Lunes, Marso 2, 2015

ANG TATLONG TAHANANG DAPAT PASUKAN

ANG TATLONG TAHANANG DAPAT PASUKAN

AYON SA BIBLIA, may tatlong tahanang dapat nating pasukan kaugnay ng ating pagtatamo ng kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom.  Ang sinumang tumanggi o umiwas sa pagpasok sa tatlong tahanang ito ay hindi maliligtas at hindi magtatamo ng buhay na walang hanggan.

ANG ISANG TAHANAN
Ang isa sa tatlong tahanan ay ang templo.  Sinasabi sa Banal na Kasulatan ang ganito:

“Nguni't sa ganang akin, sa kasaganaan ng iyong kagandahang-loob ay papasok ako sa iyong bahay; sa takot sa iyo ay sasamba ako sa dako ng iyong banal na templo. (Awit 5:7)

Sa templo o bahay ng Diyos tayo dapat pumasok upang doon sambahin ang Kaniyang pangalan.  Kaya, noon pa mang una ay iniutos na ng Diyos sa Kaniyang mga lingkod na magtayo ng bahay-sambahan:

“Magsiahon kayo sa bundok, at mangagdala ng kahoy, at mangagtayo kayo ng bahay; at aking kalulugdan, at ako'y luluwalhati, sabi ng Panginoon.(Hag. 1:8)

Ang pagsamba ay totoong mahalaga sapagkat hinahanap ng Diyos na Siya’y sambahin ng mga tunay na mananamba (Juan 4:23-24).  Ito ay isinasagawa doon sa loob ng templo o gusaling-sambahan.  Pumaparoon ang mga tao ng Diyos upang sumamba, magpuri at manalangin sa Kaniya.  Sinabi ng Diyos:

“… Ang aking bahay ay tatawaging bahay na panalanginan …” (Isa. 56:7)

Sa panahon pa man ng unang bayan ng Diyos, ang pagsamba at paghahandog ng mga hain sa Diyos ay isinasagawa sa dakong Kaniyang pinili:

“Kundi sa dakong pipiliin ng Panginoon ninyong Dios sa lahat ng inyong mga lipi na paglalagyan ng kaniyang pangalan, sa makatuwid baga'y sa kaniyang tahanan ay inyong hahanapin, at doon kayo paroroon:

“At doon ninyo dadalhin ang inyong mga handog na susunugin, at ang inyong mga hain, at ang inyong mga ikasangpung bahagi, at ang handog na itataas ng inyong kamay, at ang inyong mga panata, at ang inyong mga kusang handog, at ang mga panganay sa inyong mga bakahan at sa inyong mga kawan. (Deut. 12:5-6)

Hindi ipinahihintulot ng Diyos na gawin ang pagsamba at paghahandog ng mga hain sa Kaniya kahit saan na lamang.  Doon lamang nila ito ginawa sa dakong pinaglagyan ng Kaniyang pangalan, na ito’y sa Kaniyang tahanan o templo.

Sa panahong Cristiano, ang mga lingkod ng Diyos ay inuutusang sumamba at maghandog ng mga hain ng pagpupuri sa Kaniya, ng bunga ng mga labi gaya ng mga pag-awit at panalangin (Heb. 13:15).  Ang mga mananamba ay naghahandog din doon ng abuloy na totoong nakalulugod sa Diyos (Heb. 13:16).  Lahat ng ito’y isinasagawa ng mga tunay na Cristiano sa loob ng templo o gusaling-sambahan bilang pagluwalhati sa banal na pangalan ng Diyos (Gawa 2:46).

ANG IKALAWANG TAHANAN
Hindi magagawa ng kahit na sinong tao ang paghahandog ng haing nakalulugod sa Diyos malibang ang naghahandog ay may karapatang magsagawa nito:

“Kayo rin naman, na gaya ng mga batong buhay, ay natatayong bahay na ukol sa espiritu, upang maging pagkasaserdoteng banal, upang maghandog ng mga hain na ukol sa espiritu, na nangakalulugod sa Dios sa pamamagitan ni Jesucristo.(I Ped. 2:5)

Ang tanging may karapatang maghandog sa Diyos ng mga hain na ukol sa espiritu ay ang “natatayong bahay na ukol sa espiritu.”  Ito ay ang Iglesia na itinayo ng Panginoong Jesucristo:

“ Nguni't kung ako'y magluwat ng mahabang panahon, ay upang maalaman mo kung paano ang dapat sa mga tao na ugaliin nila sa bahay ng Dios, na siyang iglesia ng Dios na buhay, at haligi at suhay ng katotohanan.(I Tim. 3:15)

“At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya. (Mat. 16:18)

Dahil sa ang nagtayo ng Iglesia ay ang Panginoong Jesucristo at ang Iglesia ay Kaniya, ang pangalan nito ay Iglesia ni Cristo (Roma 16:16).  Ang Iglesia ni Cristo ay sa Diyos din—Iglesia ng Diyos—sapagkat sinabi ni Cristo:

“… Ang lahat ng mga bagay na sa akin ay ibinigay mo ay mula sa iyo:

“At ang lahat ng mga bagay ay iyo, at ang mga iyo ay akin: …” (Juan 17:7, 10)

Kailangan natin ang Iglesia ni Cristo dahil dito nagkakaroon ng halaga sa Diyos ang ating pagsamba.  Ang mga haing ating inihahandog ay tatanggapin at kalulugdan lamang ng Diyos kapag may karapatan tayo o kabilang sa tunay na Iglesia ni Cristo.

Dahil sa kahalagahan ng Kaniyang iglesia, ganito ang iniuutos ng Panginoong Jesucristo sa atin:

“Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya'y maliligtas. (Juan 10:9)

Ang pagpasok kay Cristo ay siya ring pag-anib sa Iglesia.  Itinulad ni Apostol Pablo si Cristo at ang Iglesia sa isang tao.  Si Cristo ang ulo at ang Iglesia ang katawan Niya—isang taong bago ang banggit ng apostol (Col. 1:18; Efe. 2:15).  Kaya, ang pumasok kay Cristo o sa Kaniyang Iglesia ay nakapasok sa ikalawang tahanan.

ANG IKATLONG TAHANAN
Ang mga itinayong bahay na ukol sa eapiritu—mga kaanib sa Iglesia ni Cristo—ay binigyan ng dakilang karapatan na sumamba, maghandog ng mga hain na ukol sa eapiritu, at maligtas pagdating ng Araw ng Paghuhukom.  Tumanggap din sila ng isang dakilang biyaya at kapalarang hindi ipinagkaloob sa iba.  Ganito ang sinasabi ng Biblia:

“Kaya nga hindi na kayo mga taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi kayo'y mga kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Dios." Efe. 2:19)

Ang mga umanib sa Iglesia ni Cristo ay hindi na itinuturing na mga taga-ibang lupa.  Sila’y kababayan na kasama ng mga banal at sambahayan ng Dios.  May tahanang ipinangako ang Panginoong Jesucristo sa kanila.  Sinabi Niya:

“Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan; kung di gayon, ay sinabi ko sana sa inyo; sapagka't ako'y paroroon upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan.

“At kung ako'y pumaroon at kayo'y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto ako, at kayo'y tatanggapin ko sa aking sarili; upang kung saan ako naroroon, kayo naman ay dumoon.(Juan 14:2-3)

Ang tahanang ito na nakalaan sa mga kay Cristo ay ang Bayang Banal:

“At nakita ko ang bayang banal, ang bagong Jerusalem, na nananaog mula sa langit buhat sa Dios, na nahahandang gaya ng isang babaing kasintahan na nagagayakang talaga sa kaniyang asawa.

“At papahirin niya ang bawa't luha sa kanilang mga mata; at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng pananambitan man, o ng hirap pa man: ang mga bagay nang una ay naparam na.(Apoc. 21:2, 4)

Ang Bayang Banal ay maluwalhating tahanan.  Ang buhay doon ay walang hanggan;  doo’y wala nang kamatayan.  Ang mapapalad na makararating doon ay hindi na makararanas ng dalamhati o paghihirap.  Doo’y wala nang lahat ang mga tiising nararanasan ng tao sa mundo.

Makakasama tayo sa mapapalad na maninirahan sa maluwalhating tahanan kapag pumasok tayo at manatili sa una at ikalawang tahanan, na ang ibig sabihin ay tayo’y masiglang sumasamba sa Diyos sa loob ng bahay-sambahan bilang kaanib sa Iglesia ni Cristo na tahanan ng Diyos sa espiritu.*

PAMPHLETS/PASUGO GOD’S MESSAGE/NOVEMBER 2000/VOLUME 52/NUMBER 11/PAGES 19-20

Malugod po namin kayong inaanyayahang dumalo sa mga pagsamba sa bahay-sambahang malapit sa inyo.

Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.

IGLESIA NI CRISTO SITE