Lunes, Marso 16, 2015

ANG MARAPAT NA PAGGUNITA KAY CRISTO





ANG MARAPAT NA PAGGUNITA KAY CRISTO


Ang pag-inom ng katas ng ubas ay pakikibahagi
sa Kaniyang dugo at ang pagkain naman ng tinapay
ay pakikibahagi sa Kaniyang katawan.

Ni DANIEL D. CATANGAY

MALINAW ANG ITINUTURO ng Biblia tungkol sa paraan ng paggunita o pag-aalaala sa ating Panginoong Jesucristo.  Ito ang siyang dapat sundin at gawin ng tao, hindi dapat dagdagan, bawasan, o kaya’y baguhin pa.

‘Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin’
Ganito ang naganap sa huling hapunan kung saan isinagawa ng Panginoong Jesucristo ang Banal na Hapunan:

“Dumampot siya ng tinapay at matapos magpasalamat sa Dios, ibinigay ito sa kanila, na sinasabi, ‘Ito ang aking katawan na ibinibigay sa inyo:  gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin’.

“Sa gayon ding paraan, matapos maghapunan, kinuha niya ang saro at sinabi, ‘Ang sarong ito ang bagong tipan sa aking dugo, na mabubuhos dahil sa inyo’.” (Lu. 22:19-20, New Pilipino Version)

Malinaw na iniutos ni Jesus sa Kaniyang mga alagad na “gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin.”  Ito ang ginawa ng mga unang Cristiano sa pag-aalaala sa Kaniya:

“Ito ang aral na tinanggap ko sa Panginoon at ibinibigay ko naman sa inyo:  ang Panginoong Jesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, at pinagpira-piraso ito, at sinabi, ‘Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo.  Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin’.  Gayon din naman, matapos maghapunan ay hinawakan niya ang saro at sinabi, ‘Ang sarong ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo.  Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-aalaala sa akin’.” (I Cor. 11:23-25, Magandang Balita Biblia)

Ayon kay Apostol Pablo, ang aral na tinanggap niya sa Panginoon ang siyang tinupad nila noon.  Hindi sila umimbento ng iba pa o ng sariling pamamaraan sa paggunita o pag-aalaala sa Panginoong Jesus.

ANG KAHULUGAN NG BANAL NA HAPUNAN
Ang pagsasagawa ng Banal na Hapunan ay pakikibahagi ng Iglesia sa dugo at katawan ng Panginoong Jesucristo.  Ang pag-inom ng katas ng ubas ay pakikibahagi sa Kaniyang dugo at ang pagkain naman ng tinapay ay pakikibahagi sa Kaniyang katawan.  Ganito ang kabuuan ng pangungusap ni Apostol Pablo:

“Hindi ba’t ang pag-inom natin sa saro ng pagpapala na ating ipinagpapasalamat ay pakikibahagi sa dugo ni Cristo?  At ang pagkain natin ng tinapay na ating pinagpipira-piraso ay pakikibahagi naman sa kanyang katawan?  Kaya nga, yamang isa lamang ang tinapay, tayo’y iisang katawan bagamat marami, sapagkat nakikibahagi tayo sa iisang tinapay.” (I Cor. 10:16-17, Ibid.)

Iisang saro at iisang tinapay ang ginamit nang isagawa ang unang Banal na Hapunan.  Bawat nakibahagi roon ay kumuha at kumain mula sa iisang tinapay na pinagpira-piraso.  Uminom din silang lahat ng kanilang bahagi sa katas ng ubas (Mat. 26:26-29).  Ito mismo ang tinutupad ng Iglesia ni Cristo.
Sa kabilang dako, kung hindi ganito ang paraan ng paggunita kay Cristo ay hindi maituturing na Banal na Hapunan.  Kaya, kung may nagsasagawa diumano ng Banal na Hapunan ngunit hindi naman mula sa iisang tinapay ang tinanggap o kaya’y hindi pinainom ang lahat ng kumain ng tinapay ay hindi iyon tunay na Banal na Hapunan.  Sa gayong paraan ay hindi naisagawa ang marapat na pag-aalaala sa Panginoon.

ANG PAGBABAGONG-BUHAY
Ang sasalo sa dulang ng Panginoon o tatanggap ng Banal na Hapunan ay dapat na maghanda ng sarili bago ito isagawa.  Ang pagtanggap nito nang hindi nakahanda ay ipagkakasala:

“Ang sinumang kumakain ng tinapay at umiinom sa saro ng Panginoon nang di nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon.” (I Cor. 11:27, MB)

Ang pagkain at pag-inom sa Banal na Hapunan ay mahalaga.  Ang wastong pagtanggap nito ay ikapagpapatawad ng kasalanan sapagkat ito ang layunin sa pagtatatag ng Banal na Hapunan (Mat. 26:26-28).  Sa kabilang dako, ang hindi wastong pagtanggap nito, gaya ng sinabi ni Apostol Pablo, ay ipagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon.

Kaya, dapat munang ihanda o igayak ng tatanggap ng Banal na Hapunan ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng paglayo sa kasalanan.  Ang lumalayo sa kasalanan ay hindi napaaalipin dito.  Itinuro ni Apostol Pablo kung bakit hindi na dapat maging alipin pa ng kasalanan ang mga lingkod ng Diyos:

“Alam natin na ang dati nating pagkatao ay ipinakong kasama niya upang mamatay ang makasalanang katawan at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan.” (Roma 6:6, MB)

Ayon kay Apostol Pablo, ang dating pagkatao ng mga tunay na Cristiano ay napakong kasama ni Cristo at namatay na ang makasalanang katawan.  Pananagutan ng tatanggap ng Banal na Hapunan, kung gayon, ang ganap na pagbabagong-buhay.  Kaya, bago tanggapin ang Banal na Hapunan ay dapat siyasatin o suriin ng isang kaanib ang kaniyang sarili kung siya’y alipin pa ng kasalanan o tunay nang malaya rito (I Cor. 11:28).  Ang nabubuhay sa kasalanan at ayaw pa ring magbago ay alipin ng kasalanan.  Ang gayon ay kumakain at umiinom sa Banal na Hapunan nang hindi nararapat, kung kaya’t sa halip na tumanggap ng biyaya at maging banal ay nagkakasala.

Ang mga Cristiano ay inuutusang iwan ang dating masamang pamumuhay at magbago ng diwa at pag-iisip—isang pagbabago na ayon sa katuwiran at kabanalan (Efe. 4:22-24).  Dahil dito, ganito ang tagubilin ni Apostol Pablo:

“Tiyakin ninyong mabuti kung kayo’y namumuhay ayon sa pananam-palataya; subukin ninyo ang inyong sarili.  Hindi ba ninyo nadaramang sumasainyo si Cristo Jesus?  Maliban na lang kung kayo’y mga itinakwil.”  (II Cor. 13:5, MB)

AYON SA PANANAMPALATAYA
Bukod sa pagbabagong-buhay, dapat ding suriin ng tatanggap ng Banal na Hapunan kung namumuhay siya ayon sa pananampalataya.  Ipinaliwanag ni Apostol Pablo ang ganito:

“Ako’y napako sa krus na kasama ni Cristo; at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin:  at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya, ang pananampalataya na ito’y sa Anak ng Dios, na sa akin ay umibig, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa akin.” (Gal. 2:20)

Ang nabubuhay sa pananampalataya ay ang mga kaanib na pinapaghahari si Cristo sa kanilang buhay.  Inaasahan silang magbagong-buhay yayamang sila’y nabautismuhan kay Cristo (Gal. 3:27).  Sila ang mga naging sangkap o bahagi ng katawan:

“Tayong lahat—maging Judio o Griego, alipin o malaya—ay binautismuhan sa iisang Espiritu upang maging sangkap ng isang katawan.  At tayo’y umiinom sa iisang Espiritu.” (I Cor. 12;13, NPV)

Pananagutan din ng nakibahagi sa Banal na Hapunan na ipahayag ang kamatayan ng Panginoong Jesus hanggang sa muli Niyang pagparito:

“Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa sarong ito ay ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa muling pagparito niya.” (I Cor. 11:26, MB)

Maaaring alam na ng marami na namatay ang Panginoong Jesucristo, ngunit kung para kanino Niya inihandog ang Kaniyang buhay ay hindi malinaw sa lahat.  Ayon kay Apostol Pablo, para kanino inihandog ni Jesus ang Kaniyang buhay?

“Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa iglesya.  Inihandog niya ang kanyang buhay para rito.

“Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito.” (Efe. 5:25, 23, Ibid.)

Sa Iglesia inihandog ni Cristo ang Kaniyang buhay.  Ito ang Kaniyang katawan na inibig Niya at siya rin Niyang ililigtas.  Ito ang tinubos Niya ng Kaniyang dugo:

“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang Iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28, Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)

Kaya, ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ang may pananagutang ihayag at ipaalam sa lahat ng tao ang ukol sa biyayang kaligtasang dulot ng kamatayan ni Cristo.  Sila rin ang makapagsasagawa ng wasto at tunay na Banal na Hapunan—yaong marapat na paggunita kay Cristo. *

Kinopya mula sa PASUGO/MARCH 2000/VOLUME 52/NUMBER 3/PAGES 18-19

Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.

IGLESIA NI CRISTO SITE