Miyerkules, Disyembre 4, 2019

UKOL SA 1 JUAN 5:20

UKOL SA 1 JUAN 5:20


Ang tinutukoy na 'Ito ang tunay na Diyos' sa 1 Juan 5:20

Ang mga naniniwalang si Cristo'y Diyos ay tiwalang-tiwalang ginagamit ang 1 Juan 5:20 na para bagang sa talatang ito ay malinaw na itinuturong si Cristo ang tunay na Diyos. Inaakala nila na ang talatang ito ay isang malakas na katibayang nagpapatotoo sa kanilang paniniwala. Subalit kung ating susuriin ang pagpapakahulugang ibinibigay nila sa talatang ito ay makikita natin kung gaano kahina ang kanilang batayan.

Sa 1 Juan 5:20 ay sinasabi ang ganito:

"At nalalaman natin na naparito ang Anak ng Dios, at tayo'y binigyan ng pagkaunawa, upang ating makilala siya na totoo, at tayo'y nasa kaniya na totoo, sa makatuwid ay sa kaniyang Anak na si Jesucristo. Ito ang tunay na Dios, at ang buhay na walang hanggan." (PBS)

Paano ginagamit ng mga naniniwalang si Cristo'y Diyos ang talatang ito? Sinasabi nila na si Jesucrisro raw ang tinutukoy ng "Ito ang tunay na Diyos." Ang una, at siyang diumano'y pinakamalakas na dahilan na kanilang ibinibigay, ay si Jesucristo raw ang huling simuno (subject) na binanggit sa unang pangungusap at pinakamalapit sa panghalip na "ITO" ng ikalawang pangungusap. Ikalawa, magiging paulit-ulit daw (tautulogous) kung sa Ama uli tutukoy ang banggit na "ito ang tunay na Diyos" dahil dalawang ulit nang sinabi na ang Ama ang totoo (siya na totoo at nasa kaniya na totoo). Ikatlo, sa mga Sulat daw at sa Ebanghelyo ni Apostol Juan ay si Cristo ang itinuturo at tinatawag na BUHAY (ayon sa 1 Juan 5:12, "Ang kinaroroonan ng buhay"; sa Juan 11:25 ay sinabi ni Jesus, "Ako ang pagkabuhay na mag-uli, at ang kabuhayan"; at sa Juan 14:6 ay sinabi Niyang, "Ako ang daan, at ang katotohanan at ang buhay", kaya Siya raw ang tinutukoy ng banggit na "Ito ang tunay na Diyos at ang buhay na walang hanggan."

Unahin nating sagutin ang ikatlong dahilan na ibinibigay nilang katunayan na si Cristo ang tinutukoy ng "Ito ang tunay na Diyos", sapagkat dito ay gumagamit sila ng talata ng Biblia.

Ano ang kamalian ng ibinibigay nilang pakahulugan sa 1 Juan 5:20?

Dapat pansinin na kung itinuro man ni Apostol Juan na si Cristo ang buhay, nilinaw din niya na ang buhay na nakay Cristo ay ipinagkaloob sa Kaniya ng Ama gaya ng pinatutunayan sa Juan 5:26:

"Sapagka't kung paanong ang Ama ay may buhay sa kaniyang sarili, ay gayon din namang pinagkalooban niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kaniyang sarili."

Itinuro din ni Apostol Juan na ang Ama ang nagbigay sa atin ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo:

"At ito ang patotoo, na tayo'y binigyan ng Dios ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak. Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Dios ay hindi kinaroroonan ng buhay. " (1 Juan 5:11-12)

Kaya ang buhay na walang hanggan na nakay Cristo, na ibibigay din sa atin, ay nagmula sa Diyos. Dahil dito, maling sabihin na ang tinutukoy na "tunay na Diyos at buhay na walang hanggan" ay si Jesucristo, hindi lamang dahil sa sinipi na nating mga talata kundi sapagkat ang pariralang ito mismo ay ginamit ni Jesucristo upang tumukoy sa Ama. Ganito ang sinasabi sa Juan 17:3, 1:

"At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay,...

"Ang mga bagay na ito ay sinalita ni Jesus; at sa pagtingala ng kaniyang mga mata sa langit, ay sinabi niya, Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak.
"
Ang malaking pagkakawangis ng talatang ito (Juan 17:3) at ng 1 Juan 5:20 ay hindi maitatatwa ninuman. Kapuwa nito binabanggit ang Diyos na tunay at ang buhay na walang hanggan. Kapuwa ito nagpapatunay na ang nagpakilala sa tunay na Diyos ay ang Anak na si Jesucristo. Sa Juan 17:3 at 1 ay tiniyak na ang ipinakilala ay ang Ama at maging sa 1 Juan 5:20 ay ito rin ang ipinahihiwatig. Kaya isang tahasang paninikis sa katotohanan ang pagsasabing si Jesucristo ang tinutukoy na tunay na Diyos sa 1 Juan 5:20.

Ano ang nakatatawag ng pansin sa sinasabi nilang magiging paulit-ulit daw (tautologous) kung sa Ama uli tutukoy ang banggit na "ito ang tunay na Diyos" Dahil dalawang ulit nang sinabi sa talata na ang Ama ay totoo?

Una, nalalaman pala ng mga nagtataguyod sa paniniwalang si Cristo'y Diyos na sa unang bahagi ng 1 Juan 5:20 ay dalawang ulit nang sinabing ang Ama ang totoo, bakit naisip pa nila at iginigiit pa na hindi ang Ama ang tinutukoy na totoo o tunay sa ikalawang bahagi ng talata? Anong alituntunin ng Biblia o kahit ng anumang uri ng panitikan ang nagsasabing kapag may dalawang simuno na binabanggit at may isang bagay na makalawang ulit na sinabi tungkol sa isa ay dapat na ang pangatlong pag-uulit nito ay sa isa naman tumukoy? Wala. Manapa, kung talagang dapat ulit-ulitin pa ito kahit na makapupo ay walang nalalabag na anumang batas o alituntunin.

Ikalawa, ang pagbanggit sa katotohanan ay hindi nahahangganan sa dalawang ulit lamang. Lalu na kung isasaalang-alang na may mga hindi nakaunawa o tumangging umunawa rito. Kaya kung sinabi man nang makalawa sa unang bahagi na 1 Juan 5:20 na ang totoo o tunay ay ang Ama na ipinakilala ni Cristo, hindi katakataka na bigyang-diin itong muli sa ikalawang pangungusap.

At ikatlo, hindi ito isang bagong bagay sa mga sulat ni Apostol Juan. Kung ating susuriin ang Ebanghelyo ayon kay Juan at ang kaniyang mga Sulat, makatatagpo tayo ng di-kakaunting pahayag na, marahil sa pamantayan ng iba ay, paulit-ulit o tautologous.
Pansinin natin ang mga salitang pahilis (pinalaki ko) sa mga talatang sinipi sa ibaba:

"Kung tinatanggap natin ang PATOTOO ng mga tao, ay lalong dakila ang PATOTOO ng Dios, sapagka't ito ang PATOTOO ng Dios: sapagka't ito PAPATOTOO tungkol sa kaniyang Anak."

"Ang nananampalataya sa Anak ng Dios ay may PATOTOO sa kaniya: ang hindi nananampalataya sa Dios ay ginagawang isang sinungaling ang Dios: sapagka't hindi sumampalataya sa PATOTOO na ibinigay ng Dios tungkol sa kaniyang Anak."

"At ito ang PATOTOO, na tayo'y binigyan ng Dios ng buhay na walang hanggan, at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak." (1 Juan 5:9-11)

At sa 1 Juan 4:7-8; 16 ay pansining muli kung gaanong kadalas nag-ulit si Apostol Juan ng mga salita:

"Mga minamahal, MANGAGIBIGAN tayo sa isa't isa: sapagka't ang PAGIBIG ay sa Dios; at ang bawa't UMIIBIG ay ipinanganak ng Dios, at nakakakilala sa Dios.

"Ang hindi UMIIBIG  ay hindi nakakakilala sa Dios; sapagka't ang Dios ay PAGIBIG.

"At ating nakilala at ating sinampalatayanan ang PAGIBIG ng Dios sa atin. Ang Dios ay PAGIBIG; at ang nananahan sa PAGIBIG ay nananahan sa Dios, at ang Dios ay nananahan sa kaniya."

Sa nakita nating ito na paraan ni Apostol Juan ng pagsulat ay masasabi nating talagang ang pag-uulit ng mga salita ay bahagi ng paraan o estilo ng paraan ni Apostol Juan. Dahil dito, hindi maidadahilang kaya hindi sa Ama dapat tumukoy na muli ang salitang "ito ang tunay na Dios" ay dahil magiging paulit-ulit. Bagkus, ito pa nga ang lalong nagpapatunay na sa Ama tumutukoy ang banggit na "siya na totoo", "nasa kaniya na totoo", at "tunay na Dios" sa 1 Juan 5:20.

Papaano naman natin sasagutin ang sinasabing kaya raw si Cristo ang tinutukoy na tunay na Diyos sa 1 Juan 5:20 ay dahil si Jesucristo raw ang simunong pinakamalapit sa salitang "ito"? Ang batayang ito raw ang pinakamalakas na argumento.

Kung susundan natin ang argumentong ito ng mga nagtuturong si Cristo'y Diyos, lilitaw na kailan pa ma't ang balangkas ng pangungusap ay nakatulad ng 1 Juan 5:20 (may dalawang simunong binabanggit sa unang pangungusap at ang ikalawang pangungusap ay nagsisimula sa salitang ito) ang panghalip na "ito" ay laging tumutukoy sa huling simunong binanggit o sa pinakamalapit sa panghalip na "ito". Malaking kalapastanganan ang ibubunga ng paraang ito ng pag-unawa kapag ginamit natin sa ibang mga talata ng Biblia na may ganito ring balangkas ng pangugusap. Pansinin natin ang nilalaman ng 2 Juan 1:7:

"Sapagka't maraming magdaraya na nangagsilitaw sa sanglibutan, sa makatuwid ay ang mga hindi nangagpapahayag na si Jesucristo ay napariritong nasa laman. Ito ang magdaraya at ang anticristo."

Sa talatang ito ay may dalawang simuno na binabanggit (ang mga magdaraya at si Jesucristo) sa unang pangugusap, at ang ikalawang pangugusap ay nagsisimula sa panghalip na "ito". Kung ating gagamitin ang simulaing ginagamit ng mga nagtuturong si Cristo'y Diyos sa pagpapaliwanag nila sa 1 Juan 5:20, ang dapat na tukuyin ng salitang "ito" sa 2 Juan 1:7 ay ang pinakamalapit na simuno sa panghalip na "ito" o sa pinakahuling binanggit na simuno. Sa 2 Juan 1:7 ay si Jesucristong muli ang huling binanggit. Kaya lilitaw na si Jesucristo ang tinutukoy na "Ito ang magdaraya at ang anticristo." Malaking kalapastanganan at kapusungan ito!

Maging ang nagsipag-aral ng gramatika ay hindi makapapayag sa sinasabing ang tinutukoy ng salitang "ito" (houtos sa Griego) ay si Cristo dahil lamang sa Siya ang pinakamalapit na pangngalan (noun). Nang ipaliwanag ni James Hope Moulton ang mga paggamit ng salitang "ito" o houtos sa Bagong Tipan, pinatunayan niyang ang Diyos at hindi si Cristo ang tunay na Diyos sa 1 Juan 5:20. Ganito ang sabi ni Moulton sa kaniyang aklat na pinamagatang A Grammar of New Testament Greek, p. 44:

"Houtos is very frequent in papyri and NT and as in earlier Greek refers to someone actually present..., not necessarily referring to the noun which is nearest, but to the noun which is vividly in the writer's mind (deictic).... 1 Jn. 5:20 (God, not Christ, is the true God)."

Sa Pilipino:

"Ang Houtos ay totoong madalas ginamit sa 'papyri' (mga aklat na nakabalumbon) at sa Bagong Tipan at, tulad ng gamit sa higit na makalumang Griego, ay tumutukoy sa isang talagang naroroon ... hindi kailangang tumukoy sa pinakamalapit na pangngalan, kundi sa pangngalan na pinakamalinaw sa isipan ng manunulat (deictic) ... I Juan 5:20 (Ang Diyos, hindi si Cristo, ang tunay na Diyos)." 

Pinatunayan dito na ang nagpapaliwanag tungkol sa kung alin ang tinutukoy ng panghalip na "ito" ay hindi dapat isalig sa kung alin ang pinakamalapit na pangngalan (noun) kundi sa pagtiyak kung alin ang pangngalang namamayani o siyang pinakamalinaw sa isipan ng sumulat.

Maidaragdag natin na pinakahalimbawa ang Gawa 4:10-11:

"Talastasin ninyong lahat, at ng boong bayan ng Israel, na sa pangalan ni Jesucristong taga Nazareth, na inyong ipinako sa krus, na binuhay ng Dios na mag-uli sa mga patay, dahil sa kaniya, ay nakatindig ang taong ito sa inyong harap na walang sakit.

"Siya ang bato na itinakwil ninyong mga nagtayo ng bahay, na naging pangulo sa panulok."

Bagaman tatlong pangngalan ang binanggit dito - Jesucristo, Dios, taong ito (ang may sakit na pinagaling) - at ang pinakamalayo sa banggit na "Siya ang bato" ay ang pangalang Jesucristo, gayunman walang pagtatalong si Jesucristo ang tinutukoy ng "Siya ang bato." Siya ang talagang pinapaksa sa mga talatang ito.

Gayundin naman, sa I Juan 5:20, ang talagang pinapaksa ay ang ipinakilala ng Anak, samakatwid baga'y, ang TOTOO na kinaroroonan natin, ang TOTOO na nakilala natin sa pamamagitan ni Jesucristo. Ang pangunahing simuno kung gayon ay ang Ama, kaya Siya ang tinutukoy ni Juan na "tunay na Dios at buhay na walang hanggan."

Maging ang ibang nagsipag-aral ng Biblia ay tinatanggap ang kahulugang ito:

"In the opinion of several commentators and translators thus to equate Christ and God is not what the author intended to say here. Therefore some of them prefer to follow another interpretation, which takes 'this' as a reference to the preceding 'him who is true', referring to God." (C. Haas and Swellengreball)

Sa Pilipino:

"Sa kuru-kuro ng ilang mga komentarista at tagapagsalin, ang pagparisin si Cristo at ang Diyos ay hindi siyang nais sabihin dito ng manunulat. Dahil dito, higit na gusto ng iba sa kanila na sundin ang isa pang pagpapakahulugan, na itinuturing ang 'ito' na pagtukoy sa sinusundang 'siya na totoo,' na tumutukoy sa Diyos."

Ano ang batayan ng ibang komentarista at tagapagsalin sa paniniwala na ang Ama ang talagang tinutukoy ng salitang "ito" sa I Juan 5:20? Ganito ang sabi ni Brooke Foss Westcott sa kaniyang aklat na pinamagatang The Epistle of St. John, sa pahina 196:

"As far as the grammatical construction of the sentence is concerned the pronoun, (houtos) may refer either to 'him that is true' or to 'Jesus Christ'. The most natural reference however is to the subject not locally nearest but dominant in the mind of the apostle (comp. c. ii. 22; 2 John 7; Acts iv. 11; vii 19). This is obviously 'He that is true' further described by the addition of 'His Son'. Thus the pronoun gathers up the revelation indicated in the words which precede (comp. John 1:2 note): This being this One who is true, who is revealed through in His Son, with whom we are united by His Son - is the true God and life eternal. In other words the revelation of God as Father in Christ (comp. ii. 22f) satisfies, and can alone satisfy, the need of man. To know God as Father is eternal life (John xvii. 3) and so Christ has revealed Him (c. 1.2)."

Sa Pilipino:

"Kung ang pagkakagawang pambalarila ng pangungusap ang pag-uusapan, ang panghalip, (houtos) ay maaaring tumukoy sa siya na totoo, o kaya ay kay 'Jesucristo.' Gayunpaman, ang pinakalikas na pagtukoy ay hindi sa simuno na pinakamalapit sa dako, kundi sa nangingibabaw sa isipan ng apostol (ihambing sa kapitulo ii. 22; 2 Juan 7; Gawa iv. 11; vii 19). Maliwanag na ito'y 'siya na totoo' na lalong tiniyak sa pamamagitan ng pagdaragdag ng 'kaniyang anak.' Sa gayon, tinitipon ng panghalip ang pagpapahayag na ipinakilala ng mga salitang sauna (ihambing sa Juan 1:2 nota): Itong pagiging nasa kaniya na totoo, na inihahayag sa pamamagitan ng at sa kaniyang anak, at nagkakaisa tayo sa kaniya sa pamamagitan ng kaniyang anak - ay ang tunay na Diyos at ang buhay na walang hanggan. Sa ibang salita, ang pagkakahayag ng Diyos bilang Ama kay Cristo (ihambing sa ii. 22 as.) ay nakasisiya, at siyang tanging nakasisiya, sa pangangailangan ng tao. Ang makilala ang Diyos bilang Ama ay buhay na walang hanggan (Juan xvii. 3), at dahil dito, Siya ay ipinakilala ni Cristo (kapitulo 1:2)."

Ang arguamentong ito ni Westcott na nagpapatunay na ang Ama ang talagang tinutukoy ng panghalip na "ito" ay inulit lamang ng ibang komentarista. Halos ganito rin ang pagpapaliwanag na ibinigay ni J.R.W. Sottott:

"The final sentence of verse 20 runs: This is the true God, and eternal life. To whom does 'this' refer? Grammatically speaking, it would normally refer to the nearest pareceding subject, namely his Son Jesus Christ. If so, this would be the most unequivocal statement of the deity of Christ in the New Testament, which the champions of orthodoxy were quick to exploit against the heresy of Arius. Luther and Calvin adapted this view. Certainly it is by no means an impossible interpretation. Nevertheless, 'the most natural reference' (Westcott) is to HIM THAT IS TRUE. In this way the three references to "the true" are the same Person, THE FATHER, and the additional points made in the apparent final repetition are that it is 'this' ONE, namely the GOD MADE KNOWN by Jesus Christ,..." (The Epistle of John: An Introduction and Commentary, p. )

Sa Pilipino:

"Ang huling pangungusap ng talatang 20 ay nagsasabi: Ito ang tunay na Diyos, at ang buhay na walang hanggan. Kanino tumutukoy ang 'ito'? Kung balarila ang ping-uusapan, karaniwang tumutukoy ito sa pinakamalapit na naunang simuno, na ito'y ang kaniyang anak na si Jesucristo. Kung ganito, ito ang pinakamaliwanag na pahayag ukol pagka-Diyos ni Cristo sa Bagong Tipan, na ito'y mabilis na pinagsamantalahan ng mga tagapagtaguyod ng 'orthodoxy' (ang paniniwalang dapat manghawak sa mga aral na tinanggap o establisado na) laban sa erehiya ni Ario. Tinanggap at binago nina Lutero at Calvin ang palagay na ito. Talagang pupuwede ang pagpapakahulugang ito. Gayunman, 'ang pinakalikas na pagtukoy' (Westcott) ay sa SIYA NA TOTOO. Sa ganitong paraan, ang tatlong pagtukoy sa "ANG TOTOO" ay iisang Persona, ANG AMA, at ang mga karagdagang sinabi sa wari'y huling pag-uulit ay nagsasabing ang ISANG 'ITO' ANG SIYANG DIYOS NA IPINAKILALA NI JESUCRISTO..."

Talagang hindi maitatatwa na ang tinutukoy ng salitang "ito" sa ikalawang pangungusap ng 1 Juan 5:20 ay ang Ama. Ang Ama ang namamayaning paksa sa talatang ito. Ang Ama ang ping-uukulan ng unang panghalip na binanggit: SIYA ("upang ating makilala SIYA na totoo"). Siya rin ang ping-uukulan ng ikalawang panghalip na binanggit: KANIYA ("at tayo'y nasa KANIYA na totoo"); at maging ng ikatlong panghalip na ginamit: KANIYANG (sa KANIYANG Anak na si Jesucristo").

Kaya sa takbo ng pangungusap dito ni Apostol Juan, talagang ang pangunahing simuno na nasa isip niya ay ANG AMA. Ang lahat ng ginamit niyang panghalip kasama na ang ginamit niya sa simula ng ikalawang bahagi ng 1 Juan 5:20 ("ito") ay tumutukoy sa AMA. At kahit ang higit na malapit na pangngalan sa panghalip na "ito" ay ang Jesucristo, HINDI NABABAGO na ang "ITO" ay TUMUTUKOY SA AMA, hindi kay Cristo. Kaya, ang diumano'y pinakamalakas na argumento ng mga nagtuturong si Cristo'y Diyos sa 1 Juan 5:20 ay, sa katotohanan, SIYANG PINAKAMAHINA.

Ngunit bakit inakala ng maraming tao na si Jesucristo ang ipinakikilalang tunay na Diyos sa 1 Juan 5:20?

Ang nakaimpluwensiya nang malaki sa kanila ay ang banggit na "SA MAKATUWID ay sa kaniyang Anak na si Jesucristo" (EVEN in his Son Jesus Christ" - KJV. Ang salitang "samakatuwid ay" (even) ay wala sa orihinal na tekstong Griego. Ang salitang ito ay idinagdag lamang ng mga nagsalin at ang pagdaragdag na ito ay ipinahiwatig nila sa pamamagitan ng paglilimbag sa salitang ito sa paraang italics (pahilis na pagsulat) gaya ng makikita sa saling King James at maging sa Tagalog. Upang huwag nang pagtalunan pa kung totoo o hindi na kapag italics ang pagkakasulat ng salita ay nangangahulugang wala nga ito sa orihinal. Sipiin natin ang paliwanag ng mga naglimbag ng Biblia:

Words in Italics
"Readers of some translations of the English Bible, notably the King James Version, now and again come upon words which are printed in italics; that is to say, with slanting letters. Some have supposed, mistakenly that these words were printed in this fashion for emphasis. This is not the case. The explanation, really, is quite simple. The words in italics are words which do not have any equivalent in Hebrew or Greek text. They are words which have been supplied by the translators in order to make the meaning of the sentence clearer or in order to make the passage read more smoothly in English." (Holy Bible with Helps: Revised Standard Version. Thomas Nelson & Sons, 1962)

Sa Pilipino:

Mga Salita sa 'Italics'
"Ang mga nagbabasa ng ilang salin ng Bibliang Ingles, lalo na ang 'King James Version', ay nakakatagpo kung minsan ng mga salita na nakalimbag sa 'italics;' na ang ibig sabihin nito'y nakahilig ang mga titik. Maling ipinalagay ng iba na inilimbag ang mga salitang ito sa ganitong paraan upang bigyang diin. Hindi ito ang katotohanan. Ang totoo, ang pagpapaliwanag ay napakadaling unawain. Ang mga salitang nakalimbag sa 'italics' ay ang mga salita na walang katapat sa salitang Hebreo o Griego. Ito ang mga salita na idinagdag ng mga tagapagsalin upang gawing malinaw ang kahulugan ng pangungusap, o kaya upang maging higit na makinis ang pagbasa ng sipi sa Ingles."

Dito'y malinaw na sinasabing ang mga salitang italicized sa mga saling Ingles lalo na sa King James Version ay idinagdag lamang ng mga nagsalin--minsan ay upang linawin daw ang kahulugan at minsan naman ay upang kuminis daw ang takbo ng pangungusap sa Ingles. Subalit sa kaso ng 1 Juan 5:20, ANO ANG LAYUNIN NG MGA NAGSALIN SA PAGDARAGDAG NG SALITANG EVEN ("SAMAKATUWID")? Ganito ang sabi sa The Interpreter's Bible. Vol. XII, p. 301:

"The KJV, by adding here the word EVEN, implies that HIM THAT IS TRUE now refers TO CHRIST."

Sa Pilipino:
"Sa pamamagitan ng pagdaragdag ng salitang EVEN, ang KJV ay nagpapahiwatig na ang HIM THAT IS TRUE (SIYA NA TOTOO) ay TUMUTUKOY NGAYON KAY CRISTO."

Pinatutunayan din ito sa aklat na pinamagatang Epistle of St. John (Ed. by A. Plummer, Cambridge, 1954) sa pahina 171-172:

"Omit 'even' which has been inserted in A.V. and R.V. to make 'in him that is true' refer to Christ."

Sa Pilipino:

Laktawan ang 'even' na isiningit sa A.V. at R.V. upang piliting tumukoy kay Cristo ang 'him that is true.'"

Samakatuwid ang pagkakaragdag ng salitang even sa KJV ay hindi upang linawin ang kahulugan ni pakinisin ang takbo ng pangungusap sa Ingles kundi upang magpasok ng isang aral na naiiba sa itinuturo ng Biblia. Sinikap nilang pilipitin o isinsay ang sinasabi sa talata upang mapaukol kay Cristo ang pariralang SIYA NA TOTOO upang sa kaniya na rin mapaukol ang sumusunod na pangungusap, ITO ANG TUNAY NA DIOS AT ANG BUHAY NA WALANG HANGGAN.

KUNG AALISIN ang idinagdag na ito NA SIYA NAMANG NARARAPAT GAWIN, hindi na mapipilit na iyukol kay Cristo ang ikalawang pangungusap sa 1 Juan 5:20.

At lalong magiging malinaw na talagang ang AMA ang tinutukoy na TUNAY NA DIOS kung isasaalang-alang na mabuti ang nilalaman ng talata. Pansinin nating muli:

Ayon kay Apostol Juan, naparito ang Anak ng Diyos upang bigyan tayo ng pagkaunawa na makilala natin ang TOTOO. Ang Anak ay may ipinakilala at ang ipinakilala Niya ay Siya nating kinaroroonan.

 Samakatuwid kaya natin nakilala ang totoo ay DAHIL IPINAKILALA SIYA NI CRISTO: NAKILALA NATIN SIYA SA PAMAMAGITAN NG KANIYANG ANAK NA SI JESICRISTO. Ang katotohanang ito ang inihahayag sa salin ng New English Bible (NEB) sa 1 Juan 5:20:

"We know that the Son of God has come and given us understanding to know him who is real; indeed we are in him who is real, since we are in his Son Jesus Christ. This is the true God, this is eternal life."

Sa Pilipino:

"Alam natin na naparito ang Anak ng Diyos at tayo'y binigyan ng pagkaunawa upang makilala siya na totoo; sa katunayan tayo'y nasa kaniya na totoo, sapagkat tayo'y nasa kaniyang Anak na si Jesucristo. Ito ang tunay na Diyos, ito ang buhay na walang hanggan."

Tama ang pagkakasaling ito na nagsasabing kaya tayo'y nasa Diyos na totoo (o sa Ama) ay sapagkat tayo'y nasa Kaniyang Anak na si Jesucristo. Subalit maaaring sabihing ang banggit na "since we are" ay idinagdag din gaya ng pagkakaragdag ng "even" sa KJV at RV.

Kahit hindi dagdagan, at talaga namang hindi dapat magdagdag, ang diwang ito pa rin ang lilitaw kung ating susuriing mabuti ang talata. Sa Griego, ang banggit na IN HIS SON JESUS CHRIST ay katumbas ng EN TO HUIO AUTOU IESOU CHRISTO. Ang salitang EN na isinaling IN ay may mga kahulugang gaya ng mga sumusunod:

"EN ... I. Of place, in, at ... II. Of the instrument or means, with, by, by means of... (The Classic Greek Dictionary. p. 221).

Sa Pilipino:

"EN ... Ukol sa dako, sa, nasa ... II. Ukol sa kasangkapan o paraan, kasama ng, sa pamamagitan ng, sa kaparaanang..."

Kaya kung maaari mang isalin ang en na "in" ay maaari din itong isalin na "BY MEANS OF" o "THROUGH".

Halimbawa, sa Roma 6:23 (MB) ay sinasabi ang ganito:

"Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na Panginoon natin."

Ang isinalin dito na "sa pamamagitan" ay ang salitang en sa Griego (tingnan sa Interlinear Greek-English New Testament). Sa boong Bagong Tipan, ang salitang Griegong EN ay 37 beses isinalin na THROUGH at 142 beses isinalin na BY (Young's Analytical Concordance to the Bible, p. 68). Hindi katakataka na sa salin ng mga Saksi ni Jehova, New World Translation, ang 1 Juan 5:20 ay isinaling:

"But we know that the Son of God has come and he has given us intellectual capacity that we may gain knowledge of the true one. And we are in union with the true one, by means of his son Jesus Christ. This is the true God and life everlasting."

Sa Pilipino:

"Subalit alam natin na naparito ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng kakayahang pang-kaisipan, upang magtamo tayo ng kaalaman ukol sa kaniya na totoo. At nagkakaisa tayo sa kaniya na totoo, sa pamamagitan ng kaniyang anak na si Jesucristo. Ito ang tunay na Diyos at ang buhay na walang hanggan."

At ayon kay A. Plummer (Epistles of St. John, pp. 171-172):

"Tyndale boldly turns second 'in' into 'through': 'we are in him that is true, THROUGH his son Jesus Christ.'"

Sa Pilipino:

"Si Tyndal ay buong tapang na ginawang 'through' ang ikalawang 'in,': 'tayo'y nasa kaniya na totoo, sa PAMAMAGITAN ng kaniyang Anak na si Jesucristo.'"

Ang paggamit ng THROUGH bilang katumbas ng EN sa Griego sa 1 Juan 5:20 ay masusumpungan din sa saling New Life Testament at sa salin ni Goodspeed:

"We know God's Son has come. He has given us the understanding to know him who is the true God. We are joined together with the true God THROUGH his Son, Jesus Christ. He is the true God and the life that lasts forever." (Alam nating naparito ang Anak ng Diyos. Binigyan niya tayo ng pagkaunawa upang makilala natin kung sino ang tunay na Diyos. Pinag-isa tayo sa tunay na Diyos sa PAMAMAGITAN ng kaniyang Anak, na si Jesucristo. Siya ang tunay na Diyos at ang buhay na tumatagal magpakailanman.) -- New Life Testament

"And we know that the Son of God has come, and has given us power to recognize him who is true: and we are in union with him who is true, THROUGH his Son, Jesus Christ. He is the true God and eternal life." (At alam natin ang Anak ng Diyos 
Sapagka't maraming magdaraya na nangagsilitaw sa sanglibutan, sa makatuwid ay ang mga hindi nangagpapahayag na si Jesucristo ay napariritong nasa laman. Ito ang magdaraya at ang anticristo.ay naparito, at binigyan niya tayo ng kapangyarihan upang makilala siya na totoo: at nagkakaisa tayo sa kaniya na totoo, sa PAMAMAGITAN ng kaniyang Anak, na si Jesucristo. Siya ang tunay na Diyos at ang buhay na walang hanggan.) -- Goodspeed

Kaya kung aalisin natin ang salitang EVEN na gaya nga ng nasabi na sa unahan ay SIYA NAMANG NARARAPAT GAWIN, ay hindi na mapalilitaw na si Cristo ang KANIYA na binanggit sa pariralang "tayo'y nasa kaniya na totoo", at tiyak nang HINDI KAY CRISTO MAPAPAUKOL ang banggit na "ito ang tunay na Dios." At kung tatanggapin na ang tamang salin dito ng EN ay THROUGH o BY MEANS OF (SA PAMAMAGITAN) ay LALONG LILINAW na KAYA TAYO NASA AMA at KAYA NATIN SIYA NAKILALA ay DAHIL SA o SA PAMAMAGITAN ng Kaniyang Anak na si Jesucristo.

Masasabi natin kung gayon na DAHIL SA MALING PAGKAKASALIN ng 1 Juan 5:20 NAIPAGKAMALI ng marami na si Cristo ang ipinakikilala doon na tunay na Diyos. Ito sana'y hindi dapat mangyari yayamang ang idinagdag na salita (EVEN) ng mga nagsalin ay INAAMIN nila at IPINAKITA (sa pamamagitan ng paglilimbag dito sa paraang ITALICS) na KARAGDAGAN lamang. Kung bakit dito sa idinagdag na salitang ito nagbatay ang mga nagtuturong si Cristo'y Diyos ay nagpapatunay lamang na lubhang napakahina ng kanilang saligan sapagkat hindi nagsalig sa tunay na salita ng Diyos.


Kinopya mula sa:
PASUGO • MAYO-HUNYO 1984 • PAHINA 31-36

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento