Miyerkules, Disyembre 11, 2019

ANG PAGHUHUKOM AT ANG PAGKABUHAY NA MULI


ANG PAGHUHUKOM
AT ANG PAGKABUHAY NA MULI
By Estelito G. Vertucio Sr.


ANG IGLESIA NI Cristo ay sumasampalataya na mayroong Araw ng Paghuhukom. Ito ay aral na itinuturo ng Biblia:

"Sapagka't siya'y nagtakda ng isang araw na kaniyang ipaghuhukom sa sanglibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking kaniyang itinalaga; na ito'y pinatunayan niya sa lahat ng mga tao, nang siya'y buhayin niyang maguli sa mga patay." (Gawa 17:31)
Ang Araw ng Paghuhukom ay isang katotohanang hindi mapapasubalian. Ito ay magaganap sa Ikalawang Pagparito ng Panginoong Jesucristo o sa katapusan ng sanlibutan (Jud. 1:14-15). Ang isa sa matitibay na katunayan na may Araw ng Paghuhukom ay ang kamatayan:
"At kung paanong itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom." (Hebreo 9:27)
Dahil sa kaniyang mga kasalanan, ang tao ay tinakdaan ng Diyos ng kamatayan - ang pagkagot ng hininga (Roma 5:12). Ang pagdating ng kamatayan ay hindi niya mapipigilan (Ecles. 8:8). At kung paanong ang kamatayan ay natutupad sa marami, tiyak ding magaganap ang paghuhukom dahil ang Diyos din ang nagtakda nito. Ang pagkakaroon ng kamatayan ang katonayang magaganap din ang paghuhukom.

MGA TANDA NA MALAPIT NA
ANG PAGHUHUKOM

Ang mga alagad ng Panginoong Jesus ay nagtanong sa Kaniya kung kailan magaganap ang Kaniyang Ikalawang Pagparito o ang katapusan ng sanlibutan (Mat. 24:3). Bilang tugon, nagbigay Siya ng mga palatandaan. Ganito ang sinabi ng Panginoong Jesucristo:


"Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na siya'y malapit na, nasa mga pintuan nga." (Mat. 24:33)

"At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan: sapagka't kinakailangang ito'y mangyari datapuwa't hindi pa ang wakas.

" Sapagka't magsisitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakagutom at lilindol sa iba't ibang dako.
"Datapuwa't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng kahirapan." (Mat. 24:6-8)

Ayon kay Jesus, ang isa sa mga palatandaang magbabadya na malapit na ang katapusan ng sanlibutan ay ang digmaang aalingawngaw o mapapabalita at kasasangkutan ng mga bansa. Sa katuparan, ang digmaang ito'y sumiklab noong Hulyo 27, 1914; ito ay tinawag na Unang Digmaang Pandaigdig. Gayundin, ang patuloy na paglalabanan ng mga bansa, ang pagkakaroon ng kagutom, kahirapan, at paglindol sa iba't ibang dako ay pawang natupad na at patuloy pang natutupad. Kaya, totoong malapit na ang Araw ng Paghuhukom.

Ang mga taong hindi naniniwala sa Ikalawang Pagparito ni Cristo at sa Araw ng Paghuhukom ay tuwirang lumalapastangan sa kapangyarihan ng salita ng Diyos. Tandaan natin na sa pamamagitan ng salita ng Diyos ay nilalang Niya ang langit at lupa. Sa pamamagitan din ng Kaniyang salita ay nagkaroon ng bahang-gunaw sa panahon ni Noe (II Ped. 3:3-6. At sa pamamagitan din ng Kaniyang salita ay ganito ang kakikakilabot na magaganap sa mga taong masama sa Araw ng Paghuhukom:

"Nguni't ang sangkalangitan ngayon, at ang lupa, sa pamamagitan ng gayon ding salita ay iningatang talaga sa apoy, na itinataan sa araw ng paghuhukom at ng paglipol sa mga taong masama.

"
Datapuwa't darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na iyan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog." (II Ped. 3:7, 10)
Sa Araw ng Paghuhukom ay lilipulin ng Diyos ang lahat ng taong masama.

ANG MGA TAONG
HINDI HAHATULAN

Matagal pa bago dumating ang Araw ng Paghuhukom ay itinuro na ng Banal na Kasulatan kung sinu-sino ang mga taong hindi hahatulan sa araw na iyon. Ganito ang nasusulat:


"Ngayon nga'y wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus. (Roma 8:1)
Ang mga kay Cristo ang tinitiyak ng Biblia na wala nang anumang hatol o parusa sa Araw ng Paghuhukom. Ipinakilala ng Panginoong Jesucristo kung sino ang mga taong Kaniya:

"At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya." (Mat. 16:18)

Tiniyak ng Tagapagligtas kung sino ang mga taong kinikilala Niyang Kaniya. Sila ang mga kaanib sa Iglesiang Kaniyang itinayo. Pinatunayan ito ni Cristo nang Kaniyang sabihin na "...aking iglesia." Ang itinawag ng mga apostol sa Iglesiang kay Cristo ay Iglesia Ni Cristo:
"Magbatian kayo ng banal na halik. Lahat ng iglesya ni Cristo ay bumabati sa inyo." (Roma 16:16, New Pilipino Version)
Kaya, napakahalagang ang tao ay umanib sa tunay na Iglesiang itinayo ni Cristo - sa Iglesia Ni Cristo. Sa pamamagitan nito ay makatitiyak silang mapapabilang sa mga ililigtas ni Cristo sa Kaniyang muling pagparito.

MAY PAGKABUHAY
NA MULI

Sa Araw ng Paghuhukom magaganap ang muling pagkabuhay ng mga patay. Ang mga kay Cristo na inabot ng kamatayan bago ang muli Niyang pagparito ay unang bubuhaying muli. Ganito ang mangyayari sa araw na iyon:


"Sapagka't ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli." (I Tes. 4:16)

Si Apostol Pablo ay nagbigay ng isang matibay na katunayan na may pagkabuhay na muli ng mga patay. Ganito ang kaniyang patotoo:

" Kung si Cristo nga'y ipinangangaral na siya'y muling binuhay sa mga patay, bakit ang ilan sa inyo ay nagsisipagsabi na walang pagkabuhay na maguli ng mga patay?
"Datapuwa't kung walang pagkabuhay na maguli ng mga patay, ay hindi rin nga muling binuhay si Cristo:" (I Cor. 15:12-13)

Ang muling pagkabuhay ni Cristo ang matibay na katunayang may pagkabuhay na muli ang mga patay. Kung walang pagkabuhay na muli ay hindi rin nga muling binuhay si Cristo. Si Cristo ang pangunahing bunga sa mga patay; ang susunod na bubuhayin sa Kaniyang Ikalawang Pagparito ay ang lahat ng mga taong ibinibilang na Kaniya (I Cor. 15:20). Ang kapalaran ng mga kay Cristo sa Araw ng Paghuhukom ay ipinakita ng Diyos kay Apostol Juan sa pangitain:

"Mapalad at pinagpalang lubos ang mga nakasama sa unang pagkabuhay sa mga patay. Walang kapangyarihan sa kanila ang pangalawang kamatayan; sila'y magiging mga saserdote ng Diyos at ng Mesias, at maghahari silang kasama niya sa loob ng sanlibong taon." (Apoc. 20:6, Magandang Balita Biblia)

May mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo na nakaranas ng unang kamatayan o pagkalagot ng hininga (Awit 104:29). Gayunman, ang ikalawang kamatayan - ang dagat-dagatang apoy (Apoc. 20:14) - ay wala nang kapangyarihan sa kanila. Ito ang kanilang magandang kapalaran.

Sila - kasama ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo na aabutang buhay sa Araw ng Paghuhukom - ay titipunin upang dalhin sa kaharian ng langit, sa gayon ay hindi sila mararamay sa gagawing paglipol sa mga makasalanan:


"Pagkatapos, tayong mga buhay pa ay titipunin niya sa ulap at isasama sa mga binuhay upang salubungin sa papawirin ang Panginoon. Sa gayo'y makakapiling niya tayo magpakailanman." (I Tes. 4:17, MB)

Ngunit bago sila sama-samang dalhin sa kaharian ng Diyos sa langit ay may kahanga-hangang pagbabago naangyayari sa kanila:

"Pakinggan ninyo ang hiwagang ito: hindi mamamatay ang lahat, ngunit lahat tayo'y babaguhin sa isang sandali, sa isang kisap-mata, kasabay ng huling tunog ng trompeta. Pagtunog ng trompeta, ang mga patay ay muling bubuhayin at di na mamamatay. Babaguhin tayong lahat, sapagkat itong katawang nabubulok ay dapat mapalitan ng di nabubulok at ang katawang namamatay, ng di namamatay. Kapag napalitan na ng walang pagkabulok ang nabubulok at napalitan na ng walang kamatayan ang namamatay, matutupad ang nasasaad sa Kasulatan: 'Nalupig na ang kamatayan; ganap na ang tagumpay!'" (I Cor. 15:51-54, Ibid.)

Kapag napalitan na ng katawang walang pagkabulok at kamatayan ang katawang nabubulok at namamatay, matutupad ang nasasaad sa Kasulatan: "Nalupig na ang kamatayan: ganap na ang tagumpay!" Ano ang kahulugan nito?

"Sapagka't hindi na sila maaaring mangamatay pa: sapagka't kahalintulad na sila ng mga anghel; at sila'y mga anak ng Dios, palibhasa'y mga anak ng pagkabuhay na maguli." (Lu. 20:36)

Sa kaharian ng Diyos sa langit maninirahan ang mga maliligtas. Doon ay makakapiling nila ang Diyos at si Cristo magpakailanman.

BUBUHAYIN DIN
Yaong mga hindi kay Cristo ay bubuhayin din ngunit pagkaraan pa ng 1,000 taon:


"Ito ang unang pagkabuhay sa mga patay. Bubuhayin ang iba pang mga patay pagkaraan ng sanlibong taon." (Apoc. 20:5, MB)

Ayon sa pangitain ni Apostol Juan, nang mabuhay na muli ang ibang mga patay ay may huling pandarayang gagawin si Satanas. Ngunit ganito ang gagawin ng Diyos:

"Pagkatapos ng 1,000 taon palalayain si Satanas. Lalabas siya upang dayain ang mga bansa sa buong sanlibutan - ang Gog at Magog. Titipunin sila ni Satanas at isasama sa pakikidigma. Kasindami ng buhangin sa tabing-dagat ang hukbong ito. Kumalat sila sa buong sanlibutan at pinaligiran ang kuta ng mga hinirang ng Diyos at ang pinakamamahal niyang lunsod. Ngunit bumaba ang apoy mula sa langit at tinupok sila. At ang Diyablong nandaya sa kanila ay itinapon sa lawang apoy at asupre na pinagtapunan din sa halimaw at sa mga bulaang propeta; magkakasama silang pahihirapan, araw at gabi, magpakailanman." (Apoc. 20:7-10, Ibid.)

Yaong makakasama sa muling pagkabuhay ng mga patay pagkalipas ng 1,000 taon ay tiyak na masasadlak sa kapahamakan. Sila ay ibubulid sa apoy - sa ikalawang kamatayan - at doo'y pahihirapan magpakailanman.
Kaya, sa Araw ng Paghuhukom ay dalawa lamang ang maaaring patunguhan ng tao: kaligtasan o kapahamakan. Itinuro ng Biblia ang paraan ng kaligtasan. Nasa tao ang pagpapasiya. At ang pagpapasiya tungo sa ikaliligtas ay dapat niyang isagawang madali sapagkat:
"Kaya nga kayo'y magsihanda naman; sapagka't paparito ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip." (Mat. 24:44) ®

Kinopya mula sa:
PASUGO GOD'S MESSAGE
October 2001
Pahina 26-29


MALUGOD PO NAMIN KAYONG INAANYAYAHAN SA AMING MGA PAGSAMBA.
KUNG MAY KATANUNGAN PO KAYO, MAAARI PO KAYONG MAGTUNGO SA PINAKAMALAPIT NA KAPILYA O BAHAY SAMBAHAN SA INYONG LUGAR.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento