Lunes, Disyembre 1, 2014

TUNGKOL SA PAGRUROSARYO NG MGA KATOLIKO

TUNGKOL SA PAGRUROSARYO
NG MGA KATOLIKO



Ang mga katoliko ay may ginagawang pagdarasal na kung tawagin nila ay Santo Rosario.  Ito’y boong katapatang isinasagawa nila.  Sa mga simbahan ay isinasagawa ito at ginagamitan pa ng mga loud speaker upang marinig ng boong bayan.  Madalas ding nakakakita tayo sa mga sasakyan ng mga nagdarasal ng rosaryo (may mga butil-butil na binibilang ang nagdarasal upang matiyak niya na natapos niya ang rosaryo).  Paniwalang-paniwala ang gumagawa nito na siya’y nababanal sa kanyang pagrurosaryo.  Asang-asa siyang ang kanyang ginagawang pagrurosaryo ay mula sa utos ng Diyos, kaya ito’y buong katapatan niyang tinutupad.  Bihirang katoliko ang nakakaalam ng pinagmulan ng pagrurosaryo; at kung nalalaman nila marahil na itong pagrurosaryo ay hindi mula sa utos ng Diyos, kundi nakalalabag pa sa utos ni Jesus, walang katolikong magrurosaryo kailanman.  Kaya inaanyayahan namin ang mga kababayang katoliko na suriin ang bagay na ito sa liwanag ng mga salita ng Diyos na nasusulat sa Banal na Kasulatan.

Ang pinagmulan ng isinasagawang
pagrurosaryo ng mga katoliko
     Ano ang pinagmulan ng isinasagawang pagrurosaryo ng mga katoliko?  Hindi ako ang sasagot sa tanong na ito; hindi rin ang Biblia, sapagka’t hindi mula sa utos ng Diyos itong pagrurosaryo.  Ang pasagutin natin ay ang mga paring katoliko na rin, sapagka’t ito ay aral nila.  Sa aklat ng mga katoliko na pinamagatang The Catholic Encyclopedia, Vol. 13, pahina 184, ganito ang sinasabi kung isasalin sa wikang Pilipino:

     “Ang gayunding leksiyon o aralin ukol sa pagdiriwang ng Banal na Rosaryo (Santo Rosario) ay nagpapahiwatig sa atin na nang ang mga tumututol na Albigensiano ay namumuksa sa bansa ng Tolosa, matiyagang hinanap ni Sto. Domingo ang tulong ng Ating Birhen at inutusan siya nito, ‘ganito ang ayon sa sali’t saling sabi,’ na ipangaral ang Rosaryo sa gitna ng mga tao bilang isang lunas sa pagtutol at pagkakasala.

     “Na ang maraming papa’y nagsasabi ng ganito, ay hindi mapag-aalinlanganang katotohanan, at ayon naman sa iba mayroon tayong maraming sunud-sunod na sulat na nagpasimula noong 1883, na ipinasiya ni Papa Leon XIII, na samantalang ipinag-uutos ang ganitong uri ng pagsamba ng mga mananampalataya, sa lalong matapat na pangungusap, ay siyang nagpapatibay sa pagtatatag ng Rosaryo ni Sto. Domingo na maging isang katotohanang pinatutunayan ng kasaysayan.”

     Maliwanag ang patotoong ito ng aklat-katoliko.  Hindi mula sa utos ng Diyos ang pagrurosaryo kundi sali’t saling sabi (tradicion) lamang mula sa kanilang tinawag na si Sto. Domingo.  Noong (daw) ang mga tumututol na Albegensiano ay namumuksa sa bansa ng Tolosa, matiyaga raw hinanap ni Sto. Domingo ang tulong ng Mahal na Birhen, at inutusan daw siya nito (ayon sa sali’t saling sabi) na ipangaral ang Rosaryo sa gitna ng mga tao bilang isang lunas sa erehiya at pagkakasala.

     Kung itong pagrurosaryo ay sali’t saling sabi lamang at hindi utos ng Diyos, bakit ito’y tinanggap at pinahalagahan ng mga katoliko?  Mula sa aklat na ating sinipi ay sinasabi na mula kay Domingo ay nagpasalin-salin sa bibig ng maraming Papa ang pagtuturo ukol sa rosaryo, at upang maging isang utos sa pagsamba ng mga katoliko, gumawang sunud-sunod na sulat ang papang si Leon XIII, mula noong 1883, na ito’y nararapat pahalagahan ng mga katoliko.  Kaya’t mula noon ang pagrurosaryo ay naging isang mahalagang dasal ng mga kaanib sa Iglesia Romana, at naniniwala silang sa pamamagitan nito’y matatamo nila ang tulong ni Birhen Maria.  Nguni’t tandaan natin, hindi galing sa utos ng Diyos ang pagrurosaryo, ni hindi mula sa sugo ng Diyos, at hindi ugali ng mga Cristiano.

     Dapat ba itong sundin ng mga tunay na kumikilala sa Diyos?  Tunghayan ninyo ang sinasabi ng Diyos sa Deut. 12:32:  “Kung anong bagay ang iniuutos ko sa iyo, ay siya mong isasagawa: huwag mong dadagdagan, ni babawasan.”    Malinaw ang sabi ng Diyos;  kung ano lamang ang Kanyang iniuutos ay siya lamang nararapat isagawa ng tao; hindi nararapat dagdagan iyon, hindi rin dapat bawasan.  Ang Diyos ay walang ipinag-uutos na pagrurosaryo, walang dapat isagawa ang tao.  Kapag ito’y isinagawa natin, hindi na ito utos ng Diyos; ito’y dagdag na.  Bawal naman ang magdagdag.  Ang magdagdag ay daragdagan ng mga salot at ang magbawas o mag-alis ay aalisin ang kanyang bahagi sa punong kahoy ng buhay at sa Bayang Banal (Apoc. 22:18-19).  Kahit isang tuldok o isang kudlit ay hindi ipinahihintulot na idagdag o bawasin sa kautusan ng Diyos (Mat. 5:18-19).  Samakatuwid, dapat malaman ng sambayanang katoliko na ang kanilang pagrurosaryo ay hindi utos ng Diyos kundi utos lamang ng tao.

     Ano ang kasamaan sa pagsunod sa hindi utos ng Diyos?  Sa Juan 17:17, ay sinabi ng ating Panginoong Jesucristo:  Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo'y katotohanan.  Dito’y ipinakikilala ni Jesus na ang kabanalan ay nasa pagsunod sa mga salita ng Diyos na siyang katotohanan.  Kaya’t kung hindi utos ng Diyos ang ating sinusunod kundi utos ng tao, gaya ng pagrurosaryo, hindi kabanalan ang ating nagagawa kundi kasalanan.  Bakit naman ang mga utos ng Diyos ang dapat sundin ng tao?  Sapagka’t ang pagkilala sa Diyos ay ang pagsunod sa Kanyang mga utos (I Juan 2:3).  Nagiging sakdal ang pag-ibig ng Diyos sa sinumang tumutupad ng Kanyang mga utos.  Dahil dito’y nalalaman nating tayo’y nasa Kanya (I Juan 2:5).  Ang taong nagsasabing nakikilala niya ang Diyos datapuwa’t hindi tumutupad ng Kanyang mga utos ay sinungaling (I Juan 2:4), at kung sinungaling ay anak ng diablo, at ang bahagi nito’y sa dagat-dagatang apoy at asupre na siyang ikalawang kamatayan (Juan 8:44; Apoc. 21:8).

Nagbubulaan si Domingo sa pagsasabing si Birhen Maria
ang nag-utos sa kanya ng pagrurosaryo
     Sinasabi ng The Catholic Encyclopedia na ating sinipi sa unahan nito na nakausap ni Domingo si Birhen Maria at umano’y inutusan siya nito na ipangaral sa mga tao ang Rosaryo.  Totoo kaya ito?  Nagkausap nga kaya ang dalawa?  Kailan ba nabuhay si Birhen Maria?  Noong unang siglo.  At ayon din sa aklat ng mga Katoliko (Compendio Historico de la Religion, p. 499-501), buhay pa ang mga Apostol nang mamatay si Birhen Maria at inabot ng pitumpong taong mahigit ang kanyang buhay dito sa lupa, at siya’y inilibing na halos ay di mabilang ang mga taong naghatid sa kanya sa libingan, sa isang hukay na sadyang pinagyaman at talaga raw inilaan para sa mahal na bangkay.  Kailan naman nabuhay itong tinatawag ng mga katoliko na si Sto. Domingo? —Si Sto. Domingo de Guzman, isang kastila, ay nabuhay noong ikalabindalawang siglo (1170-1221) sa Espana (Miniature Stories of the Saints—article, St. Dominic:  Europe Before Modern Times, p. 360; Gen. Hist., p. 421).  Samakatuwid, matagal nang patay si Birhen Maria noong panahon ni Domingo.  Papaano nakausap ni Mang Inggo itong Mahal na Birhen na mahigit nang isang libong taong patay?  Kaya maliwanag na itong si Mang Inggo ay nagbubulaan sa pagsasabing si Birhen Maria ang nag-utos sa kanya ng pagrurosaryo.

     Tangi rito, ano ba ang kalagayan ng isang patay kaya hindi ito maaaring kausapin ng sinuman?  Sa Ecles. 9:5-6, ay ganito ang sinasabi:

“Sapagka't nalalaman ng mga buhay, na sila'y mangamamatay: nguni't hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay ni mayroon pa man silang kagantihan; sapagka't ang alaala sa kanila ay nakalimutan.

“Maging ang kanilang pagibig, gaya ng kanilang pagtatanim at ng kanilang pananaghili ay nawala ngayon; na wala man silang anomang bahagi pa na magpakailan man sa anomang bagay na nagawa sa ilalim ng araw.”

     Maliwanag ang sinasabing ito ng mga salita ng Diyos; na ang taong patay ay wala nang anumang malay, at hindi lamang walang malay kundi wala pang pag-iisip, at siya’y nanunumbalik sa pagkalupa, ayon sa Awit 164:4.  Sa harap ng ganitong katotohana’y papaano makakausap ng taong buhay ang taong patay?  Kailanma’y hindi ito mangyayari!  Kaya isang malaking kasinungalingan ang sinasabing nakausap ni Domingo si Birhen Maria at umano’y inutusan siya nito na ipangaral ang rosaryo sa mga tao.

     Kung ang sasabihin naman ng mga pari (at ito ang kanilang sinasabi) ay bumangon na si Maria mula sa libingan at umakyat sa langit, ito ang lalong kasinungalingan.  Laban ito sa mga salita ng Diyos na nasusulat sa Biblia.  Sa Job. 14:12 ay sinasabi:  “Gayon ang tao ay nabubuwal at hindi na bumabangon: hanggang sa ang langit ay mawala, sila'y hindi magsisibangon, ni mangagigising man sa kanilang pagkakatulog.”  Samakatuwid ang mga namatay na nasa libingan ay mananatili sa libingan at hindi babangon hanggang sa ng langit ay mawala.  Kailan mawawala ang langit?—Sa ikalawang pagparito ni Cristo (II Ped. 3:7, 10).  Hindi pa dumarating ang ating Panginoong Jesucristo at mayroon pang langit hanggang ngayon, kaya ang mga patay, kasama si Birhen Maria, ay hindi pa bumabangon.  Nguni’t pagdating ni Cristo, ang mga kay Cristo o ang mga Iglesia ni Cristo, na dito’y kabilang si Birhen Maria, ay unang mabubuhay na mag-uli, at ang mga nabubuhay na natitira ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin:  at sa ganito’y sasa Panginoon tayo magpakailanman.  (Tes. 4:16-17).

Kung papaano isinasagawa ng mga Katoliko
Ang kanilang pagrurosryo
     Papaano ba isinasagawa ng mga katoliko ang pagrurosaryo?  Sasagutin tayo ng aklat-katoliko, The Catholic Encyclopedia, Vol. 13, p. 134:

     “Ang Rosaryo—Sa Iglesia sa Kanluran.  Ang rosaryo, ang sabi ng kasulatang Romano, ay isang uri ng pagdarasal na dito ay ipinahahayag ang labinlimang tigsasampung ulit na Aba Ginoong Maria, kalakip ang Ama Namin sa pagitan ng sampung ulit, samantalang sa bawa’t isa sa labinlimang tigsasampu, ating ginugunita ng sunud-sunod sa isang banal na pagbubulay-bulay, ang isa sa mga hiwaga ng ating Katubusan.”

     Maliwanag na sinasabi rito na ang rosaryo ay isang uri ng dasal:  nguni’t anong uring dasal?—Dasal na paulit-ulit—Labinlimang Tigsasampung ulit na Aba Ginoong Maria, at kalakip ang isang Ama Namin sa pagitan ng bawa’t sampung ulit.  Kung gayon ilang Aba Ginoong Maria at ilang Ama namin sa isang Rosaryo?  Isang daan at limampung Aba Ginoong Maria at labinlimang Ama Namin, kaya isang daan at animnapu at limang lahat.

Nalalabag sa utos ni Jesus ang
Pagrurosaryo ng mga Katoliko
     Ang pagrurosaryo ng mga katoliko ay hindi lamang hindi mula sa utos ng Diyos kundi nalalabag pa sa utos ng ating Panginoong Jesucristo.  Bakit labag ito sa utos ni Jesus?  Sapagka’t ipinagbabawal ni Jesus ang panalanging paulit-ulit, gaya ng matutunghayan natin sa Mat. 6:7-8:

     “At sa pananalangin ninyo ay huwag ninyong gamitin ang walang kabuluhang paulitulit, na gaya ng ginagawa ng mga Gentil: sapagka't iniisip nilang dahil sa kanilang maraming kasasalita ay didinggin sila.

     “Huwag nga kayong magsigaya sa kanila: sapagka't talastas ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan, bago ninyo hingin sa kaniya.”

     Maliwanag na ipinagbabawal ni Jesus ang panalanging paulit-ulit na dasal o panalangin—sandaan at limampung paulit-ulit na Aba Ginoong Maria, at labinlimang paulit-ulit na Ama Namin.  Ang dasal na Rosaryo ay pagsalansang sa utos ni Jesus.  Dahil dito, ano ang nagagawa ng isang taong sumasalansang sa kautusan?  Sa I Juan 3:4, ay ganito ang sinasabi:

     “Ang sinomang gumagawa ng kasalanan ay sumasalangsang din naman sa kautusan: at ang kasalanan ay ang pagsalangsang sa kautusan.”

     Samakatuwid, ang sumasalansang sa kautusan ay gumagawa ng kasalanan.  Kaya ang nagrurosaryo ay gumagawa ng kasalanan, sapagka’t ang pagrurosaryo o ang panalanging paulit-ulit ay labag sa utos ni Jesus.  Kung wala kang kasalanan at nagrosaryo ka, nagkakasala ka na.  Kaya upang huwag magkasala, huwag magrosaryo.  Itakwil ang pagrurosaryo, na hindi utos ng Diyos kundi utos lamang ng tao.

Ang pinagkunan ng mga Katoliko sa
Paulit-ulit na dasal na kung tawagin ay Rosaryo
     Saan kinuha ng mga katoliko ang kanilang paulit-ulit na dasal na kung tawagin nila’y rosaryo?  Pabayaan nating sagutin tayo ng aklat-katoliko, The Catholic Encyclopedia, Vol. 13, pahina 185:

     “Kahit sa Ninive ay nasumpungan sa isang inukit na rebulto gaya ng ipinaliliwanag ni Layardo na kanyang ‘Mga Bantayog’ (I, plate 7); ‘Dalawang may pakpak na babae na nangakatayo sa harap ng isang banal na puno ng kahoy sa anyong nananalangin, ay itinataas nila ang mga unat na kamay at taglay sa kaliwa ang isang kuwintas o rosaryo.’

     “Gayunman ito ay maaari, tiyak na samga Mahometano na ang ‘Tabish’ o kuwentas ng mga butil na binubuo ng 33, 66 o 99 na butil at ginamit sa mataimtim na pagbilang sa pangalan ni Alah ay ginamit sa loob ng maraming siglo.  Sa pagdalaw ni Marco Polo sa Hari ng Malabar noong ikalabintatlong siglo ay nasumpungan niyang may paghanga na ang monarka ay gumamit ng rosaryo na bumibilang ng 104? (?108) na mahalagang bato sa pagbilang ng kanyang mga dasal.”

     Ipinaliliwanag dito sa atin ng aklat-katoliko ang tiyak na pinagkunan nila ng paulit-ulit na dasal o rosaryo.  Mga Mahometano ang unang nagsagawa nito.  Maraming ulit nilang tinatawag ang pangalan ni Alalh na kanilang Diyos, at upang matandaan nila ang bilang ng kanilang panalangin, gumagamit sila ng kuwintas na butil na binubuo ng 33, 66 o 99 na butil. Kaya’t nang dumalaw si Marco Polo sa Hari ng Malabar noong ikalabintatlong siglo, nasumpungan niyang may paghanga na ang monarka ay gumagamit ng Rosaryo na bumibilang ng 104 na mahahalagang bato sa pagbilang ng kanyang mga dasal.  Dito minana ng mga Katoliko ang kanilang ginagawang pagrurosaryo (sa mga pagano minana).  Gumagamit din sila ng mga kuwintas na butil, upang matandaan nila kung ilang paulit-ulit na Aba Ginoong Maria at Ama Namin ang kanilang nadarasal.


Ang pasya ng Diyos sa pagsambang
Nababatay sa utos ng tao
     Mayroon bang kabuluhan sa harap ng Diyos ang pagsambang nababatay sa utos ng tao?  Ano ang pasya ng Diyos sa ganitong uri ng pagsamba?  Ganito ang mababasa sa Mat. 15:9:

“Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao.”

     Dito’y tinitiyak ng Diyos na walang kabuluhan ang pagsamba sa Kanya ng mga tao, na ang sinusunod at pinagbabatayan ng pagsamba ay aral at utos ng tao.  Kaya’t matitiyak natin ngayon pa, na ang pagrurosaryo ng mga katoliko ay walang kabuluhan sa harap ng Diyos, sapagka’t ito’y hindi Niya utos kundi utos lamang ng tao.  Bakit pinawawalang kabuluhan ng Diyos ang pagsamba sa Kanya na nasasalig sa mga utos ng tao?—Sapagka’t ang mga utos ng tao ay sinsay sa katotohanan (Tito 1:14).  Alin ang katotohanan?  Ang mga salita ng Diyos (Juan 17:17).  Samakatuwid, sinsay o lisya sa kalooban ng Diyos ang mga utos ng tao, kaya ito’y walang kabuluhan sa Kanya.  Dahil dito, nasuri natin sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos na ang pagrurosaryo ay utos lamang ng tao at labag pa sa utos ni Jesus:  kaya hindi lamang ito walang kabuluhan kundi kasalanan pa sa harap ng Diyos.

Hango mula sa aklat na Isang Pagbubunyag Sa Iglesia Ni Cristo/Copyright 1964 by Iglesia Ni Cristo Church of Christ/Kabanata X/Pahina 87-93