ANG KINAROROONAN NG KAPAYAPAAN
Sa mundong puno
ng kaguluhan,
ligalig at
karahasan, saan natin
matatagpuan ang
tunay na kapayapaan?
KAPAYAPAAN,
KATIWASAYAN, AT kasaganaan—ang mga ito ay ilan lamang sa hinahangad natin sa
buhay. Ngunit ang mga ito ay tila mailap
kamtan. Taliwas sa hinahangad at
inaasahan natin, ang namamayani sa iba’t ibang dako ay kawalang-kapayapaan,
kaguluhan, karahasan, kaligaligan, at kasalatan na nagdudulot ng matinding
kalumbayan at alalahanin sa buhay. Bukod
sa mga ito, ang kawalang-katarungan ay patuloy na naghahari sa mundo. Naitatanong tuloy ng marami: “Bakit ganito ang nangyayari sa daigdig?”
Ayon sa Biblia, ano ang kahulugan
ng mga nangyayari ngayon sa daigdig? Sa Deuteronomio 31:17 ay ganito
ang sinasabi ng Diyos:
“Kung magkagayon, magagalit
ako sa kanila. Itatakwil ko sila’t
tatalikdan, at sila’y madaling mabibihag ng kaaway. Masusuong sila sa mga kaguluhan at
kapahamakan hanggang sa mapag-isip-isip nilang ito’y dahil sa akong Diyos nila ay hindi nila kasama.” (Magandang
Balita Biblia)
Nararanasan
ng tao ang kawalan ng kapayapaan at ang mga kaguluhan dahil hindi niya kasama
ang Diyos. Humiwalay ang Diyos sa tao;
tinalikdan Niya at itinakwil ang tao dahil sa kasalanan at kasamaan nito gaya
ng mababasa sa Isaias 59:2:
“Kundi pinapaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Dios, at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagpakubli ng kaniyang mukha sa inyo, upang siya'y huwag makinig.”
Hangga’t
ang tao’y nananatiling alipin ng kasalanan ay mananatiling mailap sa kaniya ang
kapayapaan, katiwasayan, at kasaganaan.
Upang ito’y malunasan, kailangan niyang malunasan ang dahilan ng
paghiwalay sa kanya ng Diyos—ang kasalanan.
Ang totoo, hindi lamang ang pamumuhay ng tao ang napinsala dahil sa
kaniyang kasalanan. Ito ang dahilan kung
bakit itinakda ng Diyos sa tao ang kamatayan sa dagat-dagatang apoy bilang
ganap na kabayaran ng kasalanan:
“Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin.” (Roma
6:23)
“At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy.” (Apoc.
20:14)
ANG LUNAS SA PAGDURUSA
Ang lunas
sa pagdurusa ng tao sa daigidg ang siya ring lunas sa itinakdang parusa ng
Diyos sa tao—ang panunumbalik ng tao sa Diyos:
“Mula nang mga kaarawan ng inyong mga magulang kayo'y nangagpakaligaw sa aking mga tuntunin, at hindi ninyo tinalima. Manumbalik kayo sa akin, at ako'y manunumbalik sa inyo, sabi ng Panginoon ng mga hukbo. Nguni't inyong sinasabi, Sa ano kami manunumbalik?” (Mal.
3:7)
Inaani ng
tao ang bunga ng kaniyang pagsuway at pagtalikod sa mga utos ng Diyos. Upang makatakas ang tao sa masamang ibinunga
ng kaniyang kasalanan ay dapat siyang manumbalik sa Diyos. Ito ay magagawa niya sa pamamagitan ng
pagsunod sa mga utos ng Diyos. Kapag ito
ay kaniyang natupad, manunumbalik sa kaniya ang Diyos.
Ano ba ang iniutos ng Diyos na dapat
gawin ng nanunumbalik sa Kaniya? Ganito ang itinuturo ng Biblia:
“Ang mga gawain ng taong masama’y Dapat nang talikdan, at
ang mga liko’y Dapat magbago na ng maling isipan; Sila’y manumbalik, Lumapit
kay Yahweh upang kahabagan, At mula sa Diyos, Matatamo nila ang kapatawaran.” (Isaias 55:7, MB)
Ang
nanunumbalik sa Diyos ay dapat tumalikod sa mga gawang masama, magbago ng
maling isipan, at lumapit sa Kaniya. Ang
ganito ay patatawarin sa kaniyang mga kasalanan at magkakaroon ng hinahangad na
kapayapaan at kasaganaan.
ANG MGA TUNAY NA NANUMBALIK SA DIYOS
Subalit
ang lahat ba ng lumalayo sa kasalanan ay nakapanumbalik sa Diyos? Sino ang
itinuturo ng Biblia na tunay na nakapanumbalik sa Diyos? Ano ang ikakikilala sa kanila?
“Kayo’y mga dating patay dahil
sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan. …
“Alalahanin nga ninyo, nang
panahong iyon, ay hiwalay kayo kay Cristo, hindi kabilang sa bayang Israel, mga
banyaga sa mga tipan ng pangako, at walang pag-asa at walang Dios sa
sanlibutan. Ngunit dahil sa pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayong dating malayo ay
inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo.” (Efe. 2:1, 12-13, New
Pilipino Version)
Dahil sa kasalanan, ang tao ay itinuring ng Diyos na
patay. Siya’y hiwalay kay Cristo at
higit sa lahat, siya’y “walang Dios.” Sa
kabilang dako, ang mga tunay na nakapanumbalik sa Diyos ay yaong mga
nakipag-isa kay Cristo Jesus. Itinuro ni
Apostol Pablo kung sino ang mga ito:
“Ngunit dahil sa pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayong
dating malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. Pagkat siya ang ating kapayapaan na kanyang
pinag-isa ang dalawa at giniba ang pader ng pag-aalitan na siyang naging
hadlang.” (Efe. 2:13-14, Ibid.)
Ang mga nakipag-isa kay Cristo ay yaong mga natubos ng
Kaniyang dugo. Sa pamamagitan ng
pagtubos ay nailapit sila sa Diyos at nagiba ang pader sa pagitan ng Diyos at
ng tao—ang kasalanan—na siyang dahilan kaya’t ayaw ng Diyos na makinig sa tao
(Isa. 59:2).
Itinuro ni Apostol Pablo kung ano ang ibig sabihin na ang
tao ay nailapit ng dugo ni Cristo at kung anu-anong biyaya ang nakamit niya
dahil dito:
“Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin
nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo’y makasalanan pa. At ngayong napawalang-sala na tayo sa
pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng
Diyos sa pamamagitan niya.”
(Roma 5:8-9, MB)
Ang mga nailapit ng dugo ni Cristo o mga nakipag-isa sa
Kaniya ay napawalang sala na. Sila ang
nailapit sa Diyos at nakapanumbalik sa Kaniya.
Tiyak na maliligtas sila sa poot ng Diyos sapagkat mayroon na silang
kapayapaan sa Kaniya.
Ang mga nakipag-isa kay Cristo ay nalalang sa Kaniya at
nakasama sa isang taong bago na sa pamamagitan nito’y ginawa ang kapayapaan:
“Na inalis ang pagkakaalit sa pamamagitan ng kaniyang laman, kahit kautusan na may mga batas at ang palatuntunan; upang sa dalawa ay lalangin sa kaniyang sarili ang isang taong bago, sa ganito'y ginagawa ang kapayapaan.” (Efe. 2:15)
Si Cristo at ang mga nakipag-isa sa Kaniya ang bumubuo sa
isang taong bago. Ito ay binubuo ng
ulo—na si Cristo—at ng katawan—na siyang Iglesia:
“At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia; na siya ang pasimula, ang panganay sa mga patay; upang sa lahat ng mga bagay, ay magkaroon siya ng kadakilaan.” (Col. 1:18)
Kung alin ang Iglesiang ito ay itinuturo ng Banal na
Kasulatan:
“Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang
buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang
pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.”
(Gawa 20:28, Lamsa Translation,
isinalin mula sa Ingles)
Iglesia ni Cristo
ang pangalan ng Iglesiang katawan ni Cristo.
Ito ang binili o tinubos Niya ng Kaniyang dugo. Nasa loob ng Iglesia ni Cristo ang mga taong tunay na nakapanumbalik sa
Diyos—ang mga napawalang-sala, nalinis, o natubos ng dugo ni Cristo. Dahil dito, sila ang nagtamo ng kapayapaan sa
Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Jesucristo:
“Yaman nga na mga inaaring-ganap sa pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Dios sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.” (Roma 5:1)
Kailangan ng tao ang kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan
ni Cristo dahil sa kasalanang nagawa ng tao na siya ring dahilan kaya siya’y
itinuring ng Diyos na kaaway. Sa Colosas
1:21 ay ganito ang mababasa:
“At kayo, nang nakaraang panahon ay nangahihiwalay at mga kaaway sa inyong pagiisip sa inyong mga gawang masasama.”
Kaya, napakahalaga ng Iglesia
ni Cristo sapagkat naririto ang mga taong may kapayapaan sa Diyos sa
pamamagitan ni Cristo. Nilinaw ni
Apostol Pablo na ang kapayapaang ito ay ang kawalang hatol:
“ Ngayon nga'y wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus.” (Roma 8:1)
Sapagkat napatawad na sa kanilang mga kasalanan, wala
nang anumang hatol o hindi na parurusahan ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo. Sa pamamagitan ng Iglesiang tinubos ni
Cristo—ang Iglesia ni Cristo—ay nalunasan na ang dahilan ng
paglayo ng Diyos sa tao. Anupa’t sa
ganitong paraan ay muling makikisama ang Diyos sa tao. Kaya, nasa Iglesia ni Cristo ang kapayapaang lalong kailangan ng tao—ang tunay
na kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo.*
Inaanyayahan ka naming dumalo sa mga pagsamba ng Iglesia Ni Cristo.
Inaanyayahan ka naming dumalo sa mga pagsamba ng Iglesia Ni Cristo.
Polyeto
Inilathala ng Iglesia ni
Cristo
Patnugutan: Iglesia ni Cristo Central Office
No. 1 Central Ave., New Era
Lunsod ng Quezon 1107
Pilipinas
Tel. Blg. (632) 981-4311
Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.
IGLESIA NI CRISTO SITE