ALIN ANG
IGLESIANG KAY CRISTO NGAYON?
ALIN ANG TUNAY na Iglesia
ni Cristo sa gitna ng maraming nag-aangkin at nagpapanggap sa
kasalukuyan? Sa Biblia ay mababasa natin
ang mga katangian ng Iglesiang itinayo ng ating Panginoong Jesucristo. Ang mga katangiang ito ang dapat hanapin sa
alinmang iglesiang nag-aangkin bilang tunay na Iglesia ni Cristo.
Ang ilan sa mga pagkakakilanlan sa tunay na Iglesia na
itinayo ni Cristo ay (1) ang pangalan,
(2) ang karapatan ng nangangaral at (3) ang aral na ipinangangaral.
TINATAWAG SA PANGALAN
Bakit natin natitiyak na mayroong
pangalan na pagkakakilanlan sa mga kay Cristo? Sa Juan 10:3 ay sinasabi ang ganito:
“Binubuksan siya ng bantaypinto; at dinirinig ng mga tupa ang kaniyang tinig: at tinatawag ang kaniyang sariling mga tupa sa pangalan, …”
Dito’y maliwanag na pinatutunayan na may pangalang
itinatawag sa sariling mga tupa ng ating Panginoong Jesucristo. Ang marangal na pangalan ng ating panginoong
Jesucristo ang itinatawag sa Kaniyang mga tupa (Sant. 2:7; Gawa 4:12).
Saan natitipon ang mga tupa ni
Cristo at papaano itinatawag sa kanila ang pangalan ng ating Panginoong
Jesucristo? Mababasa natin sa
Gawa 20:28 ang tugon sa ating tanong:
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang
buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang
pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.”
(Salin sa Pilipino mula sa Lamsa)
Ang mga tupa ni Cristo na tinatawag sa Kaniyang pangalan
ay nasa isang kawan at hindi hiwa-hiwalay sa iba’t ibang organisasyon. Ang kawang iyon ay tinatawag na Iglesia ni Cristo, sunod sa marangal na
pangalan ng ating Panginoong Jesucristo.
Samakatuwid, alinmang Iglesia na hindi tinatawag sa
pangalang Iglesia ni Cristo ay hindi
siyang Iglesiang kay Cristo. Hindi
nangangahulugang sapat nang tawagin lamang sa pangalang Iglesia ni Cristo ang isang Iglesia upang ito ang kilalaning tunay
na kay Cristo. Ang pangalan ay isa sa
mga pagkakakilanlan, ngunit hindi lamang ito ang pagkakakilanlan.
SUGO ANG NANGARAL
Tangi sa pangalan, ano pa ang pagkakakilanlan sa tunay na
Iglesia ni Cristo? Ang karapatan ng
nangaral sa Iglesiang itinayo ni Cristo ay isa sa mga pagkakakilanlan sa tunay
na Iglesia. Ang una at pinakadakila sa
mga nangaral sa tunay na Iglesia ay ang ating Panginoong Jesucristo. Nangaral din sa iglesia ang mga apostol. Ano ang kanilang
karapatan? Sa Juan 20:21 ay
sinasabi ang ganito:
“Sinabi ngang muli sa kanila ni Jesus, Kapayapaan ang sumainyo: kung paanong pagkasugo sa akin ng Ama, ay gayon din naman sinusugo ko kayo.”
Dito’y maliwanag na sugo ng Diyos ang mga nangaral sa
tunay na Iglesia. Si Cristo ay Sugo ng
Diyos, sa katunaya’y Siya ang pinakadakila sa mga sinugo ng Diyos. Ang mga apostol Niya ay mga sinugo rin. “Kami nga'y mga sugo sa pangalan ni Cristo, na waring namamanhik ang Dios sa pamamagitan namin: kayo'y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Cristo, na kayo'y makipagkasundo sa Dios.” (II Cor. 5:20).
Sa Iglesiang itinatag ni Cristo ay may sugo ng
Diyos. Kung gayon, ang mga Iglesiang
nag-aangkin na sila ang tunay na kay Cristo ngunit wala namang nangaral sa
kanila na sinugo, manapa’y tinutuligsa pa nila ang Iglesiang may kinikilalang
sugo, ay hindi siyang tunay na Iglesia ni
Cristo.
Sa bahaging ito ay dapat nating bigyang pansin ang
katotohanang ang Iglesia ni Cristo na
bumangon sa Pilipinas noong 1914 ay nakatutugon sa mga katangian ng tunay na
Iglesiang kay Cristo. Ang Iglesiang ito
ay tinatawag sa pangalang Iglesia ni
Cristo at ang nagsimulang mangaral nito sa ating bansa sa mga huling araw
na ito ay sugo ng Diyos.
Dapat din nating pansinin na sa maraming Iglesiang
nakatatag sa panahong ito ay walang pinaniniwalaang sugo ng Diyos na nangaral
sa kanila. Sa halip, ang namamayaning
paniniwala sa kanila ay maaaring makapangaral ang sinuman, at iyon nga ang
ating nasasaksihan.
Subalit bakit kailangang sugo pa
ang mangaral? Hindi ba ang sinuman ay
maaari namang makapangaral? Sa
Roma 10:14-15 ay sinasabi ang ganito:
“Paano nga silang magsisitawag doon sa hindi nila sinampalatayanan? at paano silang magsisisampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? at paano silang mangakikinig na walang tagapangaral? At paano silang magsisipangaral, kung hindi sila nga sinugo?...”
ANG MGA ARAL NA IPINANGARAL AY MGA SALITA NG DIYOS
Ano ang katangian ng pangangaral
ng tunay na sugo ng Diyos? Sa
Juan 3:34 ay sinasabi ang ganito:
“Sapagka’t ang sinugo ng Dios ay nagsasalita ng mga
salita ng Dios: …”
Ang mga salita ng Diyos ay nakasulat sa mga Banal na
Kasulatan (cf. II Tim. 3:15-17). Kaya,
upang matiyak natin na ang nangangaral ay tunay na sugo ng Diyos, dapat nating
ihambing ang ipinangangaral nila sa mga salita ng Diyos na nasa Biblia. Nasa Biblia ang ipinangangaral ng sugo ng
Diyos; wala sa Biblia ang ipinangangaral ng hindi sugo ng Diyos.
Ano ang isa sa mga pangunahing aral na itinuro ng sugo ng
Diyos sa mga huling araw? Itinuro niya
na ang iisang tunay na Diyos ay ang Ama na lumalang sa lahat ng bagay. Ito ay naiiba sa itinuturo ng mga
tagapangaral sa ibang relihiyon, sapagkat ipinangangaral nila na bukod sa Ama,
Diyos din daw ang Anak at ang Espiritu Santo.
Iyon ang tinatawag nila na doktrina ng Trinidad. Alin sa magkaibang aral na ito ang nasa
Biblia? Nasa
Biblia ba ang aral na ang iisang tunay na Diyos ay ang Ama? Sa Malakias 2:10 ay sinasabi ang ganito:
“Hindi ba iisa ang ating Ama at ito’y ang iisang Diyos na
lumalang sa atin?…” (Magandang Balita Biblia)
Kung hahanapin natin sa Biblia ang aral na ang Anak ay
Diyos at ang Espiritu Santo ay Diyos din, gaya ng sinasabi ng mga naniniwala sa
doktrina ng Trinidad, ay walang pagsalang tayo’y mabibigo. Ni hindi mababasa sa Biblia ang salitang
Trinidad.
Kumuha pa tayo ng isang halimbawa, ang tungkol sa likas
na kalagayan ni Cristo. Nasa Biblia ba ang aral na si
Cristo ay tao? Ganito ang pahayag
ng ating Panginoong Jesucristo mismo:
“Datapuwa't ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyo'y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios:…” (Juan 8:40)
Dito’y ipinahayag ng ating Panginoong Jesucristo, hindi
lamang ang malinaw na pangungusap na nagsasabing Siya ay tao kundi maging ang
kaibahan Niya sa Diyos. Iba si Cristo sa
Diyos, at ito’y pinatunayan Niya nang sabihin Niyang ang katotohanang isinaysay
Niya ay narinig Niya sa Diyos.
Samakatuwid, kung naiiba man ang itinuro ng sugo ng Diyos
sa mga huling araw sa itinuturo ng ibang tagapangaral, iyon ay sapagkat ang mga
salitang nasa Biblia ang ipinangaral niya, samantalang ang ibang tagapangaral
ay may ibang pinagkunan ng itinuturo nila.
Ang isa pang itinuro ng sugo sa mga huling araw ay ang
kahalagahan ng pag-anib sa Iglesia sa ikapagtatamo ng kaligtasan. Ito’y hindi dahil sa ang Iglesia ang
maliligtas; si Cristo ang Tagapagligtas.
Ang tunay na Iglesia ang ililigtas ni Cristo. Salungat ito sa itinuturo ng ibang
nangangaral, lalo na sa panahong ito.
Malimit nating marinig sa radio, telebisyon, at sa iba’t ibang dako na
may nangangaral na ang itinuturo ay hindi na kailangan ang pag-anib sa Iglesia
upang ang tao’y maligtas. Sapat na raw
na ang tao ay sumampalataya na lamang kay Cristo upang maligtas.
Nasa Biblia ba ang aral na ang
pag-anib sa Iglesia ay kailangan sa kaligtasan? Sa Efeso 5:23, ay sinasabi ang ganito:
“Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni
Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas
nito.” (MB)
Ito’y isa pa sa mga katibayan na ang nangaral sa Iglesia ni Cristo ay sugo ng Diyos,
sapagkat ang kaniyang ipinangaral ay mga salita ng Diyos na nakasulat sa
Biblia.
Bilang konklusyon, masasabi nating ang tunay na Iglesia
ay makikilala hindi lamang sa pangalang taglay nito, kundi maging sa mga aral
na itinataguyod nito at sa karapatan ng nangaral dito. Ang tunay na Iglesia na itinayo ni Cristo ay
tinatawag sa pangalang Iglesia ni Cristo,
inaralan ng tunay na mga sugo ng Diyos na ang itinuturo ay mga salita ng Diyos
na mababasa nating nakasulat sa Biblia.*
Inaanyayahan ka po naming dumalo sa aming mga pagsamba.
Polyeto
Inilathala ng Iglesia ni Cristo
Patnugutan: Iglesia
ni Cristo Central office
No. 1 Central Ave., New Era, Quezon City
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.
IGLESIA NI CRISTO SITE
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.
IGLESIA NI CRISTO SITE