Lunes, Marso 2, 2015

ANG PAGKILALANG MAGHAHATID SA TUNAY NA BUHAY

ANG PAGKILALANG MAGHAHATID SA TUNAY NA BUHAY


ANG MGA NAGSASABING sila’y Cristiano ay naniniwalang iisa ang Diyos.  Subalit ang karaniwang paniniwala ay may tatlong persona sa iisang Diyos:  Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo.  Marami ang nanghahawak sa aral na ito, na kung tawagin ay doktrina ng Trinidad.  Ito ba ang tunay na pagkaunawa tungkol sa tunay na Diyos na maghahatid sa tao sa buhay na walang hanggan?

Ayon sa Panginoong Jesucristo, ang pagkilala sa Ama na iisang tunay na Diyos ay ikapagtatamo ng buhay na walang hanggan:

“Pagkasabi ni Jesus nito, tumingala Siya sa langit at nagsabi, ‘Ama, dumating na ang oras.  Luwalhatiin Mo ang Iyong Anak, upang luwalhatiin Ka rin ng Iyong Anak’., …

“ ‘At ito ang buhay na walang hanggan—ang makilala Ka nila, Ikaw na kaisa-isang tunay na Dios, at si Jesu-Cristong sinugo Mo’.” (Juan 17:1, 3, Salita ng Buhay)

Napakahalaga ring taglayin ang tunay na pagkilala kay Cristo.  Ayon sa Biblia:

“Ang sinomang nagpapahayag na si Jesus ay Anak ng Dios, ang Dios ay nananahan sa kaniya, at siya'y sa Dios. (I Juan 4:15)

Ang sumasampalataya sa katotohanang si Jesucristo ang Anak ng Diyos ay nagtatamo ng dakilang biyaya sapagkat siya’y sa Diyos at ang Diyos ay nasa kaniya.  Kaya, napakahalagang sampalatayanan na ang Ama lamang ang tunay na Diyos; samantala, si Jesucristo ang Anak ng Diyos na Kaniyang isinugo.  Ang pagkilalang ito ang maghahatid sa tunay na buhay.

Kailangan din ang pagtataglay ng tamang pagkilala sa Espiritu Santo, sapagkat sinabi ni Cristo na ang Espiritu Santo ay tumatahan sa mga nakakakilala sa kaniya (Juan 14:17).

Ang Banal na Kasulatan, na siyang nagtuturo ng katotohanan, ang saligan ng tunay na pagkaunawa tungkol sa Diyos, sa Panginoong Jesucristo, at sa Espiritu Santo.

ANG IISANG TUNAY NA DIYOS
Noon pa mang una, gaya sa panahon ng mga propeta, itinataguyod na ng mga lingkod ng Diyos ang Aral na ang Ama na lumalang ng lahat ng bagay ang siyang iisang tunay na Diyos.  Sinabi ni Propeta Malakias:

“Hindi ba iisa ang ating Ama at ito’y ang iisang Diyos na lumalang sa atin? (Mal. 2:10, Magandang Balita Biblia)

Ang aral na ito ay nagpatuloy maging sa panahong Cristiano.  Sinabi ni Apostol Pablo:

“Sa ganang atin ay iisa lamang ang Diyos, ang Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at tayo’y nabubuhay para sa kanya.” (I Cor. 8:6, Ibid.)

Samakatuwid, itinuturo ng Biblia na tanging ang Ama lamang ang iisang tunay na Diyos; samantalang ang paniniwalang may tatlong persona sa iisang Diyos ay walang batayan sa Biblia.

JESUCRISTO:  SINISINTANG ANAK NG DIYOS
Tulad ng binanggit na, si Cristo ang Anak ng Diyos.  Hindi ito katumbas ng pagsasabing  Siya ay “Diyos Anak.”  Si Jesus ay hindi Diyos.  Sino ang kinikilala at ipinakilala ni Cristo na Diyos?  Hindi ang Kaniyang sarili, sapagkat:

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka't hindi pa ako nakakaakyat sa Ama, nguni't pumaroon ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Dios at inyong Dios.(Juan 20:17)

Ang kinikilala at dinidiyos ni Cristo mismo ay ang Ama.  Ang Kaniyang pagtuturo na ang Ama ang kaisa-isang tunay na Diyos ang siya mismong ipinangaral ng mga apostol.  Sinabi ni Apostol Pablo:

“Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na siyang nagpala sa atin ng bawa't pagpapalang ukol sa espiritu sa sangkalangitan kay Cristo.(Efe. 1:3)

Ang mga nagtutuguyod ng aral na ito ng Biblia tungkol sa Ama ay hindi malalayo sa katotohanan; hindi sila mahuhulog sa pagkakamali na may iba pang diyos maliban sa Ama.

Sakabilang dako, ipinakilala naman ng Ama ang Panginoong Jesucristo na Kaniyang sinisintang Anak:

“Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang maningning na alapaap ay lumilim sa kanila: at narito, ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; siya ang inyong pakinggan.(Mat. 17:5)

Ang Diyos mismo ang nagpahayag na si Cristo ay Kaniyang Anak.  Ang katotohanang ito ay nagpapatunay na hindi Diyos si Cristo.  Siya ay Anak ng Diyos at hindi “Diyos Anak.”

Ang katotohanang si Cristo ay susuko sa Ama ay isa pang katunayang hindi Siya Diyos.  Sinabi ni Apostol Pablo:

“Pagkat ‘lahat ng bagay ay napasuko na niya sa ilalim ng kanyang mga paa’.  Sa pagbanggit ng lahat ng bagay, maliwanag ng hindi kasama ang Dios na nagpasuko ng lahat ng bagay kay Cristo.  Kung magawa na ang lahat ng ito, ang Anak naman ang paiilalim sa Ama na nagpasuko ng lahat ng bagay sa Anak upang  ang Dios ay maging hari ng lahat.” (I Cor. 15:27-28, New Pilipino Version)

Ang lahat ay pasusukuin kay Cristo, maliban sa Ama na Siyang nagpasuko ng lahat ng bagay sa ilalim ni Cristo.  Pagkatapos nito, si Cristo naman ang paiilalim o susuko sa Diyos upang ang Diyos ang maghari sa ibabaw ng lahat.  Paanong Diyos si Cristo kung susuko at paiilalim Siya sa Diyos?

Si Cristo mismo ay paiilalim sa Diyos sapagkat itinuro Niya na “ang Ama ay lalong dakila kay sa akin” (Juan 14:28).  Sinabi pa Niya:

“… Hindi makagagawa ang Anak ng anoman sa kaniyang sarili kundi ang makita niyang gawin ng Ama; …

“Hindi ako makagagawa ng anoman sa aking sarili.” (Juan 5:19, 30)

Sinabi ni Cristo na kung Siya lamang mag-isa ay hindi Siya makagagawa ng anoman.  Hindi Niya kailanman ipinakilala ang Kaniyang sarili na Diyos o kaya’y “Diyos Anak” kundi Anak na sinugo ng Diyos.

ESPIRITU SANTO:  ISINUSUGO NG AMA AT NI CRISTO
Ang Espiritu Santo man ay hindi Diyos sapagka’t siya’y isinusugo ng Ama at maging ng Anak (Juan 14:26; 15:26).  Ang Espiritu Santo ay hindi nagsasalita na mula sa kaniyang sarili kundi ayon lamang sa kaniyang narinig mula sa Ama at sa Anak na nagsugo sa kaniya (Juan 16:13).

Ang nagsugo ay lalong dakila kaysa sa isinugo (Juan 13:16).  Kaya, ang Espiritu Santo ay hindi Diyos.  Isa pa, ayon sa Apocalipsis 5:6 ay pito ang espiritung sinugo ng Diyos.  Kung ang Espiritu Santo ay Diyos din, lilitaw na hindi lamang iisa ang Diyos kundi higit pa at ni hindi rin tatlong persona kundi siyam pa.  Labag ito sa pagtuturo ng Biblia.

Samakatuwid, hindi ipinakikilala ng Biblia na Diyos si Cristo at ang Espiritu Santo.  Ang mga aral na ito na Diyos daw si Cristo at ang Espiritu Santo ay binuo lamang sa Konsilyo ng Iglesia Katolika sa Nicea at Constantinopla:

“Kaya, halimbawa, noon lamang 325 A.D., sa Konsilyo ng nicea, nang ipaliwanag ng Iglesia [Katolika] sa atin na isang alituntunin ng pananampalataya na si Jesus ay tunay na Diyos.  Noong 381, sa Konsilyo ng Constantinopla, ipinaliwanag na isang alituntunin ng pananampalataya na ang Espiritu Santo ay Diyos.” (Discourses on the Apostles’ Creed, p. 206, isinalin mula sa Ingles)

Ang paniniwala ukol sa diumano’y pagka-Diyos ni Cristo at ng Espiritu Santo ay magkahiwalay na ipinaliwanag may tatlong daang taon na ang nakalilipas pagkamatay ng mga apostol at pagkatapos na mabuo ang Bagong Tipan noong unang siglo.  Isa pa itong katunayan na ang aral na Diyos si Cristo at ang Espiritu Santo, pati ang doktrina ng Trinidad, ay hindi lamang wala sa Biblia kundi labag pa sa pagtuturo nito kaya’t hindi makapaghahatid sa tunay na buhay.

Manalig tayo sa katotohanang nakasulat sa Biblia upang makatiyak tayo ng walang hanggang buhay.*

Inaanyayahan namin kayong dumalo sa mga pagsamba sa bahay sambahang malapit sa inyo.

Polyeto
Inilathala ng Iglesia ni Cristo
Patnugutan:  Iglesia ni Cristo Central Office
No. 1 Central Ave., New Era
Quezon City 1107 Philippines


Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.

IGLESIA NI CRISTO SITE