UTOS NG DIYOS NA IGALANG ANG KAPATIRAN SA LOOB NG IGLESIA NI CRISTO
ANO ANG KASAMAAN NG LUMAPASTANGAN SA KAPATIRANG ITINATAG NG DIYOS?
Sa Amos, 1:9, ay ipinakikilala ang ganito:
“Ganito ang sabi ng Panginoon: Dahil sa tatlong pagsalangsang ng Tiro, oo, dahil sa apat, hindi ko ihihiwalay ang kaparusahan sa kaniya; sapagka't kanilang ibinigay ang buong bayan sa Edom, at hindi inalaala ang tipan ng pagkakapatiran.”
Ano ang kasamaan ng lumapastangan sa kapatirang itinatag ng Diyos? Parurusahan ng Diyos ang lumalapastangan at sumisira sa kapatiran. Ayon sa mga Apostol, ano ang dapat gawin ng mga kapatid upang hindi malapastangan at masira ang pagkakapatiran sa loob ng Iglesia ni Cristo? Sa Roma 12:10, ay ganito ang itinuturo:
“Sa pagibig sa mga kapatid ay mangagmahalan kayo; sa kapurihan ay ipagpauna ng isa't isa ang iba.”
Ano ang dapat gawin ng mga kapatid upang hindi malapastangan at masira ang pagkakapatiran sa loob ng Iglesia ni Cristo? Sa pag-ibig sa kapatid ay dapat na magmahalan. Paano magagawa iyon? Dapat na ipagpaunang ibigay ng kapatid ang kapurihan ng kanyang kapatid at hindi ang kapurihan ng kanyang sarili ang kanyang igigiit na ipagpapauna.
Anong uring pag-ibig sa kapatid and nararapat sa sa pagmamahalang magkakapatid upang maipagpauna ng bawa’t isa ang kapurihan ng isa’t-isa? Sa Rom. 12:9, ay ipinakikilala ang ganito:
“Ang pagibig ay maging walang pagpapaimbabaw. Kapootan ninyo ang masama; makisanib kayo sa mabuti.”
Anong uring pag-ibig? Walang pagpapa-imbabaw. Hindi pakitang tao lamang, kundi tapat na mula sa puso ang pag-ibig na walang bahid ng anumang masakim na hangarin. Bakit dapat maging malinis at walang pagpapaimbabaw ang pag-ibig na dapat na iukol ng isa’t-isa? Sino ba ang nagturo ng pag-iibigan ng magkakapatid sa loob ng Iglesia ni Cristo? Sa I Tes. 4:9, ay sinasabi ang ganito:
“Datapuwa't tungkol sa pagiibigang kapatid ay hindi ninyo kailangan na kayo'y sulatan ng sinoman: sapagka't kayo rin ay tinuruan ng Dios na mangagibigan kayo sa isa't isa.”
Sino ang nagturo? Ang Diyos. Kaya ang pag-ibig sa kapatid ay dapat maging tapat, malinis at walang pagpapaimbabaw, sapagka’t ang pag-ibig ng Diyos na nagturo ng pag-ibig sa kapatid ay walang pagpapaimbabaw, sapagka’t ang pag-ibig ng Diyos ay tapat at malinis. Hanggang kailan dapat gawin ang pag-iibigan sa isa’t isa? Sa Heb. 13:1, ay ganito ang sinasabi”
“Mamalagi nawa ang pagibig sa mga kapatid.”
Hanggang kailan? Habang nabubuhay at nasa loob ng Iglesia ni Cristo. Ano ang pinatutunayan sa mga kapatid na namamalagi ang kanilang malinis na pag-ibig sa kanyang kakapatid sa Iglesia ni Cristo? Sa I Juan 4:12, ay tinitiyak ang ganito:
“Sinoman ay hindi nakakita kailan man sa Dios: kung tayo'y nangagiibigan, ang Dios ay nananahan sa atin, at ang kaniyang pagibig ay nagiging sakdal sa atin.”
Ano ang pinatutunayan? Nagiging sakdal ang pag-ibig ng Diyos sa kanila at ang Diyos ay nananahan sa kanila. Kaya dapat maghari ang ganitong uri ng pag-iibigan sa isa’t isa sa loob ng Iglesia ni Cristo upang maigalang nila at hindi malapastangan ang banal na kapatirang itinatag ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo.
ANONG URING KAANIB SA IGLESIA NI CRISTO ANG HINDI UMIIBIG KUNDI NAPOPOOT SA KANYANG KAKAPATID?
Sa I Juan 2:9, 11, ay ganito ang sinasabi:
“Ang nagsasabing siya'y nasa liwanag at napopoot sa kaniyang kapatid, ay nasa kadiliman pa hanggang ngayon.”
“Nguni't ang napopoot sa kaniyang kapatid ay nasa kadiliman, at lumalakad sa kadiliman, at hindi niya nalalaman kung saan siya naparoroon, sapagka't ang kaniyang mga mata ay binulag ng kadiliman.”
Anong uring kapatid? Sila’y wala sa liwanag, kundi nasa kadiliman pa hangga ngayon. Bakit ang napopoot at hindi umiibig sa kaniyang kakapatid sa Iglesia ni Cristo ay wala sa liwanag kundi nasa kadiliman pa hangga ngayon? Anong uring kasalanan ang nagagawa nila? Sila ba’y magtatamo ng buhay na walang hanggan? Sa I Juan 3:14-15, ay ganito ang tinitiyak:
“Nalalaman nating tayo'y nangalipat na sa buhay mula sa kamatayan, sapagka't tayo'y nagsisiibig sa mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananahan sa kamatayan.”
“Ang sinomang napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao: at nalalaman ninyong sinomang mamamatay-tao ay hindi pinananahanan ng buhay na walang hanggan.”
Anong uring kasalanan ang nagagawa? Ang napopoot sa kanyang kakapatid ay MAMAMATAY-TAO. Ang mga mamamatay-tao ay wala sa liwanag kundi nasa kadiliman. Saan nananahanan ang mga mamamatay tao? Sila’y nananahanan sa kamatayan. Bakit? Sapagka’t ang mga mamamatay-tao ay hindi magmamana ng buhay na walang hanggan. Samakatuwid, ang mga kapatid sa loob ng Iglesia ni Cristo na hindi tapat na umiibig sa kanyang kakapatid at sinisira ang kapatiran ay hindi magiging dapat sa Diyos. Bakit ang mga nagsasabing umiibig sa Diyos nguni’t hindi naman umiibig kundi napopoot sa kanyang kakapatid sa Iglesia ay hindi magmamana ng buhay na walang hanggan? Ano ba ang pagkilala ng Diyos sa ganitong uri ng kakapatid? Sa I Juan 4:20-21, ay ganito ang tinitiyak:
“Kung sinasabi ng sinoman, Ako'y umiibig sa Dios, at napopoot sa kaniyang kapatid, ay sinungaling; sapagka't ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid na kaniyang nakita, ay paanong makaiibig siya sa Dios na hindi niya nakita? At ang utos na itong mula sa kaniya ay nasa atin, na ang umiibig sa Dios ay dapat umibig sa kaniyang kapatid.”
Ano ang pagkilala ng Diyos? SINUNGALING ang pagkilala sa kanila ng Diyos. Bakit? Sapagka’t paano nga naman nila maiibig ang Diyos na hindi nila nakita kung hindi nila maibig ang mga kakapatid na kanilang nakikita ? Ang utos ng Diyos na nasa atin ay ang umiibig sa Diyos ay dapat umibig sa kanilang kapatid sa Iglesia. Ano ang bahagi ng mga sinungaling na inilalaan ng Diyos sa kanila? Sa Apoc. 21:8, ay ganito ang sinasabi:
“Nguni't sa mga duwag, at sa mga hindi mananampalataya, at sa mga kasuklamsuklam, at sa mga mamamatay-tao, at sa mga mapakiapid, at sa mga manggagaway, at sa mga mapagsamba sa diosdiosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa dagatdagatang nagniningas sa apoy at asupre; na siyang ikalawang kamatayan.”
Ano ang bahaging inilalaan ng Diyos sa mga sinungaling? Ang kanilang bahagi ay ang nagniningas na apoy at asupre na siyang ikalawang kamatayan. Sino ang mga makakasama nila roon? Makakasama nila roon ang mga mamamatay-tao, ang mga kasuklam-suklam, ang mga mapakiapid at ang mga mapagsamba sa diyus-diyusan. Bakit tinatawag na sinungaling ang mga hindi umiibig sa kanilang kakapatid sa Iglesia? Sapagka’t sila man ay nagsasabing kumikilala sa Diyos, ngunit hindi tumutupad ng Kanyang utos. Ano ang utos ng Diyos na hindi nila tinutupad? Ang utos ng Diyos na pag-iibigan sa isa’t-isa. Kaya sila’y mapapahamak sa apoy na kasama ng mga hindi Iglesia ni Cristo. Sila ang mga kaanib sa loob ng Iglesia ni Cristo na lumalapastangan at sumisira ng pagkakapatiran.
SINO ANG MGA KAANIB SA IGLESIA NI CRISTO NA NASA LIWANAG AT TUNAY NA NAKAKAKILALA SA DIYOS?
Sa I Juan 2:10, ay sinasabi ang ganito:
“Ang umiibig sa kaniyang kapatid ay nananahan sa liwanag, at sa kaniya'y walang anomang kadahilanang ikatitisod.”
Sino ang mga nasa liwanag? Ang umiibig sa kanyang kakapatid sa Iglesia, kaya hindi natitisod anuman ang maging kadahilanan. Ito rin ba ang mga tunay na nakakakilala sa Diyos? Sa I Juan 4:7-8, ay itinuturo ang ganito:
“Mga minamahal, mangagibigan tayo sa isa't isa: sapagka't ang pagibig ay sa Dios; at ang bawa't umiibig ay ipinanganak ng Dios, at nakakakilala sa Dios.”
“Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Dios; sapagka't ang Dios ay pagibig.”
Ang umiibig sa kanyang kakapatid sa Iglesia, tangi sa nasa liwanag ay sila rin ba ang tunay na nakakakilala sa Diyos? Ang hindi umiibig sa kakapatid sa Iglesia ay hindi nakakakilala sa Diyos. Bakit? Sapagka’t ang Diyos ay pag-ibig. Kaya kung ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ay nangag-iibigan sa isa’t-isa, ang Diyos ay nananahan sa kanila. Ayon naman sa pagtuturo ng ating Panginoong Jesucristo, ano ang nahahayag sa lahat ng mga tao kung ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ay nag-iibigan sa isa’t-isa? Sa Juan 13:34-35 ay itinuturo ang ganito:
“Isang bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y mangagibigan sa isa't isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa't isa.”
“Sa ganito'y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pagibig sa isa't isa.”
Ano ang nahahayag sa lahat ng mga tao? Makikilala sila ng lahat ng mga tao na sila’y tunay na mga alagad ni Cristo, kung sila’y nag-iibigan sa isa’t-isa. Paano sila mag-iibigan sa isa’t-isa? Kung paano sila inibig ni Cristo ay gayon dapat mag-ibigan sila sa isa’t-isa. Si Cristo lamang ba ang umibig sa kanila? Hindi lamang si Cristo kundi pati ang Diyos ay umibig sa kanila. Paano sila inibig ng Diyos at ni Cristo? Sa I Juan 4:9-10, ay sinasabi ang ganito:
“Dito nahayag ang pagibig ng Dios sa atin, sapagka't sinugo ng Dios ang kaniyang bugtong na Anak sa sanglibutan upang tayo'y mabuhay sa pamamagitan niya.”
“Narito ang pagibig, hindi sa tayo'y umibig sa Dios, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kaniyang Anak na pangpalubagloob sa ating mga kasalanan.”
Paano inibig? Isinugo ng Diyos si Cristo upang maging pampalubag-loob sa kanilang kasalanan at sa pamamagitan Niya ay magkaroon sila ng buhay na walang hanggan. Dahil dito, dapat ba naman silang mag-ibigan sa isa’t-isa? Sa talatang 11, ay sinasabi ang ganito:
“Mga minamahal, kung tayo'y inibig ng Dios ng gayon, ay nararapat na mangagibigan din naman tayo.”
Ang pag-iibigan sa isa’t-isa ang dapat makita na naghahari sa puso ng mga kapatid sa Iglesia ni Cristo upang sila’y tumahan sa liwanag at maging tunay na mga alagad ni Cristo. Datapuwa’t paano kung magkaroon ng alitan at hindi pagkakaunawaan ang magkakapatid sa Iglesia ni Cristo, maaari bang manatili pa ang kanilang pag-iibigan sa isa’t-isa? Oo, kung susunod sila sa utos ng Diyos na dapat isagawa.
ANO ANG UTOS SA NAGALIT SA KAKAPATID NA DAPAT ISAGAWA NG BOONG PUSO?
Sa Efe. 4:26, ay sinasabi ang ganito:
“Kayo'y mangagalit at huwag kayong mangagkasala: huwag lumubog ang araw sa inyong galit.”
Ano ang utos? Dapat magalit, subalit hindi dapat magkasala. Hindi dapat lubugan ng araw ang inyong galit. Paano magagawa ang magalit na hindi nagkakasala at hindi dapat lubugan ng araw ang galit? Sa Efe. 4:29, 31-32, ay ganito ang itinuturo:
“Anomang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig, kundi ang mabuting ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang makinabang ng biyaya ang mga nagsisipakinig.”
“Ang lahat ng kapaitan, at kagalitan, at pagkakaalit, at kadaldalan, at panglilibak, ay mangaalis nawa sa inyo, pati ng lahat ng masasamang akala:”
“At magmagandang-loob kayo sa isa't isa, mga mahabagin, na mangagpatawaran kayo sa isa't isa, gaya naman ng pagpapatawad sa inyo ng Dios kay Cristo.”
Paano magagawa? Dapat magalit na nasa katuwiran. Huwag magsalita ng mahalay kundi mabuting ikatitibay. Ang kapaitan o ang hinanakit, ang panlilibak o pamimintas, ang kadaldalan o paghahatid-dumapit, ang masamang akala o paghihiganti ay dapat maalis sa damdamin. Hindi dapat maghari sa puso ang poot o pagtatanim, kundi ang magandang kalooban na nagpapatawaran sa isa’t isa sa lalong madaling panahon, gaya ng pagpapatawad ng Diyos at ng ating Panginoong Jesucristo. Bakit kailangang mawala sa kalooban ang galit, ang poot at paghihiganti, at ipagkaloob ang pagpapatawad sa kakapatid na nakagalit na nagkasala? Sapagka’t ang sinumang hindi magpatawad sa kanyang kakapatid ng kanilang kasalanan ay hindi rin naman magtatamo ng patawad ng Amang nasa langit ng kanilang kasalanan (Mat. 5:14-15). Ano ang itinuturo ng ating Panginoong Jesucristo na dapat gawin sa kakapatid kung magkasala sa kanya ang kanyang kapatid? Sa Mat. 18:15-17, ay itinuturo ang ganito
“At kung magkasala laban sa iyo ang kapatid mo, pumaroon ka, at ipakilala mo sa kaniya ang kaniyang kasalanan na ikaw at siyang magisa: kung ikaw ay pakinggan niya, ay nagwagi ka sa iyong kapatid. Datapuwa't kung hindi ka niya pakinggan, ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang sa bibig ng dalawang saksi o tatlo ay mapagtibay ang bawa't salita. At kung ayaw niyang pakinggan sila, ay sabihin mo sa iglesia: at kung ayaw rin niyang pakinggan ang iglesia, ay ipalagay mo siyang tulad sa Gentil at maniningil ng buwis.”
Ano ang itinuturo ni Cristo? Siya na pinagkasalahan ay dapat pumaroon sa nagkasala upang ipakilala niya ang nagawa nitong kasalanan na silang dalawa lamang ang nagkakaharap. Kung pakinggan siya ng nagkasala ay nagwagi ang kanyang pakikipagkasundo. Kung ayaw siyang pakinggan ay magsama siya ng isa o dalawang kapatid na diyakono o diyakonesa upang maging saksi sa kanilang pag-uusap. At kung ayaw pa ring pakinggan sila, ay sabihin sa Iglesia o ilapit sa Pangangasiwa at kung ayaw pa ring pakinggan ang Pangangasiwa at ayaw makipagkasundo ay dapat na itulad na Gentil at maniningil ng buwis. Ang gayon ay inaalis o itinitiwalag na sa Iglesia. Bakit itinitiwalag sa Iglesia ang ayaw makinig sa Pangangasiwa sa pakikipagkasundo sa kakapatid na pinagkasalahan? Sino ba ang itinuturo ni Cristo na nagkasala na dapat patawarin? Sa Lucas 17:3-4, ay ganito ang ipinakikilala:
“Mangagingat kayo sa inyong sarili: kung magkasala ang iyong kapatid, sawayin mo siya; at kung siya'y magsisi, patawarin mo siya. At kung siya'y makapitong magkasala sa isang araw laban sa iyo, at makapitong magbalik sa iyo na sasabihin, Pinagsisisihan ko; patawarin mo siya.”
Ang nagkasala na nagsisisi ay dapat patawarin. Ilang ulit mang magkasala sa isang araw, ngunit nagsisisi, inaamin ang kasalanan at humihingi ng tawad ay dapat patawarin. Datapuwa’t sinumang hindi umaamin ng kasalanan, hindi nagsisisi at ayaw makipagkasundo ay hindi dapat patawarin, kaya itinitiwalag sa Iglesia ni Cristo. Dahil dito, ang magkakapatid sa Iglesia ni Cristo ay nararapat mag-ibigan at magpatawaran sa isa’t-isa at hindi dapat mapoot sa kanyang kakapatid. Ano ang parusang itinakda ng ating Panginoong Jesucristo sa napopoot sa kanyang kakapatid? Sa Mat. 5:22, ay tinitiyak ang ganito:
“Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na ang bawa't mapoot sa kaniyang kapatid ay mapapasa panganib sa kahatulan; at ang sinomang magsabi sa kaniyang kapatid, Raca, ay mapapasa panganib sa Sanedrin; at ang sinomang magsabi, Ulol ka, ay mapapasa panganib sa impierno ng apoy.”
Ano ang parusang itinakda? Ang napopoot sa kanyang kakapatid na magsabi ng Raca o Ulol sa kanyang kakapatid ay mapapasa panganib sa impiyerno ng apoy. Ano ang dapat gawin ng napopoot sa kanyang kakapatid upang makaligtas sa parusang ito? Sa Mat. 5:23-26¸ay ganito ang ipinakikilala:
“Kaya't kung inihahandog mo ang iyong hain sa dambana, at doo'y maalaala mo na ang iyong kapatid ay mayroong anomang laban sa iyo, Iwan mo roon sa harap ng dambana ang hain mo, at yumaon ka ng iyong lakad, makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid, at kung magkagayon ay magbalik ka at ihandog mo ang iyong hain. Makipagkasundo ka agad sa iyong kaalit, samantalang ikaw ay kasama niya sa daan; baka ibigay ka ng kaalit mo sa hukom, at ibigay ka ng hukom sa punong kawal, at ipasok ka sa bilangguan. Katotohanang sinasabi ko sa iyo, Hindi ka aalis doon sa anomang paraan, hanggang hindi mo mapagbayaran ang katapustapusang beles.”
Ano ang dapat gawin? Kung sila’y maghahandog sa dambana o sasamba, ngunit nagunitang may laban sa kanila ang sinumang kakapatid sa Iglesia, iwan muna ang iyong hain at makipagkasundo kaagad sa kaalit. Hindi dapat umalis hanggang hindi lubusang nagkakasundo na malinis ang puso na wala nang bahid ng poot at pagtatanim sa kakapatid. Kung magawa na ito ay saka bumalik sa paghahandog ng kanyang hain sa dambana o pagsamba. Ang ganitong uri ng mga kapatid ang gumagalang at tunay na umiibig sa kapatiran sa loob ng Iglesia ni Cristo.
Hango mula sa aklat na Isang Pagbubunyag Sa Iglesia Ni Cristo/Copyright 1964/Kabanata XXVIII/Pahina 239-264
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.
IGLESIA NI CRISTO SITE
IGLESIA NI CRISTO SITE