Biyernes, Marso 20, 2015

HUWAG TUMANGGI SA TAWAG

HUWAG TUMANGGI SA TAWAG

Ni REMUEL V. CASIPIT


ANG KUMIKILALA AT sumasampalataya sa Panginoong Diyos ay hindi tatanggi sa Kaniyang pagtawag.  Gayunman, maaaring magawa ng isang tao ang pagtanggi nang hindi niya namamalayan.  Paano malalaman ng isang tao na siya’y tinatawag ng Diyos?  Paano niya nagagawang tumanggi sa banal na tawag ng Diyos?  Ano ba ang babala ng Diyos sa sinumang tumanggi sa Kaniyang pagtawag?

“AKO’Y TUMAWAG AT KAYO’Y TUMANGGI”
Pinatutunayan ng Diyos na mayroon Siyang tinatawag ngunit nagsisitanggi:

“Sapagka't ako'y tumawag, at kayo'y tumanggi: aking iniunat ang aking kamay, at walang makinig; Kundi inyong iniuwi sa wala ang buo kong payo, at hindi ninyo inibig ang aking saway. (Kaw. 1:24-25)

Kung may mga taong ayaw makinig o tumatanggi sa tawag ng Diyos, mayroon din namang pinatutunayan ang Biblia na mga taong tumutugon sa banal na tawag ng Diyos.  Sa panahong Cristiano, ang mga tinawag at tumugon ay naging bahagi ng isang katawan:

“At paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat ito ang dahilan kaya kayo tinawag upang maging bahagi ng isang katawan.  Magpasalamat kayong lagi.” (Col. 3:15, Magandang Balita Biblia)

Ang katawan na tinutukoy ay ang Iglesia (Col. 1:18, Ibid.)  Pansinin na hindi sila naging bahagi ng iba’t ibang sekta o sa iba’t ibang iglesia kundi bahagi sila ng iisang katawan.  Alin ang iglesia na dito isinasangkap o nagiging bahagi ang mga taong tinawag ng Panginoon?  Ganito ang pagtuturo ni Apostol Pablo:

“Take heed therefore to yourselves and to all the flock over which the Holy Spirit has appointed you overseers, to feed the church of Christ which he has purchased with his blood.” [Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.] (Acts 20:28, Lamsa Translation)

Sa Iglesia ni Cristo isinasangkap ang mga tinawag ng Diyos upang sila ay makasama sa mga binili o tinubos ng mahalagang dugo ng Panginoong Jesucristo (I Ped. 1:15, 18-19).  Mahalaga na ang tao ay malinis o matubos ng dugo ni Cristo sapagkat ang nalinis ay ang may karapatang magsagawa ng paglilingkod sa Diyos (Heb. 9:14).  Kaya, nakatitiyak ang tao na siya ay tinawag ng Diyos at tumugon upang maglingkod sa Kaniya kung siya, akay ng tama at mabuting layunin, ay naging kaanib sa Iglesia ni Cristo.  Ang pagtangging umanib sa Iglesia ni Cristo ay katumbas ng pagtanggi sa tawag ng Diyos.

ANG PARAAN NG PAGTAWAG
Paano ang paraan ng pagtawag ng Diyos ng mga taong maglilingkod sa Kaniya upang dalhin sa loob ng tunay na Iglesia?  Ganito ang pagtuturo ni Apostol Pablo:

“Tinawag kayo ng Dios sa pamamagitan ng ebanghelyong ipinangangaral namin sa inyo upang makahati kayo sa kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo.” (II Tes. 2:14, New Pilipino Version)

Ang pangangaral ng ebanghelyo ng mga tunay na tagapangaral ang paraan ng pagtawag ng Diyos sa mga taong maglilingkod sa Kaniya.  Subalit hindi natatapos sa pakikinig ng ebanghelyo ang pagtugon sa tawag ng Diyos. Ang pinangaralan ay dapat sumampalataya sa ebanghelyo at tumanggap ng tunay na bautismo:

“At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal.

“Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; datapuwa't ang hindi sumasampalataya ay parurusahan. (Mar. 16:15-16)

ANG KASANGKAPAN SA PAGTAWAG
Dahil tagapangaral ang kinakasangkapan ng Diyos sa pagtawag ng mga maglilingkod sa Kaniya, mahalagang maunawaan na hindi lahat ng nangangaral na gumagamit ng Biblia ay kinakasangkapan ng Diyos.  Ang mga tunay na tagapangaral ay tinawag din ng Diyos upang mangaral.  Sila ang pinagpahayagan ng Diyos ng Mabuting Balita upang ito ay maipangaral, gaya ng pagpapakilala ni Apostol Pablo sa kaniyang karapatan:

“Ngunit dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, hinirang niya ako bago pa ipanganak, at tinawag upang maging lingkod niya.  At nang ihayag niya sa akin ang kanyang Anak, upang ang Mabuting Balita tungkol sa kanya ay maipangaral ko sa mga Hentil, hindi ako sumangguni kaninuman.”  (Gal. 1:15-16, MB)

Si Apostol Pablo ay naging masugid na tagapagtaguyod ng relihiyong Judaismo bago siya tawagin upang maging apostol (Gal. 1:13-16, Ibid.), subalit ayon sa Biblia ay hinirang at tinawag na siya bago pa ipanganak.

Si Kapatid na Felix Y. Manalo, tulad ni Apostol Pablo, ay naging kaanib muna ng ibang pananampalataya bago tinawag o isinugo ng Diyos upang ang mga tao sa ating panahon ay dalhin sa tunay na Iglesia.  Bakit kailangan munang tawagin ng Diyos ang Kaniyang sugo para ang tao ay madala sa Iglesia?  Sino ba ang tunay na tagapangaral na kinakasangkapan ng Diyos sa Kaniyang pagtawag?  Ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:

“At paano silang magsisipangaral, kung hindi sila mga sinugo?” (Roma 10:15)

Ang sugo ang tunay na tagapangaral na dapat pakinggan ng tao at siyang kasangkapan ng Diyos sa pagtawag ng mga taong dadalhin sa tunay ng Iglesia.  Gaya ng tinalakay na, ang dakong pinaglagyan sa mga tinawag ng Diyos upang maglingkod sa Kaniya ay ang Iglesia ni Cristo.  Kaya, upang matiyak na sugo ng Diyos ang isang tagapangaral, ang isa sa mga dapat alamin ay kung Iglesia ni Cristo ang iglesiang kaniyang ipinangangaral.

ANG BABALA
Noon pa man ay mayroon nang mga pinangaralan ng ebanghelyo na tumanggi sa tawag ng Diyos.  Ang halimbawa nito ay ang mga Judio na nanlait pa sa mga sugo ng Diyos, hindi dahil sa maling aral kundi dahil sa inggit.  Ganito ang patotoo ng mga apostol:

“Nang makita ng mga Judio ang maraming tao, pinagharian sila ng inggit kaya sinalungat nila at nilait si Pablo.  Buong tapang silang sinagot nina Pablo at Bernabe: ‘Kailangang kayo muna ang aming balitaan tungkol sa salita ng Dios.  Yamang tinanggihan ninyo ito, at ayaw ninyong maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, mga Hentil ang pupuntahan namin’.” (Gawa 13:45-46, NPV)

Hindi nila naunawa na ang tinanggihan nila ay buhay na walang hanggan na iniaalok ng Panginoong Diyos.  Kaya ano ang babala ng Diyos sa tumanggi sa Kaniyang pagtawag?  Darating sa kanila ang mga kasakunaan at bagabag at kapag sila naman ang tumawag ay hindi sasagot ang Diyos at hindi nila Siya masusumpungan:

“Ako naman ay tatawa sa kaarawan ng inyong kasakunaan: ako'y manunuya pagka ang inyong takot ay dumarating; Pagka ang iyong takot ay dumarating na parang bagyo. At ang inyong kasakunaan ay dumarating na parang ipoipo; pagka ang hirap at hapis ay dumating sa inyo.  Kung magkagayo'y tatawag sila sa akin, nguni't hindi ako sasagot; hahanapin nila akong masikap, nguni't hindi nila ako masusumpungan. (Kaw. 1:26-28)

Lalong kalagim-lagim na kasakunaan ang sasapit sa kanila sa araw ng paghuhukom.  Sa Zefanias 1:14-15, 18, inilarawan ang kakilakilabot na araw na yaon:

“Ang dakilang kaarawan ng Panginoon ay malapit na, malapit na at nagmamadaling mainam, sa makatuwid baga'y ang tinig ng kaarawan ng Panginoon; ang makapangyarihang tao ay sumisigaw roon ng kalagimlagim.  Ang araw na yaon ay kaarawan ng kapootan, kaarawan ng kabagabagan at kahapisan, kaarawan ng kawakasan at kasiraan, kaarawan ng kadiliman at kalumbayan, kaarawan ng mga alapaap at pagsasalimuot ng kadiliman.  Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man ay hindi makapagliligtas sa kanila sa kaarawan ng kapootan ng Panginoon; kundi ang buong lupain ay masusupok sa pamamagitan ng apoy ng kaniyang paninibugho: sapagka't wawakasan niya, oo, isang kakilakilabot na wakas, nilang lahat na nagsisitahan sa lupain.

Kaya hindi dapat sayangin ang pagkakataong ibinibigay ng Diyos.  Tugunin natin ang tawag Niya sa paraang umanib tayo sa Iglesia ni Cristo. *



Kinopya mula sa PASUGO GOD’S MESSAGE/OCTOBER 2002/VOLUME 54/NUMBER 10/PAGES 30-31



Bible Study Suggestion: If you have further questions, please feel free to visit the Iglesia ni Cristo congregation nearest you. A minister or an evangelical worker would be happy to answer any biblical question you have in mind.