Miyerkules, Disyembre 4, 2019

MAY BABALA BAGO IGAWAD ANG HATOL

MAY BABALA BAGO IGAWAD ANG HATOL

Ang hatol ng Dios sa mga gumagawa ng masama ay hindi Niya kaagad iginagawad. Ito ang kahayagan ng malaking pag-ibig at pagpapahinuhod ng Diyos upang ang tao ay mabigyan ng pagkakataong magbago at hindi mapahamak:

"Hindi mapagpaliban ang Panginoon tungkol sa kaniyang pangako, na gaya ng pagpapalibang ipinalalagay ng iba; kundi mapagpahinuhod sa inyo, na hindi niya ibig na sinoman ay mapahamak, kundi ang lahat ay magsipagsisi." (II Pedro 3:9)

BABALA BAGO ANG BAHANG GUNAW 
Ang isa sa mga kahayagan ng pagpapahinuhod ng Diyos ay noong bago Niya gunawin ang unang sanglibutan sa pamamagitan ng baha:

"Na nang unang panahon ay mga suwail, na ang pagpapahinuhod ng Dios, ay nanatili noong mga araw ni Noe, samantalang inihahanda ang daong, na sa loob nito'y kakaunti, sa makatuwid ay walong kaluluwa, ang nangaligtas sa pamamagitan ng tubig." (I Pedro 3:20)
Ang bigat ng kasalanang ginawa ng tao sa panahon ni Noe (cf. Gen.6:1-5,7) ay sapat nang dahilan upang igawad ng Diyos ang kanyang parusa sa kanila. Ngunit hindi Niya ito ginawa kaagad, sa halip ay nagpahinuhod muna Siya at nagbigay ng pagkakataon upang ang mga tao ay magbago at ihindi mapahamak. Bilang katunayan, inutusan ng Diyos si Noe na ipangaral ang matuwid na pamumuhay samantalang inihanda ang daong:

"Dahil sa kasalanan ng tao noong unang panahon, ginunaw ng Diyos ang daigdig sa pamamagitan ng baha. Wala siyang iniligtas maliban kay Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay, at ang pito niyang kasama." (II Pedro 2:5, MB)

Samantalang inihanda ni Noe ang daong, hindi niya inilihim sa mga tao na may malaking kapahamakan o paglipol na magaganap at ang daong ang tanging kaparaanan upang sila ay maligtas sa kapahamakang iyon. Gayunman, hindi sila naniwala sa kaniyang ibinabala. Sa halip na tumugon, sila ay nagwalang-bahala. Hindi rin nila itinuwid ang kanilang buhay. Lahat ng nagwalang- bahala sa katotohanan ay napahamak. Walong tao lamang ang naligtas--si Noe at ang pito niyang kasama sa daong--dahil sa kanilang pakikinig sa babala ng Diyos at pagtalima sa Kaniyang utos.

PAGLIPOL SA SODOMA AT GOMORRA May isa pang pangyayari na inilalahad ang Biblia na ngapapatunay na bago igawad ng Diyos ang hatol ay nagbibigay muna Siya ng pagkakataon upang ang tao ay hindi maparusahan. Ito ay ang pangyayari sa mga bayan ng Sodoma at Gomorra.

Dahil sa kanilang kasamaan, ang mga bayan ng Sodoma at Gomorra ay itinakdang wasakin ng Diyos. Subalit sinabi ng Diyos na hindi Niya itutuloy ang parusang inilalaan Niya kung mayroon man lang Siyang makikitang kahit sampung taong matuwid.(cf. Gen. 18:16-32, MB). Samakatuwid, nagbigay ng malaking pagkakataon ang Diyos sa mga bayang yaon. Ngunit dahil sa hindi man lamang umabot sa sampu ang matuwid sa Sodoma at Gomorra, itinuloy ng Diyos ang Kaniyang parusa sa kanila.
Gayunman, si Lot na isang taong matuwid, kasama ang kaniyang sambahayan, ay hindi idinamay ng Diyos. Nag-utos ang Diyos ng mga anghel upang iligtas sila mula sa kaparusahan (cf. Gen.19:12-17).

Ano ang dapat maunawaan ng lahat sa ginawa ng Diyos sa paglipol sa bayan ng Sodoma at Gomorra?

"At pinarusahan niya ng pagkalipol ang mga bayan ng Sodoma at Gomorra na pinapaging abo, nang maging halimbawa sa mga magsisipamuhay na masama." (II Pedro 2:6) 
Ang paglipol na ginawa ng Diyos sa Sodoma at Gomorra ay isang malinaw na katunayang paparusahan Niya ang mga taong masama. Ito ang dapat na maunawaan at makatawag-pansin sa mga nawiwili sa paggawa ng kalikuan. Ang pagpapahinuhod ng Diyos ang dapat umakay sa kanila upang magsisi. Hindi nila dapat ipagwalang-bahala ang pagkakataong ibinibigay ng Diyos sapagkat magwawakas din ang Kaniyang pagpapahinuhod.
Bakit kahit ang Diyos ay pag-ibig at mapagpahinuhod ay magwawakas ang pagkakataong Kaniyang ibinibigay sa mga taong masama kung hindi sila magbago? Ano ba ang kahulugan para sa Diyos ng hindi pagtugon ng tao sa pagbabagong Kaniyang hinihingi?
"O hinahamak mo ang Diyos, sapagkat siya'y napakabuti, mapagpigil, at mapagpaumanhin? Hindi mo ba alam na binibigyan ka niya ng pagkakataong magsisi at magbagong-buhay kaya napakabuti niya sa iyo?

" Ngunit dahil sa katigasan ng iyong ulo at di pagsisisi, pinabibigat mo ang parusang ipapataw sa iyo sa paghahayag ng poot ng Diyos sa Araw ng kanyang paghatol." (Roma 2:4-5, MB)

BABALA SA PANAHONG CRISTIANO 
Kung paanong sa unang sanlibutan at sa mga bayan ng Sodoma at Gomorra ay nasumpungan ng Diyos ang labis na kasamaan ng tao, gayon ang patuloy Niyang nakikita maging sa ating panahon:

"Tandaan mo ito: mababatbat ng kahirapan ang mga huling araw. Ang mga tao'y magiging makasarili, gahaman sa salapi, palalo, mayabang, mapang-alipusta, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos.

"Bukod dito, magiging malupit sila, walang habag, mapanirang-puri, mapusok, marahas, at mamumuhi sa mabuti.

"Hindi lamang iyan, sila'y magiging taksil, walang taros, palalo, at mahilig sa kalayawan sa halip na sa mga bagay na ukol sa Diyos. Sila'y mgkukunwang may pananampalataya ngunit hindi naman makikita sa buhay nila ang kapangyarihan nito." (II Tim. 3:1-5, MB)

Tulad ng ipinagpauna ng Biblia, sa mga huling araw na ito ay magiging labis ang kasamaan ng tao. Ang katotohanang ito ay malinaw na natutupad. Katunayan, ang mga karumaldumal na krimen ay nagaganap sa iba't ibang panig ng daigdig. Kapansin-pansin ang malubhang pagsama at patuloy na paglala ng ugali ng tao sa kasalukuyan.

Subalit dapat nating tandaan na ang lahat ng masama at makasalanan ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos (cf. I Cor.6:9-10). Bagkus, ang Diyos ay nagtakda ng araw kung kailan Kaniyang ihahayag ang Kaniyang poot at parusa sa lahat ng taong masama:
"Nguni't ang sangkalangitan ngayon, at ang lupa, sa pamamagitan ng gayon ding salita ay iningatang talaga sa apoy, na itinataan sa araw ng paghuhukom at ng paglipol sa mga taong masama.
 
"Datapuwa't darating ang araw ng Panginoon na gaya ng magnanakaw; na ang sangkalangitan sa araw na iyan ay mapaparam na kasabay ng malaking ugong, at ang mga bagay sa langit ay mapupugnaw sa matinding init, at ang lupa at ang mga gawang nasa lupa ay pawang masusunog." (II Pedro 3:7, 10)

Itinakda ng Diyos ang araw ng Paghuhukom, ang paglipol sa lahat ng taong masama. Ang araw na ito ay darating na gaya ng magnanakaw. Sa araw na ito magwawakas ang pagpapahinuhod ng Diyos sa lahat ng nagwalang-bahala sa ibinigay Niyang pagkakataong magsisi at magbago. Kaya bago dumating ang araw na ito, kailangan maisagawa na tao ang kaukulang paghahanda upang hindi makasama sa mga lilipulin at paparusahan.

ANG PARAAN SA IKALILIGTAS
Ang Diyos ay hindi  nagkukulang kailanman sa pagpapaalaala at pagbibigay ng babala bago Niya isagawa ang Paghuhukom. Sa pamamagitan ng Biblia ay itinuro Niya kung ano ang kailangan ng tao upang maligtas:

"Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa. At ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos sa pamamagitan niya." (Roma 5:8-9, MB)

Ang kailangan ay mapawalang-sala ang tao sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. Ito lamang ang tanging paraan upang makatiyak ang tao ng kaligtasan mula sa poot ng Diyos. Ang napawalang-sala o tinubos ng dugo ni Cristo na nakatitiyak ng kaligtasan ay ang Iglesia Ni Cristo (cf. Gawa 20:28, Lamsa).

Sa panahong Cristiano, ang kailangan gawin ng tao upang mailigtas siya ng Panginoong Jesucristo sa kaparusahan sa araw ng Paghuhukom ay ang pag-anib sa Iglesiang tinubos ng dugo ni Cristo--ang Iglesia Ni Cristo.

Habang may pagkakataon, dapat samantalahin ng tao ang panahong ito na ibinibigay ng Diyos para sa kaniyang ikaliligtas--at hindi kung kailan huli na ang lahat.

Source: Pasugo/July 1997 • Page 47-48
Emphasis: Admin.
Inaanyayahan po namin kayo sa aming mga pagsamba at mga dako ng doktrina.

1 komento: