sa mga bagay na ito.  Tandaan natin na mayroong lalong mahalaga kaysa rito—ang paglilingkod sa Diyos at ang pagsunod sa Kaniyang mga utos na siyang dahilan kaya Niya tayo nilalang.  Kung hindi natin ito tutuparin, tiyak na tayo’y parurusahan.

ANG TUNAY NA PAKINABANG
Totoo bang wala tayong pakikinabangin kung paglilingkuran at susundin natin ang Diyos at si Jesus?  Ganito ang sagot ng ating Panginoong Jesucristo sa tanong na katulad ng kay Apostol Pedro:

“Sinabi ni Pedro, ‘Iniwan namin ang lahat at sumunod sa inyo.  Ano ngayon ang mapapakinabang namin?’  Sumagot si Jesus, ‘Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, kapag ang Anak ng Tao’y nasa kanyang trono na sa bagong daigdig, kayong sumunod sa akin ay luluklok din sa labindalawang trono upang hukuman ang labindalawang lipi ng Israel.  At sinumang mag-iwan ng kanyang bahay, kapatid, magulang, anak o bukid dahil sa akin ay tatanggap ng isandaang ulit at magmamana ng buhay na walang hanggan.” (Mat. 19:27-29, New Pilipino Version)

Isakripisyo man natin ang lahat sa buhay na ito alang-alang sa pagsunod ay hindi tayo malulugi.  Ang susunod ay magmamana ng buhay na walang hanggan.  Ito ba ay maliit na pakinabang?  Anong bagay na pinagkakaabalahan natin sa mundong ito ang makapagbibigay sa atin ng buhay na walang hanggan?  Wala—tanging ang paglilingkod at pagsunod sa Diyos at kay Jesus.  Kaya, marapat lamang na pag-ukulan natin ito ng malaking pagpapahalaga.

Subalit, saan natin matatamo ang buhay na walang hanggan na siya ring kinaroroonan ng tunay na sumunod sa Diyos at kay Jesus?  Ganito ang sabi ng Biblia:

“ At ito ang patotoo, na tayo'y binigyan ng Dios ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak. Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Dios ay hindi kinaroroonan ng buhay.  (I Juan 5:11-12)

Upang magkamit ng buhay na walang hanggan, kailangang naroon tayo sa kinaroroonan ng Anak.  Alin ang kinaroroonan ng Anak?  Ganito ang sabi sa Colosas 1:18:

“At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia.

Ang kinaroroonan ng Anak o ng Panginoong Jesus ay ang katawan o ang Iglesiang pinangunguluhan Niya.  Ang Iglesiang ito ay ang Iglesia ni Cristo ayon sa Roma 16:16:

“Magbatian kayo ng banal na halik.  Lahat ng iglesya ni Cristo ay bumabati sa inyo.” (NPV)

Kaya, ang tunay na sumunod sa Diyos at sa ating Panginoong Jesucristo ay ang mga umanib sa tunay na Iglesia ni Cristo.  Pakikinabangan lamang natin ang ating ginagawang paglilingkod sa Diyos at matatamo lamang natin ang buhay na walang hanggan kung tayo ay nasa loob ng Iglesia ni Cristo.  Ito ay dahil sa ang tanging may karapatang maglingkod sa ating Panginoong Diyos ay ang mga nalinis sa kasalanan sa pamamagitan ng dugo ni Cristo:

“Gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inihandog sa Dios ang kanyang sarili na walang kapintasan, upang malinis ang ating budhi mula sa gawaing maghahatid sa kamatayan.  Sa gayon, makapaglilingkod tayo sa buhay na Dios!” (Heb. 9:14, Ibid.)

Kung hindi tayo malilinis sa ating mga kasalanan, kahit maglingkod tayo ay hindi rin ito tatanggapin ng Diyos.  Tandaan nating dahil sa ating mga kasalanan, tayo’y itinuring na kaaway ng Diyos, hiwalay sa Kaniya, at walang karapatan upang maglingkod (Col. 1:20; Is. 59:2).  Para mapatawad ang ating mga kasalanan ay kailangang matubos tayo ng dugo ni Cristo.  Ang pinatutunayan ng Biblia na tinubos ni Cristo ng Kaniyang dugo ay ang Kaniyang Iglesia:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.”  (Gawa 20:28, Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)

Sa loob lamang ng Iglesia ni Cristo makakamtan ang kapatawaran ng ating mga kasalanan.  Kaya, kung nais nating maging katanggap-tanggap ang ating paglilingkod sa Diyos ay dapat tayong umanib sa Iglesia ni Cristo.  Sa ganitong paraan, makatitiyak tayo ng kaligtasan:

“Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo’y makasalanan pa.  At ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos sa pamamagitan niya.” (Roma 5:8-9, MB)

Walang katumbas ang biyaya at kapalaran na ating tatanggapin kung ating paglilingkuran ang Diyos at ang Panginoong Jesus sa loob ng tunay na Iglesia.  Ito ang higit nating dapat pahalagahan at lalong pag-ukulan ng panahon sa ating buhay sapagkat ito ang magdudulot sa atin ng kaligtasan at buhay na walang hanggan.*

Inaanyayahan ka naming dumalo sa aming mga pagsamba.

Polyeto
Inilathala ng Iglesia ni Cristo
Patnugutan:  Iglesia ni Cristo Central Office
No. 1 Central Avenue, New Era
Lungsod ng Quezon, Pilipinas 1107

Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.

IGLESIA NI CRISTO SITE