ANG
NAKINABANG
SA
BIYAYANG IDINULOT
NG
KAMATAYAN
NI
CRISTO
“Ngunit
ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin
nang mamatay si
Cristo para sa atin
noong tayo’y
makasalanan pa.”
VILLAMOR S.
QUEBRAL
SA PAMAMAGITAN NG ebanghelyo, ang buhay ng ating
Panginoong Jesucristo ay nalaman ng maraming tao. Libu-libong aklat ang nasulat tungkol sa
Kaniyang buhay at ministeryo. Hindi
mabilang na mga lalake at mga babae ang nag-alay ng buhay at talino upang
pag-aralan at ituro ang pananampalatayang Kaniyang ipinunla. Maraming tao ang tumalikod sa pansariling
buhay, sa layuning taluntunin ang landas na itinuro ng Panginoong Jesucristo.
Subalit, ang hindi nauunawaan ng marami ay ang tungkol sa
kamatayan ng ating Panginoong Jesucristo at kung sino ang tunay na nakinabang
sa biyayang dulot nito.
SIYA’Y NAMATAY DAHIL SA ATIN
Ano ba ang dapat maunawaan
tungkol sa kamatayan ng ating Panginoong Jesucristo?
“Sapagka't ibinigay ko sa inyo una sa lahat, ang akin namang tinanggap: na si Cristo ay namatay dahil sa ating mga kasalanan, ayon sa mga kasulatan.” (I Cor. 15:3)
Ayon kay Apostol Pablo, si Cristo ay namatay dahil sa
ating mga kasalanan. Bukod dito, ano pa ang mahalagang maunawaan tungkol sa
kamatayan ni Cristo? Ayon pa rin
kay Apostol Pablo:
“Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin
nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo’y makasalanan pa.”
(Roma 5:8, Magandang Balita Biblia)
Ang kamatayan ng ating Panginoong Jesucristo ay kahayagan
ng pag-ibig ng Diyos sa atin. Ito ay
biyaya sa mga taong bagaman nagkasala gayunman ay pinawalang sala dahil sa kamatayan ni Cristo. Kaya nga ito’y ipinag-utos na alalahaning
lagi. (cf. Lu. 22:19-20)
LAHAT BA AY MAKIKINABANG?
Alinsunod sa karaniwang paniniwala ng marami, lahat ng
tao ay makikinabang sa pagkamatay ni Cristo.
Ginagamit nilang batayan ang Juan 1:29 na doon ay sinasabi ang ganito:
“Nang kinabukasan ay nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kaniya, at sinabi, Narito, ang Cordero ng Dios, na nagaalis ng kasalanan ng sanglibutan!”
Malinaw daw na ang buong sanlibutan ay nakinabang sa
pagkamatay ni Cristo. Si Cristo raw ay
namatay hindi para sa iilan lamang kundi para sa lahat ng tao. Kung wasto ang kanilang pagkaunawa, masisira
ang panukala ng Diyos ukol sa kaligtasan at mawawalan ng katuturan ang
kamatayan ng ating Panginoong Jesucristo.
Kaya atin munang suriin ang sinasabing ito sa Juan
1:29. Bakit
sinabing si Cristo, ang Cordero ng Diyos, ang nag-alis ng kasalanan ng
sanlibutan? Sa Roma 3:19 ay
ganito ang katugunan:
“Ngayon ay nalalaman natin na ang anomang sinasabi ng kautusan, yaon ay sinasabi sa nangasa ilalim ng kautusan; upang matikom ang bawa't bibig, at ang buong sanglibutan ay mapasa ilalim ng hatol ng Dios.”
Sinasabi rito na ang buong sanlibutan ay napasailalim ng
hatol ng Diyos. Ang hatol ay kamatayang
pagkalagot ng hininga at kamatayan sa dagat-dagatang apoy (cf. Roma 6:23; Apoc. 20:14).
Bakit ang buong sanlibutan ay
napasailalim ng hatol ng Diyos? Ayon sa Biblia:
“… sapagka’t ang lahat ay nangagkasala.” (Roma
5:12)
Bakit naman sinabi sa Juan 1:29 na si Cristo ang
“nag-alis ng kasalanan sa sanglibutan”?
Kaya sinabing si Cristo ang nag-alis ng kasalanan sa sanlibutan ay
sapagkat nasa sanlibutan ang kasalanan.
Ngunit hindi ito nangangahulugang lahat ng mga tao ay nakinabang sa
pagtubos ni Cristo.
ANG BATAS NA DAPAT ISAALANG-ALANG
Ang isa pa sa mga talatang ginagamit na batayan ng mga
nagtataguyod sa paniniwala na tinatawag na universal
o general salvation ay ang I Timoteo
2:3-4. Suriin natin ang nilalaman ng
talata:
“Ito'y mabuti at nakalulugod sa paningin ng Dios na ating Tagapagligtas; Na siyang may ibig na ang lahat ng mga tao'y mangaligtas, at mangakaalam ng katotohanan.”
Malinaw na sinabing ang Diyos “ang siyang may ibig na
ang lahat ng tao’y mangaligtas.” Kaya kung ang kaligtasan daw ay para sa lahat
ng tao, kung gayon, lahat ng tao ay makikinabang sa kamatayan ni Cristo. Bakit naman daw ituturo na ang kaligtasan ay
para lamang sa iilan?
Totoo na sinabi sa talata na ibig ng Diyos na “ang lahat
ng tao’y mangaligtas,” subalit hindi dapat waling-kabuluhan ang sinasabi rin sa
talata na ang Diyos din ang may ibig na ang lahat ng tao ay “mangaligtas at mangakaalam ng katotohanan.” Ano ang ibig ipaunawa atin ng Biblia? Ang kaligtasan ay dapat masalig sa pagkaalam
o pagkaunawa ng katotohanan.
Ano ang katotohanan na dapat
maunawaan tungkol sa mga taong nagkasala batay sa batas ng Diyos? Sa Deuteronomio 24:16 ay ganito ang
nakasulat:
“Hindi papatayin ang mga magulang dahil sa mga anak, ni ang mga anak ay papatayin dahil sa mga magulang; bawa't tao'y papatayin dahil sa kaniyang sariling kasalanan.”
Dahil sa ang lahat ng tao ay nagkasala, maliban sa ating
Panginoong Jesucristo, hinihingi ng batas, na ang lahat ay mamatay. Kaya nga ang sinasabi ng Biblia ay ibig ng
Diyos na “ang lahat ng tao’y mangaligtas” at dapat malaman ang katotohanan o
katuwiran.
Paano ngayon maliligtas ang taong nagkasala? Ano ang katotohanan na dapat maunawaan ukol
dito? Sa Roma 3:24-25 ay ganito ang
sinasabi:
“Palibhasa'y inaring-ganap na walang bayad ng kaniyang biyaya sa pamamagitan ng pagtubos na nasa kay Cristo Jesus: Na siyang inilagay ng Dios na maging pangpalubagloob, sa pamamagitan ng pananampalataya, sa kaniyang dugo, upang maipakilala ang kaniyang katuwiran dahil sa hindi pagpansin sa mga kasalanan na nagawa nang nagdaang panahon sa pagpapahinuhod ng Dios.”
Kung gayon, ang tao ay maliligtas lamang sa pamamagitan
ng pagtubos na nasa kay Cristo Jesus.
Ano ang katotohanang nakapaloob sa ginawa ni Cristo na pagtubos? Ayon sa Biblia, Siya ang “inilagay ng Dios na maging pangpalubag-loob, sa pamamagitan ng
pananampalataya, sa kaniyang dugo, upang maipakilala ang kaniyang katuwiran …”
Alin ang katuwiran ng Diyos na nayari sa pamamagitan ng
ginawang pagtubos ni Cristo? Ganito ang nakasulat sa II Corinto 5:21:
“Yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay kaniyang inaring may sala dahil sa atin: upang tayo'y maging sa kaniya'y katuwiran ng Dios.”
Ang tinutukoy na hindi nagkasala na inaring maysala ay si
Cristo (cf. I Ped. 2:21-22). Ayon kay
Apostol Pablo, si Cristo ay “inaring may
sala dahil sa atin: upang tayo’y maging
sa kaniya’y katuwiran ng Dios.”
Kanino ba tumutukoy ang salitang “atin” at “tayo” na naging
katuwiran sa pagliligtas? Lahat ba ng taong
nakakabasa o kaya’y nakakarinig nito ang tinutukoy? Sa talatang 17 ay ganito ang pinatutunayan:
“ Kaya't kung ang sinoman ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang: ang mga dating bagay ay nagsilipas na; narito, sila'y pawang naging mga bago.”
Ang mga salitang
“atin” at “tayo” ay tumutukoy sa nagsasalita (kay Apostol Pablo) at sa kaniyang
mga kausap (mga kay Cristo) na naging bagong nilalang. Sino ang mga kay
Cristo at paano sila naging bagong nilalang? Ganito ang sinasabi sa Efeso 2:15:
“Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito'y ginagawa ang kapayapaan.”
Ang mga kay Cristo ay ang mga kasama na nilalang Niya na isang taong bago. Ang taong bago ay binubuo ng isang ulo—si Cristo—at isang katawan—ang Iglesia (Col.
1:18). Ito ang Iglesiang pinaghandugan ni Cristo ng Kaniyang buhay,
ang Iglesia
ni Cristo na tinubos Niya ng
Kaniyang dugo (Efe. 5:25, MB; Gawa 20:28, Lamsa).
Samakatuwid, ang Iglesia ni Cristo ang katuwiran ng
Diyos sa pagliligtas. Sa pamamagitan
lamang ng Iglesia ni Cristo maililigtas ni Cristo ang tao na hindi
nalalabag ang batas ng Diyos ukol sa mga taong nagkasala. Bagama’t
lahat ng tao ay nais ng Diyos na maligtas, hindi sa paraang gusto ng tao ito
matutupad at lalo namang hindi sa paraang sasalungat sa katuwiran ng Diyos.
Ang katotohanang
ito ang nais naming ihayag sa maraming tao na gumugunita sa kamatayan ng ating
Panginoong Jesucristo. Hangad naming makasama kayo sa sinabi ni
Apostol Pablo na:
“At ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng
kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos sa pamamagitan
niya.” Roma 5:9, MB) *
Kinopya mula sa PASUGO GOD’S
MESSAGE/MARCH-APRIL 1993/VOLUME 45/NUMBER 2/PAGES 25-27
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.
IGLESIA NI CRISTO SITE
IGLESIA NI CRISTO SITE