KAMATAYAN
AT
PAGHUHUKOM
DAPAT
PAGHANDAAN NG LAHAT
Sinulat ni NICANOR P. TIOSEN
KAMATAYAN, ISANG PAKSA na kahit hindi pag-usapan ay
kusang lumilitaw, palibhasa ito ay karaniwan at araw-araw na nangyayari. Marami ang pumapanaw oras-oras sa iba’t ibang
panig ng mundo kung pagsasamasamahin at iba’t iba rin ang sanhi nito. Mayroong malagim, mayroon namang payapa—gaya
ng natulog lamang at hindi na nagising.
Sa kabilang dako, ang paghuhukom ay paksang malimit
pagtalunan lalo na sa larangan ng relihiyon.
Mayroong naniniwala rito, at mayroon namang hindi. Mayroong sabik na hinihintay ang araw na
iyon, at ang iba nama’y mabanggit lamang ito ay takot na takot. Mayroon ding mga nagtatanong: Hindi ba ang kamatayan ng tao’y iyon na rin
ang paghuhukom sa kaniya?
PAREHONG ITINAKDA NGUNIT MAGKAIBA
Ganito ang sinasabi ng Biblia:
“At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom.” (Heb. 9:27)
Magkaiba ang kamatayan at ang paghuhukom ngunit parehong
itinakda ng Diyos. Kung bakit nagtakda
ang Diyos ng kamatayan at paghuhukom, ganito ang sabi ni Apostol Pablo:
“Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala.” (Roma 5:12)
Lahat ng tao ay nakatakda sa kamatayan sapagkat ang lahat
ay nagkasala. Kaya, kung paanong
nagaganap ang kamatayan, tiyak na mangyayari rin ang paghuhukom dahil ang Diyos
din ang nagtakda nito. At walang
kapangyarihan ang tao sa ganang kaniyang sarili na pigilin at takasan ito.
ANG KABAYARAN NG KASALANAN
Bakit dahil sa kasalanan ay
nagkaroon ng kapangyarihan sa tao ang kamatayan at pagkatapos nito ay ang
paghuhukom? Ganito ang sagot ni
Apostol Pablo:
“Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin.” (Roma 6:23)
Maaaring itanong ng tao:
“Ang ibig bang sabihin, kung malagutan na ng
hininga ang isang tao ay bayad na siya sa kaniyang mga pagkakasala? Kapag ganoon, puwede na pala akong gumawa ng
kasalanan.” Ang sagot ay: Hindi!
Sapagkat mayroong itinuturo ang Biblia na ikalawang kamatayan na siyang
ganap na kabayaran ng kasalanan:
“Nguni't sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan.” (Apoc. 21:8)
HINDI KAYANG BAYARAN NG KAYAMANAN
“Kung ang tao ay mayaman, hindi
ba niya kayang bayaran ang kaniyang kasalanan o tubusin ng kayamanan ang
kaniyang buhay upang huwag na itong mawala sa kaniya?” maaari namang
itanong ng iba. Ganito ang ipinagpauna
ng Diyos sa pamamagitan ng lingkod Niyang si Haring David:
“Hindi kaya ng sinumang ang sarili ay matubos, Hindi
kayang mabayara’t tubusin sa kamay ng Diyos; Ang bayad sa kanyang buhay ay
halagang sakdal taas; Gaano man ang
halagang hawak niya’y hindi sapat.” (Awit
49:7-8, Magandang Balita Biblia)
Likas sa tao ang alagaan ang kaniyang buhay at
kapakanan. Malaki rin ang inilalaan ukol
sa mga pagsasaliksik para sa pagpapalawig ng buhay. Ngunit, bigo pa rin ang tao na makahanap ng
lunas sa kamatayan. Pagdating ng takdang
oras, mamamatay ang tao. Maging ang mga
dalubhasa ukol sa kalusugan o mga manggagamot ay namamatay. Ang iba nga ay nauuna pa sa kanilang mga
pasyente.
Maraming mayayaman ang nag-aalok ng salapi (may
naglalapag pa ng blangkong tseke) madugtungan lamang ang kanilang buhay o ng
sinumang mahal nila sa buhay. At kung
kanila lamang ang daigdig, baka ialok din nila ito. Ang ating Panginoong Jesucristo, ang
pinakadakilang sugo ng Diyos, ay may ganitong pagtuturo:
“Ano nga ang mapapala ng isang tao, makamtan man niya ang
buong daigdig kung ang katumbas naman nito’y ang kanyang buhay? Ano ang maibabayad ng tao para mabalik sa
kanya ang kanyang buhay?” (Mar. 8:36-37, Ibid.)
Maliwanag na sa araw ng kamatayan, walang kapangyarihan
ang kayamanan ng tao. Sa araw kaya ng paghuhukom? Ito ang sagot ng Biblia:
“Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng kapootan ng Panginoon; kundi ang buong lupain ay masusupok sa pamamagitan ng apoy ng kaniyang paninibugho: sapagka't wawakasan niya, oo, isang kakilakilabot na wakas, nilang lahat na nagsisitahan sa lupain.” (Zef. 1:18)
Kakilakilabot ang magaganap sa Araw ng Paghuhukom. Kaya pala marami ang mabanggit lamang ang
ukol dito ay takot na takot na!
ANG HINDI PANANAIGAN
“Paano na lamang kami? Kung ang mayaman ay walang magagawa, lalo na
pala kaming mahihirap?” maaaring idaing ng nakararami. Bago panawan ng pag-asa ang sinuman, narito
ang sagot ng ating Panginoong Jesucristo:
“At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw
ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya
kahit ang kapangyarihan ng kamatayan.” (Mat. 16:18, MB)
Ito ang tanging lunas.
Ang Iglesiang itinayo ng ating Panginoong Jesucristo. Ang Iglesiang di pananaigan ng
kamatayan. Tiyak na marami ang tututol
dito. Maaaring sabihin nilang hindi
totoo na kapag nasa Iglesia, sabihin pang Iglesiang itinayo ng Panginoong
Jesucristo, ay hindi na pananaigan ng kamatayan, sapagkat lahat nga ay
namamatay. Ganito ang sagot ng Biblia:
“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, gayon ma'y mabubuhay siya.” (Juan 11:25)
Kahit pala nalalagutan din ng hininga ang mga nasa
Iglesiang itinayo ng Panginoong Jesucristo, mabubuhay silang mag-uli. Sila ang tatanggap ng “kaloob na walang bayad
ng Dios (na) buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin.” Sila ang maliligtas sa Araw ng
Paghuhukom. Sila ang ngayon pa lamang ay
maligaya at nananabik na naghihintay sa ikalawang pagparito ng ating Panginoong
Jesus.
Dahil sa katotohanang hindi maiiwasan ang kamatayan,
marami ang sa kasalukuyan (lalo na sa panig ng mayayaman) ang iginagayak na
lamang ang kanilang sarili sa pagdating nito.
Mayroong inihahanda na ang kanilang magiging burol at libingan at
maagang nagbibilin sa mga mahal nila sa buhay.
Subalit hindi sapat iyon. Ang
kailangan ay maisiguro ng isang tao na pagdating ng kaniyang kamatayan at Araw
ng Paghuhukom ay kabilang siya sa mga magtatamo ng buhay na walang hanggang
kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo. Dapat makabilang siya sa mga maliligtas!
ANG UTOS SA MGA NAIS MALIGTAS
Ano ang dapat gawin ng tao, kung
gayon, kung nais niyang maligtas sa Araw ng Paghuhukom? Sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesucristo
ayon kay Apostol Juan ay mababasa ang ganito:
“Kaya muling nagsalita si Jesus: ‘Buong katotohang sinasabi ko sa inyo, Ako
ang pintuan ng kulungan ng mga tupa … Ako ang pintuan; sinuman na pumasok sa
loob ng kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas …” (Juan 10:7, 9,
isinalin mula sa Revised English Bible)
Kailangang pumasok ang tao sa pintuan ng kulungan ng mga
tupa o sa ating Panginoong Jesucristo o kailangan niyang mapaloob sa kawan na
siyang Iglesia ni Cristo gaya ng mababasa sa aklat ng mga Gawa:
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang
buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang
pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.”
(Gawa 20:28, isinalin mula sa Lamsa
Translation)
MAGPILIT NA PUMASOK
Sa kasalukuyan, may mga taong nagnanais na umanib sa Iglesia Ni Cristo, lamang ay napipigil
ang iba ng kanilang bisyo (hindi nila maiwan-iwan). Ang iba naman ay ng paghadlang ng kanilang
mga mahal sa buhay (nagsisimula pa lamang makinig sa mga aral ng Biblia na
itinuturo sa Iglesia ni Cristo ay
inuusig na). Kaya may mga nagkikibit-balikat
na lamang at nasasabing marahil ay uunawain na sila ng Diyos sa hindi nila
pag-anib. Ganito ang mariing sagot ni
Jesus na ibinigay ng Diyos na Tagapagligtas:
“Magpilit kayong magsipasok sa pintuang makipot: sapagka't sinasabi ko sa inyo na marami ang mangagsisikap na pumasok, at hindi mangyayari.” (Lucas 13:24)
Ang ayaw pumasok kay Cristo o sa Kaniyang Iglesia ay
itataboy Niya sa Araw ng Paghuhukom:
“Kung makatindig na ang puno ng sangbahayan, at mailapat na ang pinto, at magpasimula kayong mangagsitayo sa labas, at mangagsituktok sa pintuan, na mangagsasabi, Panginoon, buksan mo kami; at siya'y sasagot at sasabihin sa inyo, Hindi ko kayo nangakikilala kung kayo'y taga saan; Kung magkagayo'y pasisimulan ninyong sabihin, Nagsikain kami at nagsiinom sa harap mo, at nagturo ka sa aming mga lansangan; At sasabihin niya, Sinasabi ko sa inyo na hindi ko kayo nangakikilala kung kayo'y taga saan; magsilayo kayo sa akin, kayong lahat na manggagawa ng kalikuan. Diyan na nga ang pagtangis, at ang pagngangalit ng mga ngipin, kung mangakita ninyo si Abraham, at si Isaac, at si Jacob, at ang lahat ng mga propeta sa kaharian ng Dios, at kayo'y palabasin. ” (Lucas 13:25-28)
Hindi rin maikakatuwiran ng sinumang hindi sumunod sa
utos ng Panginoong Jesucristo na pumasok sa Kaniyang Iglesia na siya’y
tumatawag din naman sa Panginoon. Ganito
ang sumbat ng Panginoong Jesucristo sa kanila:
“At bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?” (Lucas 6:46)*
PASUGO GOD’S MESSAGE/NOVEMBER
2014/VOLUME 66/NUMBER 11/ISSN 0116-1636/PAGES 44-46
Inaanyayahan ka naming dumalo
sa aming mga pagsamba.
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.
IGLESIA NI CRISTO SITE
IGLESIA NI CRISTO SITE