Lunes, Marso 2, 2015

ANG DAPAT MAUNAWAAN SA NANGYARI SA PANAHON NI NOE

ANG DAPAT MAUNAWAAN
 SA NANGYARI SA PANAHON NI NOE



DALAWANG MAHALAGANG bagay ang matututuhan ng tao sa pag-aaral ng kasaysayan.  Una, ang mabubuting ginawa ng mga tao noon at ang ikalawa ay ang kanilang mga pagkakamali.

Sa Biblia ay may inilalahad na pangyayari na hindi lamang dapat makatawag ng ating pansin kundi higit dito ay magsilbing babala sa lahat.  Ito ay ang naganap sa panahon ni Noe na patriyarka.

Noong panahon ni Noe, nakita ng Diyos ang kasamaan ng tao, kaya ipinasiya Niya na lipulin silang lahat:

“At nangyari, nang magpasimula na dumami ang mga tao sa balat ng lupa, at mangagkaanak ng mga babae,

“At nakita ng Panginoon na mabigat ang kasamaan ng tao sa lupa, at ang buong haka ng mga pagiisip ng kaniyang puso ay pawang masama lamang na parati.

“At sinabi ng Panginoon, Lilipulin ko ang tao na aking nilalang sa ibabaw ng lupa; ang tao at gayon din ang hayop, at ang mga umuusad at ang mga ibon sa himpapawid; sapagka't pinagsisisihan ko na aking nilalang sila.

“At ako, narito, ako'y magpapadagsa ng isang baha ng tubig sa ibabaw ng lupa, upang lipulin sa silong ng langit ang lahat ng laman na may hininga ng buhay; ang lahat na nasa lupa ay mangamamatay.(Gen. 6:1, 5, 7, 17)

Subalit bago iginawad ng Diyos ang parusa, nagbigay muna Siya ng pagkakataon sa lahat ng tao:

“Na nang unang panahon ay mga suwail, na ang pagpapahinuhod ng Dios, ay nanatili noong mga araw ni Noe, samantalang inihahanda ang daong, na sa loob nito'y kakaunti, sa makatuwid ay walong kaluluwa, ang nangaligtas sa pamamagitan ng tubig. (I Ped. 3:20)

Dapat nating mapansin na hindi kaagad nilipol ng Diyos ang lahat ng masama.  Nagpahinuhod muna Siya at nagbigay sa kanila ng pagkakataon upang magbago.  Ang panahon ng pagpapahinuhod ng Diyos ay tumagal sa buong panahon ng paghahanda ni Noe ng daong kung kalian kasabay nito’y ipinangaral niya sa mga tao ang matuwid na pamumuhay:

“Dahil sa kasalanan ng tao noong unang panahon, ginunaw ng Diyos ang daigdig sa pamamagitan ng baha.  Wala siyang iniligtas maliban kay Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay, at ang pito niyang kasama.” (II Ped. 2:5, Magandang Balita Biblia)

Ginamit ng Diyos na kasangkapan si Noe upang babalaan ang tao sa gagawin Niyang paggunaw sa daigdig at upang ipangaral sa kanila ang matuwid na pamumuhay.  Nais ng Diyos na talikdan ng tao ang kasamaan at mamuhay sila nang matuwid.  Subalit sa halip na samantalahin ang pagkakataong ibinigay ng Diyos, sinayang nila ito at ipinagwalang-bahala.  Kaya, nang dumating ang bahang-gunaw sa siyang itinakda ng Diyos na ipanlipol sa lahat ng taong masama, walong kaluluwa lamang ang naligtas—si Noe, ang kaniyang asawa, ang kaniyang tatlong anak, at ang kaniyang tatlong manugang.

Bago dumating ang bahang-gunaw, ano ang ginagawa ng mga tao noon?

“Sila'y nagsisikain, sila'y nagsisiinom, sila'y nangagaasawa, at sila'y pinapagaasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe, at dumating ang paggunaw, at nilipol silang lahat.(Lu. 17:27)

Karaniwang araw din nang dumating ang bahang-gunaw.  Ang mga tao ay nagsisikain, nagsisiinom, at nagsisipag-asawa.  Ni hindi nga nila pinaniwalaan ang paggunaw na ibinabala ni Noe.  Kaya, ang lahat ng hindi nakinig sa kaniya ay napahamak.

ANG DAPAT NATING MAUNAWAAN
Mayroong napakahalagang bagay na dapat nating maunawaan sa nangyari sa panahon ni Noe.  Ganito ang itinuturo ng Banal na Kasulatan:

“At kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Noe, ay gayon din naman ang mangyayari sa mga kaarawan ng Anak ng tao. (Lu. 17:26)

Kung paanong nilipol ng Diyos ang tao sa panahon ni Noe ay gayon din ang gagawin Niya sa araw ng pagbabalik ni Cristo—sa Araw ng Paghuhukom.  Ang kasamaan ng tao na nakita ng Diyos sa panahon ni Noe ay siya ring nakikita Niya sa mga tao ngayon.  Kung noon ay nilipol Niya ang sanlibutan dahil sa kasamaan, magaganap din ito sa pagdating ng Anak ng tao.  Ano ang mangyayari sa Araw ng Paghuhukom?

“Sapagka't sadyang nililimot nila, na mayroong sangkalangitan mula nang unang panahon, at isang lupang inanyuan sa tubig at sa gitna ng tubig, sa pamamagitan ng salita ng Dios;

“Na sa pamamagitan din nito ang sanglibutan noon, na inapawan ng tubig, ay napahamak:

“Nguni't ang sangkalangitan ngayon, at ang lupa, sa pamamagitan ng gayon ding salita ay iningatang talaga sa apoy, na itinataan sa araw ng paghuhukom at ng paglipol sa mga taong masama.

“Datapuwa't darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na iyan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog. (II Ped. 3:5-7, 10)

Huwag nating limutin kailanman na sa Araw ng Paghuhukom, ang lahat ng nasa lupa at nasa langit ay mapupugnaw sa matinding init na ito rin ang araw ng paglipol sa lahat ng taong masama.

Huwag nating tularan ang pagwawalang-bahala ng tao sa panahon ni Noe sapagkat ang lahat ng nagwalang-bahala ay napahamak.  Dapat nating tularan si Noe at ang mga kasama niya na sinamantala ang pagkakataong ibinigay ng Diyos.  Dahil dito, sila ay naligtas sa kapahamakan.  Tulad ni Noe at ng kaniyang mga kasama, huwag nating ipagwalang-bahala ang darating na Paghuhukom.  Bagkus, gawin natin ang kaukulang paghahanda para sa araw na iyon.

ANG MARAPAT NA PAGHAHANDA
Ano ang dapat nating gawin upang sa Araw ng Paghuhukom ay hindi tayo mapahamak?

“Kaya nga kayo'y magsihanda naman; sapagka't paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip.(Mat. 24:44)

Ang pagdating ni Cristo ay katulad din ng pagdating ng bahang-gunaw sa panahon ni Noe—hindi inaasahan ng marami.  Kaya, ito ay dapat paghandaan ng lahat ng tao.  Kung gayon, paano ang marapat na paghahanda?  Ayon sa Biblia, ang paghahanda ay sa pamamagitan ng pagsisikap na tayo’y masumpungan sa kapayapaan:

“Kaya nga, mga minamahal, yamang kayo'y nagsisipaghintay ng mga bagay na ito, ay pagsikapan ninyong masumpungan kayo sa kapayapaan, na walang dungis at walang kapintasan sa paningin niya. (II Ped. 3:14)

Ang kapayapaang ito ay nasa katawan:

“At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na diya'y tinawag din naman kayo sa isang katawan; at kayo'y maging mapagpasalamat. (Col. 3:15)

Ang katawang tinutukoy ay ang Iglesia (Col. 1:18)—ang Iglesia ni Cristo:

“Mangagbatian kayo ng banal na halik.  Lahat ng iglesya ni Cristo ay bumabati sa inyo.” (Roma 16:16, New Pilipino Version)

Sa panahon ni Noe, ang kailangan ng tao upang maligtas mula sa bahang-gunaw ay ang daong.  Iyon noon ang dako ng kaligtasan.  Sa Araw ng Paghuhukom, hindi na bahang-gunaw ang ipanlilipol ng Diyos sa lahat ng taong masama kundi ang apoy na susunog sa buong lupa.  Ang kailangan naman ngayon ng tao ay ang tunay na Iglesia—ang Iglesia ni Cristo.  Ito ang dako kung saan dapat masumpungan ang tao upang maligtas sa Araw ng Paghuhukom.  Samakatuwid, ang pag-anib sa Iglesia ni Cristo ang marapat na paghahanda sa Araw ng Paghuhukom.

Bakit ang pag-anib sa Iglesia ang paghahanda sa pagparito ng ating Panginoong Jesucristo o sa Araw ng Paghuhukom?  Ito ay sapagkat ang Iglesia na katawan ni Cristo ang Kaniyang ililigtas:

“Sapagka't ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia, na siya rin ang tagapagligtas ng katawan. (Efe. 5:23)

Kung paanong dumating ang bahang-gunaw noon, ang Araw ng Paghuhukom ay tiyak ding darating (Heb. 9:27).  Dahil dito, huwag nating ipagwalang-bahala ang pag-anib sa Iglesia ni Cristo—ang tanging kaparaanang itinakda ng Diyos upang mailigtas ni Cristo ang tao mula sa dagat-dagatang apoy nang ayon sa katarungan ng Diyos.

Huwag nating tularan ang pagwawalang-bahala ng mga tao sa panahon ni Noe.  Ipinagwalang-bahala nila ang ibinabala ni Noe—hindi sila nagsikap na makapasok sa daong na siyang tanging kaparaanan upang sila ay maligtas.  Dahil dito, sila ay napahamak.

Ngayon ay mayroon ding babala—huwag nating ipagwalang-bahala.*

Inaanyayahan ka naming dumalo sa aming mga pagsamba.

Polyeto
Inilathala ng Iglesia ni Cristo
Patnugutan:  Iglesia ni Cristo Central Office
No. 1 Central Ave., New Era
Quezon City 1107 Philippines

Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.

IGLESIA NI CRISTO SITE