ANG TUNAY NA
PINAGHAHARIAN NI CRISTO
MAY MGA TAGAPANGARAL na nagtututrong si Jesus ang dapat
nating gawing hari at Panginoon ng ating buhay.
Sinasabi nila na dapat nating palayain ang ating sarili sa
relihiyon—hindi na raw natin kailangan na umanib sa Iglesia. Sapat na raw na ang Panginoong Jesucristo ay
tanggapin natin bilang ating Panginoon at Tagapagligtas.
GAWIN ANG SINASABI NI CRISTO
Dapat nating kilalanin ang Panginoong Jesucristo bilang
Tagapagligtas at Siya ang dapat maghari sa ating buhay upang tayo’y
maligtas. Subalit
sino ang tunay na pinaghaharian ni Cristo?
Alin ang ipinakikilala ng Biblia na Kaniyang kaharian? Ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:
“Na siyang nagligtas sa atin sa kapangyarihan ng kadiliman, at naglipat sa atin sa kaharian ng Anak ng kaniyang pagibig; Na siyang kinaroroonan ng ating katubusan, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan.” (Col. 1:13-14)
Ang kaharian ng Anak ng Diyos o ng Panginoong Jesucristo
ay ang Iglesia ni Cristo na Kaniyang
tinubos sa pamamagitan ng Kaniyang mahalagang dugo:
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang
buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang
pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.” (Gawa 20:28, Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)
Samakatuwid, ang tunay na pinaghaharian ni Cristo ay ang
mga kaanib ng Kaniyang Iglesia. Ang
nagtatakuwil sa Kaniyang Iglesia ay hindi Niya pinaghaharian kahit sabihin
nilang kumikilala sila sa Kaniya.
Paano mapatutunayan ng isang tao
na kinikilala niya bilang Panginoon si Jesus?
Sapat na bang ito’y sabihin lamang nila? Ang Panginoon ay may hinahanap sa mga tunay
na kumikilala sa Kaniya. Ganito ang
sinabi Niya:
“At bakit tinatawag ninyo ako, Panginoon, Panginoon, at di ninyo ginagawa ang mga bagay na aking sinasabi?” (Lu. 6:46)
Hinahanap ng Panginoong Jesucristo na gawin ng mga
tumatawag at kumikilala sa Kaniya ang Kaniyang sinasabi. Ano ba ang sinabi
Niya na dapat nating gawin na may kinalaman sa ating kaligtasan? Ang sabi Niya:
“Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya'y maliligtas.” (Juan 10:9)
Dapat pumasok ang tao kay Cristo upang maligtas. May mga nagsasabing nagawa na raw nila ang
pagpasok kay Cristo sa pamamagitan ng pagtanggap at pagsampalataya sa
Kaniya. Sinasabi nila na wala raw
kinalaman ang pag-anib sa Iglesia sa pagpasok kay Cristo. Wala nga kaya?
Sa gayon ding talata, sa Revised English
Bible, ay nasusulat:
“Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa kawan sa
pamamagitan ko ay magiging ligtas.”
(Juan 10:9, isinalin mula sa Ingles)
Ang pagpasok kay Cristo ay hindi sa paraang tanggapin
lamang Siya bilang Tagapagligtas. Dapat
pumasok ang tao sa kawan na ito’y ang Iglesia
ni Cristo (Gawa 20:28, Lamsa
Translation).
Kung gayon, upang si Cristo ang maging Panginoon at hari
ng ating buhay, dapat nating sundin ang iniutos Niya na pumasok sa Kaniyang
Iglesia. Ang mga pumasok sa tunay na
Iglesia o ang mga kaanib sa Iglesia ni
Cristo ay magtatamo ng pangakong kaligtasan.
May nagtatanong kung bakit kailangan pa ang pag-anib sa
Iglesia gayong si Cristo naman ang Tagapagligtas at hindi ang Iglesia. Walang pagtatalo na ang Panginoong Jesus ang
Tagapagligtas at hindi ang Iglesia, subalit ang Iglesia ang ililigtas
Niya. Ito ang katotohanang mababasa sa
Biblia:
“Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni
Cristo na siyang ulo ng Iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas
nito.” (Efe. 5:23, Magandang
Balita Biblia)
Kaya, kung paanong mahalaga na tanggapin si Cristo bilang
Tagapagligtas, gayundin, mahalagang tanggapin ang tunay na Iglesia dahil ito
ang Kaniyang ililigtas.
KAILANGAN ANG PAG-ANIB SA IGLESIA
Hindi ba maaaring iligtas ng
Panginoon, kahit ang hindi pumasok sa Iglesia
ni Cristo lalo pa nga’t may ginagawa silang paglilingkod sa Kaniya? Upang maunawaan ang sagot sa tanong na ito ay
mahalagang malaman kung bakit kailangan nating lahat ng kaligtasan. Ganito ang pahayag ng Biblia:
“Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala.” (Roma 5:12)
Nagkasala ang lahat maliban sa Panginoong Jesus (I Ped.
2:21-22). Dahil sa kasalanan ang tao ay
nahiwalay sa Diyos dahil din dito’y
hindi pinakikinggan ng Diyos ang pagtawag ng tao sa Kaniya:
“Kundi pinapaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Dios, at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagpakubli ng kaniyang mukha sa inyo, upang siya'y huwag makinig.” (Isa. 59:2)
Kung mamamalagi sa ganitong kalagayan ang tao dahil sa
kaniyang kasalanan, mawawalan lamang ng kabuluhan ang kaniyang paglilingkod sa
Diyos. Ang nagkasala ay tinakdaang
magbayad, at ang “kabayaran ng kasalanan ay
kamatayan” (Roma 6:23)—hindi lamang ang kamatayang pagkalagot ng
hininga, kundi maging ang ikalawang kamatayan sa dagat-dagatang apoy (Apoc.
20:14).
Dahil dito, kailangan ng tao ang kaligtasan. At upang iligtas siya ni Cristo, dapat siyang
umanib sa Iglesia.
BATAS NG DIYOS SA NAGKASALA
Ayon sa katarungan ng Diyos ang nagkasala ang siyang
dapat managot sa kaniyang kasalanan:
“Hindi papatayin ang mga magulang dahil sa mga anak, ni ang mga anak ay papatayin dahil sa mga magulang; bawa't tao'y papatayin dahil sa kaniyang sariling kasalanan.” (Deut. 24:16)
Kaya, hindi maaaring ibang tao ang magbayad sa ating
nagawang kasalanan. Labag ito sa batas o
katuwiran ng Diyos ukol sa pagpaparusa sa nagkasala.
Sa harap ng katotohanang ito,
paano tayo magtatamo ng kaligtasan?
Tiyak na sasabihin ng iba na ito ang dahilan kaya isinugo ang Panginoong
Jesucristo—para tayo’y iligtas. Tama, ngunit paano tayo
maililigtas ni
Cristo nang hindi nalalabag ang batas ng Diyos ukol sa nagkasala? Ganito ang pagtuturo ni Apostol Pablo:
“Sapagka't ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan.” (Efe. 5:23)
Ginawa ng Panginoong Jesus na katawan Niya ang Kaniyang
ililigtas. Ang katawan ay ang Iglesia
ayon sa Biblia:
“At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia.” (Col. 1:18)
Kaya, kung
panagutan man ng Panginoong Jesucristo ang kasalanan ng mga nasa Kaniyang
Iglesia ay hindi ito lalabag sa batas ng Diyos dahil si Cristo at ang Kaniyang katawan o Iglesia ay
isang tao na lamang—isang taong bago:
“ Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito'y ginagawa ang kapayapaan.” (Efe. 2:15)
Ang binabanggit na dalawa rito ay si Cristo na Pangulo at
ang Iglesia na Kaniyang katawan. Ang
Iglesia na katawan ni Cristo ay tinawag na sunod sa pangalan Niya—Iglesia ni Cristo:
“Magbatian kayo ng banal na halik. Lahat ng iglesya ni Cristo ay bumabati sa
inyo.” (Roma 16:16, New Pilipino Version)
Kung gayon, hindi natin maiiwasang sundin ang utos ng
Panginoong Jesus na pumasok o umanib sa Kaniyang Iglesia upang mailigtas Niya
tayo nang hindi nalalabag ang batas ng Diyos. Sa
kabilang dako, ano ang ating sasapitin kung tayo ay tumangging umanib sa
Iglesia?
“Ano ang karapatan kong
humatol sa mga taga-labas ng iglesya?
Hindi ba kayo ang hahatol sa mga nasa loob? Ang
Dios ang hahatol sa mga nasa labas.
‘Itiwalag ninyo ang masama ninyong kasamahan’.” (I Cor. 5:12-13, Ibid.)
Ang mga nasa labas ng tunay na Iglesia ay hahatulan o
parurusahan ng Diyos. Walang ibang
paraan para tayo ay magtamo ng kaligtasan malibang tayo ay sumunod sa utos ng
Tagapagligtas.
Ang tunay na pinaghaharian ni Cristo at siyang ililigtas
Niya pagdating ng Araw ng Paghuhukom ay ang Iglesia
ni Cristo.*
Inaanyayahan ka naming dumalo sa aming mga pagsamba.
Polyeto
Inilathala ng Iglesia ni
Cristo
Patnugutan: Iglesia ni Cristo Central Office
No. 1 Central Avenue, New Era
Lungsod ng Quezon, Pilipinas
1107
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.
IGLESIA NI CRISTO SITE
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.
IGLESIA NI CRISTO SITE